Kabanata 14
Doktrina at mga Tipan 35–36; 39–40
Pambungad at Timeline
Noong taglamig ng 1830, sina Sidney Rigdon at Edward Partridge ay naglakbay mula sa Ohio patungo sa New York upang makausap si Propetang Joseph Smith. Narinig ng dalawang lalaki ang ipinanumbalik na ebanghelyo na ipinangaral nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. sa Kirtland, Ohio, area. Pagkarating nina Sidney at Edward sa Fayette, New York, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag para sa bawat isa sa kanila. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 35, binigyan ng Panginoon si Sidney Rigdon ng mga partikular na responsibilidad sa kapapanumbalik na Simbahan. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 36, tinawag ng Panginoon si Edward Partridge upang ipangaral ang ebanghelyo.
Makalipas ang ilang linggo, si James Covel, isang Methodist minister sa loob ng 40 taon, ay bumisita kay Propetang Joseph Smith at nakipagtipan sa Panginoon na susundin ang anumang kautusan na ibibigay sa kanya sa pamamagitan ng propeta. Dahil dito, noong Enero 5, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39. Dito ay iniutos ng Panginoon na magpabinyag si James Covel at ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunman, isang araw matapos matanggap ang paghahayag na ito, umalis si James sa Fayette, New York, nang hindi nabibinyagan at “bumalik sa kanyang dating mga alituntunin at mga tao” (Joseph Smith, sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 237). Pagkatapos ay ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 40, ipinaliliwanag na “ang takot [ni James Covel] na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita [ng Diyos]” (D at T 40:2).
-
Oktubre 29, 1830Sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ay nangaral ng ebanghelyo sa hilagang-silangan ng Ohio sa loob ng ilang linggo.
-
Mga unang araw ng Disyembre 1830Sina Sidney Rigdon at Edward Partridge ay naglakbay mula sa Ohio patungo sa New York upang makausap si Propetang Joseph Smith.
-
Disyembre 7, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 35.
-
Disyembre 9, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 36.
-
Disyembre 11, 1830Bininyagan ni Joseph Smith si Edward Partridge.
-
Enero 2, 1831Ginanap ang ikatlong kumperensya ng Simbahan, at inihayag ni Joseph Smith na magtitipon ang mga Banal sa Ohio.
-
Enero 1831Nakilala ni James Covel na isang Methodist minister si Joseph Smith.
-
Enero 5, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 39.
-
Enero 6, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 40.
Doktrina at mga Tipan 35: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Sa loob ng anim na buwan matapos maorganisa ang Simbahan, sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Ziba Peterson, at Parley P. Pratt ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo sa mga American Indian. Nang papunta na sila sa mga hangganan sa kanluran ng Missouri, tumigil sila sa Mentor at Kirtland, Ohio, kung saan ibinahagi nila ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa kaibigan ni Elder Pratt at dating pastor, si Sidney Rigdon. Sa maikling panahon, mahigit 120 katao, kabilang si Sidney Rigdon at maraming miyembro ng kanyang kongregasyon, ang nabinyagan. Tinatayang nadoble nito ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan.
Si Sidney Rigdon ay inordenan bilang isang Baptist minister noong 1821. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sumapi siya sa kilusan ng Reformed Baptist ni Alexander Campbell. Ang mga sumunod kay Campbell ay tinawag kalaunan na Disciples of Christ o Campbellites, at masigasig nilang hinanap ang panunumbalik ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan. Nakilala si Sidney Rigdon bilang isang maimpluwensiyang Reformed Baptist na mangangaral sa Mentor, Ohio, at sa mga karatig na komunidad, pati sa Kirtland. Ang masigasig na paghahanap ni Sidney sa panunumbalik ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan ay naghanda sa kanya at sa mga sumusunod sa kanya na makinig mabuti sa mensaheng dala ng mga missionary mula sa New York.
Tinawag ng Panginoon si Sidney Rigdon, isang bagong miyembro mula sa Ohio, na “magsusulat para [kay Joseph]” habang isinasalin niya ang Biblia (D at T 35:20).
Nang makatanggap si Sidney Rigdon ng kopya ng Aklat ni Mormon mula sa mga missionary, sinimulan niyang pag-aralan ito nang mabuti. Sinabi kalaunan ng kanyang anak na naging masyadong abala si Sidney sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon kaya’t “hindi niya ito halos maiwan para kumain. Patuloy niyang binasa ito sa araw at gabi hanggang matapos niya ito at pagkatapos ay inisip at pinagnilayan niya ito” (John W. Rigdon, “Lecture on the Early History of the Mormon Church” [1906], 18, Church History Library, Salt Lake City; ang malalaking titik at bantas ay iniayon sa pamantayan). Nang makumbinsi siya ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, sinabi ni Sidney sa kanyang asawang si Phebe, “‘Mahal ko, nagtiis ka ng hirap sa piling ko noon, handa ka bang gawin muli iyon[?]’” Sumagot siya, “Pinag-isipan kong mabuti ang mga bagay-bagay, inisip ko ang maaaring mangyari sa atin, nakita ko ang magiging sakripisyo natin, at handa akong sumama sa iyo. [Oo], nais kong gawin ang kalooban ng Diyos, sa buhay o kamatayan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 213, note 91).
Dahil nagalit sa pagpapabinyag nina Sidney at Phebe sa kapapanumbalik na Simbahan, hindi pinahintulutan ng maraming miyembro sa dating kongregasyon ng Reformed Baptist ni Sidney na hindi kabilang sa mga tumanggap ng mensahe ng mga missionary na lumipat ang mga Rigdon sa bagong bahay na itinayo nila para sa kanila at pinabayaan na sila. Dahil nawalan ng ikabubuhay, bahay, at marami sa kanilang mga kaibigan at kasamahan, inilipat nina Sidney at Phebe ang kanilang pamilya sa Kirtland upang manirahan kasama ang iba pang mga bagong binyag na miyembro ng Simbahan.
Doktrina at mga Tipan 35
Tinawag ng Panginoon si Sidney Rigdon para sa isang mas mahalagang gawain
Doktrina at mga Tipan 35:2. “Maging isa sa akin kagaya ng pagiging isa ko sa Ama”
Hindi itinuturo ng Panginoon na Siya at ang Ama ay iisang katauhan nang sabihin niyang, “Pagiging isa ko sa Ama, kagaya ng pagiging isa ng Ama sa akin” (D at T 35:2). Sa halip, nililinaw ng talatang ito na ang Ama sa Langit at ang Kanyang anak na si Jesucristo, ay nagkakaisa sa layunin at mayroong parehong pagkatao, kasakdalan, at mga katangian. Inaanyayahan nila ang mga tunay na tagasunod na maging isa sa Kanila. Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo magiging “isa” sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak:
“Ganap na nakiisa si Jesus sa Ama sa pagpapasakop ng Kanyang sarili, laman at espiritu, sa kalooban ng Ama. Siya’y laging nakapokus sa Kanyang ministeryo dahil walang pagdadalawang-isip sa Kanya. Sa pagtukoy sa Kanyang Ama, sinabi ni Jesus, ‘Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod’ (Juan 8:29). …
“Tiyak kong hindi tayo magiging kaisa ng Diyos at ni Cristo hangga’t hindi natin pakahangarin ang kanilang kalooban at hangarin. Ang gayong pagpapakumbaba ay hindi matatamo sa isang araw, ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tuturuan tayo ng Panginoon kung nais natin hanggang, sa pagdaan ng panahon, angkop na sabihing Siya ay sa atin tulad ng ang Ama ay nasa Kanya. Kung minsa’y takot akong isipin ang mga kakailanganin, ngunit alam kong tanging sa ganap na pagkakaisang ito lang masusumpungan ang lubos na kagalakan. Hindi ko lubos na maipahayag ang aking pasasalamat na ako’y naanyayahang makaisa ang mga banal na nilikhang iyon na iginagalang at sinasamba ko bilang aking Ama sa Langit at Manunubos” (“Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 72–73).
Doktrina at mga Tipan 35:3. “Inihanda kita sa isang mas mahalagang gawain”
Sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon na “pinagmasdan” Niya siya at ang kanyang mga gawain at narinig ang kanyang mga panalangin (D at T 35:3). Hindi lang alam ng Panginoon ang tungkol kay Sidney, ang tungkol sa kanyang karanasan, at gawain bilang ministrong Protestante, ngunit alam din Niya ang malaking potensyal ni Sidney. Sinabi rin ng Panginoon na inihanda Niya si Sidney Rigdon para sa “isang mas mahalagang gawain” kaysa sa gawaing nagawa na niya (D at T 35:3). Kabilang sa “mas mahalagang gawain” na ito ang pagtulong sa iba na magpabinyag at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng wastong awtoridad at sa gayon ay mabuksan ang pinto upang matanggap ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 35:5–6). Tulad ng ginawa Niya kay Sidney Rigdon, ang Panginoon ay nagbibigay ng mga oportunidad at kaalaman na maghahanda sa atin na magawa ang “mas mahalagang gawain” na ipinagagawa Niya sa atin.
Matapos ibahagi ang mga karanasan sa kanyang buhay, pinatotohanan ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Ang inyong buhay ay binabantayang mabuti, na katulad ng buhay ko. Parehong alam ng Panginoon ang kailangan Niyang ipagawa sa inyo at ang kailangan ninyong malaman. Siya ay mabait at alam Niya ang lahat. Kaya umasa at magtiwala kayo na naghanda Siya ng mga oportunidad para sa inyo upang matuto kayo bilang paghahanda sa paglilingkod na inyong ibibigay. Hindi ninyo lubos na matutukoy ang mga oportunidad na iyon, katulad ko. Ngunit kapag inuna ninyo ang mga espirituwal na bagay sa inyong buhay, ituturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong matutuhan, at mahihikayat kayo na lalo pang magsikap. Matatanto ninyo kalaunan na ang kakayahan ninyong maglingkod ay naragdagan, at magpapasalamat kayo” (“Education for Real Life” Ensign, Ok. 2002, 18–19).
Doktrina at mga Tipan 35:4–6. Tulad ni Juan Bautista, si Sidney Rigdon ay “isinugo … upang ihanda ang daan”
Tulad ni Juan Bautista na naghanda ng daan para kay Jesucristo, ang ginawa ni Sidney Rigdon bilang isang Reformed Baptist minister ay naghanda ng daan para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Inihambing ng Panginoon ang gawain ni Sidney Rigdon bilang Protestant minister sa gawain ni Juan Bautista sa Bagong Tipan (tingnan sa D at T 35:4). Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod, inihanda ng dalawang indibiduwal na ito ang mga tao na pakinggan at tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung paano inihanda ni Sidney Rigdon ang daan para sa iba na tanggapin ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo: “Dapat pakatandaan na ang malaking bilang ng matatatag at matatalinong kalalakihan na naging mga lider ng Simbahan ay natipon sa pamamagitan ni Sidney Rigdon, sa tulong ng Panginoon, sa bahaging ito ng lupain. … Samakatwid, nang magtungo sina, Parley P. Pratt, Ziba Peterson at ang kanilang mga kasama sa Kirtland nakita nila na naihanda na ang daan para sa kanila sa pamamagitan ng pangangaral, na halos ginawa, ni Sidney, kaya’t hindi naging mahirap sa mga missionary na ito na makumbinsi sa katotohanan ang grupong ito. Bagama’t si Sidney ay nangaral at nagbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig nang walang awtoridad, na ipinabatid sa kanya ng Panginoon sa paghahayag na ito, gayon pa man lahat ng ito ay nagbunga ng mabuti nang makarating sa kanila ang mensahe ng Ebanghelyo. Ang mga kalalakihang ito ay hindi lamang nakumbinsi at handang magpabinyag, ngunit karapat-dapat din silang pagkalooban ng Priesthood, at nangyari nga ito” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:160).
Doktrina at mga Tipan 35:8–11. Ang Panginoon ay gumagawa ng mga himala ayon sa pananampalataya ng mga naniniwala sa Kanya
Itinuro ng Panginoon kay Sidney Rigdon na ang “mga himala, tanda, at kababalaghan” ay ibinibigay bilang tugon sa pananampalataya (D at T 35:8; ihambing sa D at T 63:7–12). Mahalagang tandaan na ang mga himala at kababalaghan “ay hindi dapat ituring na paglihis sa karaniwan o kalikasan kundi pagpapakita ng banal o espirituwal na kapangyarihan. Ang ilang mas mababang batas sa bawat sitwasyon ay napapalitan ng ginawa ng mas mataas na batas” (Bible Dictionary, “Miracles”). Inilarawan ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang dalawang uri ng “totoong himala”:
“Una, ang mga himala ay nagagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood at naroon palagi sa totoong Simbahan ni Jesucristo. Itinuro sa Aklat ni Mormon na ‘ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala’ (Mosias 8:18). Ang ‘paraan’ na ibinigay ay ang kapangyarihan ng priesthood (tingnan sa Santiago 5:14–15; D at T 42:43–48), at ang kapangyarihang iyan ay gumagawa ng mga himala sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan sa Eter 12:12; Moro. 7:37). …
“Ang ikalawang uri ng totoong himala ay ang himala na nangyari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya, nang hindi ginamit ang kapangyarihan ng priesthood. Marami sa mga himalang ito ang nangyayari sa ating Simbahan, tulad sa pamamagitan ng mga panalangin ng matatapat na kababaihan, at marami ang nangyayari sa labas nito. Itinuro ni Nephi, ‘ipinakikilala [ng Diyos] ang kanyang sarili sa lahat ng yaong naniniwala sa kanya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; oo, sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, gumagawa ng mga makapangyarihang himala, palatandaan, at kababalaghan, sa mga anak ng tao alinsunod sa kanilang pananampalataya’ (2 Ne. 26:13; tingnan din sa 1 Ne. 7:12; Santiago 5:15)” (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 8–9).
Ipinaliwanag pa ni Elder Oaks kung bakit maaaring hindi mangyari ang mga himala kahit sapat ang ating pananampalataya: “Nagsalita ako tungkol sa mga himalang nangyayari. Ngunit paano ang mga himalang hindi nangyayari? Marami sa atin ang nagdasal na hindi sinagot sa pamamagitan ng himalang hiniling natin noong panahong hangarin natin ito. Ang mga himala ay hindi nangyayari sa basta paghingi lamang nito. … Laging una sa lahat ang kalooban ng Panginoon. Hindi magagamit ang priesthood ng Panginoon sa paggawa ng himala kung salungat ito sa kalooban ng Panginoon. Dapat din nating tandaan na kahit mangyayari ang isang himala, hindi ito mangyayari ayon sa itinakda nating panahon. Itinuro sa mga paghahayag na ang mga himalang nararanasan ay nangyayari ‘sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan’ (D at T 88:68)” (“Miracles,” 9).
Doktrina at mga Tipan 35:13. “Tinatawag ko ang mahihinang bagay ng sanlibutan”
Ang “mahihinang bagay ng sanlibutan” (D at T 35:13) ay tumutukoy sa mga taong itinuturing na mahina batay sa mga pamantayan ng mundo tulad ng impluwensya, yaman, at edukasyon, ngunit itinuturing ng Panginoon na nagtataglay ng espirituwal na lakas dahil sila ay maamo, mapagkumbaba, puno ng pag-ibig, at umaasa sa lakas at inspirasyon ng Diyos. Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan kung bakit tinatawag ng Panginoon ang yaong mga indibiduwal upang isagawa ang Kanyang dakilang gawain:
“May dakilang gawain ang Panginoon para sa bawat isa sa atin. Maaari kayong magtaka kung paano ito nangyari. Maaari ninyong isipin na walang espesyal o napakahusay tungkol sa inyo o sa inyong kakayahan. …
“Makagagawa ang Panginoon ng kakaibang mga himala sa isang taong ordinaryo ang kakayahan ngunit mapagpakumbaba, tapat, at masigasig sa paglilingkod sa Panginoon at hangad paghusayin ang sarili. … Ito ay dahil ang Diyos ang tunay na pinagmumulan ng kapangyarihan” (“Acting for Ourselves and Not Being Acted Upon,” Ensign, Nob. 1995, 47).
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang gawain sa Simbahan ngayon ay ginagampanan ng mga karaniwang lalaki at babae na tinawag at sinang-ayunan upang mangulo, magturo, at mangasiwa. Sa kapangyarihan ng paghahayag at sa kaloob na Espiritu Santo ginagabayan ang mga tinawag na yaon upang malaman ang kalooban ng Panginoon” (“Ginagabayan ng Banal na Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 31).
Doktrina at mga Tipan 35:13. Ano ang ibig sabihin ng “himayin ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng … Espiritu”?
Tulad ng mga butil na dapat ihiwalay sa ipa, ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay isinugo upang “himayin ang mga bansa” para ihiwalay ang mga maralita at maamo ng mundo at ipangaral ang ebanghelyo sa kanila (tingnan sa D at T 35:13, 15).
Ang salitang himayin sa Doktrina at mga Tipan 35:13 ay tumutukoy sa paggigiik ng mga butil. Ang paggigiik ay ang paghihiwalay ng butil, gaya ng trigo, mula sa tangkay at ipa nito. Itinatabi ang butil, at itinatapon ang tangkay at ipa. Samakatwid, ang “himayin ang mga bansa” ay tumutukoy sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo upang ang mga convert ay matipon gaya ng butil. (Paalala: Sa naunang Ingles na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, D at T 35:13 ginamit ang salitang thrash sa halip ng thresh. Sa 2013 edition nito ang salita ay pinalitan ng thresh para makita ang salitang ginamit ng orihinal na paghahayag.)
Doktrina at mga Tipan 35:14. “Ang kanilang bisig ay magiging aking bisig”
Ginamit ng Panginoon ang digmaan bilang paglalarawan para matulungan ang Kanyang mga tagapaglingkod na maunawaan kung paano Niya sila tutulungan na “matapang na [maki]paglaban” (D at T 35:14), para sa Kanyang adhikain. Sa pagkakagamit sa D at T 35:14, ang bisig ay sumasagisag sa kapangyarihan o lakas. Ipinangako ng Panginoon na ang Kanyang kapangyarihan at lakas ay mapapasakanila na mga tinawag Niya upang isagawa ang Kanyang gawain. Bukod dito, tiniyak ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na Siya “ang kanilang magiging pananggalang at kanilang kalasag” (D at T 35:14), ibig sabihin ay ipagtatanggol at poprotektahan Niya sila. “Bibigkisan” din ng Panginoon “ang kanilang balakang” (D at T 35:14). Ang pariralang ito ay tumutukoy sa kaugalian sa sinaunang Israel na pagtitipon at paglalagay ng sinturon o pamigkis sa maluluwang na damit bilang paghahanda para sa trabaho o digmaan. Sa paggamit ng matalinghagang paglalarawang ito, nangako ang Panginoon na tutulungan ang Kanyang mga tagapaglingkod sa pagtitipon ng nakalat na Israel sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo.
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na tutulungan tayo ng Panginoon na magawa ang gawaing ipinagagawa Niya sa atin: “Ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain o itinuturing ang sarili ninyo na kulang sa kakayahang magampanan ang tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lamang sa inyo at sa akin. Ito ay gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na huhubugin ng Panginoon ang likod [natin] para makayanan ang pasanin na ilalagay dito” (“Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 62).
Doktrina at mga Tipan 35:17. “At sa kahinaan ay pinagpala ko siya”
Tinawag ng Panginoon “ang mahihinang bagay ng sanlibutan” upang gawin ang Kanyang gawain (D at T 35:13), kabilang si Joseph Smith. Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay nagpapakita ng isang paraan kung saan pinagpala ng Panginoon si Joseph sa kanyang kahinaan. Sa nalalapit na pagwawakas ng kanyang buhay, nagpatotoo si Emma Smith (1804–1879):
“Si Joseph [noong bata pa] ay … hindi makasulat ni makadikta ng malinaw at maayos na liham, ano pa kaya ang isang aklat na gaya ng Aklat ni Mormon. At, bagama’t nakita ko ang mga pangyayari, at naroon noong isinasalin ang mga lamina, at batid ang mga bagay na nagaganap, kahanga-hanga ito sa akin, ‘kahanga-hanga at kamangha-mangha,’ gaya ng sa sinuman. …
“Naniniwala ako na ang Aklat ni Mormon ay totoo—wala akong kahit kaunting pagdududa tungkol dito. Naniniwala ako na walang sinumang makapagdidikta ng nakasulat sa mga manuskrito maliban kung siya ay binigyang-inspirasyon; sapagkat, noong [ako ang] kanyang tagasulat, dinidiktahan ako [ni Joseph] nang ilang oras; at pagbalik namin mula sa pagkain, o matapos ang mga panggagambala, agad siyang nagsisimula kung saan siya tumigil, nang hindi tinitingnan ang manuskrito o ipinapabasa ang anumang bahagi. Isa itong di-pangkaraniwang bagay para gawin niya. Imposible itong magawa ng isang matalino at nag-aral na tao; at, para sa isang taong walang alam at hindi nakapag-aral tulad niya, talagang imposible ito” (“Last Testimony of Sister Emma,” The Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290).
Doktrina at mga Tipan 35:18. “Ang mga susi ng hiwaga”
Ang “hiwaga … ng yaong mga bagay na tinatakan” (D at T 35:18) ay tumutukoy sa banal na liwanag at kaalaman na malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Hawak ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood, na nagtutulot sa kanya na matanggap, sa pamamagitan ng Espiritu, ang mga banal na katotohanan na ikinubli ng Diyos mula sa sanlibutan (tingnan sa D at T 84:19). Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):
“[Ang Melchizedek Priesthood ay] siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit. …
“… Ito ang daluyan kung saan sinimulang ihayag ng Maykapal ang Kanyang kaluwalhatian sa pagsisimula ng paglikha sa mundong ito, at sa pamamagitan nito ay patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang Sarili sa mga anak ng tao hanggang sa ngayon, at ihahayag Niya ang Kanyang mga layunin hanggang sa katapusan ng panahon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 126).
Doktrina at mga Tipan 35:20. “Ikaw ay magsusulat para sa kanya”
Si John Whitmer, na naglingkod bilang tagasulat ni Propetang Joseph Smith sa panahong isinasalin ang Biblia, ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 30:9–11). Sa panahon ding ito, si Sidney Rigdon ay nabinyagan at, pagkatapos noon, ay naging pangunahing tagasulat sa sagradong gawaing ito. Bilang tugon sa iniutos ng Panginoon sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 35, kaagad na nagsimula si Sidney sa pagsulat para sa Propeta habang idinidikta ni Joseph ang mahabang inspiradong pagsasalin ng Genesis 5:22–24 (nakatala sa Moises 6:26–8:4; tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 223, note 147).
Isinulat ni Joseph Smith ang sumusunod sa loob ng King James Version ng Biblia na ginamit niya sa kanyang inspiradong pagsasalin: “Ang Aklat ng mga Judio at pag-aari nina Joseph Smith Junior at Oliver Cowdery Binili Noong Ika-8 ng Oktubre 1829, sa Egbert Grandins Book Store Palmyra Wayne County New York Presyo $3.75 Kabanalan sa Panginoon.”
Ipinahayag ng Panginoon na ang pagsasalin ng Biblia ay “ibibigay, maging ang mga ito ay mula sa sariling dibdib” (D at T 35:20). Hindi “isinalin” ni Propetang Joseph Smith ang Biblia sa karaniwang kahulugan ng salita. Hindi siya nag-aral ng mga sinaunang wika upang makagawa ng isang bagong pagsasalin sa wikang Ingles. Sa halip, natanggap niya ang espirituwal na kaloob para makagawa ng mga inspiradong rebisyon. Bagama’t ang ilan sa mga rebisyon na ginawa ng Propeta sa teksto ay nagbalik sa mga orihinal na scripture passage ng Biblia na nangawala, ang iba pang mga pagbabago ay nagwasto, naglinaw, at nagdagdag sa teksto na naroon na sa Biblia. Sa kabuuan, sa pamamagitan ng paghahayag, ang mga binagong scripture passage ni Joseph ay nagpapakita sa kahulugang inilaan ng Diyos. Ang mga pagbabagong matatagpuan ngayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay nagbalik sa malilinaw at mahahalagang katotohanan at tipan na nasa Biblia noon (tingnan sa 1 Nephi 13:28–36). Ipinaliwanag ng Panginoon na ang inspiradong pagsasalin ay higit pa sa pagbibigay ng impormasyon o para sa pagpapatibay ng mga Banal. Sinabi Niya na ibinigay din ito para sa “kaligtasan ng sarili kong hinirang” (D at T 35:20). Bukod pa rito, ang ilang mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan ay natanggap bilang bunga ng pagsasalin ni Joseph (tingnan sa D at T 76; 77; 91). Ang inspiradong pagsasalin ng Biblia ay karagdagang katibayan ng banal na tungkulin at ministeryo ni Propetang Joseph Smith.
Doktrina at mga Tipan 35:22. “Manatiling kasama niya … huwag mo siyang iwanan”
Sinunod ni Sidney Rigdon ang utos ng Panginoon na “manatiling kasama” ni Propetang Joseph Smith (D at T 35:22) hanggang sa pinaslang ang Propeta. Siya lamang ang tanging tagapayo sa Unang Panguluhan na naglingkod sa buong pamumuno ng Propeta. Siya rin ang tagasulat sa ilan sa mga paghahayag, ilan sa mga ito ay natanggap ni Joseph Smith na kasama siya (tingnan sa D at T 40; 44; 71; 73; 76; 100). Sinunod niya ang utos na “huwag mo siyang iwanan” (D at T 35:22) nang tiisin niya ang pagbuhos ng alkitran at balahibo sa Hiram, Ohio, noong 1832 at nabilanggo sa Liberty Jail kasama ang Propeta noong taglamig ng 1838–39.
Doktrina at mga Tipan 35:24. “Aking papangyarihin na mayanig ang langit para sa iyong ikabubuti”
Nangako ang Panginoon kay Sidney Rigdon na “papangyarihin [Niya] na mayanig ang langit para sa [kanyang] ikabubuti” (D at T 35:24). Ang isang ibig sabihin ng mayanig ay maalis o mailabas ang isang bagay mula sa isang lalagyan. Samakatwid, ang isang maaaring interpretasyon ng talatang ito ay sa sandaling payanigin ang kalangitan “para sa [ating] ikabubuti,” ang mga paghahayag at pagpapala ay inilalabas at ibinubuhos sa atin.
Doktrina at mga Tipan 36: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Matapos makilala si Edward Partridge, sinabi ni Joseph Smith na siya ay “isang huwaran ng kabanalan, at isa sa mga dakilang tao ng Panginoon” (D at T 36, section heading).
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith si Edward Partridge na “isang huwaran ng kabanalan, at isa sa mga dakilang tao ng Panginoon” (sa Manuscript History of the Church, 1838–1856, vol. A-1, pahina 78). Si Edward ay isang matagumpay na negosyante mula sa Painesville, Ohio, na lubos na iginagalang sa kanyang komunidad. Narinig niya at ng kanyang asawang si Lydia ang ipinanumbalik na ebanghelyo na itinuro nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at ng kanilang mga kasama. Hindi nagtagal ay nabinyagan si Lydia, ngunit nag-alangan si Edward. Isinulat ni Lydia na ang kanyang asawa ay “hindi gaanong naniniwala at kinailangan niyang pumunta sa New York State at makita ang Propeta” para lubos siyang makumbinsi (tala ni Lydia Partridge, sa Edward Partridge genealogical record, 1878, 6, Church History Library, Salt Lake City). Naglakbay si Edward kasama si Sidney Rigdon patungo sa New York, at dumating doon noong Disyembre 1830. Matapos marinig na mangaral si Propetang Joseph Smith, inihayag ni Edward na naniniwala siya sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sinabing handa siyang magpabinyag kung ang Propeta ang magbibinyag sa kanya. Kaagad pagkatapos niyon, idinikta ng Propeta ang paghahayag, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 36, para kay Edward. Makaraan ang dalawang araw noong Disyembre 11 1830, bininyagan ni Joseph Smith si Edward Partridge.
Doktrina at mga Tipan 36
Pinatawad ng Panginoon si Edward Partridge at tinawag siya upang ipangaral ang ebanghelyo
Doktrina at mga Tipan 36:2. “Aking ipapatong ang aking kamay sa iyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod”
Sa Doktrina at mga Tipan 36:2, sinabi ng Panginoon na “ipapatong [Niya] ang [Kanyang] kamay” kay Edward Partridge sa pamamagitan ng Kanyang “tagapaglingkod na si Sidney Rigdon” at ibibigay sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo. Tinukoy ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang talatang ito na halimbawa ng paraan kung paano ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod: “Sinasabi ng Panginoon dito [sa D at T 36:2] na kapag ipinatong ng isa sa Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod ang mga kamay nito sa ulo ng taong babasbasan, parang Siya mismo ang nagpapatong ng Kanyang kamay para maisagawa ang ordenansang iyon. Kaya makikita natin kung paano Niya ipinapakita ang Kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod na pinagkalooban Niya ng mga susi ng awtoridad” (Be Secure in the Gospel of Jesus Christ, Brigham Young University Speeches of the Year [Peb. 11, 1958], 6).
Doktrina at mga Tipan 36:2–3. “Mga mapayapang bagay ng kaharian”
Iniutos ng Panginoon kay Edward Partridge na ipahayag ang Kanyang ebanghelyo, o ang “mga mapayapang bagay ng kaharian,” na ituturo sa kanya ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 36:1–2). Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagdadala ng kapayapaan ang ebanghelyo ni Jesucristo: “Ang kapayapaan—tunay na kapayapaan, na nakatanim sa kaibuturan ng iyong pagkatao—ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Kapag natuklasan ang mahalagang katotohanang iyan at naunawaan at ipinamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, lubos na kapayapaan ang titimo sa puso at kaluluwa ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, ‘Siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating’ (D at T 59:23)” (“Ang Mapayapang Bagay ng Kaharian,” Liahona, Hulyo 2002, 88).
Doktrina at mga Tipan 36:6. Ano ang ibig sabihin ng “mangaglabasan mula sa apoy, na kinapopootan maging ang mga kasuotan na nabahiran ng laman”?
Iniuutos sa mga Banal na kapootan “ang mga kasuotan na nabahiran ng laman” (D at T 36:6; tingnan din sa Judas 1:23; Apocalipsis 3:4). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “Ito ay matalinghagang pananalita, ngunit madaling maunawaan. Ito ay [isang masamang] henerasyon, lumalakad sa espirituwal na kadiliman, at ang kaparusahan sa kasalanan ay inihalintulad sa kaparusahan sa apoy. Ang mga kasuotan na nabahiran ng laman ay mga kasuotan na narumihan dahil sa mga makamundong hangarin at pagsuway sa mga kautusan ng Panginoon. Iniuutos sa atin na panatilihin nating walang bahid-dungis ang ating kasuotan mula sa lahat ng kasalanan, mula sa lahat ng gawain na nakarurumi. Samakatwid tayo ay inuutusang lumabas sa mundo ng kasamaan at iwaksi ang mga bagay ng mundong ito” (Church History and Modern Revelation, 1:163).
Doktrina at mga Tipan 39: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Nang magtipon ang mga Banal sa Fayette, New York, sa unang mga araw ng Enero 1831, para sa ikatlong kumperensya ng Simbahan, tinalakay nila ang utos ng Panginoon na lumipat sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3; 38:32). Isang Methodist minister na nagngangalang James Covel ang marahil ay nakadalo sa kumperensyang iyon at pagkatapos ay kinausap ang mga lider ng Simbahan. Tila handa siyang maniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ayon kay John Whitmer, si James Covel ay “nakipagtipan sa Panginoon na susundin niya ang anumang utos ng Panginoon na ibibigay sa kanya sa pamamagitan ng kanyang tagapaglingkod na si Joseph” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 233–34). Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag para kay James Covel noong Enero 5, 1831.
Binanggit lamang sa pinakaunang kopya ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39 na ito ay isang paghahayag na ibinigay para sa isang taong nagngangalang James. Nakasaad sa nailathalang kopya ng paghahayag na ang pangalan ng pagbibigyan nito ay “James (C.,).” Sa 1835 edition ng Doktrina at mga Tipan, ang kanyang pangalan ay tinukoy na “James Covill.” Sa 1981 edition ng Doktrina at mga Tipan, siya ay tinukoy na isang Baptist minister. Gayunman, ayon sa bagong pananaliksik, ang paghahayag na ito ay ibinigay para kay James Covel, na isang Methodist minister.
Doktrina at mga Tipan 39
Iniutos ni Jesucristo kay James Covel na magpabinyag at gumawa sa Kanyang ubasan
Doktrina at mga Tipan 39:5–6. “Siya na tumatanggap sa aking ebanghelyo ay tumatanggap sa akin”
Upang matanggap si Jesucristo, dapat handa ang isang tao na maniwala at sumunod sa Kanyang ebanghelyo, na kinapapalooban ng pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Dahil isa siyang mangangaral na Methodist sa loob ng 40 taon, maaaring inakala ni James Covel na natanggap na niya ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Gayunman, ang mensahe ng Panginoon kay James Covel ay magsisi ng kanyang mga kasalanan at magpabinyag sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Ang mensahe ng Panginoon ay pareho pa rin ngayon. Anuman ang paniniwala ng isang tao o kung siya man ay nabinyagan sa iba pang relihiyong Kristiyano, iniuutos ng Panginoon sa mga tao saanman na tanggapin Siya sa pamamagitan ng pagtanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo, pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, at pagpapabinyag sa Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod.
“Siya na tumatanggap sa aking ebanghelyo ay tumatanggap sa akin” (D at T 39:5).
Doktrina at mga Tipan 39:7–9. “Ang iyong puso ay matwid ngayon sa aking harapan sa panahong ito”
Inihayag ng Panginoon na noong mga nakalipas na panahon, nakahadlang kay James Covel ang kapalaluan nito at pagtutuon sa mga alalahanin ng sanlibutan (tingnan sa D at T 39:9). Gayunman, sa panahong natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39, ang kanyang puso ay matwid sa harap ng Diyos (tingnan sa D at T 39:8). Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaari nating pigilan ang mga hangarin ng ating puso, na magpapamatwid sa ating puso sa harap ng Diyos:
“Kailan matwid ang ating puso sa harap ng Diyos? Ang puso natin ay matwid sa harap ng Diyos kapag talagang hinahangad natin ang mabuti, kapag hinahangad natin ang mga hinahangad ng Diyos.
“Ang ipinagkaloob na kakayahang kontrolin ang sarili ang siyang pumipigil sa ating mga hangarin, ngunit maaaring abutin ng maraming taon para matiyak natin na nadisiplina at nakontrol natin ang mga ito hanggang lubos na itong matwid.
“Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang ‘pagkontrol … ng ating mga hangarin ay napakahalaga sa kaligayahan natin sa buhay.’ (Gospel Doctrine, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1939, p. 297.)
“Paano ninyo kokontrolin ang inyong mga hangarin? Simulan natin, palagay ko, sa ating damdamin. Ang mga hangarin ng ating puso ay malalim at mahalaga. Ngunit ang ating damdamin ay mas nangingibabaw at mas madali natin itong matutukoy at maiimpluwensyahan. …
“Upang magkaroon ng mabubuting hangarin, kailangan nating kontrolin ang ating pag-iisip at magkaroon ng angkop na damdamin. Naunawaan ng aking biyudang ina ang alituntuning iyan. ‘Ipagdasal mo ang iyong damdamin,’ lagi niyang sinasabi noon. Itinuro niya sa kanyang tatlong anak na dapat kaming manalangin na magkaroon ng mabuting uri ng damdamin tungkol sa aming mga karanasan—positibo o negatibo—at tungkol sa mga tao na kilala namin. Kung tama ang ating damdamin, mas malamang na mabuti ang gawin natin at kikilos para sa tamang mga dahilan” (“The Desires of Our Hearts, ” Ensign, Hunyo 1986, 65).
Doktrina at mga Tipan 39:9. “Ako ay itinatwa mo nang maraming ulit dahil sa kapalaluan”
Sa paningin ng Panginoon, nakahadlang kay James Covel ang kapalaluan nito at hindi Siya tinanggap noon. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano makahahadlang sa atin ang kapalaluan sa pagtanggap ng salita at awtoridad ng Diyos sa ating buhay:
“Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay. (Tingnan sa Hel. 12:6.) Iginigiit nila ang pagkaunawa nila sa katotohanan laban sa dakilang kaalaman ng Diyos, ang kanilang mga kakayahan laban sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kanilang mga nagawa laban sa Kanyang mga makapangyarihang gawa.
“… Nais ng mga palalo na sumang-ayon sa kanila ang Diyos. Ayaw nilang baguhin ang kanilang mga opinyon para umayon ito sa Diyos. …
“Ang mga palalo ay hindi madaling payuhan o iwasto. (Tingnan sa Kaw. 15:10; Amos 5:10.) Ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili para pangatwiranan at bigyang-dahilan ang kanilang mga kahinaan at pagkukulang. (Tingnan sa Mat. 3:9; Juan 6:30–59.) …
“… Ang palalo ay hindi madaling turuan. (Tingnan sa 1 Ne. 15:3, 7–11.) Hindi sila magbabago ng isip para tumanggap ng mga katotohanan, dahil ang paggawa niyon ay pag-amin na mali sila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 272, 276–77).
Doktrina at mga Tipan 39:12. “Ang kapangyarihan ay mapapasaiyo … at ako ay mapapasaiyo”
Nangako ang Panginoon kay James Covel na kung magpapabinyag siya, tatanggap siya ng kapangyarihan, malaking pananampalataya, at tulong mula sa Diyos. Ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naaangkop ang pangako ng Panginoon kay James Covel sa Doktrina at mga Tipan 39:12 sa mga miyembro ng Simbahan ngayon: “Ang sinabi kay James [Covel] sa dispensasyong ito, noong ang Simbahan ay siyam na buwang pa lamang naitatag ay angkop din sa ngayon—at napakaganda at napakatinding pag-ulit ito sa ipinangako ng Tagapagligtas noong kanyang ministeryo dito sa lupa. Ang kanyang pangako na siya ay sasaatin kapag nagtipon ang dalawa o tatlo sa kanyang pangalan ay napakagandang pahayag ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa bawat isa sa atin at pagtiyak na naroon siya sa ating pagsamba sa simbahan, sa ating indibiduwal na buhay, at sa ating pamilya” (“There Am I in the Midst of Them,” Ensign, Mayo 1976, 55).
Doktrina at mga Tipan 39:21. “Ang araw o ang oras ay walang taong nakaaalam”
Noong Enero 1831, inulit ng Panginoon ang itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo sa Jerusalem—na walang taong nakaaalam ng araw o oras ng Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 39:21; tingnan din sa Mateo 24:36). Ipinahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tinawag ako bilang isa sa mga Apostol upang maging natatanging saksi ni Cristo sa panahong ito na masaya at puno ng pagsubok, at hindi ko alam kung kailan Siya muling paparito. Ang alam ko, wala ni isa sa mga kapatid sa Korum ng Labindalawang Apostol o maging sa Unang Panguluhan ang nakaaalam. At mapagkumbaba kong sinasabi na kung hindi namin alam, kung gayon, walang sinuman ang nakaaalam, nakahihikayat man ang kanilang argumento o makatwiran ang kanilang mga dahilan. Sinabi ng Tagapagligtas na, ‘tungkol sa araw na yaon, at oras, walang sinuman ang nakaaalam; wala, kahit ang mga anghel ng Diyos sa langit, kundi ang Ama ko lamang’ (JS, Mat. 1:40).
“Naniniwala ako na kapag sinabi ng Panginoon na ‘walang sinuman’ ang nakaaalam, talagang ibig Niyang sabihin ay walang sinuman ang nakaaalam” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 56).
Doktrina at mga Tipan 40: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Enero 6, 1831, ang araw pagkatapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 39, si James Covel ay biglang umalis sa Fayette, New York. Sa araw ding iyon ay ibinigay ng Panginoon kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 40, “ipinapaliwanag kung bakit hindi sinunod ni [James Covel] ang salita.” Kalaunan ay sinabi ni Propetang Joseph Smith na “tinanggihan [ni James] ang salita ng Panginoon, at bumalik muli sa kanyang dating mga alituntunin at tao” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 237).
Doktrina at mga Tipan 40
Inihayag ng Panginoon kung bakit hindi tinanggap ni James Covel ang Kanyang mga salita
Doktrina at mga Tipan 40:2. “Ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita”
Gumamit ng pananalitang katulad sa Kanyang talinghaga ng manghahasik sa Bagong Tipan, inilarawan ng Panginoon si James Covel na isang taong “tinanggap ang salita nang may kagalakan,” ngunit pagkatapos “ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita” (D at T 40:2; tingnan din sa Mateo 13:20–22). Inihayag ng Panginoon na ang puso ni James “ay matwid sa harapan [Niya]” (D at T 40:1; idinagdag ang italics) at talagang tumimo nang malalim ang salita sa kanyang puso, ngunit gayunman pinili niyang sirain ang kanyang tipan sa Panginoon (tingnan sa D at T 40:3).
Noong marinig ni James Covel ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, siya ay mga 60 taong gulang. Siya ay kilalang lider ng Methodist reform movement at napakaraming nakilala at nakaugnayan sa mahigit 40-taon bilang mangangaral na naglalakbay. Bukod dito, dalawa sa kanyang mga anak na lalaki ay mangangaral ng Methodist. Maaaring kailanganing iwanan niya ang kanyang tahanan sa New York at humiwalay sa kanyang mga dating kasamahan kapag naging miyembro siya ng Simbahan at lumipat sa kanluran patungo sa Ohio upang sundin ang tawag ng Panginoon na ipangaral ang ebanghelyo. Ang sakripisyong hiningi ng Panginoon ay tila masyadong mahirap para sundin niya. Tinukso siya ng kaaway, at ang takot na mausig at mawala sa kanya ang lahat ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita ng Diyos.
Hinikayat ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga miyembro ng Simbahan na maging matapang kapag naharap sa pangungutya at pagsalungat: “Mahaharap tayo sa takot, daranas ng pambabatikos, at pagsalungat. Maging matapang tayong sumalungat sa gusto ng marami, matapang na manindigan sa prinsipyo. Tapang, hindi kompromiso, ang kalulugdan ng Diyos. Ang tapang ay isang panuntunan sa buhay at kaakit-akit na katangian kapag ang turing dito’y di lamang kahandaang mamatay nang may dangal, kundi bilang determinasyon na mamuhay nang disente. Duwag ang taong takot gawin ang inaakala niyang tama dahil baka pagtawanan siya ng iba. Tandaan na lahat ng tao’y may kani-kanyang kinatatakutan, ngunit ang humaharap sa kanilang takot nang may dignidad ay matapang din naman” (“Ang Panawagan na Maging Matapang,” Liahona, Mayo 2004, 55–56).
Ikinuwento ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang karanasan kung saan naakay sana siya ng mga alalahanin ng sanlibutan na maging pabaya sa kanyang pagsisikap na sundin ang mga kautusan:
“Noong 1980 lumipat ang pamilya namin sa tapat ng ospital kung saan ako nag-training at nagtrabaho. Nagtrabaho ako araw-araw, pati Linggo. Kung nakatapos na ako ng trabaho sa araw ng Linggo nang alas-2 n.h., nakakasama ako sa asawa’t anak ko papuntang simbahan para sa mga miting na nagsisimula nang alas-2:30.
“Isang araw ng Linggo huli na ako sa unang taon ko sa training, alam ko na malamang na matapos ako nang alas-2:00. Gayunman, batid ko na kung magtatagal pa ako sa ospital, aalis ang asawa’t anak ko nang hindi ako kasama. Sa gayo’y makapaglalakad ako pauwi at makakaidlip. Nagsisisi ako dahil iyon mismo ang ginawa ko. Naghintay ako hanggang alas-2:15, dahan-dahang naglakad pauwi, at humiga sa sopa, sa pag-asang makaidlip. Pero, hindi ako makatulog. Nabagabag ako at nag-alala. Noon pa man ay mahilig na akong magsimba. Nagtaka ako kung bakit sa araw na ito ay nawala ang init ng patotoo at kasigasigang dati kong nadarama.
“Hindi ko kinailangang mag-isip nang matagal. Dahil sa iskedyul ko, naging pabaya ako sa aking pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan. Gigising ako sa umaga, magdarasal, at papasok sa trabaho. Kadalasan gumagabi at nag-uumaga nang muli bago ako makauwi nang hatinggabi kinabukasan. Sa gayo’y pagod na pagod na ako kaya nakakatulog ako bago makapagdasal o makabasa ng mga banal na kasulatan. Kinabukasan naulit ang prosesong iyon. Ang problema ay hindi ko ginagawa ang mahahalagang bagay na kailangan kong gawin para huwag tumigas ang puso ko [na] malaki na ang ipinagbago.
“Tumindig ako mula sa sopa, lumuhod, at humingi ng tawad sa Diyos. Nangako ako sa aking Ama sa Langit na magbabago na ako. Kinabukasan nagdala ako ng Aklat ni Mormon sa ospital. Sa listahan ng mga gagawin ko sa araw na iyon, at araw-araw na mula noon, ay may dalawang bagay: pagdarasal kahit sa umaga at gabi lang at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Kung minsan ay hatinggabi na, at magkukumahog akong maghanap ng pribadong lugar para magdasal. May mga araw naman na sandali lang ako nag-aral ng banal na kasulatan. Nangako rin ako sa Ama sa Langit na sisikapin kong makapagsimba palagi, kahit mahuli ako sa miting. Pagkaraan ng ilang linggo, muling nagbalik ang kasigasigan at alab ng aking patotoo. Nangako ako na hindi na muling mahuhulog sa espirituwal na bitag ng kamatayan sa pagiging pabaya tungkol sa tila maliliit na gawain na inilalagay sa panganib ang mga bagay na walang hanggan, anuman ang sitwasyon” (“Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 98–99).