Institute
Kabanata 15: Doktrina at mga Tipan 37–38; 41


Kabanata 15

Doktrina at mga Tipan 37–3841

Pambungad at Timeline

Noong huling bahagi ng Disyembre 1830, patuloy si Propetang Joseph Smith sa inspiradong pagsasalin ng Biblia. Sa panahong ito, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa Propeta na tumigil sa pagsasalin ng Biblia at mangaral ng ebanghelyo at palakasin ang Simbahan. Iniutos din Niya sa mga Banal na magtipon sa Ohio.

Sa kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Enero 2 1831, inihayag ni Joseph Smith ang utos ng Panginoon na magtipon ang mga Banal sa Ohio. Marami sa mga Banal ang nagnais na malaman pa ang tungkol sa utos, kaya’t nagtanong ang Propeta sa Panginoon sa oras ng kumperensya. Natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 38 sa harap ng kongregasyon. Sa paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon ang Kanyang mga dahilan kung bakit iniutos Niya sa mga Banal na magtipon sa Ohio at ipinaliwanag ang mga ipinangakong pagpapala sa paggawa nito.

Tinanggap ng maraming Banal ang utos at nagsimulang maghanda para lumipat sa Ohio. Sa pagtatapos ng Enero 1831, naglakbay si Propetang Joseph; ang kanyang asawang si Emma; at iba pa sakay ng paragos mula New York patungo sa Ohio at dumating sa Kirtland sa mga unang araw ng Pebrero. Noong Pebrero 4, natanggap ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41, kung saan iniutos ng Panginoon sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan na manalangin upang matanggap ang Kanyang batas. Bukod pa rito, tinawag ng Panginoon si Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan.

Disyembre 1830Nagsimulang maging tagasulat ni Joseph Smith si Sidney Rigdon sa pagsasalin ng Biblia.

Disyembre 1830Habang isinasalin ang Biblia natanggap ni Joseph Smith ang isang bahagi ng sinaunang tala ni Enoc (Moises 7).

Disyembre 30, 1830Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 37.

Enero 2, 1831Sa ikatlong kumperensya ng Simbahan, inihayag ni Joseph Smith na ang mga Banal ay magtitipon sa Ohio.

Enero 2, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 38.

Enero–Pebrero 1831Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio, at dumating doon sa mga unang araw ng Pebrero.

Pebrero 4, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 41.

Doktrina at mga Tipan 37: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Nabinyagan si Sidney Rigdon dahil sa ebanghelyo nang marinig niya ang pangangaral nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at iba pang mga missionary na tumigil sa Ohio sa paglalakbay nila patungo sa kanlurang hangganan ng Missouri. Sa loob ng ilang linggo lamang, nakapagbinyag ang mga missionary nang mahigit 100 katao sa Kirtland, kabilang si Sidney Rigdon. Pagkatapos ng kanyang binyag, si Sidney, kasama si Edward Partridge, ay nagpunta sa New York at nakausap si Propetang Joseph Smith. Tinawag si Sidney sa pamamagitan ng paghahayag na tulungan si Joseph Smith bilang tagasulat habang patuloy na isinasalin ng Propeta ang Biblia. Si Sidney bilang kanyang tagasulat, idinikta ni Joseph ang Moises 7 sa Mahalagang Perlas. Noong Disyembre 1830, iniutos sa kanila ng Panginoon na itigil ang pagsasalin at palakasin muna ang mga miyembro ng Simbahan sa New York. Iniutos din ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio at makiisa sa mga nabinyagan doon. Bagama’t sinabi noon ng Panginoon na kinakailangang sama-samang magtipon ang Kanyang mga tao sa iisang lugar upang maprotektahan laban sa pagdurusa (tingnan sa D at T 29:8), ang paghahayag na ito (D at T 37) ang unang kautusan hinggil sa literal na pagtitipon ng mga Banal sa iisang lugar sa dispensasyong ito.

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area sa Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 37

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang Simbahan na magtipon sa Ohio

Doktrina at mga Tipan 37:1. “Hindi kinakailangan sa akin na kayo ay magsalin pa”

Noong Hunyo 1830, sinimulan ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong rebisyon ng Biblia na tinukoy niya na isang pagsasalin. Mula Hunyo hanggang Disyembre 1830, nakatuon ang propeta sa aklat ng Genesis sa Lumang Tipan, kasama sina Oliver Cowdery, John Whitmer, Emma Smith at Sidney Rigdon na tumulong sa kanya bilang mga tagasulat. Noong Disyembre 1830 iniutos ng Panginoon kina Joseph at Sidney na itigil ang pagsasalin sa panahong iyon at tinagubilinan sila na gawin itong muli pagkatapos makarating sa Kirtland, Ohio.

Doktrina at mga Tipan 37:1–3. “[Tumungo] kayo sa Ohio”

Mula Abril hanggang Oktubre 1830, talagang nakatira ang lahat ng miyembro ng Simbahan sa New York, sa mga lugar ng Palmyra, Fayette, at Colesville. Nabago iyan nang ang mga isinugong missionary upang mangaral sa mga American Indian ay tumigil sa kanlurang hangganan ng Missouri sa Kirtland, Ohio. Nalaman ng mga missionary na maraming tao ang inihanda ng Panginoon doon na tatanggap ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Mahigit 100 katao ang nagbalik-loob sa loob ng ilang linggo. Dahil sa kautusan sa mga Banal na “sama-samang magtipun-tipon sa Ohio” (D at T 37:3), ibig sabihin sa malawak na Ohio River Valley sa hilagang-silangang Ohio kung saan naroon ang Kirtland, kinailangang maglakbay ng mga Banal ng mga 300 milya (480 kilometro) mula sa kung saan sila naninirahan sa New York.

Noong Setyembre 1830, ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga Banal ay “tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang” at “sila ay titipunin sa isang lugar sa ibabaw ng lupaing ito” (D at T 29:7–8). Ang lunsod ng Sion—ang Bagong Jerusalem—ang lugar na itinalaga ng Panginoon kung saan magtitipon ang mga Banal. Ang isang layunin ng misyon ni Oliver Cowdery ay paghandaan ang panahon kapag tinukoy na ng Panginoon ang lokasyon ng Sion (tingnan sa D at T 28: 8–9). Kalaunan ay inihayag ng Panginoon na ang Independence, Missouri, ang magiging Sion (tingnan sa D at T 57:1–3). Gayunman, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio hanggang sa makakuha pa ng impormasyon mula kay Oliver Cowdery kapag bumalik siya mula sa kanyang misyon. Nilinaw sa sumunod na mga turo ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga propeta sa mga huling araw na palalawakin ang Sion upang mapuno ang Hilaga at Timog Amerika at maging hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.

Kirtland, Ohio, area

Ang unang kautusan sa mga Banal na magtipon sa dispensasyong ito ay sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 37:3; larawang kuha noong mga 1907).

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Doktrina at mga Tipan 38: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Noong Enero 2, 1831, di-nagtagal matapos matanggap ni Propetang Joseph Smith ang kautusan para sa Simbahan na “sama-samang magtipun-tipon sa Ohio” (D at T 37:3), isang kumperensya ang ginanap sa Fayette, New York. Dumalo ang mga miyembro ng Simbahan mula sa tatlong lugar ng New York kung saan nakatira ang mga miyembro: Palmyra, Fayette, at Colesville. Ibinalita ng Propeta ang utos ng Panginoon na sama-samang magtipon sa Ohio. Itinala ni John Whitmer na ang “kataimtiman ng kawalang-hanggan ay nadama ng kongregasyon, at … ninais nilang malaman pa ang hinggil sa bagay na ito” (sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, inedit ni Karen Lynn Davidson at ng iba pa [2012], 18). Nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon, at sa harap ng kongregasyon, tumanggap siya ang paghahayag na nagbigay ng detalyadong paliwanag kung bakit kailangang lumipat ng mga Banal.

Doktrina at mga Tipan 38:1–22

Ipinahayag ng Panginoon na nalalaman Niya ang lahat ng bagay at tiniyak sa mga Banal na Siya ay kasama nila

Doktrina at mga Tipan 38:2. Nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay

Nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay (tingnan sa 2 Nephi 2:24; 9:20). Nalalaman Niya “ang wakas mula sa simula” (Abraham 2:8), at Kanyang nakikita at nauunawaan ang lahat ng bagay sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap (tingnan sa D at T 88:41; 130:7). Dahil nalalaman Niya ang lahat ng bagay, makapananampalataya tayo sa Kanya. Ang Lectures on Faith, isang koleksyon ng mga lesson na inilathala sa pahintulot at pagsang-ayon ni Propetang Joseph Smith, ay naglalaman ng paliwanag ng kaugnayan ng perpektong kaalaman ng Diyos at ng ating kakayahang lubos na manampalataya sa Kanya: “Kung hindi nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay, hindi niya maililigtas ang kahit isa sa kanyang mga nilikha; sapagkat sa pamamagitan ng kaalaman niya sa lahat ng bagay, mula sa simula hanggang wakas, naipagkaloob niya ang kaalamang iyon sa kanyang mga nilikha kung saan sila ay kabahagi ng buhay na walang hanggan; at kung hindi naiisip ng mga tao na taglay ng Diyos ang lahat ng kaalaman, imposible na manampalataya sila sa kanya” (Lectures on Faith [1985], 51–52).

Doktrina at mga Tipan 38:12. “Ang mga anghel ay naghihintay sa dakilang utos na gapasin ang mundo … ; at, masdan, ang kaaway ay nagsama-sama”

Ang Doktrina at mga Tipan 38:12 ay tumutukoy sa talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay o pangsirang damo na nasa Bagong Tipan (tingnan sa Mateo 13:24–30). Ang matalinghagang paglalarawan ng mga anghel na naghihintay upang gapasin ang mundo ay tumutukoy sa pagkawasak ng masasama sa katapusan ng daigdig. Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makadarama ng kapayapaan ang mga sumusunod sa Diyos dito sa daigdig na pasama nang pasama:

“Maraming taon na ang nakalipas, inisip ko ang paglalarawan ng banal na kasulatan sa mga anghel na naghihintay ‘araw at gabi’ sa ‘dakilang utos’ na bumaba at gapasin ang mga agingay o pangsirang damo sa daigdig na puno ng kasamaan at pagdurusa; para sa akin sabik nilang hinihintay ito. (Tingnan sa D at T 38:12; 86:5.) Dahil sa matindi at hindi kinakailangang pagdurusa ng tao, hindi na ako magtataka pa!

“Gayon pa man, ang huling paggapas ay magaganap lamang kapag sinabi ng Ama na ‘ganap na[ng] [hinog]’ ang mundo. (D at T 86:7.) Samantala, mga kapatid, ang hamon ay manatiling matatag sa espirituwal sa mundong sumasama na puno ng ‘trigo at mga agingay o pangsirang damo.’ [D at T 86:7.]

“Ipagpalagay na natin na paminsan-minsan ay tinatangka tayong guluhin o galitin ng mga sumasalungat sa atin tungkol sa kanilang matitinding hinaing, ngunit ang talagang ‘malinaw at kasalukuyang panganib’ ay ang laganap na epekto ng sumasamang mundo sa mga miyembro ng Simbahan. Talagang ang ‘masasama at mga pakana’ ay umiiral sa pamamagitan ng ‘mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw.’ (D at T 89:4.) Inihayag ng Panginoon ‘Masdan, ang kaaway ay nagsama-sama.’ (D at T 38:12.)

“Gayunman hindi tayo dapat matakot at panghinaan ng loob bagama’t ang dating hindi katanggap-tanggap o hindi tama ay tinatanggap na ngayon, na para bang dahil sa kalimitang nakikita ito ay tama na ito at dapat tanggapin ng lipunan!” (“‘Behold, the Enemy Is Combined’ (D at T 38:12),” Ensign, Mayo 1993, 76).

Doktrina at mga Tipan 38:13–15. “Magpapakita ako sa inyo ng isang hiwaga”

Ang paghahayag na dapat lumipat ang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio ay hindi inaasahan, at inaasahan na ang malaking sakripisyo. Ang paniniwala ng mga Banal na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos ay sinubukan. Itinala ni John Whitmer na naghinala ang ilang miyembro na “gawa-gawa lamang ni Joseph ang [paghahayag] upang dayain ang mga tao at sa huli ay siya ang makinabang” (sa The Joseph smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, 21).

Bagama’t pinagdudahan ng ilan ang banal na tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta, maawaing ibinahagi ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan ang isang bagay na hindi nila nalalaman, “isang hiwaga, isang bagay na naroroon sa mga lihim na silid,” (D at T 38:13). Nalaman ni Joseph Smith at ng mga Banal ng Panginoon na nagpaplano ang mga kaaway para wasakin sila (tingnan sa D at T 38:13, 28).

Doktrina at mga Tipan 38:17–20. “Isang lupain na sagana sa gatas at pulot-pukyutan”

Bagama’t kinailangang magsakripisyo ang mga Banal para makalipat sa Ohio, ibinahagi ng Panginoon ang mga detalye kung paano mahahanap ng Kanyang mabubuting anak ang “isang lupang pangako, isang lupain na sagana sa gatas at pulot-pukyutan” (D at T 38:18), ibig sabihin isang lugar na sagana (tingnan sa Exodo 3:8). Ang pangakong ito na “lupain na … mana” (D at T 38:19) ay maaaring magkaroon ng temporal na katuparan sa lugar na pagtatayuan ng lunsod ng Sion sa Missouri, ngunit tila tumutukoy din ito sa mundo kapag napanibago ito at natanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian sa panahon ng Milenyo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10; tingnan din sa D at T 63:20–21, 49). Ang mabubuti na ipinamumuhay ang mga batas ng Diyos at nagsisikap na maging katulad Niya ay tatanggap ng walang hanggang lupain na mana sa mundo kapag ito ay naging kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 88:17–20). Sinabi ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na hangarin ang lupaing mana na ito “nang buo [nilang] puso.” (D at T 38:19).

Doktrina at mga Tipan 38:23–42

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na maging isa at ipinaliwanag kung bakit tinawag Niya sila na magkakasamang magtipon sa Ohio

Doktrina at mga Tipan 38:24–27. “Pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili”

Habang inihahanda ng Panginoon ang mga Banal sa dispensasyong ito upang itatag ang Sion, itinuro Niya sa kanila ang tungkol kay Enoc at ang mga tao ng Sion noong sinauna. Noong Disyembre 1830, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang isang paghahayag tungkol sa lunsod ng Sion kung saan ang mga tao ni Enoc “ay may isang puso at isang isipan, … at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18). Sa isang paghahayag na natanggap noong Enero 2, 1831, inulit ng Panginoon ang walang hanggang alituntunin na makatutulong sa Kanyang mga anak na magtatag ng Sion sa mga huling araw, kabilang na ang pagkakaisa, kabutihan, at pagmamalasakit sa mga maralita. Ang Kanyang utos na “pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili” (D at T 38:24) ay para sa lahat dahil lahat tayo ay magkakapatid—mga anak ng Diyos. Ang pagmamalasakit at paggalang sa iba ay mahalaga sa paghahanda na ipamuhay ang batas ng paglalaan, na ibinigay makalipas ang mga isang buwan, matapos dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio (tingnan sa D at T 42:30).

Inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paglingkuran at mahalin ang lahat ng tao:

“Madalas, at karaniwang hindi sinasadya, tayo ay hindi sensitibo sa mga kalagayan at paghihirap ng mga nakapaligid sa atin. Lahat tayo ay mayroong problema, at sa huli ang bawat tao ang magiging responsable sa sarili niyang kaligayahan. Wala sa atin ang hindi nakaranas ng hirap o nabigyan ng maraming oras at pera na wala na tayong gagawin kundi ang tulungan ang mga taong ‘[nasasaktan at] may lumbay’ (‘Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,’ Mga Himno, blg. 164). Gayon pa man, sa pagtulad sa halimbawa ng buhay ng Tagapagligtas, naisip ko na maaari tayong makahanap ng paraan para mas marami tayong magawa tungkol sa bagay na ito kaysa sa dati. …

“… Kung maibabalik ko lang ang panahon ng aking kabataan at magkaroon ng isa pang pagkakataon na matulungan ang mga tao, na sa panahong iyon, ay hindi ko lubos na napansin. Gusto ng mga kabataan na madama nilang kabilang sila at mahalaga, na madamang mahalaga sila sa iba. … Ang mga pakikisamang hindi ko nagawa, mga kaibigang hindi ko napagmalasakitan, na nagpadama ng bahagyang lungkot sa akin ngayon nitong buong nakalipas na mga taon.

“Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang isang pangyayari. Noong 1979, nagdaos kami sa St. George, Utah, ng aming 20-year class reunion para sa Dixie High School. Masaya ang aming mga taon sa high school na puno ng football at basketball championships at naging host sa iba pang ‘bayan sa USA.’ Sinikap namin na mahanap ang kasalukuyang tirahan ng buong klase at mapadalo ang lahat sa reunion.

“Sa gitna ng lahat ng kasiyahang iyon, naalala ko ang isang liham na puno ng hinanakit ng isang napakatalino—ngunit, sa kanyang kabataan, ay hindi gaanong popular—na dalagita na sumulat nang ganito:

“‘Binabati ko ang lahat sa atin na nagtagumpay para maidaos ang 20-year class reunion natin. Sana ay maging masaya ang lahat. Pero huwag na kayong magreserba ng lugar para sa akin. Katunayan, sa loob ng 20 taong iyon sinikap kong malimutan ang malulungkot na sandali na magkakasama tayo sa high school. Ngayong halos nakakaligtaan ko na ang kalungkutan at nawalang pagpapahalaga sa sarili na nadama ko noon, hindi ko kayang makita ang buong klase at baka maalaala kong muli ang lahat ng iyon. Magsaya kayo at patawarin ninyo ako. Problema ko ito, at hindi ninyo. Siguro darating ako sa 30-year class reunion natin.’

“At, napakasaya kong ibinabalita, na ginawa nga niya ito. Ngunit nagkamali siya sa isang bagay—problema namin iyon, at alam namin iyon.

“Umiyak ako para sa kanya—na aking kaibigan—at sa iba pang mga kaibigan na katulad niya noong aking kabataan dahil ako at ang maraming iba pa ay hindi talagang dalubhasa sa pagbibigay ng ‘lunas’ (Mga Himno, blg. 164). Hindi lang talaga kami mga kinatawan o disipulo ng Tagapagligtas na siyang nais Niyang kahinatnan ng mga tao. Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang maaaring ginawa ko para mas mapansin pa ang mga nag-iisa, para matiyak na ang magiliw na salita o pakikinig o kaswal na pag-uusap at oras na magkasama ay makatulong sa mga yaong tahimik na naroon lamang, at sa ilang pagkakataon ay halos hindi na nakikisalamuha.

“Sinabi ni Cristo sa kanyang napakagandang sermon: ‘Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?’ (Mat. 5:46–47).

“Hinihiling ko sa inyo na tumulong nang higit pa sa kaya ninyo, lumabas sa inyong masaya at komportableng kinaroroonan, upang kausapin at kaibiganin ang mga yaong lagi hindi madaling kausapin at kaibiganin” (“Come unto Me,” Ensign, Abr. 1998, 21–22).

Doktrina at mga Tipan 38:27. “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin”

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano tayo magiging isa sa mga taong nasa paligid natin:

“Nalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. Nasasabik tayo bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit sa kagalakang iyon na minsa’y nadama natin sa piling Niya bago tayo isinilang. Hangad Niyang ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.

“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 69).

Doktrina at mga Tipan 38:27, 34–36. Pangalagaan ang mga maralita at magkaisa

loob ng tindahan ni Newel K. Whitney

Ang tindahan ni Newel K. Whitney ay mahalagang bahagi ng pagsisikap ng Simbahan na “[tumi]tingin sa mga maralita at sa nangangailangan, at magbibigay ng tulong sa kanila” (D at T 38:35).

Sa Doktrina at mga Tipan 38, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magkaisa at pangalagaan ang mga maralita. Ito ang dalawa sa mga pangunahing alituntunin kung saan dapat itatag ang Sion at bahagi ng batas ng kahariang selestiyal. Ang dalawang kautusang ito ay binigyang-diin din sa Moises 7:18 at 4 Nephi 1:2–3. Kalaunan, nang subukan ng mga Banal na ipamuhay ang batas ng paglalalan sa Missouri, hindi sila nagtagumpay dahil “hindi [sila namahagi] ng kanilang yaman … sa mga maralita at nagdurusa sa kanila” at sila ay “hindi nagkakaisa” (D at T 105:3-4; tingnan din sa D at T 105:5). Ngayon maraming pagkakataon sa Simbahan para mapangalagaan ang mga nangangailangan, kabilang ang pagbibigay ng sobrang handog-ayuno.

Doktrina at mga Tipan 38:28–32. “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot”

Sa Doktrina at mga Tipan 38:28–32, magiliw na nagbabala ang Panginoon sa mga Banal tungkol sa mga mangyayari na Siya lamang ang nakaaalam at iniutos sa mga Banal na magtungo sa Ohio. Binigyang-diin Niya na kapag sumunod at naghanda sila, hindi na sila matatakot (tingnan sa D at T 38:15, 30).

Nagsalita si Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng paghahanda:

“Araw-araw natin nasasaksihan ang malawakang pagtaas ng bilihin at pagbaba ng halaga ng pera; mga digmaan; pabagu-bagong klima, hindi mabilang na puwersa ng imoralidad, krimen, at karahasan; pag-atake at panggigipit sa pamilya at indibiduwal; pagsulong ng teknolohiya na hindi na kakailangan pa ang mga dating trabaho; at marami pang iba. Talagang kinakailangang maghanda. Ang malaking pagpapala ng pagiging handa ay nagbibigay sa atin ng kalayaan mula sa pagkatakot, na tiniyak sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan: ‘Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot’ [D at T 38:30].

“Tulad ng mahalaga ang paghahanda ng ating sarili sa espirituwal, dapat din nating ihanda ang ating mga sarili sa temporal. Kailangang mag-ukol tayo ng oras na tanungin ang ating sarili, Anong paghahanda ang gagawin ko para matustusan ang aking mga pangangailangan at ang mga pangangailangan ng aking pamilya?” (“If Ye Are Prepared Ye Shall Not Fear,” Ensign, Nob. 1995, 35–36).

Doktrina at mga Tipan 38:31–32. “Bibigyan kita ng aking batas; at doon ikaw ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan”

bahagi ng Chillicothe Trail

Isang bahagi ng Chillicothe Trail, na madaraanan ang sakahan ni Isaac Morley farm, na nilakbay nina Joseph at Emma Smith nang magtungo sila sa Kirtland, Ohio

Bukod pa sa pagtulong sa Kanyang mga tao na matakasan ang pagkawasak, nangako rin ang Panginoon na kapag ang mga Banal ay magkakasamang nagtipon sa Ohio, ibibigay Niya ang Kanyang batas at pagkakalooban sila ng kapangyarihan. Noong Pebrero 9, 1831, di-nagtagal matapos dumating sa Kirtland, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72. Tumanggap pa siya ng karagdagang tagubilin noong Pebrero 23 (tingnan sa D at T 42:73–93). Ang mga ito ay pinagsama at nakilala ang mga paghahayag na ito bilang “ang batas ng Simbahan” (D at T 42 section heading). Kalaunan, noong Hunyo 1833, ipinaalala ng Panginoon sa mga Banal ang Kanyang utos na “magtayo ng isang bahay, na kung saang bahay ako ay nagbabalak na magkaloob sa aking mga pinili ng kapangyarihan mula sa itaas” (D at T 95:8; tingnan din sa D at T 88:119). Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay pinagkalooban ng kapangyarihan noong Abril 3, 1836, nang matanggap nila ang mga susi ng awtoridad ng priesthood mula sa mga sugo ng langit (tingnan sa D at T 110:9). Ang mabubuting Banal na nakibahagi sa paglalaan ng templo sa Kirtland at sa iba pang mga miting sa templo ay tumanggap ng pagbuhos ng mga espirituwal na kaloob at banal na pagpapakita. Ang pagkakaloob na ito ng kapangyarihan ay hindi katulad ng ordenansa na ipinabatid kalaunan sa mabubuting miyembro ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois.

Doktrina at mga Tipan 38:42. “Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon”

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ang kahulugan ng isang parirala na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 38:42:

“Hayaan ninyong ipaliwanag ko sa inyo ang kahulugan ng pariralang ‘nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon.’ Noong unang panahon ay dalawa ang kahulugan nito, na kapwa may kaugnayan sa gawain ng priesthood.

“Ang una ay tumutukoy sa pagbawi at pagbabalik sa Jerusalem ng iba’t ibang mga kasangkapan sa templo na dinala sa Babilonia ni Haring Nabucodonosor. Sa pisikal na pagdadala at pagbabalik ng mga kasangkapang ito, ipinaalala ng Panginoon sa mga miyembro noon ang kabanalan ng anumang may kaugnayan sa templo. Samakatwid habang ibinabalik nila sa kanilang lupain ang iba’t ibang mangkok, palanggana, baso, at iba pang sisidlang ito, sila mismo ay kinailangang maging malinis gaya ng mga pangseremonyang kasangkapan na dala-dala nila [tingnan sa II Mga Hari 25:14–15; Ezra 1:5–11].

“Ang ikalawang kahulugan ay may kaugnayan sa una. Ang mga mangkok at kasangkapan ding iyon ang ginamit sa araw-araw na paglilinis sa tahanan. Si Apostol Pablo, sa pagsulat sa kanyang batang kaibigang si Timoteo, ay nagsabi tungkol dito, ‘Sa isang malaking bahay ay … may mga sisidlang ginto at pilak, … kahoy at lupa’—tinutukoy nito ang mga kasangkapan sa paghuhugas at paglilinis noong kapanahunan ng Tagapagligtas. Ngunit patuloy ni Pablo, ‘Kung ang sinoman … ay malinis sa alin man sa mga ito [sa pagiging hindi karapat-dapat], [siya] ay magiging sisidlang … pinakabanal, marapat gamitin ng may-ari, at nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.’ Kaya nga, sinabi ni Pablo, ‘Layuan … ang masasamang pita ng kabinataan: … sundin mo ang kabanalan, … [magsi]tawag sa Panginoon mula sa pusong malinis’ [II Kay Timoteo 2:20–22; idinagdag ang pagbibigay-diin].

“Sa dalawang pahayag na iyon sa Biblia ang mensahe ay hindi lamang natin hahawakan ang sagradong mga sisidlan at sagisag ng kapangyarihan ng Diyos bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote—isipin natin, halimbawa, ang paghahanda, pagbabasbas, at pagpapasa ng sakramento—ngunit dapat din tayong maging banal na kasangkapan. Hindi lamang dahil dapat nating gawin kundi dahil ang mas mahalaga ay kung ano ang dapat nating kahinatnan, sinasabi sa atin ng mga propeta at apostol na ‘layuan … ang masasamang pita ng kabinataan’ at ‘[magsi]tawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.’ Sinasabihan nila tayo na maging malinis” (“Sanctify Yourselves,” Ensign, Nob. 2000, 39).

Doktrina at mga Tipan 41: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Umalis ng New York sina Joseph at Emma Smith kasama sina Sidney Rigdon at Edward Partridge upang pumunta sa Kirtland, Ohio. Nang dumating sila sa Kirtland noong mga unang araw ng Enero 1831, pumunta si Joseph sa tindahan ni Newel K. Whitney. Si Newel Whitney at ang kanyang asawang si Ann, ay mga bagong miyembro sa Simbahan, ngunit hindi pa nila nakikita ang Propeta. Pumasok sa tindahan si Joseph, inabot ang kanyang kamay, at sinabi, “Newel K. Whitney, ikaw na nga.” Nang sabihin ni Newel na hindi niya kilala kung sino ang kausap niya, sinabi ng Propeta, “Ako si Joseph, ang Propeta; nanalangin kang pumarito ako; ano ngayon ang ninanais mo mula sa akin?” (sa Mark Staker, “Thou Art the Man,” Ensign, Abr. 2005, 37).

labas ng tindahan ni Newel K. Whitney

Nakilala ni Joseph Smith sa kauna-unahang pagkakataon si Newel K. Whitney sa tindahan ng mga Whitney sa Kirtland, Ohio.

Inasahan na ni Emma Smith na manganganak siya ng kambal sa loob ng dalawang buwan, at inanyayahan ng mga Whitney sina Joseph at Emma na manatili sa kanilang tahanan. Subalit, kailangan nina Joseph at Emma ng mas permanenteng tirahan, gayon din sina Sidney at Phebe Rigdon. Dahil sa naging miyembro sila ng Simbahan, isinakripisyo ng mga Rigdon ang oportunidad na manirahan sa isang bahay na itinayo para sa kanila ng dating kongregasyon ni Sidney noong siya ay pastor sa Mentor, Ohio. Si Leman Copley, na nagmamay-ari ng malaking sakahan sa Thompson, Ohio, mga 20 milya sa silangan ng Kirtland, ay nag-alok na magbibigay ng mga bahay at suplay kina Joseph at Sidney. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, inedit ni Michael Hubbard MacKay at ng iba pa, [2013], 241.) Nanalangin si Joseph at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41, na nagsasaad na dapat magtayo ang mga Banal ng isang bahay para sa Propeta at si Sidney Rigdon ay “ma[ni]nirahan kung saan niya inaakalang mabuti” (D at T 41:8). Sina Joseph at Emma ay nanatili sa mga Whitney nang ilang linggo lamang, at pagkatapos ay lumipat sa tahanan ni Isaac Morley habang nagtatayo ang mga Banal ng isang maliit na bahay para sa kanila sa sakahan ni Morley.

Doktrina at mga Tipan 41

Itinuro ng Panginoon na ang mga tunay na disipulo ay susunod sa Kanyang batas

Doktrina at mga Tipan 41:5. “Siya na tumatanggap ng aking batas at ginagawa ito, siya ay aking tagasunod”

Sa isang paghahayag na natanggap noong Pebrero 4, 1831, sinabi ng Panginoon na tatanggap ang mga lider ng Simbahan ng Kanyang batas “sa pamamagitan ng panalangin ng [kanilang] pananampalataya” (D at T 41:3). Sa loob ng ilang araw matapos ipangako ito, noong Pebrero 9, inihayag ng Panginoon ang kanyang batas sa Simbahan (tingnan sa D at T 42:1–72). Sa paghihintay sa paghahayag na iyon, ipinaliwanag ng Panginoon na upang maging mga tunay na disipulo, dapat tanggapin ng Kanyang mga tagasunod ang Kanyang batas at gawin ito (tingnan sa D at T 41:5). Bagama’t marami ang magsasabing naniniwala sila kay Jesucristo, hindi lahat sila ay handang gawin ang Kanyang sinabi. Yaong gumagawa ng iniuutos Niya ay pinapangakuan na sila ay papasok sa kaharian ng langit (tingnan sa Mateo 7:21).

Ipinaalala sa atin ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng maging mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo: “Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain kundi tuluy-tuloy na pangako at uri ng pamumuhay na angkop sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar” (“Mga Tagasunod ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 97).

Pinatotohanan din ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

“Hindi sapat ang magsalita lang tungkol kay Jesucristo o ipahayag na tayo ay Kanyang mga disipulo. Hindi sapat na palibutan lang ang ating sarili ng mga simbolo ng ating relihiyon. Ang pagkadisipulo ay hindi parang isang isport na pinanonood lang. Huwag nating asahang mabibigyan tayo ng pananampalataya kung nakatayo lang tayo sa tabi , gayundin na hindi tayo mapapalusog kung uupo lang tayo sa sopa at manonood ng isport sa telebisyon at papayuhan ang mga atleta. Ngunit sa kabila nito para sa ilan, ang ‘di aktibong pagkadisipulo’ ang siyang mas maganda kundi man ito ang kanilang pangunahing paraan ng pagsamba.

“Ang ating relihiyon ay hindi nakabatay sa nakikita natin sa iba. Hindi tayo mapagpapala ng ebanghelyo sa pagmamasid lang sa mabuting ginagawa ng iba. Kailangan nating kumilos at ipamuhay ang itinuturo natin” (“Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo Ensign o Liahona, Mayo 2009, 76–77).

Doktrina at mga Tipan 41:9. “Aking tinawag … ; at … siya ay nararapat na italaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan, at ordenan bilang obispo sa simbahan”

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41, hindi lamang tinawag ng Panginoon si Edward Partridge na maglingkod bilang bishop sa Kanyang Simbahan, ngunit inihayag din Niya ang huwaran na nauugnay sa lahat ng tinatawag na maglingkod sa Simbahan. Una, ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag sa isang taong may awtoridad. Sa pagtawag kay Edward Partridge, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na dapat maglingkod si Edward bilang unang bishop ng Simbahan sa dispensasyong ito. Pangalawa, ang mga tinawag nang wasto ng Panginoon ay dapat italaga, o sang-ayunan, “sa pamamagitan ng tinig ng simbahan.” Sa huli, ang mga tao ay dapat ordenan o i-set apart sa kanilang katungkulan o tungkulin sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Doktrina at mga Tipan 41:9–11. “Ang aking tagapaglingkod na si Edward Partridge”

Unang narinig ni Edward Partridge ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong taglagas ng 1830, nang ang mga missionary na ipinadala sa mga Lamanita ay huminto sa Kirtland, Ohio, sa kanilang paglalakbay patungo sa Missouri (tingnan sa D at T 28:8; 30:5–8; 32:2–3). Gayunman, nabinyagan lamang siya noong Disyembre. Isinulat ni Lucy Mack Smith, ang ina ng Propeta, ang sumusunod tungkol sa pasiya ni Edward Partridge na magpabinyag: “Noong Disyembre [1830], nagtakda ng miting sa aming bahay si Joseph, at habang siya ay nagsasalita dumating sina Sidney Rigdon at Edward Partridge at naupo sa kongregasyon. Nang matapos na ni Joseph ang kanyang mensahe, binigyan niya ang sinuman ng pribilehiyong magsalita. Sa pagkakataong ito, tumayo si Ginoong Partridge, at sinabing nagmula siya sa Manchester dahil nais niyang makakuha pa ng impormasyon tungkol sa doktrina na ipinangaral namin; ngunit nang hindi nila kami makita roon, nagtanung-tanong siya sa aming mga kapitbahay tungkol sa aming pagkatao, na ayon sa kanila ay napakabuti, hanggang sa malinlang [sila] ni Joseph tungkol sa Aklat ni Mormon. Sinabi rin niya na nadaanan niya ang aming bukirin, at nakita niya ang kaayusan at kasipagang ginawa para rito; at, nang makita niya ang isinakripisyo namin dahil sa aming pananampalataya, at dahil nalaman niya na pawang totoo ang mga sinabi tungkol sa amin maliban lamang sa mga sinabi tungkol sa aming relihiyon, naniwala siya sa aming patotoo, at handa nang magpabinyag, ‘kung,’ sabi niya, ‘bibinyagan ako ni Brother Joseph’” (“Lucy Mack Smith, History, 1845,” 191, josephsmithpapers.org; ang pagbabaybay at pagbabantas ay iniayon sa pamantayan). Si Edward Partridge ay bininyagan ni Joseph Smith noong Disyembre 11, 1830.

Sa Kirtland, Ohio, tinawag si Edward Partridge na maging unang bishop ng Simbahan, at dumanas siya kalaunan ng maraming pag-uusig sa Missouri, pati ang pagbuhos ng alkitran at balahibo ng galit na mga mandurumog dahil hindi niya iniwaksi ang kanyang pananampalataya sa Aklat ni Mormon. Namatay siya na isang tapat na miyembro ng Simbahan noong 1840 sa Nauvoo, Illinois, sa edad na 46. Sa obituary nakasaad ang sumusunod tungkol sa pagkamatay ni Edward: “Nawalan siya ng buhay dahil sa mga Pang-uusig sa Missouri, at isa siya sa bilang ng mga yaong ang dugo ay hihingin sa kanilang mga kamay” (obituary para kay Edward Partridge, Times and Seasons, Hunyo 1840, 128). (Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Edward Partridge, tingnan sa D at T 36; 41:9–11; 42:10; 50:39; 51:1–5, 18; 52:24; 57:7; 58:14–16, 24–25, 61–62; 60:10; 64:17; 124:19; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 82.)

Ang kahandaan ni Edward Partridge “na iwanan ang kanyang mga kalakal at iukol ang lahat ng kanyang panahon sa mga gawain sa simbahan” (D at T 41:9) ay napagtibay sa sumusunod na tala: “Naalala kalaunan ng anak na babae ni [Edward] Partridge na matapos na maidikta ang paghahayag na ito, ipinagbili ng kanyang ama ang kanyang ari-arian at ‘kaunti lamang ang kinita’ sa pagbebenta. Idinagdag pa niya, ‘Dahil sa desisyon ng aking ama na sumapi sa relihiyon ng mormon at isakripisyo ang kanyang ari-arian inisip ng kanyang mga kaibigan na nababaliw na siya. Hindi nila makita kung ano ang mayroon sa relihiyong iyon para isakripisyo ng isang tao ang lahat ng kanyang yaman sa mundo para lamang dito’” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, 244).

Karagdagang Sanggunian

  • Elizabeth Maki, “Go to the Ohio,” sa Revelations in Context, inedit nina Matthew McBride at James Goldberg (2016), 70–73, o history.lds.org.