Kabanata 28
Doktrina at mga Tipan 76:50–119
Pambungad at Timeline
Noong Pebrero 16, 1832, habang ginagawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagsasalin ng Biblia at pinagbubulayan ang kahulugan ng Juan 5:29, sila ay pinakitaan ng isang pangitain, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Sa bahagi ng pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76:50–119, ipinakita kina Joseph at Sidney ang mga naninirahan sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal at ang kahalagahan ng pagtanggap at pagiging magiting sa patotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Enero 25, 1832Si Joseph Smith ay naorden bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote [High Priesthood] sa isang kumperensya ng Simbahan sa Amherst, Ohio.
-
Mga huling araw ng Enero, 1832Bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Hiram, Ohio, para gawin ang inspiradong pagsasalin ng Bagong Tipan.
-
Pebrero 16, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 76.
-
Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay kinuha ng mga mandurumog sa gabi at walang-awang binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo sa Hiram, Ohio.
Doktrina at mga Tipan 76:50–119: Karagdagang Pinagmulang kasaysayan
Maraming naunang miyembro ng Simbahan ang dating aktibong nakikibahagi sa ibang simbahang Kristiyano at hindi pa lubusang iniiwan ang ilan sa kanilang mga dating paniniwala. Ang mga doktrinal na katotohanan na inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay hamon kung minsan sa mga natutuhan ng mga miyembrong ito sa kanilang dating relihiyon ngunit nagbigay sa kanila ng mas tamang pagkaunawa sa plano ng Diyos. Ang pagsagot ng Panginoon sa mga itinanong sa Kanya sa panahong isinasalin ang Biblia, na sinimulan ng Propeta noong Hunyo 1830 at nagpatuloy nang humigit-kumulang sa tatlong taon, ay isang mahalagang paraan ng Kanyang paghahayag ng mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga Banal. Ang pangitain na ibinigay kina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong Pebrero 16, 1832, ay ibinadya sa inspiradong pagsasalin ng Juan 5:29 sa Bagong Tipan, at lubhang pinalawak ang pagkaunawa ng mga Banal sa buhay pagkatapos ng kamatayan.
Sa panahon ni Joseph Smith, karaniwang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano na sa kabilang-buhay, itatalaga ng Diyos ang ilang tao sa langit at hahatulan ang iba na magdusa nang walang hanggan sa impiyerno. Ang pananaw na ito ay pangkaraniwan na sa mga naunang miyembro ng Simbahan. Ang ama ng Propeta, si Joseph Smith Sr., at ang lolo ng Propeta na si Asael Smith ay naniniwala sa Universalism, isang uri ng kaligtasan na para sa lahat kung saan ililigtas ng Diyos ang masasama pagkatapos nilang magdusa nang sapat. Ang mga katotohanang inihayag sa pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 ay naglalarawan ng magkakaibang antas ng langit, o ng mga kaharian ng kaluwalhatian, at kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng paghuhukom sa masasama at sa mabubuti sa mga tradisyunal na pananaw ng relihiyon tungkol sa buhay matapos ang kamatayan. (Tingnan sa Matthew McBride, “The Vision,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg [2016], 149–50, o history.lds.org.)
Nang nalaman ng mga Banal ang pangitain na ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon, nahirapang tanggapin ng ilang miyembro ang doktrina na ipinahayag ng Panginoon. Isinalaysay ni Pangulong Brigham Young (1801–1877): “Nang ihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na may isang lugar na inihanda para sa lahat, alinsunod sa liwanag na kanilang tinanggap at sa kanilang pagtakwil sa masama at sa paggawa nila ng mabuti, ito ay naging isang malaking pagsubok sa marami, at ang iba ay lubusang tumalikod dahil hindi ipadadala ng Diyos sa walang katapusang kaparusahan ang mga pagano at mga sanggol, bagkus sila ay may [lugar] ng kaligtasan, sa akmang panahon, para sa lahat, at bibiyayaan ang tapat at mabuti at makatotohanan, kabilang man sila o hindi sa anumang simbahan. Isa iyong bagong doktrina para sa salinlahing ito, at marami ang natisod dahil dito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young, [1997], 326–27).
Si Brigham Young mismo ay nahirapang unawain ang doktrinang ito noong una. Paggunita niya: “Iba ito sa mga paniniwala ko, kaya nang una kong makita ang Pangitain, kabaligtaran at salungat ito sa aking dating natutuhan. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko tinatanggihan ito; ngunit hindi ko ito nauunawaan.” Sinabi niya na kailangan niyang “mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip, hanggang sa malaman [niya] at lubos na maunawaan niya [mismo] ito” (sinipi sa McBride, “The Vision,” 150–51).
Ang paghahayag na ito ay nakilala sa mga miyembro ng Simbahan bilang “ang Pangitain.” Noong ito ay naitala, ito ang naging unang nakalimbag na ulat ng patotoo ng Propeta tungkol sa Ama at sa Anak na magagamit ng mga miyembro ng Simbahan.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa konteksto ng kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 76, tingnan ang karagdagang kasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan 76:1–49 sa naunang lesson sa manwal na ito.
Doktrina at mga Tipan 76:50–70
Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung sino ang mga tatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian
Doktrina at mga Tipan 76:50–70. “Hinggil sa kanila na babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid”
Matapos matanggap nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, mas naunawaan ng mga Banal ang buhay pagkatapos ng kamatayan. Nalaman ng mga miyembro ng Simbahan na ang Diyos ay naghanda ng iba’t ibang antas ng langit at lahat ng Kanyang anak ay mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatian, maliban sa ilan na itatatwa Siya at lalaban sa Kanyang kapangyarihan (tingnan sa D at T 76:31, 42–44, 89–98). Ang pangitaing ito rin ay una sa ilang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan na nagbibigay-diin na ang matatapat na disipulo ng Ama at ng Anak ay makatatanggap ng kadakilaan at buhay na walang hanggan, na kinapapalooban ng pinakamataas na mga pagpapala na maigagawad ng Diyos sa Kanyang mga anak. Halimbawa, ang mabubuti ay pinangakuan na tatanggap ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, at mamumuhay sa piling ng Diyos, upang matanggap ang lahat ng mayroon Siya, at maging katulad Niya at tumanggap ng kaganapan ng Kanyang kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:54–59; 81:6; 84:33–38; 88:28–29, 107; 93:19–22, 27–28).
Doktrina at mga Tipan 76:51–53. “Sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus”
Sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay pinakitaan sa pangitain ng mga yaong magbabangon sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga matwid, at narinig nila ang paglalarawan sa katapatan at mga pagpapala ng mga taong iyon. Inihayag ng Panginoon na ang mga magmamana ng kahariang selestiyal ay ang mga “yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan” (D at T 76:51). Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ako ay may tinatawag na ‘patotoo kay Jesus,’ na ibig sabihin ay nalalaman ko sa pamamagitan ng personal na paghahayag ng Banal na Espiritu sa aking kaluluwa na si Jesus ang Panginoon; na ibinigay niya ang buhay at imortalidad sa mundo sa pamamagitan ng kanyang walang hanggang katotohanan, upang tayo kasama ang mga sinauna ay maging tagapagmana ng kanyang presensya sa kawalang-hanggan” (“The Testimony of Jesus,” Ensign, Hulyo 1972, 109).
Ang pagtanggap ng patotoo tungkol kay Jesus ay nangangahulugan din na tinatanggap ng isang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, nabinyagan at tumanggap ng Espiritu Santo, nadaig ang mundo sa pamamagitan ng pananampalataya, at “ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako” (tingnan sa D at T 76:51–53). Ang antas kung saan ang isang tao ay tumatanggap ng patotoo ni Jesus at masigasig na namumuhay ayon sa patotoong iyon ay nakakaapekto sa walang hanggang gantimpala na ipinagkaloob sa kanya (tingnan sa D at T 76:51, 73–75, 79, 82).
Doktrina at mga Tipan 76:53. “Ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng Pangako”
Ang mga taong magmamana ng kahariang selestiyal ay ang mga taong nadaig ang mundo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang “Banal na Espiritu ng pangako” na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 76:53 ay ang gawain ng Espiritu Santo na ibuklod, pahintulutan, o pagtibayin ang mga ordenansa at kabutihan ng isang tapat na tao upang ang mga ordenansang iyon ay magkabisa matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa D at T 132:7). Sa pamamagitan ng pagpapamalas na ito ng Espiritu Santo, ang isang tao ay makatatanggap kalaunan ng espirituwal na katiyakan ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:13–14; D at T 88:3–5). Ang katiyakang ito ay tinutukoy kung minsan bilang isang “lalong panatag na salita ng hula” o propesiya (II Ni Pedro 1:19; D at T 131:5).
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Banal na Espiritu ng Pangako ang nagpapatibay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kapag naibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, ang isang ordenansa, sumpaan, o tipan ay may bisa sa lupa at sa langit. (Tingnan sa D at T 132:7.) Ang pagtanggap ng ‘tatak ng pagsang-ayon’ na ito mula sa Espiritu Santo ay bunga ng katapatan, integridad, at paninindigan sa paggalang sa mga tipan ng ebanghelyo ‘sa paglipas ng panahon’ (Moises 7:21). Gayunman, maaaring mabalewala ang pagbubuklod na ito sa pamamagitan ng kasamaan at paglabag” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 22).
Doktrina at mga Tipan 76:54–62. “Dahil dito, … sila ay mga diyos, maging ang mga banal na lalaki ng Diyos”
Ang matatapat na Banal na “ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako” (D at T 76:53) ay napagkalooban ng pagpapala na maging “kasamang tagapagmana ni Cristo,” na siyang Panganay ng Ama (tingnan sa Mga Taga Roma 8:14–17; tingnan din sa D at T 76:94–95; 93:21–22). Tinukoy ng Panginoon ang mga dinakilang Banal na ito bilang “simbahan ng Panganay,” at bilang mga tagapagmana ng mga yaong “kung kaninong kamay ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay” (D at T 76: 54–55; tingnan din sa D at T 76:94–95; 84:37–38). Ang mga taong nagkamit ng kanilang walang hanggang potensyal at tumanggap ng mana sa selestiyal na kaharian ay magiging mga saserdote at mga hari, mga babaeng saserdote at mga reyna, at ang kanilang kadakilaan ay kabibilangan ng mga pangako na “sila ay mga diyos” (tingnan sa D at T 76:56, 58; tingnan din sa Awit 82:1, 6; Juan 10:34; D at T 29:13; 109:75–76; 131:1–4; 132:19–20; tingnan din sa “Becoming Like God,” Gospel Topics Essay, topics.lds.org).
Pinatotohanan ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil tayo ay mga anak ng Diyos, ang ating walang hanggang tadhana ay nasa potensyal natin na maging katulad Niya:
“Dahil ang bawat buhay na kinapal ay sumusunod sa huwaran ng kanyang mga magulang, dapat ba nating isipin na may ibang kakaibang huwaran ang Diyos para sa Kanyang mga anak? Walang alinlangan na tayo, na Kanyang mga anak, ayon sa wika ng agham, ay hindi naiiba ang uri sa Kanya?
“… Maaaring nagsisimula pa lang ang ating pag-unlad—bata, o maaaring musmos pa, kumpara sa Kanya. Gayon pa man, sa mga kawalang-hanggan na darating, kung tayo ay karapat-dapat, maaari tayong matulad sa Kanya, pumasok sa Kanyang kinaroroonan, ‘[makita] ang gaya ng pagkakakita sa [atin], at [malaman ang] gaya ng pagkakaalam sa [atin],’ at makatanggap ng ‘kaganapan.’ (D at T 76:94.)” (“The Pattern of Our Parentage,” Ensign, Nob. 1984, 67–68).
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa “simbahan ng Panganay,” tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 93:21–22 sa manwal na ito.
Doktrina at mga Tipan 76:63–65. “Unang pagkabuhay na mag-uli”
Natanggap nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 habang pinagbubulayan nila ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mga inspiradong pagbabagong ito na inihayag tungkol sa Juan 5:29 ay nakatulong sa kanila na maunawaan na magkakaroon ng kaayusan sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Sila na gumawa ng mabuti [ay babangon] sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti; at sila na gumawa ng masama [ay babangon] sa pagkabuhay na mag-uli ng masasama” (D at T 76:17). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mabubuti ay tinatawag din na “unang pagkabuhay na mag-uli” (D at T 76:64) at kinabibilangan ng lahat ng mga taong magmamana ng kahariang selestiyal at terestriyal (tingnan sa D at T 88:96–99). Nagsimula ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli nang buksan ang mga libingan ng mabubuti pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 27:52–53; Mosias 15:21–24; 3 Nephi 23:9–10). Tinutukoy sa Doktrina at mga Tipan ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli bilang panahon kung kailan ang mga matwid ay magbabangon mula sa kanilang libingan sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa D at T 29:13; 45:54; 88:96–99). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng masasama, o ang “huling pagkabuhay na mag-uli” (D at T 76:85), ay kabibilangan ng mga taong magmamana ng kahariang telestiyal at ng mga anak na lalaki ng kapahamakan, at ito ay magaganap pagkatapos ng Milenyo (tingnan sa D at T 76:85; 88:32, 100–102).
Doktrina at mga Tipan 76:69. “Mga yaong matwid na tao na ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus”
Ang mga taong iniayon ang kanilang buhay sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay itinuturing na mga matwid (tingnan ang mga halimbawa sa Mateo 1:19; Enos 1:1; Mosias 2:4; Moises 8:27). Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang mga matwid na tao ay pinabanal at ginawang ganap. Ang proseso ng pagpapabanal, ay nangyayari sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo at para sa “lahat ng yaong nagmamahal at naglilingkod sa Diyos nang buo nilang kakayahan, pag-iisip, at lakas” (D at T 20:31; tingnan din sa Moroni 10:32–33.). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang proseso na magpapaganap sa atin:
“Mga kapatid, gawin natin ang lahat ng ating makakaya at sikaping magpakabuti pa bawat araw. Kapag nagkamali tayo, maaari nating sikaping itama ang mga ito. Maaari tayong maging mas mapagpatawad sa mga pagkakamali natin at ng mga minamahal natin. Maaari tayong maging panatag at mapagtiis. Itinuro ng Panginoon, ‘Hindi ninyo matatagalan ang pagharap sa Diyos ngayon … ; dahil dito, magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap’ [D at T 67:13].
“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang mga pagsisikap natin ngayon tungo sa pagiging ganap o perpekto ay parang napakahirap at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Naghihintay ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan. Kabilang dito ang mga trono, kaharian, pamunuan, kapangyarihan, at mga sakop [tingnan sa D at T 132:19]. Ito ang layunin na dapat nating pagsikapan. Ito ay pagiging perpekto na walang hanggan na ilalaan ng Diyos para sa bawat isa sa atin” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88).
Doktrina at mga Tipan 76:70. Ang kaluwalhatian ng mga katawan na nabuhay na mag-uli
Malinaw na inilahad ng mga banal na kasulatan na ang lahat ng anak ng Diyos ay mabubuhay na muli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22; Alma 11:42; 40:4). Ang walang hanggang kaharian na mamanahin ng isang taong nabuhay na mag-uli, gayon din ang katangian ng nabuhay na mag-uling katawan ng isang tao, gayunman, ay ibabatay sa kanyang katapatan at pagsunod sa mga batas ng Diyos (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42; D at T 76:96–98; 88:22–24, 28–31). Ang mga taong magmamana ng kahariang selestiyal ay magkakaroon ng mga katawang selestiyal, “na ang kaluwalhatian ay gaya ng sa araw” (D at T 76:70). Ang mga nasa kahariang terestriyal ay magkakaroon ng katawan na naiiba mula sa mga tao sa kahariang selestiyal, “maging gaya ng pagkakaiba ng [kaluwalhatian ng] buwan mula sa araw sa kalangitan” (D at T 76:71; tingnan din sa D at T 76:78). Ang telestiyal na mga katawan ay magkakaroon ng mas mababang kaluwalhatian, “gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay naiiba sa kaluwalhatian ng buwan sa kalangitan” (D at T 76:81).
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
“Sa Doktrina at mga Tipan, Bahagi 88, ipinaalam sa atin na may pagkakaiba sa mga katawan ng mga mananahanan sa ilang kaharian para makatugon sa lahat ng pangangailangan at restriksyon.
“‘At sila na hindi pinabanal sa pamamagitan ng batas na aking ibinigay sa inyo, maging ang batas ni Cristo, ay kailangang magmana ng ibang kaharian, maging yaong kahariang terestriyal, o yaong kahariang telestiyal.
“‘Sapagkat siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal.
“‘At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang terestriyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang terestriyal.
“‘At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang telestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang telestiyal; kaya nga siya ay hindi nararapat para sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Kaya nga siya ay kailangang mamalagi sa isang kaharian na hindi isang kaharian ng kaluwalhatian’ [D at T 88:21–24]. …
“Dahil ang mga katawan ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli upang umangkop sa kalagayan ng bawat tao, itatalaga ng Panginoon ang bawat lalaki at babae sa katayuang natamo ng bawat isa” (Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr. [1963], 4:64–65).
Doktrina at mga Tipan 76:71–80
Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal
Doktrina at mga Tipan 76:71–80. Mas marami pang makalangit na kaharian
Inihayag ng pangitain tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian na ang plano ng Diyos para sa ating buhay matapos ang buhay na ito ay higit pa sa karaniwang paniniwala na mayroon lamang isang langit at isang walang katapusang impiyerno. Dahil hindi pare-pareho ang kabaitan at kasamaan ng mga tao, ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844): “Sa ika-14 na kabanata ng Juan—ang ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan’ [Juan 14:2] … ay dapat gawing —‘Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian. … May mga mansiyon para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga mansiyon para sa mga yaong lumalabag sa batas; bawat tao sa kanyang sariling kaayusan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 255).
Nakita nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na ang terestriyal na daigdig ay inihanda para sa mga “yaong kaluwalhatian ay naiiba mula sa simbahan ng Panganay” (D at T 76:71). Ibig sabihin ang kaluwalhatian ng terestriyal ay nakabababa sa kaluwalhatian ng selestiyal ngunit nakatataas sa kaluwalhatian ng telestiyal (tingnan sa D at T 76:81, 91). Nalaman kalaunan ng Propeta na ang kahariang selestiyal ay binubuo ng “tatlong kalangitan o antas” (D at T 131:1). Ang kahariang telestiyal ay binubuo rin ng iba’t ibang kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:98).
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang landas na masusunod ng lahat ng anak ng Diyos sa pagtanggap ng pamana sa kahariang selestiyal. Ang walang-hanggang gantimpalang iyon ay posibleng makamtan ng lahat ng tao na pinipiling tanggapin ang ebanghelyo at gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Panginoon (tingnan sa D at T 10:50; 14:7; 20:14; 50:24).
Doktrina at mga Tipan 76:72–74. “Sila ang mga yaong namatay nang walang batas”
Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 ay nagbigay lamang ng pangkalahatang paglalarawan sa mga naninirahan sa terestriyal na daigdig. Halimbawa, ayon sa Doktrina at mga Tipan 76:72–73, ang ilan sa mga nasa kahariang terestriyal ay mga taong “namatay nang walang batas” at tinuturuan ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu. Mahalagang maunawaan na ang ilang tao na tinuruan ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu ay magmamana ng kahariang selestiyal, samantalang ang iba na tinuruan ay hindi tatanggapin ang ebanghelyo sa gayunding paraan at samakatuwid ay magmamana ng nakabababang kaharian (tingnan sa D at T 137:7–9; 138:30–37, 58–59). Bukod pa rito, may mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo ngunit magmamana ng kahariang telestiyal. Ang kaharian ng kaluwalhatian na mamamana sa huli ng bawat tao ay ibabatay sa batas na kanyang piniling tanggapin at ipamuhay (tingnan din sa D at T 88:21–24).
Doktrina at mga Tipan 76:74–75, 79. “Matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus”
Ang ilan sa mga taong magmamana ng kahariang terestriyal ay ang “mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” (D at T 76:79). Sa madaling salita, ang mga taong ito ay nagtamo ng patotoo ni Jesucristo ngunit hindi sapat na matatag para matanggap o maipamuhay ang kabuuan ng ebanghelyo at magtamo ng isang selestiyal na gantimpala. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus: “Dalangin ko na … iayon natin ang ating pag-uugali sa mararangal na layuning kailangang tuparin ng mga naglilingkod sa Panginoon. Sa lahat ng bagay dapat nating tandaan na pagiging ‘matatag sa pagpapatotoo kay Jesus’ ang malaking pagsubok na naghihiwalay sa mga kahariang selestiyal at terestriyal.[D at T 76:79]. Nais nating maparoon sa kahariang selestiyal” (“Pumili nang may Katalinuhan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 49).
Mayroong pagkakaiba sa pagkakaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at pamumuhay sa paraan na mababanaag ang patotoong iyan sa ating buhay. Inilarawan ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano tayo maaaring maging matatag sa ating pagpapatotoo kay Jesus: “‘Yaong matwid at totoo’ [D at T 76:53]! Napakaakmang paglalarawan sa isang matatag sa pagpapatotoo kay Jesus. Sila ay matapang sa pagtatanggol sa katotohanan at kabutihan. Sila ay mga miyembro ng Simbahan na tumutupad sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan (tingnan sa D at T 84:33), nagbabayad ng kanilang ikapu at mga handog, namumuhay nang may malinis na moralidad, sinasang-ayunan ang kanilang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng salita at gawa, iginagalang ang araw ng Sabbath at sinusunod ang lahat ng kautusan ng Diyos” (“Valiant in the Testimony of Jesus,” Ensign, Mayo 1982, 63).
Doktrina at mga Tipan 76:81–112
Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal
Doktrina at mga Tipan 76:84–85. “Sila ang mga yaong ihuhulog sa impiyerno”
Ang mga tatanggap ng mana sa kahariang telestiyal ay ang mga tao na piniling hindi tanggapin ang ebanghelyo o ang patotoo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 76:82, 101). Hindi nila itinatwa ang Espiritu Santo na di katulad ng mga anak na lalaki ng kapahamakan na nagtatwa, ngunit pinili nila ang landas ng kasamaan at dahil dito sila ay “ihuhulog sa impiyerno” (D at T 76:84). Sa pagkakataong ito, ang impiyerno ay tumutukoy sa bahagi ng daigdig ng mga espiritu kung saan ang mga hindi masunurin noong nabubuhay pa sa lupa ay pagdudusahan ang kanilang sariling mga kasalanan dahil hindi sila nagsisi (tingnan sa D at T 19:15–18). Ang mga taong ito ay mananatili sa ganitong kalagayan ng impiyerno hanggang sa sila ay bumangon sa “huling pagkabuhay na mag-uli,” na kasunod ng Milenyo (D at T 76:85; tingnan din sa D at T 43:18; 63:17–18; 76:106; 88:100–101).
Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook: “Pagkamatay, ang mabubuting espiritu ay pansamantalang mamamalagi sa kalagayang tinatawag na paraiso. Itinuro sa atin ng Nakababatang Alma na ‘ang paraiso [ay] isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan ang mabubuti ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan’ [Alma 40:12]. Ang masasamang espiritu ay nananahan sa bilangguan ng espiritu, na minsan ay tinatawag na impiyerno [tingnan sa 2 Nephi 9:10–14; D at T 76:84–86]. Inilarawan ito bilang kakila-kilabot na lugar, isang madilim na lugar kung saan ang mga takot sa ‘pagngingitngit ng poot ng Diyos’ ay mananatili hanggang sa pagkabuhay na mag-uli [Alma 40:14]. Gayupaman, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng espiritung isinilang ay mabubuhay na mag-uli, magsasamang muli ang espiritu at katawan, at magmamana ng mga kaharian ng kaluwalhatian na nakahihigit pa sa ating pamumuhay dito sa lupa [tingnan sa D at T 76:89]. Ang mga hindi kasama ay ang mga kusang-loob na naghimagsik laban sa Diyos gaya ni Satanas at ng kanyang mga anghel [tingnan sa Isaias 14:12–15; Lucas 10:18; Apocalipsis 12:7–9; D at T 76:32–37]. Sa pagkabuhay na mag-uli, palalayain ng bilangguan ng mga espiritu o impiyerno ang mga bihag na espiritu” (“Plano ng Ating Ama—Sapat para sa Lahat ng Kanyang mga Anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 36–37).
Doktrina at mga Tipan 76:88–89. Ang kaluwalhatian ng kahariang telestiyal ay “walang maaaring makaunawa”
Ang masasama na magdurusa sa impiyerno ay matutubos kalaunan (tingnan sa D at T 76:85), magiging “tagapagmana ng kaligtasan” (D at T 76:88) at mga “tagapaglingkod ng Kataas-taasan” (D at T 76:112), at mamanahin ang telestiyal na kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:98). Ang pag-unawang ito sa doktrina ay nagbibigay-diin sa masaganang awa at biyaya ni Jesucristo at pinagtitibay na “inililigtas niya ang lahat” maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan (D at T 76:44). Nagpatotoo si Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Malinaw na ipinaliliwanag ng [Doktrina at mga Tipan] na dahil sa labis na kaluwalhatian ng pinakamababang kaluwalhatian ay hindi ito kayang maunawaan ng isipan ng tao. Ito ay doktrinang mahalaga sa Mormonismo na ang taong pinakamakasalanan, sa huling paghuhukom, ay tatanggap ng kaluwalhatian na hindi kayang maunawaan ng tao, na dahil maluwalhati ito ay hindi natin ito sapat na mailalarawan. Ang mga namuhay nang mas mabuti ay tatanggap ng mas maluwalhating lugar. …
“Ang ebanghelyo ay ebanghelyo ng napakalaking pagmamahal. Pagmamahal ang saligan nito. Ang pinakamasamang anak [ng Diyos] ay pinakamamahal nang lubos kaya ang kanyang gantimpala ay di kayang maunawaan ng mortal na tao” (The Message of the Doctrine and Covenants, inedit ni G. Homer Durham [1969], 167).
Doktrina at mga Tipan 76:98–101. “Sapagkat sila ang mga yaong kay Pablo, at kay Apollos, at kay Cephas”
Ang ilan na magmamana ng kahariang telestiyal ay ang mga nagsasabing susundin nila si Jesucristo o ang mga propeta ngunit sadyang itinatatwa ang Tagapagligtas at hindi tinatanggap ang Kanyang ebanghelyo o sinusunod ang Kanyang mga propeta. Bilang pagtuligsa sa pagkakabaha-bahagi ng mga Banal sa kanyang panahon, isinulat ni Apostol Pablo sa mga Taga Corinto:
“Sapagka’t ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, … na sa inyo’y may mga pagtatalotalo.
“Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay Pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo.
“Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?” I Mga Taga Corinto 1:11–13).
Ang gayon ding pananalita sa Doktrina at mga Tipan 76:99–101 ay tumutukoy sa mga taong hindi nakaayon kay Jesucristo o sa Kanyang mga propeta.
Doktrina at mga Tipan 76:111. “Bawat tao ay makatatanggap alinsunod sa kanyang mga sariling gawa”
Sa Kanyang mortal na ministeryo, ipinaliwanag ni Jesucristo, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). Ang pangangailangan sa pagsunod sa mga kautusan at ordenansa ng ebanghelyo ay palaging pangunahing mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–1877): “Ang mga anak ng tao ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga ginawa, maging mabuti o masama man ang mga ito. Kung puno ang mga araw ng isang tao ng mabubuting gawa, gagantimpalaan siya alinsunod dito. Sa kabilang banda, kung puno ang mga araw niya ng masasamang gawa, tatanggap siya alinsunod sa mga gawang ito. … Kailan matatanto ng mga taong ito ang yugto ng panahon kung kailan nila dapat na umpisahan ang paglalatag ng mga saligan ng kanilang kadakilaan para sa panahon at kawalang-hanggan, na ito ang panahon upang mag-isip at lumikha ng mabubuting gawa mula sa puso para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos, kagaya ng ginawa ni Jesus” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 320).
Doktrina at mga Tipan 76:113–19
Ipinaliwanag nina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung paano matatanggap ng iba ang kaalamang natanggap nila sa pamamagitan ng paghahayag
Doktrina at mga Tipan 76:113–16. Maraming nakita si Joseph Smith sa pangitaing ito kaysa sa naisulat
Tungkol sa pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, sinabi ni Propetang Joseph Smith “Maaari kong ipaliwanag nang higit pa sa isang daang beses ang mga kaluwalhatian ng mga kaharian na ipinakita sa akin sa isang pangitain, kung pahihintulutan ako, at kung handa ang mga tao na tanggapin ito” (sa Manuscript History of the Church, vol. D-1, pahina 1556, josephsmithpapers.org).
Ang yaman ng doktrina at ang espirituwal na kaalaman na ibinigay sa mga pangitain ng mga kaharian ng kaluwalhatian ay nagbibigay sa atin ng pag-unawa sa kabilang buhay na higit pa sa anumang bagay na matatagpuan sa mga sinaunang Banal na kasulatan. Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–1898), “Tutukuyin ko lang ang ‘Pangitain’ [sa D at T 76], bilang isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan; saan tayo galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon. Sapagkat alam ng sinumang tao ang mga batas na sinusunod nila, at ang mga batas na sinusunod ng mga tao ang magtatakda ng kanilang magiging kalagayan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 132–33).
Ginunita ni Pangulong Woodruff, na naging miyembro ng Simbahan noong 1833, ang kanyang sariling reaksyon sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76:
“Itinuro sa akin noong bata pa ako na may isang Langit at isang Impiyerno, at sinabi sa akin na ang masasama ay may isang kaparusahan at ang mabubuti ay may isang kaluwalhatian. …
“… Nang mabasa ko ang pangitain … , nabigyang-liwanag nito ang aking isipan at nabigyan ako ng malaking kagalakan, at para sa akin ang Diyos na naghayag ng alituntuning iyan ay matalino, matwid at totoo, nagtataglay ng pinakamagagandang katangian at mabuting pag-iisip at kaalaman, nadama ko na hindi nagbabago ang Kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at dahil dito nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon nang higit kailanman sa aking buhay” (“Remarks on the Necessity of Adhering to the Priesthood in Preference to Science and Art,” sa Deseret News, Mayo 27, 1857, 91).