Kabanata 18
Doktrina at mga Tipan 46–49
Pambungad at Timeline
Noong taglamig ng 1831, ilang miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ang nabalisa nang makita nila ang kakatwang ikinikilos ng ibang miyembro habang nagsasabing nasa ilalim sila ng impluwensya ng Espiritu. Nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon tungkol sa kilos at asal na ito pati na ang pagbabawal sa mga di-miyembro sa mga sacrament meeting at iba pang mga pagtitipon sa Simbahan. Bilang tugon, noong Marso 8, 1831, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 46. Sa paghahayag na ito ipinaliwanag ng Panginoon kung paano pangangasiwaan ang mga miting sa Simbahan at kung paano maiiwasan ang panlilinlang sa pamamagitan ng paghahangad ng mga kaloob ng Espiritu.
Bago sumapit ang Marso 1831, si Oliver Cowdery ang nagsilbing tagasulat at tagapagtala ni Joseph Smith para sa Simbahan. Gayunman, nang tawagin siya sa misyon, hindi na niya nagampanan ang mga tungkuling ito. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 47, tinawag ng Panginoon si John Whitmer upang pumalit kay Oliver at upang magsulat at mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan. Sa panahong ito, nais ding malaman ng mga Banal sa Ohio kung paano tutulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nandayuhan mula sa New York. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 48, sinabi ng Panginoon sa mga Banal kung paano tutulungan ang mga bagong dating na mga miyembro.
Nais ni Leman Copley, isang bagong miyembro ng Simbahan, na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang dating relihiyon, ang Shakers. Gayunman, patuloy niyang ginawa ang mga maling paniniwala ng Skakers. Dahil nabalisa na patuloy pa rin si Leman sa kanyang mga paniniwala, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon noong Mayo 7, 1831, at natanggap ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 49. Sa paghahayag na ito nilinaw ng Panginoon ang Kanyang tunay na doktrina at kinundena ang ilang maling paniniwala ng mga Shakers.
-
Tagsibol 1831Ang mga bagong binyag sa Kirtland, Ohio, ay nakaranas ng mga huwad na espirituwal na pagpapakita.
-
Marso 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 46.
-
Marso 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 47.
-
Marso 10, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 48.
-
Marso 1831Si John Whitmer ay nahirang bilang mananalaysay at tagasulat ng Simbahan.
-
Mga huling araw ng Marso 1831Si Parley P. Pratt ay bumalik sa Kirtland mula sa isang misyon sa Indian Territory at Missouri.
-
Mayo 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 49.
-
Mayo 7, 1831Nilisan nina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley ang Kirtland para puntahan ang isang komunidad ng mga Shakers.
Doktrina at mga Tipan 46: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong mga unang araw ng Simbahan, hindi pinahihintulutan ng mga Banal sa Kirtland, Ohio na dumalo sa mga pulong ng pagsamba ang mga kabilang sa ibang relihiyon. Ito ay salungat sa tagubilin na ibinigay sa Aklat ni Mormon na partikular na itinuturo na hindi dapat pagbawalan ng mga tagasunod ni Cristo ang sinuman na sumama kung nagkakatipong magkakasama ang mga Banal (tingnan sa 3 Nephi 18:22). Bukod pa rito, noong Hunyo 1829, nang tipunin ni Oliver Cowdery ang dokumento na tinatawag na “Articles of the Church of Christ” (na isinulat upang magbigay ng direksyon sa matatapat hanggang sa opisyal na maorganisa ang Simbahan), ibinatay niya ang tagubiling ito sa Aklat ni Mormon nang isinulat niya na, “‘At ang simbahan ay magtitipun-tipon nang madalas para manalangin [at] magsumamo nang hindi pinapaalis ang sinuman mula sa inyong mga pook ng sambahan kundi sa halip ay inaanyayahan silang magsipunta’ [‘Articles of the Church of Christ,’ Hunyo 1829, sa p. 372]” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 281; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay). Ang pagbabawal sa mga hindi nananampalataya na dumalo sa mga pulong na idinaraos sa harapan ng madla, kung gayon, ay nakakabahala, at ayon kay John Whitmer, “minarapat ng Panginoon na magsalita tungkol sa paksang ito, upang makaunawa ang kanyang mga tao” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, inedit ni Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 34). Nilinaw sa sumusunod na paghahayag (Doktrina at mga Tipan 46) ang kalooban ng Panginoon. Iniutos niya sa mga Banal na “huwag paalisin ang sinuman sa [kanilang] mga pangkalahatang pagpupulong, na idinaraos sa harapan ng madla” (D at T 46:3).
Bukod pa sa mga pagpapaalis na ito, nagpakita ng kakaibang ikinikilos ang ilang bagong miyembro ng Simbahan bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Itinala ni John Whitmer: “Ang ilan ay nagpapantasya na nasa kanila ang espada ni Laban [tingnan sa 1 Nephi 4:8–9], at iwinawasiwas ito, na kasing husay ng [isang kawal], … may ilan na nagpapadausdos [sa] sahig o biglang tatalilis na simbilis ng ahas at sasabihing sila raw ay naglalayag patungo sa mga Lamanita para ipangaral ang ebanghelyo. At marami pang ibang walang kabuluhan at pawang kahibangang bagay na hindi na nararapat at hindi kapaki-pakinabang na banggitin. Sa gayon binulag ng diyablo ang mga mata ng mabubuti at matatapat na disipulo” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, 38). Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 46, itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano malalaman ang pagkakaiba ng impluwensya ng Espiritu at ng mga mapanlinlang na espiritu at nilinaw ang tunay na layunin at likas na katangian ng mga kaloob ng Espiritu.
Doktrina at mga Tipan 46
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal tungkol sa mga pagpupulong sa Simbahan at mga kaloob ng Espiritu
Doktrina at mga Tipan 46:2. “Pangasiwaan ang lahat ng pagpupulong habang sila ay inaatasan at pinapatnubayan ng Banal na Espiritu”
Nang maorganisa ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na “madalas na sama-samang [mag]tipon” (D at T 20:55). Bilang pagsunod sa kautusang ito, nagtipon nang madalas ang mga Banal para sa mga sacrament meeting at paminsan-minsan para sa pagpupulong o kumperensya. Nagtipun-tipon din sila para sa “pagpapatibay na pagpupulong,” kung saan ang mga bagong nabinyagan ay kinukumpirma bilang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 46:6). Nabasa ng mga naunang miyembrong ito na pinangasiwaan ng mga tagasunod ni Cristo sa Aklat ni Mormon ang kanilang mga pulong “alinsunod sa pamamaraan ng pamamatnubay ng Espiritu, … sapagkat ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang umaakay sa kanila kung mangangaral, o magpapayo, o mananalangin, o magsusumamo, o aawit, maging sa gayon ito naganap”(Moroni 6:9). Muling binigyang-diin ng Panginoon ang alituntuning ito sa ating panahon, iniuutos na ang mga pagpupulong ay dapat pangasiwaan “habang [ang mga lider ng Simbahan] ay inaatasan at pinapatnubayan ng Banal na Espiritu” (D at T 46:2; tingnan din sa D at T 20:45).
Doktrina at mga Tipan 46:3–6. “Huwag paalisin ang sinuman”
Sa Doktrina at mga Tipan 46:3–6, iwinasto ng Panginoon ang ginagawa ng mga naunang Banal na hindi isinasama sa mga sacrament meeting at mga pagpapatibay na pagpupulong o pagpupulong para sa kumpirmasyon ang mga taong iba ang relihiyon. Dapat ipadama ng mga miyembro ng Simbahan sa lahat ng nagnanais na dumalo sa mga pulong na idinaraos ng Simbahan sa harapan ng madla na malugod silang tinatanggap. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil inaanyayahan natin ang lahat na lumapit kay Cristo, laging bukas ang ating pintuan sa mga kaibigan at kapitbahay ngunit hindi sila inaasahang makibahagi sa sakrament. Gayunman, hindi ito ibinabawal. Sila ang pipili para sa kanilang sarili. Umaasa kami na lagi nating ipadarama sa mga baguhan sa atin na sila’y mahal at tinatanggap. Ang mga musmos, na walang-salang makikinabang sa Pagbabayad-sala ng Panginoon, ay maaaring makibahagi ng sakrament habang naghahanda sila para sa mga tipan na gagawin nila sa buhay balang-araw” (“Worshiping at Sacrament Meeting,” Ensign, Ago. 2004, 28).
Doktrina at mga Tipan 46:7–8. “Upang hindi kayo malinlang masigasig ninyong hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob”
Ilan sa mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nagpapakita ng kakaibang pag-uugali kapag dumadalo sila sa mga pulong sa Simbahan, at nagsasabing kumikilos sila nang gayon dahil sa inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Naniwala sa kanila ang ilang miyembro, at ang pakiramdam naman ng iba ay hindi mula sa Diyos ang inaasal nila. Isang araw bago naibigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 46, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45. Sa paghahayag na ito ipinaalala ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na maiiwasan nila ang malinlang kung kanilang “tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay” (D at T 45:57). Hangad ng kaaway na linlangin ang mga Banal upang kanyang “sirain ang gawain ng Diyos” at ang “mga kaluluwa ng tao” (D at T 10:23, 27). Kasama sa mga taktika niya ang paggamit ng “masasamang espiritu, o mga doktrina ng mga diyablo, o ng mga kautusan ng tao” (D at T 46:7). Ngunit nangako ang Panginoon na hindi tayo malilinlang kung gagawin natin ang mga bagay “nang buong kabanalan ng puso, lumalakad nang matwid sa harapan [Niya]” at “masigasig … [na hinahanap] ang mga pinakamahusay na kaloob” (D at T 46:7–8). Ang “mga pinakamahusay na kaloob” ay tumutukoy sa mga espirituwal na kaloob na magagamit ng mga taong tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Doktrina at mga Tipan 46:9–11. Ang mga espirituwal na kaloob ay para sa kapakanan ng mga taong nagmamahal sa Diyos at naghahangad na sundin ang Kanyang mga kautusan
Hindi ipinipilit ng Diyos ang Kanyang mga espirituwal na kaloob sa Kanyang mga anak, ngunit inaanyayahan Niya sila na “masigasig [na] hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” para sa kanila (D at T 46:8). Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga kaloob na ito ay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa Kanya at nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa D at T 46:9). Nagbibigay Siya ng mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang mga indibiduwal at ang buong Simbahan (tingnan sa D at T 46:12), hindi upang patunayan ang katotohanan ng ebanghelyo sa mga taong naghahanap ng mga palatandaan.
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung sino ang makatatanggap ng mga espirituwal na kaloob:
“Ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa lahat ng mga lalaki at babae upang malaman nila ang mabuti sa masama, at ang mga pagpapahiwatig ng Espiritu Santo ay ibinibigay upang hikayatin ang mga masigasig na naghahanap na magsisi at magpabinyag. Ito ang mga panimulang kaloob. Ang tinatawag natin na mga espirituwal na kaloob ang susunod.
“Ang mga espirituwal na kaloob ay dumarating sa mga taong nakatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Tulad ng itinuro ni Propetang Joseph Smith, ang mga kaloob ng Espiritu ‘ay nakuha sa pamamagitan niyon’ [ang Espiritu Santo] at ‘ito ay hindi matatamasa nang walang kaloob na Espiritu Santo.’ … (Teachings of the Prophet Joseph Smith, comp. Joseph Fielding Smith, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1938, pp. 243, 245; tingnan din sa Elder Marion G. Romney sa Conference Report, Abr. 1956, p. 72.)” (“Spiritual Gifts,” Ensign, Set. 1986, 68).
Lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay may isang espirituwal na kaloob. Bagama’t “hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob” (D at T 46:11), lahat ng mga espirituwal na kaloob ay ipinamamahagi sa bawat miyembro ng Simbahan, “upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:12). Ipinaliwanag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin mahahanap ang mga kaloob ng Espiritu:
“Sa paghahanap ng mga kaloob maaaring kailanganin nating malaman muna kung aling kaloob ang ibinigay sa atin. …
“Upang malaman ang mga kaloob na ibinigay sa atin, dapat tayong manalangin at mag-ayuno. Karaniwang sinasabi sa mga patriarchal blessing natin ang mga kaloob na natanggap natin at inilalahad ang ipinangakong mga kaloob na matatanggap natin kung hahangarin natin ito. Hinihimok ko ang bawat isa sa inyo na tuklasin ang inyong mga kaloob at hangarin ang mga kaloob na magbibigay ng direksyon sa buhay ninyo at magpapasulong sa gawain ng langit” (“Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 16).
Ang pagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu ay isang paraan ng pagtulong sa atin ng Ama sa Langit upang mas maging katulad natin Siya. Ipinaliwanag ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan: “Kung hindi perpekto ang sinuman sa atin, tungkulin nating ipagdasal na mapasaatin ang kaloob na gagawin tayong perpekto. May mga kakulangan at kahinaan ba ako? Marami ako nito. Ano ang tungkulin ko? Ang ipagdasal sa Diyos na pagkalooban ako ng mga kaloob na magtatama sa mga kakulangan at kahinaang ito. Kung madali akong magalit, tungkulin kong ipagdasal na magkaroon ako ng pag-ibig sa kapwa, na nagtitiis nang matagal at mabait. Ako ba ay maiinggitin? Tungkulin kong hangaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa, na hindi naiinggit. Gayundin ang lahat ng kaloob ng ebanghelyo. Ito ang layunin ng lahat ng ito. Hindi dapat sabihin ng sinuman na, ‘Ah, hindi ko kontrolado ito; likas na sa akin ito.’ Hindi siya mabibigyang-katwiran dito, sapagka’t nangako ang Diyos na magbibigay ng lakas upang maitama ang mga bagay na ito, at magbibigay ng mga kaloob na pupuksa sa lahat ng ito. Kung ang isang tao ay kulang sa karunungan, tungkulin niyang humingi ng karunungan sa Diyos. Ganyan din sa lahat ng iba pa. Iyan ang plano ng Diyos sa Kanyang Simbahan. Nais Niyang maging perpekto sa katotohanan ang Kanyang mga Banal. Dahil dito ibinibigay Niya ang mga kaloob na ito at ipinagkakaloob ito sa mga naghahangad nito, upang sila ay maging perpekto sa ibabaw ng lupa, sa kabila ng kanilang maraming kahinaan, dahil nangako ang Diyos na magbibigay ng mga kaloob na kailangan nila upang sila ay maging perpekto” (“Discourse by President George Q. Cannon,” Millennial Star, Abr. 23, 1894, 260–61).
Doktrina at mga Tipan 46:13–27. Mga espirituwal na kaloob
Nakalista sa Doktrina at mga Tipan 46:13–27 ang maraming mahahalagang espirituwal na kaloob na katulad ng mga nakalista sa I Mga Taga Corinto 12:8–11 at Moroni 10:8–17. Kailangang maunawaan nang tama ng naunang mga Banal ang mga espirituwal na kaloob upang maiwasto ang huwad na espirituwal na asal ng ilan sa mga bagong miyembro sa Kirtland, Ohio na ipinapakita sa pamamagitan ng kakaibang kilos o ugali. Ipinaliwanag ng Panginoon na kapag isinasaisip at hinahangad ang mga kaloob na ito, hindi malilinlang ang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa D at T 46:7–8). Iniutos Niya sa mga Banal na “laging panatilihin sa inyong isipan kung ano ang mga kaloob na ito” (D at T 46:10). Ilang taon kalaunan, binigyan-diin muli ni Propetang Joseph Smith ang kahalagahan ng mga espirituwal na kaloob sa Simbahan nang isulat niya ang ikapitong saligan ng pananampalataya, na nagbanggit ng ilan sa mga kaloob.
Ang mga kaloob ng Espiritu ay maaaring makita sa napakaraming paraan sa ating buhay. Bagama’t nakalista sa Doktrina at mga Tipan 46:13–27 ang humigit-kumulang 14 sa mga espirituwal na kaloob, sinabi ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “Hindi ibig sabihin ay ito na lahat ang mga kaloob. Sa buong kahulugan, walang katapusan ang bilang nito at walang katapusang naipapakita” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 315).
Tungkol sa mga karagdagang espirituwal na kaloob itinuro ni Elder Marvin J. Ashton (1915–1994) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hayaan ninyong banggitin ko ang ilang kaloob na hindi laging nakikita o napapansin ngunit napakahalaga. Ilan sa mga ito ay maaaring ang inyong mga kaloob—mga kaloob na hindi gaanong napapansin ngunit totoo at kapaki-pakinabang.
“Pag-aralan nating muli ang ilan sa mga kaloob na ito na di-gaanong napapansin: kaloob na humiling; kaloob na makinig; kaloob na makarinig at gumamit ng marahan at bayanad na tinig; kaloob na manangis; kaloob na umiwas na makipagtalo; kaloob na maging kalugud-lugod; kaloob na umiwas sa walang kabuluhang paulit-ulit; kaloob na hangarin ang yaong matwid; kaloob na huwag manghusga; kaloob na umasa sa patnubay ng Diyos; kaloob na maging disipulo; kaloob na pangalagaan ang iba; kaloob na makapagnilay-nilay; kaloob na mag-alay ng panalangin; kaloob na magbigay ng malakas na patotoo; at kaloob na tumanggap ng Espiritu Santo” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).
Doktrina at mga Tipan 46:13–14. “Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman. … Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita”
Itinuro ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland, Ohio, na ang ilan ay pinagpala na malaman, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na si Jesus ay ang Cristo (tingnan sa D at T 46:13). Ang iba ay pinagpala na maniwala sa kanilang mga salita (tingnan sa D at T 46:14) hanggang sa malaman nila para sa kanilang sarili mismo. Maniwala, huwag mag-alinlangan, ang palaging unang hakbang sa patotoo at pananalig. Ang maniwala sa patotoo ng ibang tao ay kaloob ng Espiritu.
Doktrina at mga Tipan 46:23, 27. Ang kaloob na makahiwatig
Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, maaari tayong maging karapat-dapat sa patnubay at espirituwal na kabatiran na mahiwatigan o makita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Ipinaliwanag ni Pangulong George Q. Cannon kung bakit mahalaga para sa mga miyembro ng Simbahan na maghangad ng kaloob na makahiwatig: “Ang kaloob na makahiwatig ng mga espiritu ay hindi lang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga lalaki at babaeng nagtataglay nito na makahiwatig ng espiritung umaangkin o umiimpluwensya sa iba, kundi nagbibigay din ito sa kanila ng kapangyarihang mahiwatigan ang espiritung umiimpluwensya sa kanilang sarili. Nakikilala nila ang mapanlinlang na espiritu at nalalaman din kapag nananahan sa kanila ang Espiritu ng Diyos. Sa pribadong buhay napakahalaga ng kaloob na ito sa mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pagtataglay at paggamit ng kaloob na ito hindi nila tutulutang pumasok sa puso nila ang anumang masamang impluwensya o udyukan sila nito sa kanilang isipan, pananalita o gawa. Iwawaksi nila ito; at kung sakaling angkinin sila ng espiritung ito, sa sandaling makita nila ang mga epekto nito itataboy nila ito o, sa madaling salita, hindi sila patatangay o pauudyok dito” (Gospel Truth: Discourses and Writings of George Q. Cannon, tinipon ni Jerreld L. Newquist [1987], 157).
Ibinigay ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan ang kaloob na “makilala ang lahat ng kaloob na yaon at baka mayroon sa inyong nagpapanggap at hindi naman mula sa Diyos” (D at T 46:27). Sa natatanging kaloob na ito magiging posible para sa mga namumuno sa Simbahan na matukoy ang mga mapanlinlang na espiritu at ang mga totoong pagpapahiwatig ng Espiritu Santo.
Doktrina at mga Tipan 46:24. Ang kaloob na makapagsalita ng mga wika
May iba’t ibang palatandaan ng kaloob na makapagsalita ng mga wika:
-
May mga pagkakataon sa buong kasaysayan ng Simbahan kung saan may mga taong naaantig ng Espiritu na makapagsalita sa wika ng Diyos—ang wika ni Adan na inilarawan sa makabagong paghahayag na “dalisay at malinis” (tingnan sa Moises 6:5–6, 46). Sa mga pangyayaring may kaugnayan sa paglalaan ng Kirtland Temple, marami sa mga Banal ang nagsalita ng mga wika at nagbigay ng pakahulugan sa mga ito.
-
Sa araw ng Pentecostes, nang ibinuhos ang kaloob na Espiritu Santo sa hindi pangkaraniwang paraan, ang mga kalalakihan at kababaihan ay pinalakas ng Espiritu upang makapagsalita at makaintindi ng mga banyagang wika ngunit kilalang mga wika (tingnan sa Mga Gawa 2:1–6). Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon sa buong mundo ay karaniwang binibigyan ng mga espesyal na pribilehiyo na matuto ng mga wika, humusay sa pagsasalita nito, at maipahatid ang mensahe ng kaligtasan sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.
-
Ang mga tao ay nagsasalita ng mga wika kapag sila ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, kapag sila’y “[nakapagsasalita] sa wika ng mga anghel”, o sa madaling salita, “nangungusap sila ng mga salita ni Cristo” (2 Nephi 31:13; 32:2–3).
Ibinuod ni Elder Robert D. Hales ang ilang mga babala tungkol sa kaloob na makapagsalita ng mga wika:
“Sinabi sa atin ng mga propeta sa dispensasyong ito na ang paghahayag para sa patnubay ng Simbahan ay hindi ibibigay sa pamamagitan ng kaloob na makapagsalita ng mga wika. Ang dahilan nito ay dahil napakadali para kay Lucifer na mapanlinlang na gayahin ang kaloob na makapagsalita ng mga wika at lituhin ang mga miyembro ng Simbahan.
“May kapangyarihan si Satanas na linlangin tayo sa ilang kaloob ng Espiritu. Ang isang kaloob na talagang nakapanlilinlang siya nang husto ay ang kaloob na makapagsalita ng mga wika. Ipinaliwanag nina Joseph Smith at Brigham Young … na kailangang mag-ingat kapag gagamit ng kaloob na makapagsalita ng mga wika.
“‘Maaari kayong magsalita sa iba’t ibang wika kung makakaginhawa sa inyo, ngunit inilalahad ko ito bilang tuntunin, na kung may ituro man sa pamamagitan ng kaloob na makapagsalita ng iba’t ibang wika, hindi ito dapat tanggapin bilang doktrina’ (Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith [1976], 229).
“‘Huwag gamitin ang kaloob na makapagsalita sa iba’t ibang wika nang hindi ito nauunawaan, o walang paliwanag. Nakapagsasalita ang diyablo sa iba’t ibang wika’ (Teachings, 162).
“‘Ang kaloob na makapagsalita ng mga wika ay hindi … binigyan ng karapatang magdikta … sa Simbahan. Lahat ng mga kaloob at mga endowment na ibinigay ng Panginoon sa mga miyembro ng kanyang Simbahan ay hindi ibinigay upang pamahalaan ang Simbahan; ngunit ang mga ito ay nasa ilalim ng pamamahala at patnubay ng Priesthood, at hinahatulan ayon dito’ (Discourses of Brigham Young, tinipon ni John A. Widtsoe [1941], 343)” (“Gifts of the Spirit,” 14–15).
Doktrina at mga Tipan 47: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Tinulungan ni John Whitmer, isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon, si Propetang Joseph Smith bilang tagasulat sa bahaging iyon ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon at kalaunan sa inspiradong pagsasalin ng Biblia ng Propeta. Nadagdagan ang mga tungkulin ni John matapos lumisan si Oliver Cowdery noong Oktubre 1830 para sa kanyang misyon sa mga Lamanita. Tumulong si John sa pagsusulat ng mga kaganapan sa mga kumperensya ng Simbahan at patuloy na nagtipon ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith at kinopya ang mga ito sa isang talaan ng manuskrito na nakilala bilang ang Aklat ng mga Kautusan at Paghahayag [Book of Commandments and Revelations]. Noong Marso 1831, itinalaga ni Propetang Joseph Smith si John Whitmer na isulat ang kasaysayan ng Simbahan. Isinalaysay kalaunan ni John, “Mas nanaisin ko na huwag gawin iyon ngunit alam kong dapat mangyari ang kalooban ng Panginoon, at kung nais niyang gawin ko ito, nais kong ihayag niya ito sa pamamagitan ni Joseph ang Tagakita” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, 36). Pinagtibay sa sumunod na paghahayag sa Propeta ang tungkulin ni John Whitmer na “magsulat at mag-ingat ng isang maayos na kasaysayan” ng Simbahan (D at T 47:1). Tinanggap ni John ang kalooban ng Panginoon at kalaunan ay nagsulat ng “siyamnapu‘t anim na pahinang kasaysayan na pangunahing naglalarawan ng mga pangyayari mula sa taglagas ng 1830 hanggang sa kalagitnaan ng 1830s” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 285).
Doktrina at mga Tipan 47
Tinawag ng Panginoon si John Whitmer na mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan at magsulat para sa Propeta
Doktrina at mga Tipan 47:1. “Isulat at panatilihin ang isang maayos na kasaysayan”
Iniutos ng Panginoon na magsulat at mag-ingat ng tumpak na mga tala (tingnan sa D at T 21:1; 47:1–3; 72:5–6; 123:1–6; 127:6–9; 128:4–9). Ngayon, ang pagsusulat at pag-iingat ng mga talaan ay mataas na prayoridad sa Simbahan. Noong 2009 inilaan ng Simbahan ang isang bagong Church History Library para sa layuning pangalagaan ang mga manuskrito, aklat, mga talaan ng Simbahan, mga larawan, mga nakaraang kasaysayang nagmula sa mga sinasabi ng mga tao, patriarchal blessing, architectural drawing, polyeto, pahayagan, peryodiko, mapa, microfilm, at mga audiovisual material. Ipinaliwanag ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu kung bakit patuloy na isinusulat at iniingatan ang kasaysayan ng Simbahan:
“Ang pangunahing layunin ng kasaysayan ng Simbahan ay tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at tuparin ang kanilang mga sagradong tipan. Sa pagsasakatuparan ng layuning ito, magagabayan tayo ng tatlong pangunahing bagay na dapat isaalang-alang:
“Una, hangad nating patotohanan at ipagtanggol ang mga pinagsasaligang katotohanan ng Panunumbalik.
“Pangalawa, nais nating tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na alalahanin ang mga dakilang bagay na nagawa ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
“Pangatlo, nakasaad sa banal na kasulatan ang utos sa atin na ingatan ang mga inihayag na kaayusan sa kaharian ng Diyos. Kabilang dito ang mga paghahayag, dokumento, pamamaraan, proseso at huwaran na nagbibigay ng kaayusan at katatagan para sa paggamit ng mga susi ng priesthood, ang mga wastong pamamalakad ng mga korum ng priesthood, ang pagsasagawa ng mga ordenansa, at iba pa—mga bagay na mahalaga sa kaligtasan” (“There Shall Be a Record Kept among You,” Ensign, Dis. 2007, 28–29).
Doktrina at mga Tipan 48: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Si Edward Partridge ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag na maging unang bishop ng Simbahan at binigyan ng responsibilidad na “tumulong sa mga maralita at nangangailangan” (D at T 42:34; tingnan din sa D at T 41:9). Dahil inaasahan ang pagdating ng mga mandarayuhan sa Ohio mula New York, “gustong malaman” ni Bishop Partridge kung paano maghahanda para matugunan ang kanilang mga pangangailangan (John Whitmer, sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, 35). Marami rin ang nagtanong tungkol sa lugar na pagtatayuan ng lunsod ng Sion. Inisip ng mga bagong miyembro ng Simbahan kung dapat ba silang manatili sa Ohio nang permanente o maghandang lumipat muli saan man itatayo ang Sion. Sa mga kadahilanang ito hinangad ni Propetang Joseph Smith ang patnubay ng Panginoon at dahil dito ay tinanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 48.
Doktrina at mga Tipan 48
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal kung paano tutulungan ang mga miyembro na lilipat sa Ohio mula New York
Doktrina at mga Tipan 48:1–3. Ibahagi sa iba
Ipinayo ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland na gamitin ang kanilang kabuhayan sa pagtulong sa mga bagong miyembro na darating sa Ohio. Ang tagubiling ito ay nagbigay sa mga miyembro ng Simbahan ng pagkakataon na magamit ang mga alituntunin ng paglalaan na binanggit sa mga naunang paghahayag (tingnan sa D at T 38:24–25, 35; 41:5; 42:30). Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang karanasan na naglalarawan kung paano natin matutulungan ang mga nangangailangan ngayon:
“Isang gabi ng taglamig noong 1951, may kumatok sa pintuan ko. Isang German na kapatid na lalaki na mula sa Ogden, Utah, ang nagpakilala at nagtanong, ‘Kayo po ba si Bishop Monson?’ Sumagot ako ng oo. Nagsimula siyang tumangis at sinabing, ‘Papunta rito ang kapatid ko at ang pamilya niya galing sa Germany. Titira sila sa lugar na sakop ng ward ninyo. Maaari ba kayong sumama sa amin para makita ang apartment na inupahan namin para sa kanila?’
“Habang papunta kami sa apartment, sinabi niya na maraming taon na niyang hindi nakikita ang kanyang kapatid. Sa gitna ng nagaganap na holocaust bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanatiling tapat ang kanyang kapatid sa Simbahan, na dating naglilingkod bilang branch president bago siya ipinadala sa digmaan laban sa mga Ruso.
“Pinagmasdan ko ang apartment. Malamig at mapanglaw ang itsura nito. Nagbabalat na ang pintura, marumi ang wallpaper, walang laman ang mga paminggalan. Ang liwanag sa isang forty-watt na bumbilya, na nakasabit sa kisame, ay nakatutok sa naka-linoleum na sahig na may malaking butas sa gitna. Parang kinurot ang puso ko. Naisip ko, ‘Napakalungkot naman na pagsalubong ito para sa isang pamiya na napakarami nang hirap na tiniis.’ …
“… Kinabukasan ay Linggo. Sa aming ward welfare committee meeting, sabi ng isa sa mga tagapayo ko, ‘Bishop, mukhang balisa ka. May problema ba?’
“Ikinuwento ko sa mga naroon ang naranasan ko ng sinundang gabi, na idinidetalye ang mga nakita ko na mga di kanais-nais sa apartment. Ilang sandaling natahimik ang lahat. Maya-maya pa, sinabi ng high priests group leader na si Brother Eardley, ‘Bishop, ang sabi mo ba madilim ang apartment at kailangan nang palitan ang mga kasangkapan sa kusina?’ Sumagot ako ng oo. Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Electrical contractor ako. Papayagan mo ba ang mga high priest natin sa ward na ayusin ang mga kawad sa apartment na iyon? Hihilingin ko rin sa mga supplier ko na mag-ambag ng bagong kalan at bagong refrigerator. Bibigyan mo ba ako ng permiso?’ …
“Pagkatapos, si Brother Balmforth, ang seventies president naman ang nagsalita, ‘Bishop, pagtitinda ng carpet ang negosyo ko. Sasabihin ko sa mga supplier ko kung pwede silang mag-ambag ng ilang carpet, at madali nang ikabit iyan ng mga miyembro ng seventy para mapalitan na ang lumang linoleum.’
“Nagsalita rin si Brother Bowden, ang elders quorum president. Isa siyang mangongontratang pintor. Sabi niya, ‘Ako na ang bahala sa pintura. Puwede bang ang mga elder ang magpintura at magdikit ng wallpaper?’
“Si Sister Miller, ang Relief Society president, ang sumunod na nagsalita. ‘Kaming mga Relief Society, hindi namin matitiis na walang laman ang mga paminggalan. Pwede ba naming punuin ito?’
“Ang sumunod na tatlong linggo ay hindi kailanman malilimutan. Parang buong ward na ang kasali sa proyekto. Lumipas ang mga araw, at sa itinakdang panahon, dumating ang pamilya mula sa Germany. Nakatayong muli sa aking pintuan ang kapatid na taga Ogden. Sa isang tinig na puno ng emosyon, ipinakilala niya ako sa kanyang kapatid, asawa ng kanyang kapatid, at kanilang pamilya. Pagkatapos ay itinanong niya, ‘Maaari na ba nating puntahan ang apartment?’ Habang papaakyat kami ng hagdanan papuntang apartment, inulit niya, ‘Hindi ito gaanong maganda, pero mas matino ito kumpara sa tinirhan nila sa Germany.’ Hindi niya alam kung ano ang pagbabagong ginawa sa lugar na iyon at marami sa mga tumulong ay nasa loob na at naghihintay sa aming pagdating.
“Bumukas ang pinto at lumantad ang isang panibagong buhay. Sinalubong kami ng amoy ng bagong pinturang kasangkapan at bagong kabit na wall paper. Wala na ang forty-watt na bombilya, pati na ang lumang linoleum na dating inilawan nito. Tumuntong kami sa carpet na makapal at maganda. Pagpunta namin sa kusina lumantad sa amin ang bagong kalan at bagong refrigerator. Bukas pa rin ang paminggalan, pero ngayon puno na ng pagkain ang bawat estante nito. Tulad ng dati, nagawa ng Relief Society ang gawain nito.
“… Nang matanto ng ama na kanya ang lahat ng ito, hinawakan niya ang kamay ko upang magpasalamat. Nag-uumapaw ang kanyang damdamin. …
“Oras na para umalis. Sa pagbaba namin sa hagdan at palabas sa malamig na gabi, bumabagsak na ang niyebe. Wala ni isang salitang sinambit. Sa wakas, nagtanong ang isang batang babae, ‘Bishop, ngayon lang po ako sumaya nang ganito. Bakit po kaya?’
“Sumagot ako gamit ang mga salita ng Panginoon: ‘Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.’ (Mat. 25:40.)” (“A Provident Plan—A Precious Promise,” Ensign, Mayo 1986, 64–65).
Doktrina at mga Tipan 48:4–6. “Ang pook ay hindi pa ihahayag”
Hinikayat ng Panginoon ang mga Banal na mag-impok para sa panahon na kakailanganin nilang bumili ng lupain na pagtatayuan ng lunsod ng Sion. Noong panahong iyon hindi pa inihayag ng Panginoon kung saan itatayo ang Sion kundi sinabi lamang na ito ay matatagpuan “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (D at T 28:9). Sa loob ng ilang buwan mula nang ibigay ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 48, inihayag ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na ang Sion ay itatayo sa Independence, Missouri (tingnan sa D at T 52:2–3; 57:1–5).
Doktrina at mga Tipan 49: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Humigit-kumulang 15 milya sa timog-kanluran ng Kirtland, Ohio, matatagpuan ang United Society of Believers in Christ’s Second Coming. Sila ay kilala bilang mga miyembro ng Shakers dahil sa kanilang uri ng pagsamba, na inaalog ang kanilang katawan habang sila ay kumakanta, sumasayaw, at nagpapalakpakan sa indayog ng musika. Naniniwala ang mga Shakers na bumalik si Cristo sa lupa sa anyo ng isang babae, si Ann Lee, na lider ng Shaker movement. Naniniwala ang mga Shakers sa celibacy (bawal mag-asawa at bawal magkaroon ng seksuwal na relasyon). Hindi nila itinuturing na mahalaga ang binyag, at ipinagbabawal ng ilan sa kanila ang pagkain ng karne. Sa mga unang taon ng 1831, isang miyembro ng Shakers, si Leman Copley, ang sumapi sa Simbahan at umasa na ipangangaral ng mga elder sa Simbahan ang ebanghelyo sa kanyang dating mga kasama. Gayunman, tulad ng ilang bagong miyembro, patuloy pa rin niyang ginagawa ang ilan sa mga dati niyang maling paniniwala. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 49, na natanggap ni Propetang Joseph Smith noong Mayo 7, 1831, pinabulaanan ang maraming paniniwala ng mga Shakers. Bukod pa rito, tinawag sina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley na mangaral sa komunidad ng mga Shakers. Matapos maibigay ang paghahayag na ito, pinuntahan ng tatlong lalaking ito ang mga Shakers at pinahintulutan sila na basahin ang paghahayag na ito sa nagtipong kongregasyon, ngunit hindi tinanggap ng grupo ang kanilang mensahe.
Nakipagtipan si Leman Copley sa ilalim ng mga alituntunin ng paglalaan na pahihintulutan ang maraming nandarayuhang Banal mula sa New York na manirahan sa kanyang sakahan, sa Thompson, Ohio. Gayunman, pagkaraan ng maikling panahon, hindi niya tinupad ang kanyang tipan at pinaalis sa kanyang lupain ang mga Banal. Ang pananampalataya ni Leman sa Panunumbalik ay nanghina, at hindi na gaanong nakipag-ugnayan sa mga Banal mula noon.
Doktrina at mga Tipan 49
Iniutos ng Panginoon kina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley na mangaral sa mga Shakers sa hilagang Ohio.
Doktrina at mga Tipan 49:1–4. “Sila ay nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat”
Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga Shakers ay “nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat,” (D at T 49:2). Bagama’t hinangad ng mga Shakers na sundin ang Diyos, sa huli ay hindi nila tinanggap ang mensahe ng Panunumbalik na itinuro ng mga missionary na tinawag na magpahayag ng salita ng Panginoon sa kanila. Mahalagang tanggapin ng mga anak ng Diyos ang lahat ng mga katotohanan ng doktrina na bahagi ng walang hanggang ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Elder Glenn L. Pace (1940-2017) ng Pitumpu kung paanong pinipili lamang ng ilang miyembro ng Simbahan ngayon ang “malaman ang bahagi ng katotohanan”:
“May ilan sa ating mga miyembro na sinusunod lamang ang kautusang gusto nilang sundin. Ang propeta ay hindi isang taong magdidispley ng sari-saring katotohanan na parang mga pagkaing puwede nating pagpilian ng gusto lang nating kainin. … Ang isang propeta ay hindi pumupunta sa pinagbobotohan para malaman kung ano ang mas gusto ng mga tao. Inihahayag niya ang kalooban ng Panginoon sa atin. …
“Noong 1831, ilan sa mga nabinyagan ang gustong gawin pa rin sa Simbahan ang mga dati nilang paniniwala. Problema natin ngayon ang mga miyembro na tila napakadaling maimpluwensyahan at maapektuhan ng mga kalakaran sa lipunan (at ng mga mapanlibak na mga daliring nakaturo sa kanila) at gustong ipabago sa Simbahan ang posisyon nito para matugunan ang mga kagustuhan nila. Ang mga doktrinang pinaniniwalaan ng iba ay tila kaakit-akit sa kanila.
“Ang ipinayo ng Panginoon noong 1831 ay naaangkop ngayon: ‘Masdan, sinasabi ko sa inyo, na sila ay nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat, sapagkat sila ay hindi matwid sa harapan ko at talagang kinakailangang magsisi.’ (D at T 49:2.)
“Kailangan nating tanggapin ang buong katotohanan—maging ang lahat-lahat nito—‘mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios’ (Efe. 6:11), at tumulong sa pagtatayo ng kaharian” (“Follow the Prophet,” Ensign, Mayo 1989, 26).
Tulad ng itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, hinihingi sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na talikuran ang mga gawi na salungat sa mga turo ng ebanghelyo kapag naging mga miyembro tayo ng Simbahan:
“Para matulungan tayong sundin ang mga utos ng Diyos, nasa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tinatawag nating kultura ng ebanghelyo. Ito ay isang natatanging pamumuhay, isang grupo ng mga pinahahalagahan at inaasahan at gawain na karaniwan sa lahat ng miyembro. Ang kultura ng ebanghelyong ito ay mula sa plano ng kaligtasan, mga utos ng Diyos, at mga turo ng mga buhay na propeta. Ginagabayan tayo nito sa pagpapalaki ng ating pamilya at sa ating sariling pamumuhay. …
“Para matulungan ang mga miyembro nito sa lahat ng panig ng mundo, itinuturo sa atin ng Simbahan na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain natin o ng ating pamilya na salungat sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo at sa kultura ng ebanghelyong ito” (“Ang Kultura ng Ebanghelyo,” Liahona, Mar. 2012, 42).
Doktrina at mga Tipan 49:7. Walang nakaaalam sa oras o araw ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Pinaniniwalaan ng mga Shakers na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay nangyari na at bumalik Siya sa anyo ng isang babaeng nagngangalang Ann Lee. Ang paniniwalang ito ay isang halimbawa ng mga maling turo na ipinropesiya ng Tagapagligtas na lalaganap sa mga huling araw:
“Masdan … kung may magsabi sa inyo na sinumang tao, Dinggin, narito si Cristo, o naroon, huwag ninyo siyang paniwalaan;
“Sapagkat sa mga araw na yaon ay may magsisilitaw ring mga bulaang Cristo, at bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang palatandaan at kababalaghan, ano pa’t malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang, na mga hinirang alinsunod sa tipan. …
“Kaya nga, kung sa inyo ay sasabihin nila: Masdan, siya ay nasa ilang; huwag kayong magsihayo: Masdan, siya ay nasa mga lihim na silid; huwag ninyong paniwalaan ito;
“Sapagkat gaya ng liwanag ng umaga na nanggagaling sa silangan, at sumisikat maging sa kanluran, at bumabalot sa buong mundo, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng Tao” (Joseph Smith—Mateo 1:21–22, 25–26).
Nagbabala si Propetang Joseph Smith (1805–1844) tungkol sa mga nagsasabing alam nila ang oras ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas: “Hindi kailanman inihayag ni Jesucristo sa sinumang tao ang tiyak na oras ng Kanyang pagparito [tingnan sa Mateo 24:36; D at T 49:7]. Humayo at basahin ang mga Banal na Kasulatan, at wala kayong makikitang anuman na tumutukoy sa tiyak na oras ng Kanyang pagparito; at lahat ng nagsasabi nito ay mga huwad na guro” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 294).
Doktrina at mga Tipan 49:15–17. Ang kasal ay inorden ng Diyos
Ang mga Shakers ay bumuo ng komunidad kung saan hiwalay na namumuhay ang kalalakihan at kababaihan at pinagbawalang mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Inilarawan ni Apostol Pablo ang mga maling turo na hahantong sa apostasiya sa mga huling araw, kabilang na ang “[pag]babawal [sa] pagaasawa,” (tingnan sa I Kay Timoteo 4:1, 3).
Sa isang opisyal na pagpapahayag na inilabas noong 1995, ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).
Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit napakahalaga ng kasal at pamilya:
“Ang buong teolohiya ng ating ipinanumbalik na ebanghelyo ay nakasentro sa mga pamilya at sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal. …
“Naniniwala tayo na ang kasal at mga ugnayan ng pamilya ay maaaring magpatuloy sa kabilang buhay—na ang mga kasal na isinagawa ng mga yaong may wastong awtoridad sa Kanyang mga templo ay patuloy na magkakaroon ng bisa sa daigdig na darating. Hindi natin sinasabi sa mga seremonya natin sa kasal ang ‘hanggang sa tayo’y paghiwalayin ng kamatayan’ sa halip ay sinasabi nating, ‘para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan.’
“Naniniwala rin tayo na ang matibay na mga tradisyonal na pamilya ay hindi lamang mga pangunahing yunit ng isang matatag na lipunan, isang matatag na ekonomiya, at isang matatag na kultura ng mga alituntunin o pamantayang moral—kundi mga pangunahing yunit din sila ng kawalang-hanggan at ng kaharian at pamahalaan ng Diyos. …
“Dahil naniniwala tayo na ang kasal at pamilya ay walang hanggan, nais natin, bilang isang simbahan, na mamuno at makabahagi sa mga pagsisikap sa iba’t ibang dako ng mundo para patatagin ang mga ito” (“Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 41).