Institute
Kabanata 16: Doktrina at mga Tipan 42


Kabanata 16

Doktrina at mga Tipan 42

Pambungad at Timeline

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na naninirahan sa New York na lumipat sa Ohio at ipinangako na tatanggapin nila ang Kanyang batas doon (D at T 37:3; 38:32). Noong Pebrero 9, 1831, di-nagtagal matapos dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, 12 elder ng Simbahan ang nagpulong at magkakasamang nanalangin, ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon (tingnan sa D at T 41:2–3). Nang hangarin ng mga lider na ito ng Simbahan ang tagubilin ng Panginoon hinggil sa lumalagong Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72. Makaraan ang dalawang linggo, noong Pebrero 23, 1831, humingi pa ang Propeta ng karagdagang tagubilin mula sa Panginoon; ang karagdagang tagubilin na natanggap niya ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:74–93. Ang mga karagdagang detalye na nakatala sa talata 73 ay idinagdag kalaunan ng Propeta noong panahong inihahandang mailathala ang Doktrina at mga Tipan. Ang mga ito ay pinagsama at nakilala ang mga paghahayag na ito bilang “ang batas ng Simbahan” (D at T 42 section heading). Sa mga paghahayag na ito ipinabatid ng Panginoon ang espirituwal at temporal na batas na nag-uutos sa mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang mga maralita, tustusan ang maraming gawain ng Simbahan, at tulungan ang iba pang mga Banal na darating sa Ohio. Ang mga batas na ito ay nagbigay din ng tagubilin sa bagong tatag na Simbahan at tumulong na maihanda sila na maging mga tao ng Sion.

Enero 2, 1831Ipinangako sa mga Banal sa New York na matatanggap nila ang batas ng Diyos kapag magkakasama silang nagtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 38).

Mga unang araw ng Pebrero 1831Dumating sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio.

Pebrero 4, 1831Tinawag si Edward Partridge bilang unang obispo o bishop ng ipinanumbalik na Simbahan (tingnan sa D at T 41).

Pebrero 9 at 23, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 42.

Doktrina at mga Tipan 42: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Nang dumating si Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, sa simula ng Pebrero 1831, natuklasan niya na sa pagkawala ng gabay ng propeta, hindi lubos na naunawaan ng mga Banal doon ang doktrina at tuntunin ng Simbahan. Marami silang tanong at maling pagkaunawa tungkol sa espirituwal na pagpapakita, kung paano manirahan nang magkakasama bilang isang komunidad ng mga Banal, tungkol sa pamunuan ng Simbahan, at kung paano magaganap ang pagtitipon ng mga Banal.

Bago malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ilan sa mga bagong miyembro ng Simbahan sa Kirtland ang kabilang sa isang grupo na tinatawag na “ang pamilya.” Ang kanilang gawain ay nakabatay sa paglalarawan ng Bagong Tipan sa mga sinaunang Banal na ang “lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan” (tingnan sa Mga Gawa 2:44–45; 4:32). Matapos maging miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan, marami sa mga bagong miyembrong ito ang patuloy na ipinamuhay ang pagbabahagi ng kanilang ari-arian para sa kalahatan. Isa sa mga grupong iyon ang nakatira sa sakahan ni Isaac Morley, sa labas ng nayon ng Kirtland. “Nang dumating si John Whitmer mula sa New York noong kalagitnaan ng Enero [1831], napansin niya na ang ginagawa nila ay lumilikha ng maraming problema. Halimbawa, kinuha ni Heman Bassett ang isang relo na pag-aari ni Levi Hancock at ibinenta ito. Nang tanungin kung bakit niya ginawa iyon, sinagot ni Heman, ‘Ah, akala ko pag-aari lahat iyan ng pamilya.’ Sinabi ni Levi na ayaw na niya ng gayong ‘sistema ng pamilya’ at hindi na niya matatagalan ito [Levi W. Hancock, ‘Levi Hancock Journal,’ Church History Library, Salt Lake City, 81]” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 95).

Pagdating sa Kirtland, nalaman ni Propetang Joseph Smith ang problemang dulot ng sistemang pangkabuhayan na ito. Alam niya na malaki ang isinakripisyo ng maraming miyembro ng Simbahan mula sa New York nang iwan nila ang kanilang tahanan at sumama sa mga Banal sa Ohio. Alam din niya na kakailanganin ng Simbahan ang pera, kalakal, at ari-arian upang tulungan ang mga maralita at tumulong sa mga dayuhan na nagtitipon sa Ohio. Nagsimula nang magplano si Joseph para sa pagdagsa ng mga Banal mula sa Silangan at para sa pagtatatag ng Sion sa Missouri “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9).

Bilang pagsunod sa tagubilin ng Panginoon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41:2–3, nagpulong si Propetang Joseph Smith at ang 12 elder noong Pebrero 9, 1831, at magkakasamang nanalangin, sumasamo sa Panginoon na ipaalam ang Kanyang batas. Nagtanong ang mga kapatid na ito tungkol sa limang partikular na bagay: (1) kung dapat bang magtipon ang maraming komunidad ng mga Banal sa iisang lugar o magkakahiwalay pansamatala, (2) kung ano ang batas ng Panginoon para sa pamamahala at pamumuno sa Simbahan, (3) kung paano nila pangangalagaan ang mga pamilya ng mga yaong tinawag na magmisyon, (4) kung paano pakikitunguhan ng mga Banal na ipinamumuhay ang alituntunin ng paglalaan ang mga hindi miyembro, at (5) kung anong mga paghahanda ang dapat gawin para mapangalagaan ang mga Banal na darating mula sa Silangan (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa [2013], 246–47, note 42). Bilang sagot, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72, na kinapapalooban ng mga sagot na inihayag ng Panginoon sa mga kapatid na ito para sa unang tatlong tanong. Ang mga sagot na inihayag sa mga nalalabing tanong ay hindi inilathala bilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan.

labas ng tahanan ni Newel K. Whitney

Tahanan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio

Dalawang linggo kalaunan, noong Pebrero 23, 1831, dumulog sa Panginoon si Joseph Smith at ang pitong elder upang magtanong pa tungkol sa pagpapatupad ng batas ng Simbahan. Nagbigay ang Panginoon ng karagdagang tagubilin sa mga kalalakihang ito. Ang tagubiling ito ay idinagdag sa paghahayag noong Pebrero 9 at nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 42:74–93. Ang mga karagdagang detalye na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:73 ay idinagdag kalaunan ng Propeta noong panahong inihahandang mailathala ang Doktrina at mga Tipan. Mahalagang tandaan na madalas gumawa ng pagbabago o pagdaragdag si Propetang Joseph Smith sa mga naunang naitalang paghahayag upang linawin o maipaunawa pa ang inihayag ng Panginoon. Ipinapakita ng mga inspiradong rebisyong ito na patuloy ang paghahayag at karapatan at awtoridad ng Panginoon at ng Kanyang propeta na baguhin o linawin ang naunang paghahayag.

Mapa 7: Kirtland, Ohio, 1830-1838

Doktrina at mga Tipan 42:1–29

Tinawag ng Panginoon ang mga elder upang ipangaral ang ebanghelyo, tinagubilinan sila sa pagtuturo ng ebanghelyo, at naghayag ng mga batas at kautusan para sa mga Banal

Doktrina at mga Tipan 42:1–3. “Makinig at dinggin at sundin ang batas”

Tinukoy ni Propetang Joseph Smith ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42 bilang “batas ng Simbahan” (D at T 42, section heading). Natupad sa mga paghahayag na ito ang naunang pangako ng Panginoon na ibibigay sa mga Banal ang Kanyang batas kung susundin ni Joseph Smith at ng mga Banal na nakatira sa New York ang kautusan na lumipat sa Ohio. Kasama sa batas na ito ang mga turo ng Panginoon tungkol sa iba’t ibang bagay bilang tugon sa kahilingan ng Propeta at 12 elder na nagpulong upang matanggap ang batas. Inihayag ng Panginoon na ang mga katotohanang inihayag Niya ay magiging “batas [Niya] upang pamahalaan ang [Kanyang] simbahan” (D at T 42:59), at iniutos Niya sa mga Banal na “makinig at dinggin at sundin ang batas na [ito]” (D at T 42:2).

Itinuro ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa Doktrina at mga Tipan 42: “Sa kabuuan ito ay napakahalagang paghahayag. Nagbigay ito ng maraming kaliwanagan sa maraming iba’t ibang paksa at sinagot ang maraming mahahalagang tanong. Labis na nagalak ang matatapat na kalalakihan at kababaihan na naging miyembro sila ng Simbahan na kinilala ng Panginoon na Kanya, at kung saan ipinaalam Niya ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Propetang tinawag Niya tulad ng ginawa Niya sa panahong ito” (Life of Joseph Smith the Prophet [1958], 109).

Doktrina at mga Tipan 42:4–9. Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin tungkol sa pagtitipon ng mga Banal

Matapos iutos sa mga miyembro ng Simbahan sa New York na lumipat sa Ohio, naisip ng mga lider ng Simbahan kung dapat din bang lumipat sa Kirtland ang iba pa na naroon sa dumaraming kongregasyon sa hilagang-silangang Ohio. Sinabi ng Panginoon na darating ang panahon na ang mga Banal ay “ma[ti]tipon bilang isa,” sa “lunsod ng Bagong Jerusalem,” ngunit hindi pa dumarating ang panahong iyan (D at T 42:9). Ngunit kapag dumating ang panahong iyan, sa pamamagitan ng pagtitipon sa bagong Jerusalem tinutupad ng mga Banal ang pangakong ginawa sa sinaunang Israel na sila ay “ma[gi]ging tao [ng Diyos]” at Siya ay “ma[gi]ging Diyos [nila]” (D at T 42:9; tingnan din sa Exodo 6:7; 19:5–6; Apocalipsis 21:2–3).

Upang mapadali ang pagtitipong ito ang mga elder ay kailangang humayo mula sa Kirtland, “mangangaral ng ebanghelyo, dala-dalawa” (D at T 42:6) at magtatatag ng Simbahan saanman matagpuan ang mga nagsisipanampalataya (tingnan sa D at T 42:8). Yaong mangangaral ng ebanghelyo ay dapat “[humayo] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu” at “sa pangalan [ni Jesucristo], … nagpapahayag ng [Kanyang] salita katulad ng mga anghel ng Diyos” (D at T 42:6). Magkapareho ng gawain ang mga missionary at anghel; ipinaliwanag ng propetang si Mormon na ang paglilingkod ng mga anghel ay “tawagin ang tao sa pagsisisi … sa pamamagitan ng pagpapahayag ng salita ni Cristo,” sa gayon inihahanda ang mga anak ng Diyos na “magkaroon ng pananampalataya kay Cristo” (Moroni 7:31–32).

Chagrin River malapit sa Kirtland, Ohio

Ang ilan sa mga unang miyembro ng Simbahan sa Ohio ay bininyagan sa Chagrin River malapit sa Kirtland, Ohio.

Doktrina at mga Tipan 42:11. “Alam sa simbahan na siya ay may karapatan”

Matapos lisanin nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at ng iba pang mga missionary ang Ohio, ang mga bagong miyembro sa Kirtland ay naiwang walang malakas na pamumuno sa Simbahan. Sinunod ng ilan sa mga bagong miyembrong ito ang mga tradisyon mula sa ibang relihiyon o kultura at nakibahagi sa matindi at hangal na mga gawaing pang-relihiyon. Isinalaysay kalaunan ni Pangulong George A. Smith ng Unang Panguluhan na noong panahong iyon ipinahayag ng ilan sa mga miyembro ng Simbahan na “nakakakita sila ng mga anghel, at bumabagsak mula sa langit ang mga letra, … at sila ay makararanas ng … kakatwang pagbali o pagpilipit ng katawan” (“Historical Discourse, Deseret News, Dis. 21, 1864, 90).

Nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, napansin niya na “may mga kakatwang paniwala at mga mapanlilnlang na espiritu ang unti-unting lumaganap sa kanila [mga Banal sa Ohio]” (sa History of the Church, 1:146). Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:11, hindi pinahintulutan ng Panginoon ang mga yaong hindi awtorisadong tinawag at itinalaga Niya na manungkulan bilang mga titser o guro, lider, o tagapaghayag sa Simbahan. Nilinaw Niya na ang mga yaong awtorisadong mangaral ng Kanyang ebanghelyo at magtatag ng Kanyang Simbahan ay yaong “alam sa simbahan” at “inordenan ng mga pinuno ng simbahan” (D at T 42:11). Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Mayroong layunin kung bakit dapat kilala ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako sa mundo ang pangkalahatan at lokal na mga lider ng Simbahan. Sa ganyang paraan malalaman nila kung kanino sila natututo …

“Napakaraming pangalang inilalahad, napakaraming sinasang-ayunan, napakaraming ordenasyon at setting apart sa harap ng napakaraming saksi; napakaraming talaang iniingatan, napakaraming sertipikong inihahanda, at napakaraming larawan na inilalathala sa napakaraming lugar para sa lahat upang hindi malinlang kung sino ang nagtataglay ng tamang awtoridad” (“From Such Turn Away,” Ensign, Mayo 1985, 34).

“Lagi nating nalalaman kung sino ang tinawag na mamuno o magturo at may oportunidad tayong sang-ayunan o tutulan ito. Hindi ito inimbento ng tao kundi ibinigay sa mga paghahayag [D at T 42:11]. … Sa ganitong paraan, protektado ang Simbahan sa sinumang nagpapanggap na mamuno sa isang korum, ward, stake, o [sa] Simbahan” (“Ang Mahina at Simple sa Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 6).

Doktrina at mga Tipan 42:12–15. “Magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon”

Ipinahayag ng Panginoon na yaong tinawag na magturo ng Kanyang ebanghelyo ay dapat “magtuturo ng mga alituntunin ng [Kanyang] ebanghelyo” na matatagpuan sa mga banal na kasulatan (D at T 42:12). Sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito, ang Biblia at Aklat ni Mormon, kasama ang dumaraming bilang ng paghahayag sa mga huling araw, ang tanging banal na kasulatan na mababasa ng mga miyembro ng Simbahan. Sa huli, marami pang banal na kasulatan ng Diyos ang ibinigay, kabilang ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at ang inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (tingnan sa D at T 42:15, 56–58). Sa ating panahon, ang mga banal na kasulatan na pinagkukunan natin ng mga itinuturo natin ay tinatawag na mga pamantayang aklat.

mga kopya ng Aklat ni Mormon noong 1830 sa Grandin bookstore

Umaasa ang Panginoon na ituturo natin “ang kabuuan ng ebanghelyo” mula sa Biblia at Aklat ni Mormon (D at T 42:12).

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung bakit tinawag ang mga banal na kasulatan na mga pamantayang aklat: “‘Ang mga Pamantayang Aklat’ … ay imbakan ng ating doktrina kung saan dumadaloy ang mga tubig ng liwanag ng ebanghelyo. Nagbibigay ang mga ito ng pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng mga doktrina ng ebanghelyo. Lahat ng ibang mga aklat, manwal, at kurso sa pag-aaral ay dapat magmula sa salita ng Panginoon na nakasaad sa mga aklat na ito” (“Cornerstones of Responsibility” [mensaheng ibinigay sa Regional Representatives’ seminar, Abr. 5, 1991], 1).

Doktrina at mga Tipan 42:14. “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya”

Ang inspirado at mahusay na pagtuturo ay tumutulong sa mga anak ng Diyos na maging malakas at magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nangako ang Panginoon na ang Kanyang Espiritu ay “ibibigay … sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” sa mga yaong tinawag na magturo at binigyang-diin Niya na ang mga hindi nakatanggap ng Espiritu “ay hindi magtuturo” (D at T 42:14). Sa madaling salita, ang tunay na pagkatuto sa ebanghelyo ay hindi mangyayari kung wala ang Espiritu, kahit gumagamit ang titser ng mga epektibong paraaan sa pagtuturo. Ipinahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pribilehiyo natin na mapasaatin ang Espiritu Santo, isang miyembro ng Panguluhang Diyos, bilang kompanyon natin sa tuwina, upang palakasin at bigyang-inspirasyon tayo sa ating paghahanda bilang mga titser. Dapat nating ihanda ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, sa gayon ang ating pagtitiwala ay lalakas kapag nanawagan tayo sa Panginoon, at matutulungang tayo ng Kanyang Espiritu kapag nagturo tayo. Kapag nasa atin Espiritu upang patnubayan tayo, makakapagturo tayo nang may matinding kapangyarihan” (“Teach Them the Word of God with All Diligence,” Ensign, Mayo 1999, 8).

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung nasa atin ang Espiritu ng Panginoon na gagabay sa atin, matuturuan natin ang kahit sinong tao, gaano man kataas ang kanilang pinag-aralan, saanmang lugar sa mundo. Nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay nang higit sa sinuman sa atin, at kung tayo ay kanyang mga tagapaglingkod, kumikilos ayon sa kanyang Espiritu, maipararating niya ang kanyang mensahe ng kaligtasan sa bawat isa at sa lahat ng kaluluwa.

“Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith: ‘Ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang maglahad ng katotohanan nang mas mabisa at mas malinaw kaysa personal at harapang paglalahad ng katotohanan maging ng mga nilalang mula sa langit. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan upang hindi ito malimutan’ (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:47–48)” (“Teaching and Learning by the Spirit,” Ensign, Mar. 1997, 7).

Doktrina at mga Tipan 42:18–29. “Ang aking mga batas … ay ibinigay sa aking mga banal na kasulatan”

Sa Doktrina at mga Tipan 42:18–29 itinuro muli ng Panginoon ang marami sa mga kautusan o batas na Kanyang ibinigay sa sinaunang Israel, na nakapaloob sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Ipinaalala Niya sa mga Banal na ang mga nagmamahal sa Kanya ay dapat Siyang paglingkuran at sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa D at T 42:29).

Doktrina at mga Tipan 42:18. “Hindi makatatamo ng kapatawaran sa daigdig na ito, o maging sa daigdig na darating”

Ang isang batas na muling pinagtibay ng Panginoon sa ating panahon ay ang utos na “Huwag kayong papatay” (D at T 42:18). Ang mga taong nagpadanak ng dugo ng walang malay, ibig sabihin ay nakagawa ng pagpaslang, “ay hindi makatatamo ng kapatawaran sa daigdig na ito, o maging sa daigdig na darating” (D at T 42:18). Bukod pa rito, dapat silang “[isuko] at [hatulan] alinsunod sa mga batas ng lupain” (D at T 42:79).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang babala ng Panginoon na ang mga pumatay ay hindi mapapatawad: “Sinabi ni Juan na mayroong dalawang uri ng mga kasalanan [tingnan sa I Ni Juan 5:16–17]. Ang isang uri ay maaaring mapatawad; ang isa pang uri ay kasalanang ikamamatay, na walang kapatawaran. Ang pagpatay ay isa sa huling uri na iyon. Iyon ay sadyang papapadanak ng dugo ng taong walang malay. … Ang awa ng Maykapal, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ay tinutulungan at tinatanggap ang lahat ng kaluluwang magwawaksi ng kanilang mga kasalanan, maliban sa yaong sinadya ang pagkakasala, tulad ng sinabi ni Juan, kasalanang ‘ikamamatay’” (The Restoration of All Things [1945], 204–5).

Nagbigay ang Handbook 2: Administering the Church ng sumusunod na payo hinggil sa dalawang bagay na nauugnay sa kautusang ito na maaaring pagtakhan ng ilan:

“Batay sa naging mga paghahayag, ang isang tao ay maaaring magsisi at mapatawad sa kasalanan na pagpapalaglag” ([2010], 21.4.1).

“Mali ang kumitil ng buhay, pati na ang sariling buhay. Gayunman, ang isang taong nagpakamatay ay maaaring hindi maging responsable sa kanyang ginawa. Diyos lamang ang huhusga sa bagay na iyan” (21.4.14).

Doktrina at mga Tipan 42:22. Ang mag-asawa ay dapat “pumisan sa [isa’t isa] at wala nang iba.”

Ipinaliwanag ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu: “Ang pinakamasayang pagsasama ng mag-asawa ay bunga ng pagsunod sa isa sa pinakamasasayang kautusan—na tayo ay ‘mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig’ [D at T 42:45]. Nangungusap sa mga kalalakihan, iniutos ng Panginoon, ‘Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” [D at T 42:22]. Itinuturo sa hanbuk ng Simbahan: ‘Ang ibig sabihin ng salitang pumisan ay lubos na maging tapat sa isang tao. Ang mag-asawa ay pumipisan sa Diyos at sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamahal sa isa’t isa at pagtupad sa mga tipan nang may lubos na katapatan sa isa’t isa at sa Diyos.’ ‘Iniiwan ng [mag-asawa] ang buhay nila noong sila ay binata o dalaga pa at inuuna nila ang kanilang pamilya. … Hindi nila hinahayaang maging mas priyoridad nila ang ibang tao o bagay … kaysa pagtupad sa mga tipan na ginawa nila sa Diyos at sa isa’t isa’ [Handbook 2: Administering the Church [2010], 1.3.1]. Magmasid at matuto: ang matagumpay na mag-asawa ay nagmamahalan at lubos na tapat sa isa’t isa” (“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 85).

Doktrina at mga Tipan 42:23. Ang mga bunga ng pagnanasa

Sa Doktrina at mga Tipan 42:23, ang ibig sabihin ng “magnasa” ay magkaroon ng masamang pagnanasang seksuwal sa isang tao. Nilinaw sa mga banal na kasulatan na kapag ang isang tao ay tumingin nang may pagnanasa sa lalaki o babae, siya ay “nagkakasala [na] ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:28; tingnan din sa 3 Nephi 12:28; D at T 63:16). Ang masamang pag-iisip, salita, o kilos ay hindi lamang magbubunga ng pagkawala ng Espiritu ngunit sa huli ay mag-aakay sa isang tao na “[mag]tatwa sa pananampalataya” (D at T 42:23; 63:16). Ginagamit ni Satanas ang seksuwal na pagnanasa para pahinain ng espirituwal na lakas ng mga anak ng Diyos at akayin sila sa pagkalipol.

Nagbabala si Elder L. Whitney Clayton:

“Mayroong isang patibong na espirituwal ngayon na tinatawag na pornograpiya, at marami, na nabibihag sa nakapupukaw na mga mensahe nito, ang pumapasok sa nakamamatay nitong bitag. Tulad ng ibang bitag, madaling pumasok pero mahirap tumakas. Nangangatwiran ang ilan na walang anuman nilang matitingnan ang pornograpiya nang hindi dinaranas ang masamang epekto nito. Sa una sinasabi nila, ‘Hindi naman ito gaanong masama,’ o ‘Anong pakialam nila? Wala namang mababago,’ o, ‘Gusto ko lang makita.’ Ngunit nagkakamali sila. Nagbabala ang Panginoon, ‘At siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi makatatamo ng Espiritu; at kung hindi siya magsisisi siya ay ititiwalag’ (D at T 42:23). …

“Kasama sa pagkawala ng Espiritu, ang mga gumagamit ng pornograpiya ay nawawalan din ng pananaw at wastong pagpapasiya. … [Tinatangka] nilang itago ang kanilang kasalanan, nalimutang walang bagay ang maikakaila sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 27:27). Ang tunay na mga bunga nito ay nagsisimulang dumagsa kapag naglaho ang paggalang sa sarili, pumapait ang matamis na samahan, nawawasak ang pagsasama ng mag-asawa, at maraming inosenteng biktima ang nasasaktan. Kapag natuklasan nila na hindi na sila nasisiyahan sa pinanonood nila, sinusubukan nila ang mas malalaswang panoorin. Unti-unti silang nagiging sugapa nang hindi nila nalalaman, at … pasama nang pasama ang kanilang pag-uugali sa pagguho ng kanilang mga pamantayan sa moralidad” (“Mapapalad ang Lahat nang May Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 52).

Doktrina at mga Tipan 42:24–26. “Huwag kayong makikiapid”

Ang seksuwal na relasyon sa pagitan ng mag-asawa ay sagradong pagpapakita ng pagmamahal at pagpapakita ng pinakadakilang kapangyarihan ng Diyos na ipinagkaloob sa Kanyang mga anak—ang kapangyarihang lumikha ng buhay. Ang wastong paggamit ng kapangyarihang ito ay mahalaga sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, at nagbigay Siya ng mahigpit na mga kautusan na sumasaklaw sa paggamit nito. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang kasal ng isang lalaki at isang babae ang tamang pamamaraan kung saan papasok sa mortalidad ang mga premortal na espiritu. Ang hindi pakikipagtalik bago ikasal at lubusang katapatan kapag kasal na ang nagpoprotekta sa kabanalan ng sagradong pamamaraang ito.

“Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay may espirituwal na kahalagahan. Ang maling paggamit sa kapangyarihang ito ay sumisira sa mga layunin ng plano ng Ama at sa ating buhay sa lupa. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mga tagalikha at ipinagkatiwala Nila sa atin ang bahagi ng Kanilang kapangyarihang lumikha. Ang mga tuntunin sa wastong paggamit ng kakayahang lumikha ng buhay ay mahalagang bahagi sa plano ng Ama. Ang damdamin natin at paggamit sa banal na kapangyarihang ito ang magiging batayan ng ating kaligayahan sa mortalidad at sa ating tadhana sa kawalang-hanggan. …

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may iisa, at di-nagbabagong pamantayan sa kalinisang seksuwal: ang intimasiya ay nararapat lamang mangyari sa isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa itinakda ng plano ng Diyos. Ang ganitong relasyon ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili. Hindi ito bagay na dapat mapagtagumpayan o kilos na dapat isagawa. Sa halip, isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 42).

Ang kasalanang pakikiapid ay madalas nagsisimula sa marumi o mahalay na isipan. Ganito ang babala ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995):

“Ipinagbabawal ng Panginoon at ng kanyang simbahan ang kahit anong matalik na ugnayan nang hindi kasal. Nasasaktan sa pagtataksil ng lalaki ang puso ng kanyang asawa at nawawala ang tiwala [nito] at tiwala ng kanilang mga anak sa kanya (tingnan sa Jacob 2:35).

“Maging tapat sa inyong mga tipan sa kasal sa isip, salita, at gawa. Ang pornograpiya, pakikipagharutan, at mahahalay na pag-iisip ay sumisira ng pagkatao at pinahihina ang pundasyon ng masayang pagsasama ng mag-asawa. Bunga nito ang pagkakaisa at tiwala ng mag-asawa ay nasisira. Ang isang taong hindi kinokontrol ang pag-iisip at sa gayo’y nagkakasala ng pakikiapid sa kanyang puso, kung hindi siya magsisisi, ay hindi mapapasakanya ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot (tingnan sa D at T 42:23; 63:16)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 235).

Doktrina at mga Tipan 42:30–55

Ibinigay ng Panginoon ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan at pinayuhan ang mga Banal hinggil sa kamatayan at pagpapagaling

Doktrina at mga Tipan 42:30–39. Ang batas ng paglalaan

Noong Enero 2, 1831, sa panahon ng huling kumperensya ng Simbahan na idinaos sa New York, itinuro ng Panginoon, “Pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili” (D at T 38:24). Napatunayang mahalagang alituntunin ito para maihanda ang mga Banal na itatag ang Sion sa mga huling araw. Noong Pebrero 4, 1831, matapos dumating si Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, tinagubilinan siya ng Panginoon na tawagin si Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan, upang “pangalagaan ang lahat ng bagay na siyang itatakda sa kanya sa aking mga batas sa araw na ibibigay ko ang mga yaon” (D at T 41:10). Makalipas ang limang araw, noong Pebrero 9, inihayag ng Panginoon kay Joseph ang mahalagang alituntunin ng batas ng paglalaan, inilahad ang Kanyang plano na pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan, itayo ang kanyang Simbahan, at ihanda ang Kanyang mga tao na itatag ang Sion (tingnan sa D at T 42:30–39).

Ang ibig sabihin ng ilaan ay gawing banal, italaga at iukol ang isang bagay para sa isang sagradong layunin. Ang paglalaan ay pagtatalaga ng ating mga ari-arian, panahon, at resources sa Diyos at kusang pagbibigay nito sa Kanya. Sa pamamagitan ng paglalaan, mapapangalagaan ng mga tunay na disipulo ni Jesucristo ang mga maralita at nangangailangan at makatutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang paglalaan ay batay sa alituntunin na “bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 82:19; tingnan din sa D at T 38:24–25). Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

“Ang paglalaan ay pagbibigay ng isang tao ng kanyang oras, mga talento, at tulong upang pangalagaan ang mga nangangailangan—sa espirituwal o temporal man—at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. …

Sion ang pangalang ibinigay ng Panginoon sa kanyang mga pinagtipanang tao, na nagtataglay ng dalisay na puso at tapat sa pangangalaga sa mga maralita, mga nangangailangan at nagdurusa. (Tingnan sa D at T 97:21.) …

“Ang pinakamataas na orden na ito ng priesthood ay nakasalig sa mga doktrina ng pagmamahal, paglilingkod, paggawa, pag-asa sa sarili, at pangangasiwa, lahat ng ito ay nakapaloob sa tipan ng paglalaan” (“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78).

Sa mga paghahayag na kilala bilang batas ng Simbahan, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42, iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang mga maralita sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang mga ari-arian “kalakip ang isang tipan at isang kasulatan na hindi maaaring labagin” (D at T 42:30). Ipinaliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan kung bakit dapat handa ang mga tao ng Panginoon na gawin ang ganitong pagsasakripisyo: “Ang pangunahing alituntunin ng lahat ng mga paghahayag tungkol sa [batas ng paglalaan] ay lahat ng bagay na pagmamay-ari natin ay sa Panginoon; samakatwid, maaaring hingin sa atin ng Panginoon ang anuman at lahat ng ari-arian na mayroon tayo, dahil ito ay sa Kanya. … (D at T 104:14–17, 54–57)” (sa Conference Report, Okt. 1942, 55).

Ang batas ng paglalaan ay madalas banggitin sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa D at T 38; 42; 44; 48; 51; 54; 56; 58; 70; 72; 78; 82–85; 92; 96–97; 104–6; 119–20136). Nakapaloob sa maraming scripture passage ang mga paraan para matulungan ang mga Banal na maipatupad ang batas na ito. Bagama’t ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan ay hindi nagbabago, ang mga paraan ay binabago kung minsan upang matugunan ang iba’t ibang kalagayan at mga pangangailangan. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang batas ng pagsasakripisyo at ang batas ng paglalaan ay hindi inalis at nananatiling ipinatutupad” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 639). Ngayon, sinusunod ng matatapat na Banal ang batas ng paglalaan kapag pinagsisikapan nilang mahalin ang Diyos at ilaan ang kanilang pera, panahon, at iba pang resources sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at pagtulong na maibsan ang paghihirap ng mga maralita at nangangailangan. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ayon sa nakasulat: ‘Sapagkat siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal.’ (D at T 88:22.) Ang batas ng pagsasakripisyo ay isang selestiyal na batas; gayon din ang batas ng paglalaan. Kaya upang matamo ang selestiyal na gantimpala na taimtim nating hinahangad, dapat ay magawa nating ipamuhay ang dalawang batas na ito. …

“Hindi tayo laging tinatawag na ipamuhay ang buong batas ng paglalaan at ibigay ang lahat ng ating panahon, talento, at kabuhayan sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon dito sa lupa. …

“Ngunit ang sinasabi sa banal na kasulatan ay upang matamo ang selestiyal na kaligtasan dapat magawa nating ipamuhay nang lubos ang mga batas na ito kapag tinawag tayo na gawin ito. Ang ipinahihiwatig dito ay ang katotohanang dapat na nating sinusunod ang mga ito ngayon hanggang tawagin tayong gawin nga ito” (“Obedience, Consecration, and Sacrifice,” Ensign, Mayo 1975, 50).

Doktrina at mga Tipan 42:32–33. Pangangasiwaan

Inilahad ng Panginoon ang isang huwaran para sa pagpapatupad ng batas ng paglalaan sa mga unang araw ng Simbahan. Iniutos sa mga pamilya na ilaan ang kanilang pera at ari-arian sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga resources na ito sa “obispo ng simbahan at sa kanyang mga tagapayo” (D at T 42:31). Ang obispo o bishop, na naglilingkod bilang kinatawan ng Panginoon, ay magtatalaga ng isang bahagi ng lupain at kalakal sa bawat pamilya batay sa “kalagayan at … mga kakulangan at pangangailangan” ng pamilya (D at T 51:3; tingnan din sa D at T 42:32–33). Ang bahaging ito ay tinatawag na “pangangasiwaan” (D at T 42:72). Sa gayon, bawat pamilya ay pinagkatiwalaan ng ari-arian at kabuhayan at sila na ang nagmamay-ari nito at dapat pangasiwaan gamit ang kanilang kalayaan. Bilang mga tagapangalaga ng mga resources ng Panginoon, ang mga pamilya ang mananagot sa Kanya at may lubos na responsibilidad para sa yaong ipinagkatiwala Niya sa kanila. Anumang sobra sa mga pangangailangan ng pamilya ay mananatili sa bishop para magamit “sa pagtulong sa mga yaong wala,” (D at T 42:33).

Doktrina at mga Tipan 42:34–35, 55. Ang kamalig o storehouse ng Panginoon

Ayon sa huwarang inilahad ng Panginoon anumang “natira,” o sobra, sa inilaang pera o ari-arian ay dapat itago sa kamalig o storehouse (D at T 42:34; tingnan din sa talata 55). Gagamitin ng bishop ang mga resources na ito “sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan” (D at T 42:34) at sa pagsasagawa ng iba pang mga layunin, tulad ng pagbili ng mga ari-arian para sa Simbahan, pagtatayo ng mga bahay-sambahan, at “pagtatayo ng … Bagong Jerusalem” (D at T 42:35). Ngayon, ang kahulugan ng kamalig o storehouse ay “isang lugar kung saan ang isang obispo ay tumatanggap, nangangalaga, at namamahagi sa mga maralita ng mga inilaang alay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang bawat kamalig ay maaaring maging malaki o maliit alinsunod sa hinihingi ng pagkakataon. Nagkakaloob ang matatapat na Banal ng mga [talento], kasanayan, kagamitan, at mapagkakakitaan sa obispo upang mapangalagaan ang mga maralita sa oras ng pangangailangan. Samakatwid, maaaring ilagay sa isang kamalig ang isang talaan ng mga [makukuhang serbisyo], salapi, pagkain, o iba pang mga kakailanganin. Ang obispo ang kinatawan ng kamalig at nagpapamahagi ng mga ari-arian at [serbisyo] alinsunod sa pangangailangan at sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon (D at T 42:29–36; 82:14–19)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kamalig,” scriptures.lds.org).

loob ng tindahan ni Newel K. Whitney

Iniutos ng Panginoon na magtayo ng kamalig o storehouse upang matulungan ang mga maralita at nangangailangan (tingnan sa D at T 42:33–34).

Doktrina at mga Tipan 42:40–41. “Kayo ay hindi nararapat na maging palalo sa inyong puso”

Nagsalita ang propetang si Moroni sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga hamon sa espirituwal na kakaharapin ng mga anak ng Diyos sa mga huling araw. Kabilang sa mga hamong ito ang kapalaluan na makikita “sa pagsusuot ng napakaiinam na kasuotan” habang kinakaligtaan ang “mga maralita at nangangailangan, [ang] may karamdaman at [ang] naghihirap” (Mormon 8:36–37). Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, iniutos ng Panginoon, “Kayo ay hindi nararapat na maging palalo sa inyong puso” at sinabi sa mga Banal na dapat “maging payak ang [kanilang] kasuotan” (D at T 42:40). Ang utos na ito ay maaaring mangahulugan na bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat nating iwasan ang pagsusuot ng sobra o masyadong magarbong kasuotan.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumunod tungkol sa pagpili ng ating isusuot at pag-aayos ng ating sarili: “Para lubos na makamtan ninyo ang mga pagpapala at proteksyon ng Ama sa Langit hinihiling namin sa inyo na manatiling tapat sa mga pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo at huwag sumunod sa mga uso na para bang kayo’y mga alipin nito. Hindi kailanman ipagkakait sa inyo ng Simbahan ang kalayaan ninyong pumili ukol sa kung ano ang gusto ninyong isuot at ayos ninyo. Gayunpaman sa tuwina’y maghahayag ang Simbahan ng mga pamantayan at palaging ituturo ang mga alituntunin” (“Sa mga Kabataang Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 28–29).

Doktrina at mga Tipan 42:42. “Huwag kayong maging tamad”

Iniutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na gumawa at magtrabaho (tingnan sa D at T 52:39; 56:17; Moises 4:25). Ang mga tamad o batugan ay nagkakasala ng katamaran, na kinukundena ng Panginoon. Nagpatotoo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa kahalagahan ng paggawa o pagtatrabaho na isang alituntunin ng ebanghelyo:

“Walang makakapalit sa ilalim ng langit sa makabuluhang gawain o trabaho. Sa ganitong paraan nagkakatotoo ang mga pangarap. Sa ganitong paraan ang mga ideya ay nagiging matagumpay.

“Karamihan sa atin ay likas na tamad. Mas gusto nating maglibang kaysa magtrabaho. Mas gusto maglakuwatsa kaysa magtrabaho. Hindi masama ang maglaro at maglibang nang kaunti. Ngunit trabaho ang gumagawa ng kaibhan sa buhay ng isang lalaki o babae. Pinag-iisip nito nang husto ang ating isipin at ginagamit nang husto ang kasanayan ng ating mga kamay na siyang nag-aalis sa atin mula sa pagiging karaniwan. Trabaho ang naglalaan ng pagkaing ating kinakain, ng damit na ating isinusuot, ng mga bahay na ating tinitirhan. Hindi natin maikakaila ang pangangailangang magtrabaho nang mahusay at matalino kung gusto nating umunlad at sumagana ang buhay ng bawat isa sa atin at ng lahat ng tao at kung nais nating umangat ang ating bansa sa buong mundo.

“Nang paalisin sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, sinabi ni Jehova, ‘Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa.’ (Gen. 3:19.)” (“I Believe,” Ensign, Ago. 1992, 4).

Doktrina at mga Tipan 42:44, 48. “Siya na … hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling”

Ang itatagal ng mortal na buhay ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ipinahihiwatig ng Doktrina at mga Tipan 42:44, 48 na ang isang taong nangangailangan ng pagpapagaling at may sapat na pananampalataya at “hindi itinakda sa kamatayan” (talata 48), ay mapagagaling. Ipinaliwanag ni Elder Lance B. Wickman ng Pitumpu: “Madalas nalilimutan natin ang katagang may pasubaling ‘at hindi itinakda sa kamatayan’ (‘o,’ kaya’y ‘sa karamdaman o kapansanan’). Huwag sanang manimdim kung naialay na ang taos na mga dalangin at nagawa na ang basbas ng priesthood at di pa rin gumagaling o kaya’y pumanaw ang mahal ninyo sa buhay. [Mapanatag] sa kaalamang ginawa ninyo ang lahat. Hindi nabalewala ang gayong pananampalataya, pag-aayuno, at pagbabasbas! Ang hindi paggaling ng inyong anak kahit ginawa na ang lahat para sa kanya ang maaari, at dapat, magdulot ng kapayapaan at katiyakan sa lahat [ng] nagmamahal sa kanya! Ang Panginoon—na nagbibigay-inspirasyon sa mga pagbabasbas at nakikinig sa bawat taimtim na dalangin—ang nagpauwi sa kanya sa kabila ng lahat. Lahat ng pagdarasal, pag-aayuno, at pananampalataya ay malamang na para sa ating kapakinabangan sa halip na sa kanya” (“Ngunit Kung Hindi,” Liahona, Nob. 2002, 30–31).

Doktrina at mga Tipan 42:45–48. “Yaong namatay sa akin ay hindi matitikman ang kamatayan”

Para sa mga yaong tapat at nagtitiis hanggang wakas, ang kamatayan “ay magiging matamis para sa kanila,” samantalang malalaman ng mga mapanghimagsik at hindi nagsisisi na “ang kanilang kamatayan ay mapait” (D at T 42:46–47). Hindi ito nangangahulugan na hindi magdaranas ng pisikal na sakit ang mabubuti; sa halip, sila ay magiging malaya mula sa espirituwal na pagdurusa na mararanasan ng masasama kapag namatay sila. Inilarawan ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alituntuning ito:

“Ilang buwan na ang nakararaan nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang isang lalaki na nasuring may malubhang karamdaman. Bilang tapat na maytaglay ng priesthood, naranasan niya ang mga realidad ng mortalidad. Gayunman, nagkaroon siya ng lakas dahil sa halimbawa ng Tagapagligtas, na nagsabing, sa Panalangin ng Panginoon, ‘Magsidalangin nga kayo ng ganito: … Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa’ (Mat. 6:9–10). …

“Natanggap ng kaibigan ko ang mga katagang ‘Gawin nawa ang iyong kalooban’ nang harapin niya mismo ang sarili niyang matitinding pagsubok at paghihirap. …

“… Pinag-usapan namin kung paano niya ginugol ang kanyang buhay sa pagsisikap na maging tapat, na magawa ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos, na maging matapat sa kanyang mga pakikitungo sa kanyang kapwa at sa iba pa, mapangalagaan at mahalin ang kanyang pamilya. Hindi ba’t iyan ang ibig sabihin ng pagtitiis hanggang wakas? Pinag-usapan namin kung ano ang mangyayari agad pagkatapos ng kamatayan, kung ano ang itinuro ng Diyos sa atin tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Ito ay isang lugar ng paraiso at kaligayahan para sa mga taong namuhay nang matwid. Hindi ito dapat katakutan.

“Pagkatapos naming mag-usap, tinawag niya ang kanyang asawa at pamilya—mga anak at apo—upang muling ituro sa kanila ang doktrina ng Pagbabayad-sala na lahat ay mabubuhay na mag-uli. Naunawaan ng lahat ang sinabi ng Panginoon, bagama’t makadarama ng kalungkutan sa pansamantalang paghihiwalay, walang kalungkutan sa mga yaong pumanaw sa Panginoon (tingnan sa Apoc. 14:13; D at T 42:46). … Pumanaw siya nang mapayapa kinabukasan ng hapon, na naroon sa kanyang tabi ang kanyang buong pamilya. Ito ang kapayapaan at kapanatagan na darating sa atin kapag naunawaan natin ang plano ng ebanghelyo at nalaman na ang mga pamilya ay walang hanggan” (“The Eternal Family,” Ensign, Nob. 1996, 66).

Tulad ng kamatayan, ang pagdadalamhati para sa mga pumanaw ay bahagi ng mortalidad. Bagama’t makadarama tayo ng matinding pagmamahal para sa pamilya at mga kaibigan, makadarama rin tayo ng matinding kalungkutan at dalamhati kapag pumanaw ang isang mahal natin sa buhay. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na natural at tama ang magdalamhati sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay:

“Anuman ang edad, nagdadalamhati tayo para sa mga yumao nating mahal sa buhay. Ang pagdadalamhati ay isa sa mga pinakamalalim na pagpapahayag ng dalisay na pag-ibig. Natural na tugon ito sa pagsunod sa banal na kautusan: ‘Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay.’ (D at T 42:45.)

“Bukod dito, hindi natin lubos na mapapahalagahan ang masayang pagkikita muli kalaunan kung walang malungkot na paghihiwalay ngayon. Ang tanging paraan para mapawi ang kalungkutan mula sa kamatayan ay magpadama ng pagmamahal mula sa buhay” (“Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 72).

Doktrina at mga Tipan 42:56–93

Ang Panginoon ay nagbigay sa mga Banal ng mga karagdagang batas at itinuro sa kanila kung paano ipatutupad ang Kanyang batas

Doktrina at mga Tipan 42:56–58. “Kayo ay hihingi, at ang aking mga banal na kasulatan ay ibibigay”

Matapos makalipat sa Kirtland, itinuloy nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong rebisyon o “pagsasalin” ng Biblia. Tulad ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 42:56, hindi tradisyunal na proseso ang sinusunod ng Propeta sa pagsasalin kung saan ang mga salita sa isang wika ay isinasalin sa mga salita ng ibang wika. Sa halip, hiningi ni Joseph ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, at ginabayan siya ng Panginoon.

Sinabi rin ng Panginoon na kapag “[n]atanggap [ng mga Banal] ang kabuuan ng mga yaon” ang mga ito ay [kanilang] “ituturo sa lahat ng bansa” (D at T 42:57–58; tingnan din sa D at T 42:15). Sa isang liham nina Propetang Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams sa mga lider ng Simbahan sa Missouri noong Hulyo 2, 1833, isinulat nila, “Sa araw na ito ay natapos namin ang pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan, na ipinagpapasalamat namin sa Ama sa Langit” (sa History of the Church, 1:368). Simula noong 1979, isinama sa Latter-day Saint edition ng King James Bible ang daan-daang talata mula sa Joseph Smith Translation ng Biblia sa mga tulong sa pag-aaral nito. Simula noon, ang mga piling bahagi mula sa Joseph Smith Translation ng Biblia ay magagamit din ng mga miyembro ng Simbahan sa maraming wika sa mga tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tumutulong na maisakatuparan ang utos ng Panginoon na ituro ang mga ito “sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao” (D at T 42:58).

Kirtland Flats landscape

Kasalukuyang larawan ng makasaysayang Kirtland, Ohio, na naging headquarters ng Simbahan mula 1831–1838

Doktrina at mga Tipan 42:60–62, 65. “Kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag”

Nangako ang Panginoon na makatatanggap ang mga sumusunod sa Kanyang batas ng dagdag na mga paghahayag at kaalaman—“ma[la]laman [din nila] ang mga hiwaga” (D at T 42:61). Itinuro ni Elder David A. Bednar:

“Ang diwa ng paghahayag ay maibibigay sa bawat taong tumanggap mula sa tamang awtoridad ng priesthood ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo—at gumaganap nang may pananampalataya na isagawa ang atas ng priesthood na ‘tanggapin ang Espiritu Santo.’ Ang pagpapalang ito ay hindi lang para sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan; sa halip, ito ay tinataglay at dapat na ginagamit ng bawat lalaki, babae, at bata na nasa hustong gulang na upang managot at gumagawa ng sagradong mga tipan. Ang tapat na hangarin at pagkamarapat ay nag-aanyaya ng diwa ng paghahayag sa ating buhay. …

“… Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45). …

“Ang kasaysayan ng Simbahan at ang ating personal na buhay ay kapwa puno ng mga halimbawa ng paraan ng Panginoon sa pagtanggap natin ng paghahayag nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ [2 Nephi 28:30]. Halimbawa, ang mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay hindi ipinaalam nang biglaan kay Propetang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Ang walang katumbas na yamang ito ay inihayag sa tamang mga pagkakataon at panahon” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 87–88).

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na sa ating paghahanap ng patuloy na paghahayag, dapat nating maunawaan na magkaiba ang tuluy-tuloy na paghahayag at patuloy na paghahayag:

“Una, dapat nating matanto na ang Panginoon ay mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu sa Kanyang sariling panahon at sa Kanyang sariling paraan. …

“… Patuloy tayong nananalangin para sa patnubay, ngunit hindi tayo dapat umasa na tatanggap tayo ng patuloy na paghahayag. Umaasa tayong tatanggap ng [tuluy-tuloy] na paghahayag, ng patuloy na katiyakan ng paghahayag tuwing naghahangad tayo ng patnubay at ang ating sitwasyon ay gayon na lamang kaya’t pinipili itong ibigay sa atin ng matalino at mapagmahal na Panginoon” (“Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 22, 27).

Doktrina at mga Tipan 42:74–93. Ang batas ng Panginoon ang namamahala sa Kanyang Simbahan

Matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72, mayroon pang katanungan ang mga lider ng Simbahan kung ano ang gagawin sa mga miyembro ng Simbahan na lumabag sa batas ng Diyos. Dalawang linggo kalaunan, noong Pebrero 23, 1831, natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:74–93. Inihayag ng Panginoon na ang “batas” ng Simbahan, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 42, ay nilayon upang “pamahalaan ang [Kanyang] simbahan” (D at T 42:59). Bukod pa rito, “nararapat tuparin” ng mga miyembro ng Simbahan “ang lahat ng kautusan at tipan ng simbahan” (D at T 42:78).

Doktrina at mga Tipan 42:88. “Kung ang inyong kapatid na lalaki o babae ay magkasala sa inyo”

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar kung ano ang dapat nating gawin kapag nagkasala sa atin ang iba:

“Sa anumang paraan at panahon, may gagawin o sasabihin ang isang tao sa Simbahang ito na maituturing na nakakasama ng loob. Tiyak na mangyayari ang gayon sa bawat isa sa atin—at tiyak na mahigit pa sa isang beses. Kahit hindi sadyain ng mga tao na saktan o magdamdam tayo, maaari pa rin silang maging manhid at mawalan ng konsiderasyon.

“[Hindi natin makokontrol ang] mga layunin o ugali ng ibang tao. Gayunman, tayo ang nagpapasiya kung paano tayo kikilos. Tandaan lamang na kapwa tayo mga alagad na pinagkalooban ng kalayaang pumili, at mapipili nating huwag magdamdam. …

“Ang nakakatuwa, ang payong ‘kayo nga’y mangagpakasakdal’ [Mateo 5:48] ay agad [pinangunahan] ng payo kung paano tayo dapat kumilos sa pagtugon sa kamalian at pagdaramdam [tingnan sa Mateo 5:43–44, 46]. Malinaw na kabilang sa [mga kinakailangang gawin] para sa ikasasakdal ng mga Banal ang mga tungkuling sumusubok at humahamon sa atin. Kung sasabihin o gagawin ng isang tao ang isang bagay na ipagdaramdam natin, ang unang obligasyon natin ay tumangging masaktan at pagkatapos ay makipag-usap nang sarilinan, tapat, at tuwiran sa taong iyon. Ang gayong paraan ay mag-aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo at malilinawan ang mga maling akala at mauunawaan ang tunay na layon” (“At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 91–92).