Institute
Kabanata 13: Doktrina at mga Tipan 30–34


Kabanata 13

Doktrina at mga Tipan 30–34

Pambungad at Timeline

Pagkatapos na pagkatapos ng ikalawang kumperensya ng Simbahan na ginanap noong huling bahagi ng Setyembre 1830 sa Fayette, New York, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag para kina David Whitmer, Peter Whitmer Jr., at John Whitmer. Ang mga paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 30. Sa panahon ding iyon, tinawag ng Panginoon si Thomas B. Marsh upang ipangaral ang ebanghelyo at tumulong sa pagtatatag ng Simbahan. Ang tungkuling ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31, ay kinapapalooban din ng mga pangako at payo na gagabay sa kanya bilang missionary at sa kanyang personal na buhay.

Noong Oktubre 1830, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 32, kung saan tinawag ng Panginoon si Parley P. Pratt at Ziba Peterson na sumama kina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. sa isang misyon sa mga Lamanita sa kanlurang Missouri. Sa isa pang paghahayag, nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre at Northrop Sweet upang ipangaral ang ebanghelyo. Ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 34 ay ibinigay noong Nobyembre 1830. Dito ay pinuri ng Panginoon si Orson Pratt dahil sa kanyang pananampalataya at iniutos sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Tag-init ng 1830Binasa ni Parley P. Pratt ang Aklat ni Mormon at nabinyagan.

Setyembre 1830Lumipat si Thomas B. Marsh at ang kanyang pamilya sa Palmyra, New York mula sa kalapit na Boston, Massachusetts, at siya ay nabinyagan.

Setyembre 19, 1830Si Orson Pratt ay bininyagan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Parley.

Setyembre 26–28, 1830Ang ikalawang kumperensya ng Simbahan ay idinaos sa Fayette, New York.

Huling bahagi ng Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 30-31.

Oktubre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 32–33.

Oktubre 1830Si Oliver Cowdery at ang kanyang mga kasama ay umalis para magmisyon sa mga Lamanita.

Nobyembre 4, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 34.

Doktrina at mga Tipan 30: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Ang ikalawang kumperensya ng Simbahan na idinaos sa Fayette, New York, noong Setyembre 1830, ay tumagal nang tatlong araw. Kasama sa kumperensya ang pagtalakay tungkol sa bato ni Hiram Page na ginamit niya para makatanggap ng di umano’y mga paghahayag (tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 28 sa manwal na ito). Itinala ni Propetang Joseph Smith na “si Brother Page, gayon din ang lahat ng miyembro ng Simbahan na naroon, ay iwinaksi ang nasabing bato, at lahat ng bagay na may kaugnayan dito, na labis naming ikinasiya at ikinatuwa” at pagkatapos nito ang mga Banal ay “tumanggap ng sakramento, kinumpirma, at inordenan ang marami, at nagtuon sa maraming iba’t ibang gawain ng Simbahan nang araw na iyon at nang sumunod na araw; sa mga araw na iyon nakita namin ang kapangyarihan ng Diyos; napasaamin ang Espiritu Santo, at napuspos kami ng kagalakan na di masambit; at nanagana ang kapayapaan, at pananampalataya, at pag-asa, at pag-ibig sa kapwa sa aming kalipunan” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 452). Bago nagsiuwi ang mga Banal mula sa kumperensya, nagbigay ng mga paghahayag para sa magkakapatid na sina David Whitmer, Peter Whitmer Jr., at John Whitmer. Ang mga paghahayag na ito ay orihinal na inilathala nang magkakahiwalay sa Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan], ngunit pinagsama-sama ito ni Joseph Smith sa isang bahagi o section ng 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan.

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area sa Estados Unidos
Mapa 6: Misyon sa mga Lamanita, 1830–1831

Doktrina at mga Tipan 30

Itinuro ng Panginoon kina David, Peter Jr., at John Whitmer ang hinggil sa kanilang tungkulin sa gawain ng Diyos

Doktrina at mga Tipan 30:1–4. “Iyong kinatakutan ang tao at hindi ka umasa sa akin”

Bilang isa sa Tatlong Saksi, si David Whitmer ay nakakita ng anghel at nakita at nahawakan ang mga lamina ng Aklat ni Mormon. Tumanggap din siya ng iba pang mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 14; 1718). Ngunit nang sabihin ng kanyang bayaw na si Hiram Page na di umano’y nakatanggap ito ng mga paghahayag, nahimok si David. Pinagsabihan ng Panginoon si David dahil kinatakutan niya ang tao sa halip na umasa o magtiwala sa Diyos (tingnan D at T 30:1).

Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano nagiging sanhi ang kapalaluan para katakutan natin ang tao:

“Ang palalo ay mas takot sa paghatol ng tao kaysa paghatol ng Diyos. (Tingnan sa D at T 3:6–7; 30:1–2; 60:2.) Ang [pag-aalalang] ‘Ano ang iisipin ng mga tao tungkol sa akin?’ ay mas pinahahalagahan nila kaysa sa ‘Ano ang iisipin ng Diyos tungkol sa akin?’

“Palalayain na sana ni Haring Noe ang propetang si Abinadi, ngunit dahil sa kanyang kapalaluan ay nagpasulsol siya sa kanyang masasamang saserdote na ipasunog si Abinadi. (Tingnan sa Mosias 17:11–12.) Nalungkot si Herodes sa hiling ng kanyang asawa na pugutan ng ulo si Juan Bautista. Ngunit dahil sa kanyang palalong hangarin na maging maganda ang tingin sa kanya ng ‘nangakaupong kasalo niya sa dulang’ ay ipinapatay niya si Juan. (Mat. 14:9; tingnan din sa Mar. 6:26.)

“Ang takot sa paghatol ng tao ay nakikita mismo sa pakikipagkumpitensya para sa papuri ng mga tao. Higit na mahal ng palalo ‘ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.’ (Juan 12:42–43.) Sa mga motibo natin sa ating mga ginagawa nakikita ang kasalanan. Sinabi ni Jesus na ginawa Niya “lagi ang mga bagay” na nagpalugod sa Diyos. (Juan 8:29.) Hindi ba mas makabubuti na hangarin nating malugod sa atin ang Diyos kaysa tangkaing mas umangat ang ating sarili kaysa sa ating kapatid at higitan ang iba?” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 274).

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano hindi dapat maimpluwensyahan ang mga banal ng mga bagay ng mundo: “Hindi natin mapaglilingkurang mabuti ang Tagapagligtas kung takot tayo sa tao kaysa sa Diyos. Pinagsabihan Niya ang ilang mga lider sa Kanyang naipanumbalik na Simbahan dahil naghahangad sila ng papuri ng mundo at iniisip ang mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay ng Panginoon (tingnan sa D at T 30:2; 58:39). Ipinapaalala sa atin ng mga salitang iyon na tayo ay tinawag upang itatag ang mga pamantayan ng Panginoon, at hindi upang sundin ang mga pamantayan ng mundo. Sinabi ni Elder John A. Widtsoe, ‘Hindi tayo maaaring mamuhay tulad ng ibang tao, o magsalita o gumawa gaya ng iba, dahil iba ang ating tadhana, obligasyon, at pananagutan na ibinigay sa atin, at dapat tayong umayon [dito]’ [sa Conference Report, Abr. 1940, 36]. Ang katotohanang iyan ay maipamumuhay sa kasalukuyan sa bawat nauusong gawi” (“Hindi Makasariling Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 94–95).

Doktrina at mga Tipan 30:5–8. “Ipahayag ang aking ebanghelyo”

Noong Hunyo 1829 sinabi ng Panginoon kay Peter Whitmer Jr. na ang pangangaral ng pagsisisi ang magiging “pinakamahalaga[ng]” bagay na gagawin niya (tingnan sa D at T 16:4, 6). Noong Setyembre 1830, tinawag si Peter na maglingkod sa misyon bilang kompanyon ni Oliver Cowdery sa pagtatatag ng Simbahan sa mga Lamanita. Ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng gawaing misyonero ay nagpatuloy sa buong kasaysayan ng Simbahan.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit laging magtutuon ang mga Banal sa paghahayag ng ebanghelyo sa iba: “Hindi lamang ang gawaing misyonero ang kailangan nating gawin sa malaki at magandang Simbahang ito. Ngunit halos lahat ng iba pang kailangan nating gawin ay depende sa pakikinig muna ng mga tao sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagsapi dito. Tiyak na iyan ang dahilan kaya ang huling utos ni Jesus sa Labindalawa ay gayon kahalaga—na ‘magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo’ [Mateo 28:19]. Sa gayon, at sa gayon lamang, darating ang iba pang mga pagpapala ng ebanghelyo—pagkabuo ng pamilya, mga programang pangkabataan, mga pangako sa priesthood, at mga ordenansang aakay sa atin sa templo. Ngunit tulad ng patotoo ni Nephi, darating lamang iyan kapag ang isang tao ay ‘[nakapasok] sa … pasukan’ [2 Nephi 33:9]. Sa lahat ng gagawing iyan sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan, kailangan natin ng mas marami pang misyonerong magbubukas sa pasukang iyon at tutulong sa [mga tao] na makapasok doon” (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 46–47).

Doktrina at mga Tipan 30:6. “Itatatag ang aking Simbahan sa mga Lamanita”

Para sa impormasyon tungkol sa paggamit ng katagang mga Lamanita sa Doktrina at mga Tipan, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 28:8–10, 14–16 sa manwal na ito.

Doktrina at mga Tipan 30:9–11. “Ipahayag ang aking ebanghelyo, gaya ng tunog ng isang pakakak”

Si John Whitmer ay isa sa Walong Saksi ng mga lamina ng Aklat ni Mormon at naglingkod din nang maikling panahon bilang tagasulat ni Propetang Joseph Smith sa panahong isinasalin nito ang Biblia. Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng Propeta noong Hunyo 1829, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo ay magpahayag ng pagsisisi sa mga taong ito, upang ikaw ay makapagdala ng mga kaluluwa sa akin” (D at T 15:6). Pagkatapos ng kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 1830, iniutos ng Panginoon kay John na humayo at gumawa sa Kanyang gawain, simula sa lugar kung saan nakatira si Philip Burroughs sa Seneca Falls, New York, hindi kalayuan sa pamilya Whitmer (tingnan sa D at T 30:9–10). Ilang linggo bago matanggap ang paghahayag na ito, nangaral si Parley P. Pratt sa isang grupo na nagtipon sa tahanan ni Philip Burroughs, at ilan sa mga tao ang nabinyagan. Bagama’t ang tinutukoy na “kapatid” sa Doktrina at mga Tipan 30:10 ay si Philip Burroughs, walang naitala na siya ay naging miyembro ng Simbahan. Gayon pa man, ang kanyang asawa ay nabinyagan.

Ipinaalala ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Simbahan kung bakit kailangan nilang itaas ang kanilang tinig upang maibahagi ang ebanghelyo: “Nararapat na ‘may ganap na pagsusumikap’ (D at T 123:14) sa pagdadala natin ng liwanag ng Ebanghelyo sa mga taong naghahanap sa mga sagot na ibinibigay ng plano ng kaligtasan. Marami ang nag-aalala sa kanilang mga pamilya. Ang ilan ay naghahanap ng seguridad sa isang mundong pabagu-bago ng mga pinahahalagahan. Pagkakataon nating bigyan sila ng pag-asa at sigla at anyayahan sila na sumama sa atin at makiisa sa mga taong tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ng Panginoon ay narito sa mundo at pagpapalain ang kanilang buhay dito at sa darating na mga kawalang-hanggan” (“Magdala ng mga Kaluluwa sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 110).

Doktrina at mga Tipan 31: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong bagong kasal si Thomas B. Marsh at naninirahan malapit sa Boston, Massachusetts, nabasa niya ang Biblia at inalam ang iba’t ibang relihiyon, ngunit nadama niya na “isang bagong simbahan ang babangon, na magtataglay ng dalisay na katotohanan” (Thomas B. March, “History of Thos. Baldwin Marsh (Written by Himself in Great Salt Lake City, Nobyembre, 1857),” Deseret News, Mar. 24, 1858, 18). Nainspirasyunan siya ng Panginoon na pumunta sa silangang bahagi ng New York. Doon ay nabalitaan niya ang tungkol kay Joseph Smith at sa mga gintong lamina at ninais na malaman pa ang tungkol dito. Nakausap niya si Martin Harris sa Palmyra at gayon din si Oliver Cowdery, dahil nakatira si Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania, noong panahong iyon. Bumalik si Thomas sa Boston at patuloy na inalam ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kay Oliver Cowdery. Matapos malaman na inorganisa ang Simbahan ni Jesucristo, lumipat sila ng kanyang pamilya sa Palmyra, New York, at dumating noong Setyembre 1830. Hindi nagtagal ay bininyagan siya ni David Whitmer, at dumalo sa ikalawang kumperensya ng Simbahan noon ding buwang iyon. Nagkaroon si Thomas Marsh ng pribilehiyo na tumanggap ng tagubilin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa mismong kumperensyang iyon.

Doktrina at mga Tipan 31

Tinawag ng Panginoon sina Thomas B. Marsh, Parley P. Pratt, at Ziba Peterson upang ipangaral ang ebanghelyo

Doktrina at mga Tipan 31:1–6. Kapag naglilingkod tayo nang tapat sa Panginoon, pinagpapala ang ating mga pamilya

Bilang ama ng isang pamilya na may maliliit pang mga anak, nag-alala talaga si Thomas Marsh para sa kanyang asawa at mga anak nang lumipat sila sa New York mula sa Massachusetts. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 31, ipinangako sa kanya na sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya at paglilingkod sa Panginoon, maniniwala ang kanyang pamilya at makakasama niya sa Simbahan balang araw. Sa panahong iyan, si Thomas at ang kanyang asawang si Elizabeth, ay may tatlong anak na lalaki, edad siyam, pito, at tatlo. Si Elizabeth ay nabinyagan kalaunan noong 1831 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 194, tala 412). Ang pangako ng Panginoon na pagpapalain ang pamilya Marsh ay nagpalakas kay Thomas dahil tinawag siya na tumulong sa gawain ng Diyos.

Ang mga pangakong katulad nito ito ay matatanggap din ng mga taong nagsisikap na ilaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Ibinahagi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na karanasan:

“Isang mag-asawa [full-time missionary] ang nag-aalalang iwan ang kanilang bunsong anak na babae na hindi na aktibo sa Simbahan. Isinulat ng kanyang matapat na ama: ‘Patuloy namin siyang ipinagdasal at palagiang nag-ayuno. Tapos, noong pangkalahatang kumperensya, ibinulong sa akin ng Espiritu, “Kung maglilingkod ka, hindi mo na kailangang mag-alala sa iyong anak.” Kaya nakipagkita kami sa aming bishop. Isang linggo matapos naming matanggap ang aming tawag, sinabi sa amin ng aming anak na ikakasal na sila ng kanyang kasintahan. Bago kami umalis papuntang Africa, may kasalan sa bahay namin. [Pagkatapos tinipon namin ang aming pamilya at] nagdaos ng pulong ng pamilya. … Nagpatotoo ako tungkol sa Panginoon at kay Joseph Smith … at sinabi ko sa kanilang gusto ko silang bigyan ng basbas ng ama. Nagsimula ako sa panganay at pagkatapos sa kanyang asawa [hanggang sa] pinakabunso … [kasama ang aming bagong manugang].’ …

“… Nang basbasan ng matapat na ama sa kwentong ito ang mga miyembro ng kanyang pamilya, nadama ng kanyang manugang ang impluwensya ng Espiritu Santo. Isinulat ng ama: ‘Pagkatapos ng isang taon namin sa misyon nagsimulang gumaan ang loob ng aming manugang sa Simbahan. Nang malapit na kaming umuwi mula sa misyon, bumisita siya at ang aming anak sa amin. Sa loob ng maleta niya ay ang unang pares na damit na pansimba. Sumama sila sa amin sa Simbahan, at pagkauwi namin [mula sa misyon] ay nabinyagan siya. Isang taon mula noon, ibinuklod sila sa templo’” (“Mga Mag-asawang Misyonero: Mga Biyayang mula sa Sakripisyo at Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 40).

Doktrina at mga Tipan 31:5. “Hawakan ang iyong panggapas nang buo mong kaluluwa, at ang iyong mga kasalanan ay patatawarin”

Ang Masaganang Ani

Ang Masaganang Ani, ni David Merrill. Sa mga banal na kasulatan, sumasagisag ang mga naaning bungkos ng trigo bilang mga bunga ng gawaing misyonero, kabilang ang mga kaluluwang nagbalik-loob (tingnan sa D at T 31:4–5; 33:7, 9).

Kabilang sa mga pagpapala na ipinangako kay Thomas B. Marsh ay ang katiyakan na ang kanyang mga kasalanan ay mapapatawad kapag masigasig niyang ipinahayag ang ebanghelyo sa mga tao (tingnan sa D&C 31:5). Nilinaw ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaugnayan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan:

“Ang likas na bunga ng pagbabalik-loob ay ang patuloy na kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo, na kinapapalooban ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, ‘Sinabi sa atin ng Panginoon na higit na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pagdadala natin ng mga kaluluwa kay Cristo at pananatiling matatag sa pagpapatotoo sa sanlibutan, at tunay na bawat isa sa atin ay naghahanap ng karagdagang tulong upang mapatawad sa ating mga kasalanan.’ (Ensign, Okt. 1977, p. 5.)

“Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin: ‘Sapagkat akin kayong patatawarin sa inyong mga kasalanan sa kautusang ito—na kayo ay manatiling matatag sa inyong mga isipan sa kataimtiman at sa diwa ng pananalangin, sa pagpapatotoo sa buong sanlibutan ng mga bagay na yaon na aking sinabi sa inyo.’ (D at T 84:61, idinagdag ang italics.) At sinabi pa sa Doktrina at mga Tipan: ‘Gayunman, kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa inyo, at pinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan.’ (D at T 62:3, idinagdag ang italics.)

“… Tila napakalinaw ng doktrinang ito sa akin; ang kapatawaran ng mga kasalanan ay tuluy-tuloy na proseso. Kapag sinisikap ng bawat isa sa atin na maging malinis, dalisay, at banal, naunawaan ko na wala nang mas mainam na paraan para gawin ito kundi ang tulungan ang iba pang mga anak ng ating Ama sa Langit na mahanap ang katotohanan” (“Write Down a Date,” Ensign, Nob. 1984, 16).

Doktrina at mga Tipan 31:9–13. Mga payo at babala para kay Thomas B. Marsh

Bagama’t pinuri si Thomas B. Marsh dahil sa kanyang pananampalataya (tingnan sa D at T 31:1) at pinangakuan ng malalaking pagpapala, nagbigay rin ang Panginoon sa kanya ng mahahalagang babala at payo. Noong 1835, si Thomas ay tinawag na maglingkod sa unang Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito. Kalaunan ay tinawag siya na maging Pangulo ng Korum na iyon. Gayunman, makalipas ang ilang taon—noong Marso 1839—itiniwalag siya dahil sa pag-aapostasiya. Ang mga tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 31 ay nagbigay sana sa kanya ng espirituwal na protekyon kung sinunod niya ang mga ito. Si Thomas B. Marsh ay muling nabinyagan noong Hulyo 16, 1857, sa Florence, Nebraska, at nagpunta sa Utah noong taon ding iyon. Humingi siya ng kapatawaran mula sa mga lider ng Simbahan, at binigyan siya ni Pangulong Brigham Young ng pagkakataong magsalita sa mga Banal. Ganito ang sinabi niya tungkol sa kanyang pag-aapostasiya:

“Madalas kong ninais na malaman kung paano nagsimula ang pag-aapostasiya ko, at sa huli ay naisip ko na talagang nawala sa aking puso ang Espiritu ng Panginoon.

“Ang kasunod na tanong ay, ‘paano at kailan nawala sa iyo ang Espiritu?’ Nainggit ako sa Propeta, at pagkatapos ay nagduda ako at hindi pinansin ang lahat ng bagay na tama, at iniukol ang lahat ng aking panahon sa paghahanap ng masama, at nang tuksuhin ako ng diyablo naging madali para sa makamundong isipan na maghimagsik, dahil sa galit, inggit at pagkapoot. Naramdaman ko ito sa aking puso; galit ako at napopoot, at dahil wala na ang Espiritu ng Panginoon, tulad ng nakasaad sa mga Banal na Kasulatan, ako ay nabulag” (“Remarks by Thomas B. Marsh,” Deseret News, Set. 16, 1857, 220; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan).

Si Thomas B. Marsh ay nanirahan sa Utah sa nalalabing panahon ng kanyang buhay. Siya ay namatay noong Enero 1866 sa Ogden, kung saan siya inilibing.

Doktrina at mga Tipan 31:10. Paano naging “isang manggagamot sa Simbahan” si Thomas B. Marsh?

Nagkaroon si Thomas B. Marsh ng ilang kasanayan sa panggagamot gamit ang mga halamang-gamot at dahil sa kaalamang iyan natulungan niya ang mga tao. Gayunman, ang kanyang higit na dakilang tungkulin ay ang pagpapagaling ng mga kaluluwa (tingnan sa Thomas B. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18.)

Doktrina at mga Tipan 32: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong tag-init ng 1830, si Parley P. Pratt at ang kanyang asawang si Thankful, ay naglakbay mula sa kanilang tahanan sa Amherst, Ohio, para bisitahin ang mga kamag-anak sa estado ng New York. Hinikayat ng Espiritu Santo si Parley na tumigil sa nayon ng Newark, New York, malapit sa Palmyra, kung saan niya nalaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Kalaunan isinulat niya ang nadama niya sa aklat:

Parley P. Pratt

Si Parley P. Pratt ay tinawag na missionary sa mga Lamanita at kalaunan bilang Apostol.

“Sabik ko itong binuksan, at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi na may kinalaman sa pamamaraan ng pagkatagpo at pagsasalin dito. Pagkatapos nito ay sinimulan kong basahin nang sunud-sunod ang mga nilalaman nito. Maghapon akong nagbasa; hindi ako makakain, dahil mas gusto kong magbasa kaysa kumain; hindi ako makatulog sa gabi, dahil mas gusto kong magbasa kaysa matulog.

“Sa aking pagbabasa, sumaakin ang Espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo, nang kasingsimple at kasinglinaw ng pagkaunawa at pagkaalam ng tao na siya ay buhay” (Autobiography of Parley Parker Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 37).

Naglakbay si Parley patungo sa Palmyra, kung saan niya nakilala si Hyrum Smith at tinuruan siya nito. Hindi nagtagal, naglakbay sina Hyrum at Parley patungo sa Fayette, New York para makipagpulong sa mga miyembro ng lumalaking branch ng Simbahan. Si Parley ay bininyagan at inordenan na elder ni Oliver Cowdery noong Setyembre 1830.

Kaunti lang ang nakatala tungkol sa pagsapi sa Simbahan ni Ziba Peterson. Nalaman natin na siya ay bininyagan ni Oliver Cowdery noong Abril 1830 at inordenan na elder noong Hunyo ng taon ding iyon. Di-nagtagal bago umalis sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. Patungo sa kanilang misyon, nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon para malaman niya kung mayroon pang sasama sa kanila. Natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 32, tinatawag sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson na sumama sa misyon.

Noong taglagas ng 1830 at taglamig ng 1830–31, naglakbay ang maliit na grupo ng mga missionary na kinabibilangan nina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt at Ziba Peterson (na kalaunan ay sinamahan ng isang convert mula sa Ohio na nagngangalang Frederick G. Williams), nang halos 1,500 milya (mga 2,400 kilometro) mula Fayette, New York, patungo sa Independence, Missouri—na madalas ay naglalakad lang. Sa kanilang paglalakbay, nangaral ng ebanghelyo ang mga missionary na ito sa Mentor at Kirtland, Ohio, sa isang kongregasyon ng mga taong naghahanap ng panunumbalik ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan. Naniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang lider ng grupo na si Sidney Rigdon, at maraming iba pa sa kongregasyon. Sa wakas ay nakarating ang mga missionary na ito sa Independence noong kalagitnaan ng Enero 1831. Sa kanilang paglalakbay, naranasan nila ang matinding lamig, malalakas na hangin, at pagod, at nabuhay sa pagkain ng nagyeyelong corn bread at hilaw na karne. Sa ilang lugar, ang niyebeng nilakaraan nila ay tatlong talampakan ang lalim. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, tagumpay na naipangaral ng mga missionary na ito ang ebanghelyo sa mga American Indian, na nakatira sa Indian Territory sa kanlurang hangganan ng Missouri. Tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na Siya ay makakasama ng mga missionary na ito at walang mananaig laban sa kanila. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 83–85.)

Doktrina at mga Tipan 32

Tinawag ng Panginoon sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson upang mangaral sa mga Lamanita

Doktrina at mga Tipan 32:1–3. “Ako ay sasama sa kanila at pasasagitna nila”

Magtungo sa Ilang

Magtungo sa Ilang, ni Robert Theodore Barrett. Sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Peter Whitmer, at Ziba Peterson ay tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo “sa mga Lamanita” (D at T 32:2).

Sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson ay itinalaga na samahan sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer Jr. sa kanilang misyon sa mga Lamanita (tingnan sa D at T 28:8–9; 30:5–8). Ipinangako ng Panginoon sa mga missionary na ito na kung ipangangaral nila ang ebanghelyo nang buong kaamuan, Siya ay “sasama sa kanila at pasasagitna nila” (D at T 32:3). Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang sumusunod na karanasan upang ituro ang ilan sa mga paraan na mapapasaatin ang Panginoon kapag ginawa natin ang ating mga tungkulin:

“Pinalalakas ng Diyos ang Kanyang mga tinatawag maging sa mga bagay na para sa inyo’y maliliit o di mapapansing paglilingkod. Sasainyo ang kaloob na makitang nagbunga ang inyong paglilingkod. Magpasalamat habang ang kaloob na ito’y nasa inyo. …

“Hindi lang daragdagan ng Panginoon ang bisa ng inyong pagsisikap. Siya mismo ang tutulong sa inyo. Ang Kanyang tinig sa apat na misyonero, na tinawag sa mahirap na gawain sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nagbibigay ng lakas-ng-loob sa lahat ng tinatawag sa Kanyang kaharian: ‘At ako ay sasama sa kanila at pasasagitna nila; at ako ang kanilang tagapamagitan sa Ama, at walang makapananaig laban sa kanila’ [D at T 32:3]. …

“Sasainyo ang ganap na katiyakan na ang inyong lakas ay [maraming] ulit na pag-iibayuhin ng Panginoon. Ang hiling lang Niya ay ibigay ninyo ang inyong buong kakayahan at buong puso. Gawin ito nang [masaya] at may panalangin ng pananampalataya. Isusugo ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang Espiritu Santo para makasama ninyo upang kayo’y magabayan. Ang inyong mga pagsisikap ay palalakihin sa buhay ng mga taong inyong pinaglilingkuran. At kapag [ginunita] ninyo ang mga panahon ng pagsubok sa paglilingkod at sakripisyo, ang sakripisyo’y magiging pagpapala, at malalaman ninyong nakita na ninyo ang bisig ng Diyos na tinutulungan ang mga pinaglingkuran ninyo para sa Kanya at kayo rin” (“Manindigan sa Iyong Tungkulin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 77–78).

Doktrina at mga Tipan 33: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Ezra Thayre ay nakatira malapit sa Palmyra, New York, nang malaman niya ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Dati niyang inupahan ang mga miyembro ng pamilya Smith para tulungan siya sa mga proyektong pagtatayo ng mga gusali. Kalaunan ay nakumbinsi siya na dumalo sa isang miting kung saan nangaral ng ebanghelyo si Hyrum Smith. Isinulat niya kalaunan ang kanyang nadama sa itinuro ni Hyrum: “Naantig ng bawat salita ang kaibuturan ng aking puso. Parang ako ang pinapatungkulan ng bawat salita. … Tumulo ang mga luha sa aking mga pisngi, puno ako ng kapalaluan at pagmamatigas. Marami roon ang nakakakilala sa akin. … Nanatili akong nakaupo hanggang sa makabawi ako ng lakas bago ako nakatingin” (sinipi sa Matthew McBride, “Ezra Thayre: From Skeptic to Believer,” sa Revelations in Context, ed. Matthew McBride and James Goldberg [2016], 62, o history.lds.org).

Si Ezra ay nakatanggap ng malakas na patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Nagkaroon din siya ng isang pangitain na “isang lalaki ang lumapit sa akin at may dalang nakarolyong papel at ibinigay ito sa akin, at may dala rin siyang trumpeta at sinabi sa akin na hipan ko iyon. Sinabi ko sa kanya na hindi pa ako nakakaihip ng kahit ano niyon. Sinabi niya na makakaihip ako at subukan ko. Inilagay ko ito sa aking bibig at umihip, at iyon ang napakagandang tunog na narinig ko. Ang nakarolyong papel ay paghahayag tungkol sa akin at kay Northrop Sweet. Si Oliver [Cowdery] ang lalaking nagdala sa akin ng nakarolyong papel at trumpeta. Nang dalhin niya ang paghahayag tungkol sa akin at kay Northrop Sweet, sinabi niya, heto ang paghahayag na mula sa Diyos para sa iyo” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 206). Si Ezra Thayre ay bininyagan ni Parley P. Pratt, at noong Oktubre 1830, sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, siya at si Northrop Sweet ay tinawag sa gawain ng Panginoon.

Si Northrop Sweet ay bininyagan ni Parley P. Pratt at naging miyembro ng Simbahan noong Oktubre 1830, sa Palmyra, New York. Siya ay kasal sa pamangkin ni Martin Harris. Hindi nagtagal matapos siyang mabinyagan, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 33, siya ay tinawag na magmisyon. Si Northrop ay lumipat sa Kirtland, Ohio, noong Hunyo 1831, kung saan siya naordenan na elder; gayunpaman, hindi nagtagal pagkatapos niyon umalis siya sa Simbahan at nagtangka, kasama ang iba pa, na magtatag ng ibang simbahan, nagsasabing bulaang propeta si Joseph Smith.

Doktrina at mga Tipan 33

Tinawag ng Panginoon sina Ezra Thayre, Northrop Sweet, at Orson Pratt upang ipahayag ang ebanghelyo

Doktrina at mga Tipan 33:4. “Sila ay nagkamali sa maraming pagkakataon dahil sa mga huwad na pagkasaserdote”

Ang matalinghagang paglalarawan ng nabulok na ubasan sa Doktrina at mga Tipan 33:4 ay tumutukoy sa kalagayan ng apostasiya na nagpasama sa daigdig dahil sa kasalanan ng huwad na pagkasaserdote. Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang kahulugan ng huwad na pagkasaserdote:

“Mayroong tawag ang mga banal na kasulatan para sa naglilingkod sa ebanghelyo ‘dahil sa mga kayamanan at karangalan’; ito ay ‘huwad na pagkasaserdote.’ (Alma 1:16.) Sinabi ni Nephi, ‘Ang huwad na pagkasaserdote ay upang mangaral ang mga tao at itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan; subalit hindi nila hinahangad ang kapakanan ng Sion.’ (2 Ne. 26:29.) Sa mga huling araw na ito, iniutos sa atin na ‘hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion.’ (D at T 6:6.) Ang malungkot, hindi lahat ng naisakatuparang gawain sa ilalim ng kautusang iyon ay talagang para sa pagtatayo ng Sion o pagpapalakas ng pananampalataya ng mga tao ng Diyos. Maaaring may iba pang mga hangarin.

“Ang paglilingkod na tila hindi makasarili ngunit para talaga sa mga kayamanan o karangalan ay tiyak na mapapabilang sa mga yaong kinundena ng Tagapagligtas na mga taong ‘sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno … ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.’ (Mat. 23:28.) Ang gayong paglilingkod ay walang gantimpala ng ebanghelyo (“Why Do We Serve?” Ensign, Nob. 1984, 13).

Nagsalita si Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu tungkol sa pagkakaiba ng huwad na pagkasaserdote at ng paglilingkod na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos:

“Ang mga taong naghahangad ng karangalan at kayamanan para sa kanilang sarili sa paggawa ng gawain ng Panginoon ay nagkasala ng tinatawag sa mga banal na kasulatan na huwad na pagkasaserdote. …

“Nakikita ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos ang buhay sa pinaka-naiibang pananaw kaysa sa mga yaong ang pansin ay nakatuon kung saan-saan. Ang mga miyembrong iyon, halimbawa, ay hindi iniisip ang pagtanggap ng papuri o pagkilala para sa mabubuting ginawa nila. Mas interesado sila sa pagpapakain ng mga tupa ng Panginoon kaysa sa pagbibilang sa kanila. Sa katunayan, madalas na matagpuan nila ang pinakamalaking kaligayahan sa paglilingkod nang hindi nagpapakilala, sa gayon walang taong pasasalamatan o pupurihin ang mga tinulungan nila maliban sa Panginoon” (“An Eye Single to the Glory of God,” Ensign, Nob. 1989, 27).

Doktrina at mga Tipan 33:8–10. “Ibuka ang inyong mga bibig”

Nagsusulat si Nephi sa mga Laminang Ginto

Nagsusulat si Nephi sa mga Laminang Ginto, ni Paul Mann. Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na ibuka ang kanilang mga bibig at ipahayag ang mensahe ng pagsisisi at sila ay “matutulad maging kay Nephi noong sinauna” (tingnan sa D at T 33:8–10).

Sa tatlong talatang ito (tingnan sa D at T 33:8–10) sina Ezra Thayre at Northrop Sweet ay inutusan nang tatlong beses na ibuka ang kanilang mga bibig at ipahayag ang pagsisisi. Kailangan ng Panginoon ang mga tagapaglingkod na malakas ang loob at handang ipahayag ang ebanghelyo. Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang sumusunod na halimbawa kung bakit napakahalaga na ibuka ang ating mga bibig at ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng taong kilala natin:

“May sandali sa daigdig na darating na lahat ng nakilala ninyo sa buhay na ito ay malalaman ang nalalaman ninyo ngayon. Malalaman nila na ang tanging daan para mabuhay magpakailanman kasama ang ating mga pamilya at sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay ang piliing pumasok sa pasukan sa pamamagitan ng binyag na isasagawa ng mga taong may awtoridad mula sa Diyos. Malalaman nila na ang tanging paraan para magkasama ang mga pamilya magpakailanman ay tanggapin at tuparin ang mga sagradong tipang ibinigay sa mga templo ng Diyos sa daigdig na ito. At malalaman nila na alam ninyo. At maaalala nila kung ibinahagi ninyo sa kanila ang ibinahagi ng ibang tao sa inyo.

“Madaling sabihing, ‘Hindi pa oras.’ Pero may panganib sa pagpapaliban. Ilang taon na ang nakararaan nagtrabaho ako para sa isang lalaki sa California. Tinanggap niya ako, mabait siya sa akin, parang mataas ang pagtingin niya sa akin. Ako lang siguro ang tanging Banal sa mga Huling Araw na kilalang-kilala niya. Hindi ko na maalala ang mga pagdadahilan ko sa paghihintay ng mas magandang pagkakataong makausap siya tungkol sa ebanghelyo. Naaalala ko lang na nalungkot ako nang malaman ko, matapos siyang magretiro at mapalayo ako ng tirahan, na naaksidente silang mag-asawa sa kotse isang hatinggabi noong pauwi na sila sa kanilang tahanan sa Carmel, California. Mahal niya ang kanyang asawa. Mahal niya ang kanyang mga anak. Mahal niya ang kanyang mga magulang. Mahal niya ang kanyang mga apo, at mamahalin niya ang kanilang mga anak at nanaising makapiling sila magpakailanman.

“Ngayon, hindi ko alam kung ano ang magiging sitwasyon ng lahat ng tao sa daigdig na darating. Pero palagay ko magkikita kami, tititigan niya ako, at mababasa ko sa kanyang mga mata ang tanong: ‘Hal, alam mo pala. Bakit hindi mo sinabi sa akin?’” (“A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 33).

Doktrina at mga Tipan 34: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Orson Pratt ay kapatid ni Parley P. Pratt. Inilarawan ni Orson ang pagsisikap niya na mapalapit sa Panginoon noong bata pa siya: “Madalas akong makadama ng malaking hangaring maging handa para sa darating na mga araw; ngunit hindi ko kailanman nasimulan, nang may lubos na pagsusumigasig, na hanapin ang Panginoon, hanggang noong taglagas ng 1829. Mula noon ay nagsimula na akong manalangin nang taimtin. Sa tahimik na kadiliman ng gabi, samantalang ang iba ay mahimbing na natutulog, madalas akong magtungo sa ilang lihim na lugar sa mapanglaw na bukid o kagubatan, at yumuyukod sa harapan ng Panginoon, at nanalangin nang maraming oras nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu; ito ay nakapapanatag at nakalulugod sa akin. Ang pinakamatinding hangarin ng aking puso ay maipahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa akin” (sa The Orson Pratt Journals, comp. Elden J. Watson [1975], 8–9). Noong Setyembre 1830, si Orson ay binisita ng isa sa kanyang mga nakatatandang kapatid, si Parley P. Pratt, na kabibinyag lang noon. Tulad ni Parley, si Orson ay naniwala sa katotohanan, at nabinyagan noong Setyembre 19, 1830, sa kanyang ika-19 na kaarawan. Pagkatapos ay naglakbay siya nang 200 milya upang makilala si Propetang Joseph Smith sa Fayette, New York. Hiniling niya na malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya, at natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 34.

Doktrina at mga Tipan 34

Si Orson Pratt ay tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo

Doktrina at mga Tipan 34:10. “Ibibigay ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo”

Si Orson Pratt ay 19 na taong gulang at ilang linggo pa lamang miyembro ng Simbahan nang ibigay sa kanya ng Panginoon, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 34. Sa paghahayag na ito ipinangako ng Panginoon kay Orson na makapagpapatotoo siya sa pamamagitan ng diwa ng propesiya (tingnan sa D at T 34:10).

Orson Pratt

Si Orson ay 19 na taong gulang nang tawagin siya na “itaas ang [kanyang] tinig … at mangaral ng pagsisisi” (D at T 34:6).

Makalipas ang maraming taon, bilang Apostol ng Panginoon, sinabi ni Elder Orson Pratt (1811–1881) tungkol sa pangakong iyan: “‘Itaas ang iyong tinig at magpropesiya, at ibibigay ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.’ Ito ang isang bagay sa paghahayag na tila para sa akin ay napakahirap gawin, ngunit nakapaloob dito ang isang positibong utos na dapat ko itong gawin. Madalas kong isipin ang paghahayag na ito at kadalasang itinatanong sa aking puso—‘Nasunod ko ba ang utos na iyon na dapat kong gawin? Taimtim ba akong naghanap upang matamo ko ang kaloob na propesiya, upang masunod ang iniutos ng langit?’ At nadama ko kung minsan na kundenahin ang aking sarili, dahil sa aking katamaran at dahil sa kaunting progreso na nagawa ko na nauugnay sa dakila, makalangit at banal na kaloob na ito. Nakatitiyak ako na hindi ako nagpropesiya sa mga tao maliban kung ito ay ibigay sa akin sa pamamagitan ng inspirasyon at kapangyarihan ng Espiritu Santo” (“Discourse by Elder Orson Pratt,” Deseret News, Mar. 3, 1875, 68).

Pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring na magbibigay ang Panginoon ng banal na tulong sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa lahat ng Kanyang mga anak kapag sinikap nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad:

“Gagabayan kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag tulad ng pagtawag Niya sa inyo. Humingi kayo nang may pananampalataya para sa paghahayag upang malaman ang dapat ninyong gawin. Kaakibat ng inyong tungkulin ang pangakong darating ang mga kasagutan. Ngunit darating lang ang patnubay kung tiyak ng Panginoon na susunod kayo. Upang malaman ang Kanyang kalooban dapat tayong maging tapat sa paggawa nito. Ang mga salitang ‘Gawin nawa ang iyong kalooban,’ na nakatanim sa ating puso ay susi sa pagtanggap ng paghahayag.

“Dumarating ang sagot sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Madalas ninyong kakailanganin ang patnubay na iyon. Upang makasama ang Espiritu Santo dapat ay karapat-dapat kayo, at nalinis ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kaya, ang pagsunod ninyo sa mga kautusan, ang hangarin ninyong sundin ang Kanyang kalooban, at paghingi ninyo ng tulong nang may pananampalataya ang magsasabi kung gaano kalinaw kayo gagabayan ng [Panginoon] sa [pamamagitan ng mga] sagot sa inyong mga dalangin.

“Kadalasan ang mga sagot ay darating sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan. Naglalaman ito ng mga ulat tungkol sa ginawa ng Panginoon sa Kanyang mortal na ministeryo at patnubay na ibinigay Niya sa Kanyang mga lingkod. May doktrina ang mga ito na angkop sa bawat panahon at sitwasyon. Ang pagninilay sa banal na kasulatan ay aakay sa inyong magtanong nang tama sa panalangin. At tulad ng tiyak na pagbubukas ng langit kay Joseph Smith, matapos nilay-nilayin nang may pananampalataya ang mga banal na kasulatan, sasagutin ng Diyos ang inyong mga dalangin at aakayin kayo. …

“Sasainyo ang ganap na katiyakan na ang inyong lakas ay [maraming] ulit na pag-iibayuhin ng Panginoon. Ang hiling lang Niya ay ibigay ninyo ang inyong buong kakayahan at buong puso. Gawin ito nang [masaya] at may panalangin ng pananampalataya. Isusugo ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang Espiritu Santo para makasama ninyo upang kayo’y magabayan. Ang inyong mga pagsisikap ay palalakihin sa buhay ng mga taong inyong pinaglilingkuran. At kapag [ginunita] ninyo ang mga panahon ng pagsubok sa paglilingkod at sakripisyo, ang sakripisyo’y magiging pagpapala, at malalaman ninyong nakita na ninyo ang bisig ng Diyos na tinutulungan ang mga pinaglingkuran ninyo para sa Kanya at kayo rin” (“Manindigan sa Iyong Tungkulin,” Liahona, Nob. 2002, 76, 78).

Doktrina at mga Tipan 34:11. “Ako ay makakasama mo”

Ang Panginoon ay nangako nang maraming beses na makakasama Siya ng mga yaong tapat at sumusunod sa paanyaya na tumulong sa Kanyang gawain (para sa halimbawa, tingnan sa, D at T 30:11; 31:13; 32:3; 33:9; 34:11). Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakapapanatag ang pangakong ito:

“Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya, kahit lahat ng pagsisikap natin ay hindi katumbas at hindi maihahambing sa Kanya. Kapag tayo ay nagtiwala at nakipagtulungan sa Kanya sa paghatak sa ating pasan sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tunay na ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan.

“Hindi tayo nag-iisa at hindi natin kailangang mag-isa kailanman. Makakasulong tayo sa buhay sa araw-araw sa tulong ng langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas makatatanggap tayo ng kakayahan at ‘lakas [nang higit sa sarili nating kakayahan]’ (“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164). Tulad ng sinabi ng Panginoon, ‘Samakatwid, ipagpatuloy ang inyong paglalakbay at ang inyong puso ay magsaya; sapagkat masdan, at narito, ako ay kasama ninyo maging hanggang wakas’ (D at T 100:12)” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88).