Kabanata 17
Doktrina at mga Tipan 43–45
Pambungad at Timeline
Pagdating ni Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Pebrero 1831, nadatnan niya na ilan sa mga miyembro ang nalinlang ng maling paniniwala sa relihiyon at huwad na paghahayag. May mga nagsasabi na nakatanggap sila ng paghahayag, kabilang na ang isang babae na nagngangalang Mrs. Hubble na tinawag ang sarili na babaeng propeta. Dahil nilinlang niya ang ilan sa mga Banal, ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith ang bagay na ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 43. Sa paghahayag na ito ibinigay ng Panginoon ang mga katotohanan na nagpapaalala sa mga Banal ng huwaran ng Diyos sa pagbibigay ng paghahayag sa Simbahan.
Bago iyon tumawag ang Panginoon ng mga elder ng Simbahan na magpapahayag ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 42:4–8). Di-nagtagal matapos ibigay ang utos na iyan, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag, na ngayon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 44, na nagsasabi sa mga elder na maghanda para sa isang kumperensya o pagpupulong. Ipinangako ng Panginoon sa kanila na kung mananampalataya sila sa Kanya, matatanggap nila ang Kanyang Espiritu at madadaig ang kanilang mga kaaway.
Sa paglago ng Simbahan sa Kirtland, nadagdagan ang pagkapoot sa Simbahan. Binatikos ng mga kritiko ang Simbahan sa mga pahayagan at gumawa ng iba pang mga gawain para kalabanin ang mga Banal. Noong Marso 1831, sa panahong ito ng pagsalungat, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45. Sa paghahayag na ito inilarawan ng Panginoon ang mga huling araw, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at ang Bagong Jerusalem, o ang Sion.
-
Nobyembre 1830–Pebrero 1831Pagkaalis ng mga missionary, sinabi ng ilan sa mga bagong miyembro sa Kirtland, Ohio, na nakatanggap sila ng liham o sulat mula sa Langit.
-
Mga unang buwan ng 1831Ang mga maling ulat tungkol sa mga Banal at kanilang mga paniniwala ay lumabas sa mga pahayagan sa Ohio, tulad ng Painesville Telegraph.
-
Pebrero 1831Sinabi ni “Mrs. Hubble,” isang bagong miyembro sa Ohio, na siya ay babaeng propeta ng Panginoon.
-
Pebrero 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 43.
-
Pebrero 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 44.
-
Marso 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 45.
-
Mga unang araw ng Hunyo 1831Nagdaos ng isang kumperensya ng Simbahan sa Kirtland, Ohio.
Doktrina at mga Tipan 43: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Nang dumating si John Whitmer sa Kirtland, Ohio, noong Enero 1831, nakita niya na ilan sa mga bagong miyembro doon ay nalinlang ng ilang nagsasabi na nakatanggap sila ng kakatwa at kamangha-manghang paghahayag mula sa Langit. Ang mga huwad na mga paghahayag na ito di-umano ay lumitaw “na nakasulat sa pabalat ng Biblia, at sa mga pahina, na nilipad ng hangin at dumapo sa kanilang mga kamay, at marami pang ibang mga kahangalan at walang kabuluhang bagay” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay and iba pa [2013], 256).
Lalo pang nadagdagan ang problema nang isang babae na nagngangalang Mrs. Hubble “ang dumating at nagpanggap na nakatatanggap ng paghahayag ukol sa mga utos, batas, at iba pang kakatwang mga bagay (Joseph Smith, sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 101, josephsmithpapers.org). Ayon kay John Whitmer, isang mananalaysay ng Simbahan nang panahong iyon, ang impluwensya ng babaeng ito ay humantong sa paglayo ng ilang miyembro ng Simbahan: “Noong panahong iyon may isang babae na nagngangalang Hubble ang nagsabing siya raw ay propeta ng Panginoon, na nakatanggap siya ng maraming paghahayag , at alam niyang totoo ang Aklat ni Mormon; at [naniniwala siya] na dapat siyang maging guro sa Simbahan ni Cristo. Magaling siyang magbabanal-banalan at nakapaglinlang ng mga taong hindi nakahalata sa kanyang pagpapanggap” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, inedit nina Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 29; ang pagbabaybay, pagpapalaki ng mga letra, at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan; tingnan din sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 257, note 95).
Ang mga ginagawa ng babaeng ito ay naging hamon sa doktrinang inihayag ng Panginoon sa Simbahan sa Fayette, New York, ilang buwan na ang nakararaan: Si Propetang Joseph Smith lamang ang taong “tatanggap ng mga kautusan at paghahayag” para sa Simbahan (D at T 28:2). Gayunman, ilan sa mga Banal mula sa New York na pinagsabihan ng paghahayag na ito ay hindi pa dumating sa Kirtland, at wala ni isa sa mga naunang paghahayag ang nailathala. Ang mga Banal sa Kirtland ay mga bagong miyembro, at hindi alam ng karamihan sa kanila ang kaayusang itinalaga ng Panginoon para sa paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang Simbahan. Dahil dito, nagtanong ang propeta sa Panginoon hinggil sa bagay na ito at tumanggap ng paghahayag upang “[ang mga Banal ay hindi] malinlang” (D at T 43:6).
Doktrina at mga Tipan 43:1–7
Ipinahayag ng Panginoon na ang mga paghahayag at mga kautusan ay nagmumula lamang sa Kanyang itinalagang propeta
Doktrina at mga Tipan 43:2–7. Dumarating ang paghahayag para sa Simbahan sa pamamagitan ng buhay na propeta
Bilang sagot sa pagtatanong ng Propeta tungkol kay Mrs. Hubble at iba pang mga maling paghahayag sa Kirtland, Ohio, tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na “walang ibang itinakda sa inyo upang tumanggap ng kautusan at paghahayag” bukod sa Pangulo ng Simbahan (D at T 43:3). Ipinahayag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan ang sumusunod:
“Ang Pangulo ng Simbahan ay may … natatanging espirituwal na kaloob … , sapagkat siya ang Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag para sa buong Simbahan.
“Mayroon tayo ngayong dapat tandaan—kailangang malaman—na tanging ang Pangulo ng Simbahan, ang Namumunong Mataas na Saserdote, … ang may karapatang tumanggap ng paghahayag para sa Simbahan, ito man ay bagong paghahayag o pagwawasto, o magbigay ng interpretasyon sa banal na kasulatan nang may awtoridad na paiiralin sa Simbahan, o baguhin sa anupamang paraan ang kasalukuyang mga doktrina ng Simbahan. Siya ang tanging tagapagsalita ng Diyos sa mundo para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang tanging totoong Simbahan. Siya lamang ang magpapahayag ng isipan at kalooban ng Diyos sa kanyang mga tao” (“When Are the Writings and Sermons of Church Leaders Entitled to the Claim of Scripture?” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Hulyo 7, 1954], 6, emp.byui.edu/marrottr/ClarkWhenAreWritings.pdf).
May mga batas na namamahala sa kaayusan kung saan natatanggap ang paghahayag sa Simbahan. Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 43 na bagama’t maaaring makatanggap ang mga indibiduwal ng personal na paghahayag (tingnan sa D at T 43:16), may kaayusang sinusunod sa paraan ng pagbibigay ng pahayag para sa buong Simbahan. Ibinuod ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan ang limang pangunahing paraan ng paghahayag ng Diyos ng katotohanan sa Kanyang Simbahan:
“Una, ang mga susi at awtoridad ng Diyos ay ipinagkaloob Niya kay Joseph Smith at sa lahat ng mga humalili sa kanya na tinawag bilang mga Pangulo ng Simbahan.
“Pangalawa, ang mga susi at awtoridad ay hindi maaaring ibigay sa ibang tao, at ang mga taong may gayong awtoridad ay ‘alam sa [S]imbahan’ [D at T 42:11].
“Pangatlo, ang patuloy na paghahayag at pamumuno ay nagmumula sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan, at hindi niya ililigaw ang mga Banal.
“Pang-apat, ang bawat miyembro ng Simbahan ay maaaring tumanggap ng paghahayag para sa kanilang sariling mga tungkulin at sa sakop ng kanilang responsibilidad at para sa kanilang sariling pamilya. Hindi sila makatatanggap ng espirituwal na tagubilin para sa mga mas may mataas na awtoridad.
“Panglima, ang mga taong nagsasabi na nakatatangap sila ng direktang paghahayag mula sa Diyos para sa Simbahan nang hindi nakaayon sa itinatag na kaayusan at pamamaraan ng priesthood ay nalilihis ng landas. Angkop din ito sa sinumang susunod sa kanila” (“The Prophetic Voice,” Ensign, Mayo 1996, 7).
Doktrina at mga Tipan 43:4. “Siya ay mawawalan ng kapangyarihan maliban sa magtalaga ng iba”
Kasama sa mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa kaayusan na ito ng paghahayag sa Simbahan ay ang probisyon na kahit mawala kay Joseph Smith ang pribilehiyo ng pagiging propeta ng Diyos, siya pa rin ang may kakayahang magtalaga ng iba na awtorisadong humalili. Ipinaliwanag ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan ang espesyal na sitwasyong ito: “Nang kausapin ng Panginoon si Joseph tungkol sa pagbagsak, sinabi niya na magkakaroon siya ng kapangyarihan na magtalaga ng iba bilang kapalit niya [tingnan sa D at T 43:4], at walang sinumang may karapatang kumilos maliban na lang kung siya ay itinalaga sa pamamagitan ng awtoridad, o nakapasok sa pintuan [tingnan sa D at T 43:7]. Malalaman ninyo mula sa paghahayag na binasa ko na walang sinumang tao ang makakukuha ng awtoridad sa ibang paraan. Dapat itong manggaling lamang sa pamamagitan ng banal na Priesthood. Maaaring sabihin ng tao na narinig na nila ang tinig ni Jesus, o narinig ito, iyan o iba pa; ngunit makikita ninyo na dadalo ang kapangyarihan ng Diyos sa mga susi [ng priesthood], at susunod ang Kanyang mga pagpapala matapos ang pangangasiwa ng Kanyang mga tagapalingkod na may hawak ng awtoridad” (“Discourse by Elder Geo. Q. Cannon,” Deseret News, Dis. 15, 1869, 532).
Doktrina at mga Tipan 43:7. “Makapapasok sa pintuan at maoordenan”
Anumang tanong tungkol sa mga taong pinili ng Panginoon na pamunuan ang Kanyang mga tao ay malinaw na sinagot sa banal na kasulatan. Itinuro ng Tagapagligtas:
“Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw.
“Datapuwa’t ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa” (Juan 10:1–2).
Makatitiyak ang mga miyembro ng Simbahan na walang lider ang tatawagin sa paraang kakaiba sa inaasahan o sa pamamagitan ng lihim na ordenasyon, sapagkat nangako ang Panginoon na ang mga lider ng priesthood ay “[oordenan] ng isang may karapatan, at alam sa simbahan na siya ay may karapatan at maayos na inordenan ng mga pinuno ng simbahan” (D at T 42:11).
Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat mag-ingat sa mga taong nagsasabi na mayroon silang espesyal na awtoridad o ordenasyon na pamunuan ang mga anak ng Diyos. Nagbabala si Pangulong James E. Faust:
“Mula pa sa simula ilan sa mga tao sa loob at labas ng Simbahan ang nag-udyok sa mga miyembro ng Simbahan na huwag sundin ang mga inspiradong paghahayag ng mga mayhawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ang ilan sa mga naghahangad na manlihis ng landas ay nagsasabing pinagkalooban sila ng kakaibang karunungan o inspirasyon na salungat sa itinatag na pamamaraan sa Simbahan. …
“Ipinaliwanag ni Propetang Joseph noong taglamig ng 1832–33 na ‘walang tunay na anghel ng Diyos na darating para mag-orden ng sinuman, dahil naisugo na silang minsan para itatag ang priesthood sa pamamagitan ng pag-orden sa akin; at ang priesthood na naitatag na sa lupa, na may kapangyarihan na ordenan ang iba pa, wala nang sugo mula sa langit ang manghihimasok sa kapangyarihang iyon para mag-orden pa. … Kung gayon dapat ay alam na ninyo, simula sa oras na ito, na kung sinoman ang lalapit sa inyo na magsasabing siya ay inordenan ng isang anghel, siya ay isang sinungaling o naudyukan bunga ng paglabag ng isang anghel ng diyablo, sapagkat ang priesthood na ito ay hindi na makukuha mula sa simbahang ito’ [Orson Hyde, ‘Although Dead, Yet He Speaketh,’ Millennial Star, Nob. 20, 1846, 139]” (“The Prophetic Voice,” 5, 7).
Doktrina at mga Tipan 43:8–16
Isang kautusan na turuan at patibayin ang isa’t isa
Doktrina at mga Tipan 43:8–11. “[Ipangako] ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ko”
Kapag nagpupulong ang mga miyembro ng Simbahan para “[turuan] at patibayin ang bawat isa” (D at T 43:8), sinusunod nila ang banal na huwaran ng pagtuturo at pag-aaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang tagubilin mula sa ebanghelyo ay naghahanda sa mga anak ng Diyos na mapabanal kapag ipinamumuhay nila ang kanilang natutuhan. Hindi sapat na magtamo lamang ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay. Ang mga tumatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nakikipagtipan na “[ipinapangako nila ang kanilang sarili] na kumilos nang buong kabanalan sa harapan [ng Panginoon]” (D at T 43:9).
Ang mga pangkalahatang kumperensya, na ginaganap dalawang beses bawat taon, ay nagbibigay ng mahalagang pagkakataon para sa miyembro ng Simbahan na makatanggap ng tagubilin ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu kung bakit hindi sapat na makinig lang sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya: “Para mabago ng mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya ang ating buhay kailangang maging handa tayong sundin ang payong naririnig natin. Ipinaliwanag ng Panginoon sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith na ‘kung kayo ay magkakasamang nagtitipun-tipon kayo ay magturuan at patibayin ang bawat isa, upang malaman ninyo … kung paano kumilos sa mga bahagi ng aking batas at mga kautusan’ [D at T 43:8]. Subalit ang malaman ‘kung paano kumilos’ ay hindi sapat. Sinabi ng Panginoon sa kasunod na talata, ‘Inyong ipangangako ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ko’ [D at T 43:9]. Ang kahandaang gawin ito na kumilos [at isagawa] ang natutuhan natin ay nagbibigay-daan sa mga kagila-gilalas na pagpapala” (“Ang mga Pagpapala ng Pangkalahatang Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 52).
Bukod sa pagtukoy sa ating personal na responsibilidad na kumilos ayon sa mga batas at kautusan na natatanggap natin mula sa Panginoon, ipinahayag sa Doktrina at mga Tipan 43:8–9 na kapag sama-sama tayong nagtipon para maturuan at mapatibay ng ebanghelyo, pinagbibigkis natin ang ating mga sarili bilang nagkakaisang grupo ng mga Banal. Ipinaliwanag ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901):
“Dapat nating unawain na kailangan nating kumilos ayon sa ilang alituntunin para magkaisa tayo bilang isang lahi, magkaisa ang ating mga damdamin nang tayo ay maging isa, at hinding-hindi ito maisasakatuparan maliban kung maisagawa ang ilang bagay, at ang mga bagay na kailangan nating pagsumikapan.
“Ano ang sisikapin ninyong gawin para magkaisa kayo? Ano ang sisikaping gawin ng isang tao para magkaisa sila ng kanyang kapwa? Kung magkasama ang dalawang lalaking hindi pa magkakilala, ano ang sisikapin nilang gawin para maging magkaibigan, maging malapit at mapamahal sa isa’t isa? Kailangang mayroong gawin, at hindi lamang isa ang gagawa, kundi silang dalawa ang dapat gumawa. Hindi maaaring isa lang sa kanila ang gagawa; hindi maaaring isa lang ang may gayong damdamin at siya lang ang gagawa, kundi para magkaisa sila sa kaisipan at damdamin—pareho silang kailangang kumilos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012] 226).
Doktrina at mga Tipan 43:12–14. Pagtataguyod sa mga propeta sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin
Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 43:12–14, sinabi ng Panginoon sa mga Banal na maitataguyod nila si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin at sa pagtustos din sa temporal na mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Itinutuon ng Propeta ang kanyang buong atensyon sa pangangasiwa sa Simbahan at sa mga espirituwal na gawain ng Simbahan. Ang pagbibigay ng materyal na suporta sa kanya ay magdudulot ng mga pagpapala sa mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang pang-unawang matatamo mula sa inspiradong pagsasalin ng Biblia.
Doktrina at mga Tipan 43:17–35
Ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay kailangang mangaral ng pagsisisi bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at sa Milenyo
Doktrina at mga Tipan 43:17–28. Mga Tinig ng Babala
“Ang dakilang araw ng Panginoon” (D at T 43:17) ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Cristo at ang pagsisimula ng Milenyo. Iniutos ng Diyos sa Kanyang mga tagapaglingkod na magpahayag ng pagsisisi upang hindi malipol na kasama ng masasama ang Kanyang mga anak kapag nagbalik ang Tagapagligtas. May mga makikinig at magsisisi, ngunit mayroon ding hindi papansin at tatanggap sa tinig ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Dahil dito, itinaas ng Panginoon ang tinig ng babala na magsisi sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan: sa Kanyang mga tagapaglingkod, sa paglilingkod ng mga anghel, sa Kanyang sariling tinig, at maging sa mga mapangwasak na kapangyarihan ng kalikasan.
Doktrina at mga Tipan 43:29–33. Ang dakilang Milenyo
“Ang dakilang Milenyo” (D at T 43:30) ay tumutukoy sa 1,000 taon na pasisimulan sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Apocalipsis 20:4; D at T 29:11). Sa panahon ng Milenyo, ‘maghahari si Cristo sa mundo’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Tiniyak ng Panginoon sa mabubuti na maghahari sila na kasama Niya sa panahon ng Milenyo (tingnan sa D at T 43:29). Si Satanas ay igagapos sa Milenyo at hindi magkakaroon ng kapangyarihang tuksuhin ang mga nabubuhay sa panahong iyon (tingnan sa D at T 43:31; 101:28).
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang mga pagpapala na matatamasa kapag iginapos si Satanas: “Pagkatapos ay magsisimula na ang panahon ng dakilang Milenyo (D at T 43:30) ng isang libong taon kung kailan igagapos si Satanas at maghahari ang Panginoon sa kanyang mga tao. Naiisip ba ninyo ang kagandahan at kariktan ng mga panahong iyon na hindi magkakaroon ng impluwensya ang kaaway? Isipin ngayon ang kanyang impluwensya sa inyo at pagnilayan ang kapayapaan ng mga panahong iyon na hindi niya kayo naiimpluwensiyahan. Magkakaroon ng katiwasayan at kabutihan na hindi tulad ngayon na may pag-aalitan at kasamaan” (“We Need Not Fear His Coming,” Liahona, Hulyo 1982, 3).
Doktrina at mga Tipan 44: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Di nagtagal pagdating sa Kirtland, Ohio, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42, kung saan nakasaad ang mga batas na gumagabay sa Simbahan. Kasama rito ang utos na ang mga elder ay “hahayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu, mangangaral ng aking ebanghelyo, dala-dalawa. … At mula sa pook na ito kayo ay hahayo” (D at T 42:6, 8). Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 44 ay panawagan sa mga elder ng Simbahan na magtipun-tipon bago humayo upang ipangaral ang ebanghelyo.
Sinunod ni Propetang Joseph Smith ang tagubiling iyan at nagpadala ng isang sulat noong Pebrero 22, 1831, kay Martin Harris, na nakatira pa sa New York. Binanggit ng Propeta ang paghahayag nang ipinaliwanag niya kay Martin na “ang gawain ay biglaang darating sa silangan, kanluran, hilaga, at timog; ipapaalam mo rin sa mga Elder na naroon na lahat sila na maaaring papuntahin dito ay gawin ito nang walang pagpapaliban, tulad nang inuutos ng Panginoon sapagka’t may malaking gawain siya para sa kanilang lahat” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 263; ang pagbabantas at pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan).
Sa mga sumunod na linggo noong tagsibol ng 1831, marami sa mga Banal mula sa New York ang nagtipon sa Kirtland, Ohio. Ang ikaapat na kumperensya ng Simbahan ay idinaos noong Hunyo 1831, at maraming elder ang nakibahagi sa mga pulong ng kumperensyang ito, na naghanda sa kanila sa pag-alis kalaunan para ipangaral ang ebanghelyo.
Doktrina at mga Tipan 44
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na sama-samang magtipon
Doktrina at mga Tipan 44:1–2. “Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa kanila sa araw na sama-sama nilang titipunin ang kanilang sarili”
Ipinangako ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na kung sila ay magtitipong magkakasama at mananampalataya sa Kanya, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa kanila. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isa sa mga layunin ng mga pulong natin sa Simbahan: “Sa mga pangkalahatang kumperensya at iba pang mga pulong ng Simbahan sa buong mundo, nagsasama-sama tayo na naghahangad na makabilang sa isang samahan—ang mabuting samahan ng mga kapatid sa ebanghelyo at ang kapanatagang dulot ng magiliw na pakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Diyos. Sa ating mga pagsamba, ang presensya ng Espiritung iyan ang pupuno sa ating mga puso ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa” (“Valued Companions,” Ensign, Nob. 1997, 32).
Doktrina at mga Tipan 44:4–5. “Isaayos ang inyong sarili alinsunod sa mga batas ng tao”
Bagama’t ang Simbahan ay legal na inorganisa sa estado ng New York, kailangan ding gawin ang mga bagay na ito sa Ohio habang nagtitipon ang mga Banal sa Kirtland. Dahil dito makikilala ang Simbahan bilang organisasyong pangrelihiyon at magiging posible para sa Simbahan na makapag-ari ng sariling lupain at mabigyan din ng mga pribilehiyong ibinibigay sa iba pang relihiyon. Sa isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 44, nilinaw ng Panginoon na ang hakbang na ito ay kailangan upang hindi mawasak ng mga kaaway ang Simbahan. (Tingnan sa Steven C. Harper, Making Sense of Doctrine and Covenants: A Guided Tour through Modern Revelations [2008], 153.)
Doktrina at mga Tipan 45: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Sa tagsibol ng 1831, maraming nagbalik-loob ang nagtipong kasama ng mga Banal sa Kirtland, Ohio. Ang mabilis na paglago ng Simbahan ay hinadlangan ng tumitinding oposisyon. Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang mga hamon na kinaharap ng mga Banal sa panahong ito: “Sa gulang na ito ng Simbahan maraming maling ulat at hangal na kuwento, ang nailathala sa mga pahayagan, at kumalat upang mahadlangan ang mga tao sa pagsisiyasat sa gawain, o sa pagyakap sa pananampalataya. … Subalit para sa kagalakan ng mga banal na kailangang makibaka laban sa idinulot ng maling palagay ng tao at ng kasamaan, natanggap ko ang sumusunod [Doktrina at mga Tipan 45]” (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 104, josephsmithpapers.org). Natanggap ng Propeta ang paghahayag na ito noong Marso 7 1831, at nakatulong ito sa mga Banal na higit na maunawaan ang oposisyon na dinanas nila na isinasaalang-alang ang kaugnayan nito sa mga huling araw, sa mga palatandaan ng panahon, at sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Doktrina at mga Tipan 45:1–14
Binigyang-diin ni Jesucristo ang Kanyang papel bilang Tagapaglikha, Tagapamagitan, at ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan
Doktrina at mga Tipan 45:3–5. Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan, na nagsusumamo para sa ating kapakanan
Tayong lahat ay nagkakasala, at ayon sa katarungan ng Diyos, walang maruming bagay ang makatatahan sa Kanyang kinaroroonan. Gayunman, naparito si Jesucristo sa lupa upang gawing posible ang kaligtasan para sa bawat anak ng Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lahat tayo ay malilinis at maliligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Sa Kanyang kabutihan, awa, at biyaya nagiging posible ang pagsisisi at kapatawaran para sa lahat. Dahil si Jesucristo ay lubos na matwid at nakatugon sa mga hinihingi ng katarungan para sa mga kasalanan ng ibang tao, Siya ay maaaring maging Tagapamagitan para sa atin sa pagsusumamo sa Ama para sa ating kapakanan. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Si Jesus ang ating Tagapamagitan sa Ama (tingnan sa I Ni Juan 2:1; D at T 29:5; 32:3; 45:3; 110:4). Ang salitang tagapamagitan ay mula sa salitang-ugat sa Latin na ang ibig ay ‘tinig para sa’ o ‘isang taong nagsusumamo para sa iba.’
“… Ang mabatid na Siya ay ating tagapamagitan sa Ama ay nagpapaunawa sa atin ng kanyang di-mapapantayang pag-unawa, katarungan, at awa (tingnan sa Alma 7:12) ”(“Jesus the Christ—Our Master and More” [Brigham Young University fireside, Peb. 2, 1992], 4, speeches.byu.edu).
Ang mahalaga, isinasamo ng Tagapagligtas sa Ama ang ating kapakanan at hinihiling na yaong mga maniniwala sa Kanya ay hindi mapatawan ng mga walang hanggang hinihingi ng katarungan, hindi batay sa ating kawalang-muwang kundi sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Kanyang iniaalay para matubos tayo mula sa kaparusahan ng kasalanan ay “ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan” (D at T 45:4).
Doktrina at mga Tipan 45:15–59
Inihayag ng Tagapagligtas ang mga palatandaan at mga kamangha-manghang bagay na mangyayari pagkatapos ng Kanyang kamatayan at sa mga magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito
Doktrina at mga Tipan 45:15–59. “Malinaw ko itong ipakikita tulad ng pagpapakita ko nito sa aking mga disipulo noong ako ay nakatayo sa harapan nila sa laman”
Pinulong ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olibo sa Kanyang huling linggo sa buhay na ito. Noong panahong iyon nagpropesiya Siya tungkol sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem, at itinanong ng Kanyang mga disipulo kung kailan magaganap ang paglipol na iyon at kailan Siya babalik sa mundo (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:2–4). Bilang tugon inihayag ng Panginoon ang mga palatandaan na magaganap kalaunan matapos ang Kanyang kamatayan at ang magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Sinabi Niyang muli ang propesiyang ito sa Kanyang mga Banal sa mga huling araw, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45:16–59.
Doktrina at mga Tipan 45:16–59. Mga Palatandaan ng Ikalawang Pagparito
Ang mga nakaaalam ng mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sinusunod ang payo na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta ng Panginoon ay magiging handa sa pagharap sa mga hamon ng napakahalagang pangyayaring ito at “tatanaw sa dakilang araw ng Panginoon na dumating” (D at T 45:39). Hindi sila mabibigla kundi sabik na hihintayin ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Ang mga banal na kasulatan ang pinakamahusay na sanggunian para sa mga yaong gustong pag-aralan ang mga palatandaan at pangyayari sa Ikalawang Pagparito. Halimbawa, maraming detalye ang matututuhan mula sa mga tagubiling ibinigay sa mga disipulo sa Bagong Tipan nang itanong nila sa Tagapagligtas, “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?” (Mateo 24:3). Ang mga turo ni Jesucristo na matatagpuan sa Mateo 24:3–51 ay mas ipinaliwanag pa sa pamamagitan ng inspiradong pagsasalin ni Propetang Joseph Smith, na matatagpuan sa Joseph Smith—Mateo 1:4–55 (sa Mahalagang Perlas). Makatutulong din ang ilang bahagi sa Doktrina at mga Tipan sa pagpapaliwanag ng mga kaganapan sa mga huling araw at kung paano makapaghahanda ang mga anak ng Diyos para sa mga ito (kabilang sa mga halimbawa ang D at T 29; 38; 45; 63; 84; 88; 101; 133).
Ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon ay maaaring hatiin sa dalawang pangunahing kategorya: (1) mga palatandaan na bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo at ang lubusang paglaganap nito sa buong mundo at (2) mga palatandaan na bahagi ng pagtindi ng kasamaan at ang mga kalamidad at kahatulan na darating sa mundo. Ilan sa mga palatandaan at pangyayari ng Ikalawang Pagparito na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 45:16–59 ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
Ang mga Judio at Gentil ay titipunin (tingnan sa D at T 45:25, 30, 43)
-
“Mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, at ang buong mundo ay magkakagulo” (D at T 45:26)
-
Ang kabuuan ng ebanghelyo ay ipanunumbalik (tingnan sa D at T 45:28)
-
“Isang mapamanglaw na karamdaman ang babalot sa lupa” (D at T 45:31)
-
Ang mga disipulo ng Panginoon “ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (D at T 45:32)
-
“Mga paglindol sa iba’t ibang dako, at maraming kapanglawan” (D at T 45:33)
-
“Mga palatandaan at kababalaghan … ay ipakikita sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba” (D at T 45:40)
-
“Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magkukulay dugo” (D at T 45:42)
-
Ang Panginoon ay darating “na daramitan ng kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; kasama ang lahat ng banal na anghel” (D at T 45:44)
-
“Ang mga banal na nakatulog ay magsisibangon” (D at T 45:45)
-
Ang Panginoon ay magpapakita sa Bundok ng mga Olibo at makikipag-usap sa mga Judio (tingnan sa D at T 45:48, 51–53)
Doktrina at mga Tipan 45:32. “Ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar”
Isa sa mga layunin ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45 ay tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bagama’t magdurusa at malilipol ang masasama, ang mga disipulo ng Panginoon ay makahahanap ng kapayapaan at pagpapala kung sila ay “tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (D at T 45:32).
Ipinaliwanag ni Sister Ann M. Dibb, na naglingkod bilang tagapayo sa Young Women General Presidency, kung paano tayo makatatayo sa mga banal na lugar: “Ipinayo ni Pangulong Ezra Taft Benson, ‘Kabilang sa mga banal na lugar ang ating mga templo, chapel, tahanan, at stake ng Sion, na … “isang tanggulan, at isang kanlungan” [D at T 115:6]’ [‘Prepare Yourself for the Great Day of the Lord,’ New Era, Mayo 1982, 50]. Bukod pa rito, naniniwala ako na bawat isa sa atin ay makakahanap ng marami pang lugar. Maaaring isipin muna natin ang salitang lugar bilang pisikal na kapaligiran o lugar sa mapa. Gayunman, ang isang lugar ay maaaring ‘isang malinaw na kundisyon, posisyon o pananaw’ [Merriam-Webster Online, ‘place,’ merriam-webster.com/dictionary/place]. Ibig sabihin maaari ding kabilang sa mga banal na lugar ang di-malilimutang sandali—mga sandali na nagpapatotoo sa atin ang Espiritu Santo, nadama natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit, o kapag tumatanggap tayo ng sagot sa ating mga panalangin. Higit pa rito, naniniwala ako na kapag malakas ang inyong loob na manindigan sa tama, lalo na sa mga sitwasyon kung saan walang ibang gustong gumawa nito, lumilikha kayo ng banal na lugar” (“Ang Inyong mga Banal na Lugar,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 115).
Doktrina at mga Tipan 45:35. Ang mga pangako ay matutupad
Bagama’t marami sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ay kinabibilangan ng kalamidad at nakatatakot na mga pangyayari, pinanatag ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod sa pagpapaliwanag na ang mga palatandaang ito ay nagpapakita na “ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad” (D at T 45:35). Ang mga pangakong ito ay pagtukoy sa mga pagpapalang naghihintay sa mabubuti kapag nagsimula na ang Milenyo.
Doktrina at mga Tipan 45:56–59. Tatanggapin ng marurunong ang katotohanan at gagawing patnubay ang Banal na Espiritu
Ang talinghaga ng sampung dalaga ay orihinal na ibinigay noong tagubilinan ni Jesus ang kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olivo (tingnan sa Mateo 25:1–13). Ang Doktrina at mga Tipan ay nagbigay ng ilang interpretasyon ng talinghagang ito, na ipinapaliwanag na kabilang sa mga pagpapalang ipinangako sa matatalino ay ang pangako na makakasama ang Panginoon sa Kanyang paghahari sa mundo sa panahon ng Milenyo (tingnan sa D at T 45:56–59). Ang matatalino ay inilarawan bilang yaong mga “nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang” (D at T 45:57).
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang bawat miyembro ng Simbahan ay may pagkakataong tanggapin ang Espiritu Santo bilang patnubay: “Ang pagtanggap sa ‘Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay’ (D at T 45:57) ay posible at mahalaga para sa ating espirituwal na pag-unlad at pagkaligtas sa patuloy na pagsama ng daigdig. Kung minsan bilang mga Banal sa mga Huling Araw nagsasalita at kumikilos tayo na para bang pambihira o kakaiba ang makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Dapat nating tandaan, gayunman, na ang pangako ng tipan ay nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu. Angkop ang dakilang pagpapalang ito sa bawat miyembro ng Simbahan na nabinyagan, nakumpirma, at nasabihang ‘tanggapin ang Espiritu Santo’” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).
Doktrina at mga Tipan 45:60–75
Inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem, o Sion
Doktrina at mga Tipan 45:60–61. “Hanggang sa ang Bagong Tipan ay maisalin”
Ang inspiradong pagsasalin ng Biblia ni Propetang Joseph Smith ay nagsimula sa New York noong Hunyo ng 1830 at nagpatuloy nang dumating siya sa Kirtland, Ohio. Mula nang simulan ang pagsasalin, nakatuon lamang ang Propeta sa Lumang Tipan. Noong Marso 7, 1831, nang matanggap ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 45, umabot na hanggang Genesis 19:35 ang pagsasalin. Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na simulan nang isalin ang Bagong Tipan (tingnan sa D at T 45:60–61). Sinimulan na kaagad kinabukasan ng Propeta at ni Sidney Rigdon ang pagsasalin ng Ebanghelyo ni Mateo. “Ang pahina 1 ng manuskrito ay may petsang Marso 8, 1831, na sinundan ng notation na ‘Ang pagsasalin ng Bagong Tipan na isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.’ Ipinakita sa komentaryong ito ang damdamin ng mga kapatid tungkol sa gawaing ginagawa nila” (Robert J. Matthews, A Plainer Translation: Joseph Smith’s Translation of the Bible, A History and Commentary [1985], 73).
Doktrina at mga Tipan 45:62–71. Iniutos sa mga Banal na magtayo ng Bagong Jerusalem
Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45:62–71, itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano maghanda para sa mga kaguluhan at kalamidad na ipinropesiya na titindi bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Partikular na sinabi sa kanila na magtipon at magtatag ng isang lunsod ng Sion na kahalintulad ng lunsod ni Enoc (tingnan sa Moises 7:18–20). Ito ay tatawaging “Bagong Jerusalem” at magiging “isang lupa ng kapayapaan, isang lunsod ng kanlungan, isang lugar ng kaligtasan” (D at T 45:66). Kung minsan ginagamit ang salitang Sion sa iba’t ibang kahulugan. Kung minsan tumutukoy ang salita sa mga tao ng Sion at inilalarawan sila bilang “ang may dalisay na puso” (D at T 97:21). Sa ibang pagkakataon ang Sion ay tumutukoy sa buong Simbahan at sa lahat ng stake nito sa buong mundo (tingnan sa D at T 82:14). Ang salitang Sion ay maaari ding tumukoy sa partikular na mga lokasyon ng heograpiya. Sa paghahayag na ito, tinukoy ang Sion na isang pisikal na lunsod na itatatag ng mga Banal at pagtitipunan.
Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa Sion sa mga huling araw:
“Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay sila na hindi ito nasaksihan; tayo ang mga taong hinirang ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga huling araw; tayo ang sasaksi, makikibahagi at tutulong na maisulong ang kaluwalhatian sa mga huling araw.
“Saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion, na itatayo ng bawat taong matwid para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.
“Sa iba’t ibang lugar ay may itatayong Stake [ng Sion] para sa pagtitipon ng mga Banal. … Doon ay pagpapalain ang inyong mga anak, at kayo sa piling ng inyong mga kaibigan ay pagpapalain din. Ang lambat ng Ebanghelyo ay tinitipon ang lahat ng uri ng tao.
“… Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin. … Malapit nang dumating ang panahon, na hindi makatatagpo ng kapayapaan ang sinuman maliban sa Sion at sa kanyang mga stake” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 216).
Itinuon ni Pangulong Brigham Young (1801–1877) ang mga Banal sa kahalagahan ng pagtatatag ng Sion sa mga huling araw:
“Ang dapat na maging layunin ng ating buhay ay itayo ang Sion ng ating Diyos, tipunin ang Sambahayan ni Israel, … mag-ipon ng mga kayamanan ng kaalaman at karunungan sa ating sariling mga pang-unawa, dalisayin ang ating mga puso at ihanda ang tao na salubungin ang Panginoon kapag siya ay dumating. …
“Wala tayong gagawin dito maliban sa itaguyod at itatag ang Sion ng Diyos. Kailangang gawin ito nang naaayon sa kalooban at batas ng Diyos [tingnan sa D at T 105:5], ayon sa huwaran at orden na ginamit ni Enoc sa pagtatayo at paggawang perpekto sa sinaunang Sion, na dinala sa langit. … Sa pamamagitan ng ating katapatan, ay kailangang ihanda ang ating sarili na salubungin ang Sion mula sa itaas kapag ito ay bumalik sa lupa, at makayanan ang liwanag at kaluwalhatian ng pagdating nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 125–26).