Kabanata 12
Doktrina at mga Tipan 29
Pambungad at Timeline
Noong Setyembre 1830, bago ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York, inasahan ng ilang naunang miyembro ng Simbahan na malapit nang matupad ang mga propesiya tungkol sa Sion at ang pagtitipon ng mga hinirang ng Diyos. Isang grupo ng anim na elder at tatlong iba pang miyembro ng Simbahan ang nagpulong at nagtanong sa Panginoon tungkol sa mga propesiyang ito. Bilang tugon sa kanilang pagtatanong, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29. Sa paghahayag na ito itinuro ng Panginoon sa kanila ang tungkol sa pagtitipon ng mga hinirang ng Tagapagligtas bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito at tungkol sa ating pagkatubos mula sa Pagkahulog nina Adan at Eva sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Hunyo–Oktubre 1830Idinikta ni Joseph Smith ang Moises 1–5 habang ginagawa niya ang inspiradong pagsasalin ng mga unang kabanata ng Genesis.
-
Agosto–Setyembre 1830Nalito ang mga miyembro ng Simbahan sa nasabing mga paghahayag ni Hiram Page.
-
Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 29.
-
Setyembre 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 28 (maaaring pagkatapos matanggap ang Doktrina at mga Tipan 29).
-
Setyembre 26–28, 1830Ang ikalawang kumperensya ng Simbahan ay ginanap sa Fayette, New York.
-
Oktubre 1830Umalis si Oliver Cowdery at ang kanyang kompanyon para magmisyon sa mga Lamanita.
Doktrina at mga Tipan 29: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Nang lumipat si Joseph Smith sa Fayette, New York, noong Setyembre 1830, nabatid niya na nais malaman ng mga Banal doon ang tungkol sa katuparan ng propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa Sion. Ang mga propesiyang ito ay tungkol sa pagtitipon sa mga huling araw ng sambahayan ni Israel upang maitayo ang Sion, o “ang Bagong Jerusalem,” at ang ipinangakong pagbabalik ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 21:23–26; tingnan din sa 3 Nephi 16:18). Hinangad ng isang grupo na kinabibilangan ng anim na elder at tatlong iba pang miyembro ng Simbahan na mas maunawaan pa ang hinggil sa pagtatatag ng Sion at ang paglabag nina Adan at Eva. Bilang tugon sa kanilang mga katanungan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29 (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 177–78).
Ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan 29 ay nakaragdag sa pagkaunawa ng mga Banal tungkol sa pangangailangan para sa Sion sa mga huling araw at nagtuwid sa ilang kalituhan hinggil sa doktrina na naidulot ng mga isinulat ni Hiram Page (tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 28 sa manwal na ito). Mula noong Hunyo 1830 sinimulan nang gawin ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng unang mga kabanata ng Genesis, at nilinaw sa impormasyong ito ang tungkol sa paglabag nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Bukod pa rito, ang Doktrina at mga Tipan 29 ay nagbigay ng mahahalagang katotohanan tungkol sa pagtitipon ng Israel at plano ng kaligtasan bago umalis si Oliver Cowdery at ang kanyang kompanyon papunta sa misyon upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita.
Doktrina at mga Tipan 29:1–21
Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga tao na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito
Doktrina at mga Tipan 29:1–2. “Makinig sa tinig ni Jesucristo, ang inyong Manunubos, ang Dakilang AKO NGA”
Noong Kanyang ministeryo sa premortal na buhay, ipinakilala ni Jehova ang Kanyang sarili kay Moises bilang “AKO NGA” at ang Diyos ng mga sinaunang patriyarka na sina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Exodo 3:13–15). Ang titulong “AKO NGA” ay baryasyon ng “Jehova” at mula sa pandiwang Hebreo na ibig sabihin ay “Ako ay buhay,” at sumasagisag sa walang hanggan at makapangyarihang katangian ng Diyos (tingnan din sa D at T 68:6). Sa mga buwan ng tag-init bago matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29, sinimulan ni Propetang Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin ng aklat ng Genesis sa Lumang Tipan. Ang pagpapakilala ni Jesucristo sa Kanyang sarili na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29:1–2 ay nagpapatibay sa katotohanan na Siya talaga ang Diyos ng Lumang Tipan. Pinagtibay din sa mga talatang ito na, tulad ng ginawa ni Jesucristo na pagtipon, pagprotekta, at pagligtas sa sinaunang Israel noong sila ay bihag sa Egipto, Kanyang titipunin ang Kanyang mga anak sa mga huling araw upang Kanyang maprotektahan kung makikinig sila sa Kanyang tinig.
Doktrina at mga Tipan 29:4–8. Ang pagtitipon ng mga hinirang
Nalaman ng maliit na grupo ng mga elder na kasama ni Propetang Joseph Smith sa pulong nang ibigay ang paghahayag na ito na ang mga miyembro ng Simbahan sa dispensasyong ito ay pinili upang ipangaral ang ebanghelyo at tipunin ang “mga hinirang,” na tinukoy ng Diyos na mga yaong “naririnig ang [Kanyang] tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso” (D at T 29:7). Ang mga hinirang ay ang pinili rin upang tulungan ang Panginoon sa gawain ng kaligtasan (tingnan sa D at T 101:39–40; 115:5; 138:55–56). Ang pagtitipon ng mga hinirang ay nangyayari kapag tinatanggap ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, nakikipagtipan sa Diyos, at nakititipon sa matatapat na Banal. Ang pagtitipong ito ng ikinalat na sambahayan ni Israel ay dapat mangyari upang makapaghanda ang mga tao ng Diyos para “sa araw kung kailan ang pagdurusa at kapanglawan ay ipadadala sa masasama” (D at T 29:8).
Noong Oktubre 1830, ipinadala si Oliver Cowdery sa isang misyon sa mga Lamanita upang mapaghandaan ang panahon na tutukuyin ng Panginoon ang lugar kung saan magtitipon ang mga Banal (tingnan sa D at T 29:8–9). Nalaman kalaunan ng mga Banal na nais ng Panginoon na magtipon sa maayos na paraan sa Jackson County, Missouri, ang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 57:1–3; 58:56). Gayunman, ang mga taong nagtipon sa Jackson County ay pinaalis mula sa kanilang mga tahanan, at kalaunan ang pagtitipon ay naging sa Far West, Missouri (tingnan sa D at T 115:7–8), pagkatapos ay sa Nauvoo, Illinois (tingnan sa D at T 124:25–28, 55), at pagkatapos “patungong Kanluran” (D at T 136:1). Ngayon, hindi na kinakailangang lumipat sa isang partikular na lugar upang matipon ang mga miyembro ng Simbahan. Sa halip, tutulong ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtatayo ng mga stake o istaka ng Sion saanman sila naninirahan (tingnan sa D at T 101:20–22).
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang pagtitipon ng Israel ay kinapapalooban ng pagsapi sa totoong simbahan at … pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa totoong Diyos. … Samakatwid, sinumang tao na tatanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagsisikap ngayon na sambahin ang Panginoon sa kanyang sariling wika at kasama ang mga Banal sa bansa kung saan siya nakatira, ay sumusunod sa batas ng pagtitipon ng Israel at tagapagmana sa lahat ng pagpapalang ipinangako sa mga Banal sa mga huling araw na ito” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 439).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagaganap ang pagtitipon ng mga hinirang ng Diyos ngayon:
“Dito sa lupa, ang gawaing misyonero ay mahalaga sa pagtitipon ng Israel. … Kasunod nito, ang mga lingkod ng Panginoon ay humayo na ipinangangaral ang Panunumbalik. [Sa] maraming bansa, [hinanap] ng ating mga missionary [ang] mga taong kabilang sa nakakalat na Israel. …
“Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring ‘[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon’ [3 Nephi 20:13] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan. Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. Ipinahayag ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion [tingnan sa D at T 6:6; 11:6; 12:6; 14:6] sa bawat lugar kung saan isinilang at naninirahan ang Kanyang mga Banal. Sinasabi ng banal na kasulatan na ang mga tao ‘ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at mani[ni]rahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako’ [2 Nephi 9:2]. ‘Bawat bansa ay lugar ng pagtitipon sa mga mamamayan nito’ [Bruce R. McConkie, sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 45]. Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea; at marami pang iba. Ang Sion ay ‘ang may dalisay na puso.’ [D at T 97:21]. Ang Sion ay [naroroon sa] mabubuting Banal. Ang mga lathalain, komunikasyon, at kongregasyon ay marami na kung kaya’t halos lahat ng miyembro ay natatanggap na ang mga doktrina, susi, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo, saan man sila naroon” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 81).
Doktrina at mga Tipan 29:9. Ang mga palalo ay susunugin na parang mga pinaggapasan
Nagbabala ang Panginoon na yaong mga “palalo at silang gumagawa ng masama ay magiging katulad ng pinaggapasan” at masusunog sa Kanyang pagparito (D at T 29:9). Bagama’t ang kapalaluan ay isang kasalanan na nakaaapekto sa lahat ng tao bahagya man o higit pa, ang “palalo” na tinutukoy dito ay ang mga taong hindi makatatagal sa kaluwalhatian ng Panginoon dahil sa kanilang kasamaan. Sa isang paghahayag na ibinigay kalaunan, nilinaw ng Panginoon na kasama sa grupong ito ang “mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan. Sila ang mga yaong magdaranas ng poot ng Diyos sa mundo” (D at T 76:103–4).
Doktrina at mga Tipan 29:9–13. “Aking ipakikita ang aking sarili … sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian”
Sa nalalapit na pagwawakas ng mortal na buhay ng Tagapagligtas, itinanong ng Kanyang mga disipulo kung kailan magaganap ang katapusan ng mundo at anong mga palatandaan ang ibibigay na malapit na ang Kanyang pagdating (tingnan sa Mateo 24:3; D at T 45:15–16). Ipinahayag ng Panginoon sa Kanyang mga Banal sa mga huling araw na “ang oras ay nalalapit na” (D at T 29:10). Kapag bumalik si Jesucristo, ang Kanyang mga Apostol na “kasama [Niya] sa [Kanyang] ministeryo sa Jerusalem” ay tatayong kasama Niya, nadaramitan ng “bata ng kabutihan, na may mga putong sa kanilang mga ulo” (D at T 29:12). Ang paglalarawang ito ay nagpapahayag ng kanilang makaharing kapangyarihan sa kaharian ng Diyos. Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 29:12–13 na “kasindami ng nagmahal sa akin at sumunod sa aking mga kautusan” ay makatatanggap din ng putong at mabibihisan katulad ng Tagapagligtas sa araw na iyon, sumasagisag ng kanilang manang walang hanggan kasama Siya sa kaharian ng Diyos (tingnan din sa D at T 88:107; 109:75–76, 80).
Doktrina at mga Tipan 29:14–21. Mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao
Inilarawan ng Panginoon sa malinaw na detalye ang ilan sa mga paraan na Siya ay “maghihiganti sa masasama” bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito (D at T 29:17). Ang pinakamatinding bunga na mararanasan ng mga hindi nagsisisi ay ang “dugo [ng Panginoon] ay hindi makalilinis sa kanila” (D at T 29:17; tingnan din sa D at T 88:35). Ilan sa mga mapaminsalang pangyayari sa mga huling araw ay magiging katulad ng mga nangyari sa ibang panahon ng kasaysayan, gaya noong magpadala ang Panginoon ng mga salot sa mga taga Egipto upang iligtas ang mga anak ni Israel mula sa pagkabihag (tingnan sa Exodo 8:21; 9:23–25; 10:22) o nang lipulin ang masasama sa Amerika bago ang pagpapakita ng Nabuhay na Mag-uling Panginoon sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 8:5–7, 14–16, 22). Ang propesiya na wawasakin “ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” sa pamamagitan ng apoy (D at T 29:21) ay tumutukoy sa pinagsamang pwersa ng masama na kumakalaban sa Sion tulad ng ipinropesiya sa buong banal na kasulatan (tingnan sa Ezekiel 38:18–22; 39:17–20; 1 Nephi 14:10–17; 22:13–14; 2 Nephi 10:16; D at T 88:94). Nilinaw ng Panginoon na dapat alisin ang kasamaan sa mundo—maging sa pamamagitan man ng pagsisisi o pagkalipol. Ang Doktrina at mga Tipan 29 ay nagsisilbing paalala at babala na puno ng awa sa lahat ng magsisisi at maghahanda para sa araw na iyon.
Binigyang-diin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mahalagang maghanda ngayon para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon:
“Mga kapatid, tulad ng turo sa Aklat ni Mormon, ‘ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; … ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain’ (Alma 34:32). Naghahanda ba tayo?
“Sa Kanyang paunang salita sa [tinipon] nating makabagong paghahayag, [sinabi] ng Panginoon, ‘Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na’ (D at T 1:12). …
“Lagi tayong binabalaan na hindi natin malalaman ang araw o oras ng Kanyang pagdating. …
“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin? …
“Dapat tayong maghanda kapwa sa temporal at sa espirituwal para sa mga kaganapang ipinropesiya sa oras ng Ikalawang Pagparito. At ang paghahandang mas malamang na makaligtaan ay ang hindi nakikita at mas mahirap—ang espirituwal” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8–9).
Doktrina at mga Tipan 29:22–29
Inihayag ng Tagapagligtas ang mga katotohanan tungkol sa mangyayari pagkatapos ng Milenyo, pati na sa Huling Paghuhukom
Doktrina at mga Tipan 29:22. “Ang mga tao ay muling mag[si]simulang magtatwa sa kanilang Diyos”
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ang magpapasimula sa isanlibong taon na tinatawag na Milenyo, kung saan ang Panginoon ay mananahanan sa mundo (tingnan sa D at T 29:11). Magkakaroon ng maraming mahalagang pagbabago sa Milenyo na ibang-iba sa mga kalagayang nararanasan natin sa mundo ngayon. Halimbawa, sa panahong iyon, “anuman ang hilingin ng sinumang tao, ito ay ipagkakaloob sa kanya.” (D at T 101:27) at ihahayag ng Panginoon ang lahat ng bagay (tingnan sa D at T 101:32–34). Sinabi rin ng Panginoon na sa panahon ng Milenyo “si Satanas ay igagapos” (D at T 43:31) at “walang kapangyarihan upang tuksuhin ang sinumang tao” (D at T 101:28). Dahil sa kapangyarihan ng Diyos at kabutihan ng mga tao, si Satanas ay “ma[wa]walan ng puwang sa mga puso ng mga anak ng tao” (D at T 45:55). Ang malungkot, kapag natapos ang isanlibong taon, ang mga tao ay “muling mag[si]simulang magtatwa sa kanilang Diyos” (D at T 29:22) at si Satanas ay “muling [paka]kawalan … ng sandaling panahon” (D at T 43:31). Maaaring mahirap maunawaan kung bakit magsisimulang itatwa ang Diyos ng mga taong nakatamasa ng pagpapala ng Milenyo. Gayon pa man, mayroong mga tao na matapos madama ang kapangyarihan ng Diyos ay itatatwa pa rin ang katotohanan at kusa at “hayagang [maghi]magsik laban sa Diyos” (3 Nephi 6:18; tingnan din sa 4 Nephi 1:38; D at T 29:44–45; 76:31).
Doktrina at mga Tipan 29:23–25. “Bagong langit at bagong lupa”
Ang mundo ay magbabagong-anyo, o magbabago, kapag nagbalik si Jesucristo upang maghari (tingnan sa D at T 63:20–21). Ito ay babalik sa “malaparaiso” o terestriyal na kaluwalhatian, na siyang kalagayan nito bago ang Pagkahulog nina Adan at Eva (Saligan ng Pananampalataya 1:10). Sa katapusan ng Milenyo, ang mundo, at ang kalangitan sa paligid nito, ay babaguhin muli—sa pagkakataong ito upang maging kahariang selestiyal para sa mga nakatanggap din ng kaluwalhatiang selestiyal (tingnan sa D at T 88:19–20).
Doktrina at mga Tipan 29:26. Sino si Miguel?
Si Miguel ay isang dakilang arkanghel na may awtoridad na nanunungkulan kasunod ni Jesucristo sa premortal na daigdig at kalaunan ay naging si Adan, ang unang mortal na tao na nabuhay sa mundo (tingnan sa Apocalipsis 12:7–9; D at T 27:11; 107:54–55). Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) na si Miguel ang “unang nagkaroon ng mga espirituwal na pagpapala, kung kanino ay ipinaalam ang plano ng mga ordenansa para sa kaligtasan ng kanyang mga inapo hanggang sa wakas, at kung kanino ay unang inihayag si Cristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 124).
Doktrina at mga Tipan 29:30–50
Ipinahayag ng Tagapagligtas na tinubos Niya tayo mula sa Pagkahulog at binigyan tayo ng kaligtasan mula sa ating mga kasalanan
Doktrina at mga Tipan 29:31–35. “Lahat ng bagay sa akin ay espirituwal”
“Nilikha [ng Diyos] … ang … lahat ng bagay kapwa espirituwal at temporal (D at T 29:31). Ang mga bagay na temporal ay nauugnay sa mortalidad at pansamantalang katangian ng mundong ito. Bagama’t nakikilala natin ang kaibhan ng mga bagay na espirituwal at temporal, sinabi ng Diyos, “Ang lahat ng bagay sa akin ay espirituwal” (D at T 29:34). Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 29:34–35, ipinaliwanag ng Panginoon na hindi Siya kailanman nagbigay kay Adan o sa kanyang inapo ng mga temporal na kautusan. Lahat ng kautusan ay espirituwal, ibig sabihin ay may walang hanggang layunin ang mga ito.
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “Sa ating mortal, o karnal, na paraan ng pag-iisip, marami sa mga hinihingi sa kautusan ng Panginoon ang tila temporal, ngunit kanyang sinabi na hindi siya kailanman nagbigay ng batas na temporal. (D at T 29:34.) Lahat ng bagay sa kanya ay espirituwal, o sa madaling salita nilayong maging walang hanggan. Hindi pang-temporal ang iniisip ng Panginoon; ang kanyang plano ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Kung gayon, sa kanyang mga mata, ang lahat ng kautusan na nauugnay sa ikabubuti natin sa kasalukuyan, ay itinuturing na mga hakbang patungo sa kanyang walang hanggang kaligtasan” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:307–8).
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano natin dapat pag-isipang mabuti ang temporal at espirituwal na mga aspeto ng ating mga ginagawa:
“Tulad ng dalawang mukha ng isang barya, ang temporal at espirituwal ay hindi mapaghihiwalay. …
“Nakalulungkot na may mga taong binabalewala ang temporal dahil iniisip nila na hindi ito gaanong mahalaga. Nakatuon sila sa espirituwal at hindi halos pansin ang temporal. Bagaman mahalagang ituon ang ating mga isipan sa makalangit na bagay, hindi natin naipamumuhay ang diwa ng relihiyon kung hindi tayo kusang maglilingkod sa kapwa. …
“Tulad ng dati, maaari nating tularan ang ating perpektong halimbawa, si Jesucristo. Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. na, ‘Nang pumarito ang Tagapagligtas sa lupa, may dalawa siyang dakilang misyon; una ay upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang Mesiyas, magbayad-sala para sa pagkahulog, at isakatuparan ang batas; ang ikalawa ay upang ibsan ang mga pagdurusa ng kanyang mga kapatid sa lupa’ [sa Conference Report, Abr. 1937, 22].
“Sa gayunding paraan, ang ating espirituwal na pag-unlad ay hindi maihihiwalay sa temporal na paglilingkod natin sa iba.
“Isinasakatuparan ng isa ang isa. Taliwas sa plano ng kaligayahan ng Diyos ang mawala ang isa sa mga ito” (“Pagtulong sa Paraan ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 53).
Doktrina at mga Tipan 29:35. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng kalayaan?
Nang likhain ng Diyos si Adan, nilikha Niya si Adan na “kinatawan ng kanyang sarili” (D at T 29:35). Gayunman, ang kalayaang ito, ay may kalakip na responsibilidad na tanggapin ang mga bunga ng kanilang pagpili: mga pagpapala para sa kabutihan o kaparusahan para sa kasalanan (tingnan sa D at T 93:28, 31–32). Kaya nga, ang mga kautusan ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipamuhay ang batas na ipinamuhay Niya at matamasa ang mga pagpapalang tinamasa Niya. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga salitang iyon sa banal na kasulatan, ‘Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo’ (Moises 3:17), ay nagpabatid kina Adan at Eva at sa kanilang inapo ng lahat ng panganib ng mortalidad. Sa buhay na ito, ang mga tao ay malayang pumili, at bawat pagpili ay mayroong bunga. Ang pagpiling ginawa ni Adan ay nagpalakas sa batas ng katarungan, na ang hinihinging kaparusahan para sa pagsuway ay kamatayan.
“… Isang Manunubos ang ipinadala upang magbayad ng pagkakautang at palayain ang mga tao. Iyan ang plano. …
“Ang Pagbabayad-sala ay isinagawa. Lagi itong nagbibigay ng amnestiya mula sa kasalanan at mula sa kamatayan kung tayo ay magsisisi. Pagsisisi ang paraan. Pagsisisi ang susi na magbubukas sa bilangguan na nasa kaibuturan ng ating puso. Hawak natin ang susing iyan sa ating mga kamay, at nasa atin ang kalayaan na gamitin ito.
“Napakahalaga ng kalayaan; lubos na napakahalaga ng kalayaan ng tao.
“Si Lucifer sa mga tusong paraan ay minamanipula ang mga pagpili natin, nililinlang tayo tungkol sa kasalanan at ibubunga nito. Siya, at ang kanyang mga anghel na kasama niya, ay inuudyukan tayo na maging hindi karapat-dapat, maging masama. Ngunit hindi niya ito magagawa, sa buong kawalang-hanggan ay hindi niya ito magagawa, sa lahat ng kapangyarihang taglay niya ay hindi niya tayo lubos na mawawasak; kung hindi natin siya pahihintulutan. Kung ibinigay ang kalayaan nang walang Pagbabayad-sala, ito ay magiging nakamamatay na kaloob” (“Atonement, Agency, Accountability,” Ensign, Mayo 1988, 71).
Doktrina at mga Tipan 29:36–43. Bagong pagkaunawa tungkol sa plano ng Diyos
Matapos simulan ni Propetang Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia at naidikta ang Moises 1 sa Mahalagang Perlas, ipinagpatuloy niya ang pagsasalin noong tag-init ng 1830, na si Oliver Cowdery ang tagasulat. Ang pagsasalin ng Propeta ng Genesis 1–5 ay nakapaloob ngayon sa Mahalagang Perlas bilang Moises 2–5. Kabilang sa mga kabanatang iyon ay ang tala tungkol sa paghihimagsik ni Satanas sa premortal na buhay, ang kanyang panunukso kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, at ang pagkain ng ating mga unang magulang ng ipinagbabawal na bunga at ang pag-alis sa halamanan. Ang mga katotohanan ng doktrina na natamo sa pamamagitan ng inspiradong pagsasalin ng Genesis ay talagang naghanda sa Propeta na tanggapin ang gayon ding mga katotohanan tungkol sa plano ng Diyos na ibinuod sa Doktrina at mga Tipan 29:30–45.
Doktrina at mga Tipan 29:36–39. Hinangad ni Satanas at ng kanyang mga anghel na manlinlang
Ang alituntunin ng kalayaan ay ginamit sa premortal na buhay, na nakita sa paghihimagsik ni Lucifer at sa katotohanang piniling sundin ng “ikatlong bahagi ng hukbo ng langit” si Lucifer sa halip na ang Diyos (D at T 29:36). Dito sa mortalidad, kumikilos si Satanas at ang kanyang mga alagad para kalabanin ang plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng panunukso at panlilinlang sa mga anak ng Diyos. Gayunman, ang kapangyarihan nila ay limitado kapag ginamit natin ang ating kalayaan na sundin ang mga kautusan ng Ama sa Langit. Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:
“Hindi tayo dapat maparalisa sa takot dahil sa kapangyarihan ni Satanas. Wala siyang kapangyarihan sa atin maliban kung itulot natin. Siya ay isang duwag, at kung matatag tayong maninindigan, aatras siya. Ipinayo ni Apostol Santiago: ‘Pasakop nga kayo sa Dios. Datapuwa’t magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo’ [Santiago 4:7]. At sinabi ni Nephi na ‘wala siyang kapangyarihan sa mga puso’ ng mga taong mabubuti [1 Nephi 22:26].
“Narinig nating pangatwiranan o ipaliwanag ng mga komedyante at ng iba pa ang mga pagkakamali nila sa pagsasabing, ‘Pinilit ako ng diyablo na gawin ito.’ Talagang sa palagay ko ay hindi tayo mapipilit ng diyablo na gumawa ng anumang bagay; tiyak na makatutukso at makapanglilinlang siya, ngunit wala siyang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya.
“Ang kakayahang malabanan si Satanas ay maaaring mas malakas kaysa inaakala natin. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: ‘Lahat ng nilikhang may katawan ay may kapangyarihan sa mga walang katawan. Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya. Sa sandaling magrebelde tayo sa anumang nagmumula sa Diyos, nananaig ang kapangyarihan ng diyablo’ [Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith (1976), 181]. Sinabi rin niya, ‘Ang masasamang espiritu ay may mga hangganan, limitasyon, at batas na namamahala sa kanila’ [sa History of the Church, 4:576]. Kaya hindi lubos na malakas ang kapangyarihan ni Satanas at ng kanyang mga anghel. …
“… Ang kapangyarihan ni Satanas ay maaaring pigilan ng lahat ng mga yaong lumalapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan at mga ordenansa ng ebanghelyo. Hindi dapat magpalinlang sa diyablo ang mga mapagpakumbabang tagasunod ng banal na Panginoon. Si Satanas ay hindi tumutulong at hindi nagpapasigla at hindi nagpapala. Iniiwan niya sa kahihiyan at kalungkutan ang mga taong nabihag niya. Ang Espiritu ng Diyos ay tumutulong at nagpapasigla” (“Serving the Lord and Resisting the Devil,” Ensign, Set. 1995, 6–7).
Doktrina at mga Tipan 29:41–42. Ano ang “unang kamatayan” at “huling kamatayan”?
Nang kainin nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga at paalisin sa Halamanan ng Eden, naranasan nila ang espirituwal na kamatayan, ibig sabihin ay nahiwalay sila mula sa presensya ng Diyos. Tinukoy ito sa Doktrina at mga Tipan 29:41 na “unang kamatayan,” at naranasan ito ng lahat ng anak ng Diyos sa mortalidad. Ang “huling kamatayan” (D at T 29:41) ay espirituwal na kamatayan din, ngunit mararanasan lamang ito ng mga yaong anak na lalaki ng kapahamakan kapag dumanas sila ng walang hanggang kaparusahan sa pagiging iwinaksi mula sa kinaroroonan ng Diyos magpasawalang-hanggan (tingnan sa Helaman 14:15–18; D at T 76:34–37, 44). Dahil pinili nilang maghimagsik laban sa Diyos sa halip na magsisi, “sila ay hindi matutubos sa kanilang espirituwal na pagbagsak” (D at T 29:44).
Ipinahayag ng Panginoon na hindi magdaranas ng temporal na kamatayan sina Adan at Eva hanggang magkaroon sila ng pagkakataon na matutuhan “ang pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ng Bugtong na Anak [ng Diyos]” (D at T 29:42).
Ipinaliwanag pa ni Elder Dallin H. Oaks ang tungkol sa espirituwal na kamatayan at kung paano natin mapagtatagumpayan ang espirituwal na kamatayan:
“Dahil natukso, sina Adan at Eva ay ‘nawalay sa harapan ng Panginoon’ (Helaman 14:16). Sa mga banal na kasulatan ang pagkawalay na ito ay tinatawag na espirituwal na kamatayan (tingnan sa si Helaman 14:16; D at T 29:41).
“Dinaig ng pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ang espirituwal na kamatayan na ito. … Dahil sa pagbabayad-sala na ito, ‘ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan’ (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2).
“Tinubos tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan ni Adan, ngunit paano ang mga epekto ng sarili nating mga kasalanan? Dahil ‘lahat ay nangagkasala nga’ (Mga Taga Roma 3:23), lahat tayo ay mga patay sa espirituwal. Muli, ang tanging pag-asa natin sa buhay ay ang ating Tagapagligtas. …
“Upang makamtan ang tagumpay ng ating Tagapagligtas sa espirituwal na kamatayan na dinaranas natin dahil sa sarili nating mga kasalanan, dapat nating sundin ang mga kundisyong iniutos niya. …
“Inilarawan sa ating ikatlong saligan ng pananampalataya ang mga kundisyon ng Tagapagligtas sa ganitong mga salita: ‘Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo’” (“The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 64–65).
Doktrina at mga Tipan 29:46–50. “Ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig”
Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 29:46–50 na mayroong mga “may kaalaman” at “walang pang-unawa” tungkol sa ebanghelyo. Ang mga taong may kaalaman ay inuutusang magsisi (tingnan sa D at T 29:49), habang ang maliliit na bata (at ang mga “walang pang-unawa”) ay hindi mananagot at, samakatuwid, ay hindi maaaring magkasala. Ang maliliit na bata ay hindi maaaring tuksuhin ni Satanas “hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan” (D at T 29:47).
Ang pahayag ng Panginoon na “ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig” (D at T 29:46) ay tumutukoy sa katotohanan na ang plano ng kaligtasan ng Diyos, kabilang ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ay nalalaman at nauunawaan mula pa noong tayo ay nasa premortal na kalagayan. Isa sa mga pagpapala ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon, na matatamo nang walang hinihinging kundisyon, ay matutubos ang maliliit na bata, ibig sabihin saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kanilang mga kamalian hanggang sumapit sila sa edad ng pananagutan sa harap ng Diyos, kung saan mananagot na sila sa mga ginagawa nila. Tinukoy ng Panginoon kalaunan na ang edad ng pananagutan ay “walong taong gulang” (D at T 68:27).
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pariralang ang mga bata ay “[n]agsimulang magkaroon ng pananagutan” (D at T 29:47; idinagdag ang italics): “Ang pananagutan ay hindi biglaan sa isang bata sa anumang sandali ng kanyang buhay. Ang mga bata ay mananagot nang unti-unti, sa loob ng ilang taon. Ang pagiging may pananagutan ay isang proseso, hindi isang mithiin na dapat matamo kapag lumipas na ang ilang taon, araw, at oras. … Gayunpaman, darating ang panahon na magkakaroon ng tunay na pananagutan at ang kasalanan ay iuugnay sa mga taong lumaki nang normal. Mangyayari ito pagsapit ng walong taong gulang, ang edad na dapat binyagan ang mga bata. (D at T 68:27.)” (“The Salvation of Little Children,” Ensign, Abr. 1977, 6).
Itinuro ng propetang si Mormon ang alituntuning ito sa isang liham sa kanyang anak na si Moroni:
“Subalit ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo, maging mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. …
“At siya na nagsasabi na ang maliliit na bata ay nangangailangan ng binyag ay itinatatwa ang mga awa ni Cristo, at pinawawalang-kabuluhan ang kanyang pagbabayad-sala at ang kapangyarihan ng kanyang pagtubos” (Moroni 8:12, 20).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang doktrina ng pagbibinyag ng mga bata, o pagwiwisik ng tubig sa kanila, o kung hindi ay mapupunta sila sa impiyerno, ay doktrinang walang katotohanan, walang batayan sa Banal na Kasulatan, at hindi naaayon sa pagkatao ng Diyos. Lahat ng bata ay natubos ng dugo ni Jesucristo, at kapag nilisan ng mga bata ang mundong ito, sila ay dinadala sa sinapupunan ni Abraham” (Mga Turo: Joseph Smith, 110).
Inilarawan ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katangian ng maawaing plano ng kaligtasan ng Diyos para sa lahat ng tao: “Ang kamangha-manghang doktrinang inihayag kay Propetang Joseph ang naglantad sa atin ng plano ng kaligtasan para sa buong sangkatauhan, kabilang ang mga hindi nakarinig ng tungkol kay Cristo sa buhay na ito, ang mga batang namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan, at mga taong walang kakayahang makaunawa [tingnan sa D at T 29:46–50; 137:7–10]” (“Plano ng Ating Ama—Sapat para sa Lahat ng Kanyang mga Anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 36).