Kabanata 22
Doktrina at mga Tipan 59–62
Pambungad at Timeline
Noong Linggo, Agosto 7, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59 habang nasa Jackson County, Missouri. Sa paghahayag na ito, inilahad ng Panginoon ang mga inaasahan Niya sa mga Banal na kararating lang sa Sion, kabilang ang mga dapat gawin upang mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Tiniyak din ng Panginoon na ang mga susunod sa Kanyang mga kautusan ay tatanggap ng mga temporal at espirituwal na pagpapala.
Kinabukasan naghanda nang lisanin ni Joseph Smith at ng ilang elder ang Independence, Missouri, at bumalik sa Ohio. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 60, iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila. Sa pangatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakaranas ng panganib ang pangkat sa Ilog Missouri. Sa sumunod na dalawang araw, Agosto 12 at 13, natanggap ng Propeta ang dalawang paghahayag, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 61 at 62. Nakapaloob sa mga ito ang mga salitang nagbibigay ng tagubilin, babala, kapanatagan, at panghihikayat.
-
Agosto 2–3, 1831Inilaan ang lupain sa Jackson County, Missouri, para sa pagtatatag ng Sion, at isang lugar para sa templo ang inilaan sa Independence, Missouri.
-
Agosto 4, 1831Nagdaos ng isang pagpupulong o kumperensya ng Simbahan sa Jackson County, Missouri.
-
Agosto 7, 1831Matapos magkasakit habang naglalakbay mula Ohio patungong Missouri kasama ang mga Banal sa Colesville, si Polly Knight, asawa ni Joseph Knight Sr., ay namatay sa Jackson County, Missouri.
-
Agosto 7, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 59.
-
Agosto 8, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 60.
-
Agosto 9, 1831Nilisan ni Joseph Smith at ng sampung elder ang Missouri para magtungo sa Kirtland, Ohio, at naglakbay patawid sa Ilog Missouri.
-
Agosto 12–13, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 61 at 62.
-
Agosto 27, 1831Dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio.
Doktrina at mga Tipan 59: Karagdagang Pinagmulang kasaysayan
Noong Linggo, Agosto 7, 1831, dumalo si Propetang Joseph Smith sa serbisyo sa libing para kay Polly Knight, asawa ni Joseph Knight Sr. at unang miyembro ng Simbahan na namatay sa Sion. Si Polly ay miyembro ng Colesville Branch at umalis ng Ohio na determinadong makita ang lupain ng Sion. Sa kabila ng kanyang mahinang kalusugan, “ayaw siyang papigil sa paglalakbay,” paggunita ng anak niyang si Newel. “Ang gusto niya lang, o pinakanais niya, ay maitapak ang kanyang mga paa sa lupain ng Sion, at mailibing ang kanyang katawan sa lupaing iyon. … Ipinagkaloob ng Panginoon ang hangarin ng kanyang puso, at nakarating at nakatapak sa lupaing iyon” (“Newel Knight’s Journal,” sa Scraps of Biography: Tenth Book of the Faith Promoting Series [1883], 70; tingnan din sa History of the Church, 1:199, footnote). Sa mismong araw ng burol ni Polly Knight, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 59, na nangangako ng walang-hanggang pagpapala para sa matatapat na Banal sa Sion.
Noong tag-init ng 1831, habang namamalagi ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County, Missouri, nakasalamuha nila ang mga tao sa isang komunidad na namumuhay nang salungat sa mga batas at mga pamantayan ng ebanghelyo. Ang pagsusugal, pag-inom ng alak, at karahasan ay talamak sa mga residente, at ilan sa mga ito ay nagpunta sa hangganan ng Missouri upang makaiwas sa hatol ng batas. Hayagang binabalewala ng mga residenteng ito ang araw ng Sabbath at hindi lamang ang mga Banal ang nakapansin nito kundi maging ang iba pang mga manlalakbay na pumunta sa Missouri. Isang Protestanteng missionary ang nagsabi: “Tila hindi alam ng mga tao rito na dapat igalang ang araw ng Sabbath ng mga Kristiyano. Nagmistula itong araw ng kalakalan, kasayahan, pag-inom ng alak, pagsusugal, at lahat ng gawaing taliwas sa dapat iasal ng isang Kristiyano” (sa T. Edgar Lyon, “Independence, Missouri, and the Mormons, 1827–1833,” BYU Studies, tomo 13, blg. 1 [1972], 16). Napansin ng isang manlalakbay na dumaraan sa kanlurang Missouri noong 1833 na “ang tanging indikasyon na araw iyon ng Linggo ay ang sugalan at ingay at pagtitipon ng mga tao sa mga taberna na di nangyayari sa karaniwang araw” (Edward Ellsworth, sa John Treat Irving Jr., Indian Sketches: Taken during Expedition to the Pawnee Tribes (1833), inedit ni John Francis McDermott, bagong edisyon [1955], xxii). Sa kalagayang ito inilahad ng Panginoon ang mga pamantayan ng pag-uugali para sa mga Banal na nagtitipon sa Sion.
Doktrina at mga Tipan 59
Itinuro ng Panginoon sa mga Banal ang tungkol sa araw ng Sabbath ng Panginoon at nangakong pagpapalain sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ang matatapat
Doktrina at mga Tipan 59:1–4. “Puputungan … ng mga kautusang hindi kakaunti”
Nangako ang Panginoon ng mga walang hanggang pagpapala sa mga Banal na sumunod sa kanyang ebanghelyo at dumating sa lupain ng Sion na may matang nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian. Nangako rin Siya na puputungan, o gagantimpalaan ang Kanyang matatapat na Banal “ng mga kautusang hindi kakaunti, at ng mga paghahayag sa kanilang panahon” (D at T 59:4). Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga kautusan ng Panginoon ay mga pagpapala:
“Ang mga kautusan ay nakatutulong … dahil ibinigay ito sa atin ng ating Ama sa Langit upang tulungan tayong umunlad at taglayin ang mga katangiang dapat na mayroon tayo kung gusto nating makamtan ang buhay na walang hanggan at mamuhay sa piling Niya. Sa pagsunod sa kanyang mga kautusan, nagiging karapat-dapat tayo sa kanyang mga pagpapala. …
“Dapat tayong magalak sa mga kautusan ng Diyos at makita ang mga ito bilang mahalagang regalo mula sa isang mapagmahal na Ama sa kanyang mga anak” (“The Blessings of Commandments,” [Brigham Young University devotional, Set. 10, 1974], 2, 4, speeches.byu.edu).
Doktrina at mga Tipan 59:5–8. “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso”
Pagkatapos ipaliwanag na ang matatapat ay mapuputungan ng mga pagpapala, kautusan, at paghahayag, binigyang-diin ng Panginoon ang ilang mga kautusan sa mga Banal, simula sa kautusan na mahalin ang Diyos nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na ang utos na mahalin ang Diyos ay sumasaklaw sa lahat ng aspeto ng ating buhay:
“Ang mahalin ang Diyos nang inyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas ay nangangailangan ng inyong buong enerhiya sa lahat ng aspeto. Kailangan dito ang buong katapatan ninyo. Ito’y buong katapatan ng ating buong pagkatao—sa katawan, isipan, damdamin, at espiritu—na mahalin ang Panginoon.
“Ang lawak, lalim, at laki ng pagmamahal na ito sa Diyos ay sumasaklaw sa bawat aspeto ng buhay ng isang tao. Ang ating mga hangarin, espirituwal man o temporal, ay dapat mag-ugat sa pagmamahal sa Panginoon. Ang ating iniisip at pagmamahal ay dapat nakasentro sa Panginoon. …
“Kailangan nating unahin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. Kailangang Siya ang una, tulad ng ipinahayag Niya sa una sa Kanyang Sampung Utos: ‘Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko’ (Exodo 20:3).
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang mangunguna sa mga bagay na ating kinagigiliwan, sa ating panahon, sa mga hangaring ating inaasam, at sa pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4).
Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, nagiging likas na sa atin ang sumunod sa Kanyang mga kautusan, paglingkuran siya, at mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili (tingnan sa D at T 59:6). Kung talagang mahal natin ang Diyos at ating kapwa, hindi natin nanaising magkasala sa iba sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangangalunya, pagpatay, o paggawa “ng anumang bagay tulad nito” (D at T 59:6). Kung mahal natin ang Diyos kikilalanin natin ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay at pasasalamatan Siya “sa lahat ng bagay” (D at T 59:7) at kusang maghahandog sa Kanya ng bagbag o nagsisising puso at nagsisisi at masunuring espiritu (tingnan sa D at T 59:8).
Doktrina at mga Tipan 59:8. “Maghandog kayo ng hain … [na] bagbag na puso at nagsisising espiritu”
Pagkatapos ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na mag-uli, sinabi ng Tagapagligtas sa mga Nephita na hindi na sila dapat mag-alay ng mga hain sa Kanya; sa halip ang iaalay nila ay mga hain na bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20). Inulit ng Panginoon ang bagong sakripisyong ito nang maraming beses sa makabagong paghahayag, kabilang na ang paghahayag sa mga Banal na naghangad na itatag ang Sion (tingnan sa D at T 59:8; tingnan din sa D at T 20:37; 56:17–18; 97:8).
Ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay ang maging mapagpakumbaba at masunurin tayo sa kalooban ng Diyos. Ibig sabihin ay dapat tayong malumbay dahil sa kasalanan at taos pusong magsisi at mamuhay ayon sa plano ng Diyos. Ipinaliwanag ni Elder Bruce D. Porter (1952–2016) ng Pitumpu kung paano ipinakita sa buhay ng Tagapagligtas ang ibig sabihin niyan:
“Ano ang bagbag na puso at nagsisising espiritu? At bakit itinuring na isang hain ang mga ito?
“Tulad sa lahat ng bagay, ang buhay ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng sakdal na halimbawa: kahit talagang walang kasalanan si Jesus ng Nazaret, namuhay Siya na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, na pinatunayan ng Kanyang [pagsunod] sa kalooban ng Ama. ‘Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin’ (Juan 6:38). Sa Kanyang mga disipulo, sinabi Niya, ‘Magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso” (Mateo 11:29). At nang dumating ang panahon para ihandog ang pinakahuling hain na kailangan sa Pagbabayad-sala, hindi … nanliit si Cristo na lagukin ang mapait na saro kundi lubusang [sumunod] sa kalooban ng Kanyang Ama.
“Ang ganap na [pagsunod] ng Tagapagligtas sa Amang Walang Hanggan ang tunay na kahulugan ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. Ang halimbawa ni Cristo ay nagtuturo sa atin na ang bagbag na puso ay isang walang hanggang katangian ng kabanalan. Kung bagbag ang ating puso, lubos tayong bukas sa Espiritu ng Diyos at nauunawaan natin ang ating pag-asa sa Kanya para sa lahat ng mayroon tayo at sa ating buong pagkatao. Ang sakripisyong kailangan ay pagtalikod sa lahat ng anyo ng kapalaluan. Gaya ng malagkit na putik sa mga kamay ng sanay na magpapalayok, yaong may bagbag na puso ay mahuhubog at mahuhugis sa mga kamay ng Guro” (Isang Bagbag na Puso at Nagsisising Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 31–32).
Nagmungkahi si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang paraan na maihahandog natin ang sakripisyong ito sa Panginoon:
“Maihahandog ninyo sa Panginoon ang inyong bagbag o nagsisising puso at ang inyong nagsisisi o masunuring espiritu. Ang totoo, paghahandog ito ng inyong sarili—kung ano kayo ngayon at kung ano ang inyong kahihinatnan.
“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 12).
Doktrina at mga Tipan 59:9–15. “Upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan”
Sa mga huling oras ng Kanyang buhay sa mundo, idinalangin ng Tagapagligtas na huwag “alisin [ng Ama] sa sanglibutan” ang Kanyang mga disipulo kundi “ingatan … sila mula sa masama” (Juan 17:15). Halos dalawang libong taon kalaunan, natagpuan ng Kanyang mga Banal sa Missouri ang kanilang sarili sa gitna ng masasamang-loob at mahahalay na tao, at nangako ang Panginoon na maaari silang manatiling walang bahid-dungis mula sa kasalanan at kasamaan ng mundo kung Siya ay kanilang sasambahin at igagalang sa “[Kanyang] banal na araw” (D at T 59:9).
Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo pinapanatiling walang bahid-dungis mula sa mundo ng paggalang sa araw ng Sabbath: “Ang paggalang sa araw ng Sabbath ay isang uri ng kabutihan na magpapala at magpapatatag sa mga pamilya, mag-uugnay sa atin sa ating Lumikha, at magpapaibayo ng kaligayahan. Makakatulong ang araw ng Sabbath na maihiwalay tayo sa mga bagay na hindi mahalaga, hindi angkop, o imoral. Tinutulutan tayo nitong manirahan sa mundo ngunit hindi maging makamundo” (“Maayos at Organisadong tulad sa Bristol: Maging Karapat-dapat sa Templo—Madali Man o Mahirap ang Panahon,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 41–42).
Doktrina at mga Tipan 59:9. “Ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw”
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang sakramento ay maaaring alinman sa maraming ikinikilos o ginagawa natin na nagbibigkis sa atin sa Diyos at sa kanyang mga walang hanggang kapangyarihan” (“Of Souls, Symbols, and Sacraments,” sa Jeffrey R. Holland and Patricia T. Holland, On Earth As It Is in Heaven [1989], 193). Kabilang sa mga gawa na maghahatid sa atin sa Diyos at magpupuspos sa atin ng Kanyang kapangyarihan ay pag-awit ng mga himno, pagbibigay at pagtanggap ng mga basbas ng priesthood, pagbabahagi ng patotoo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at pagpapanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento.
Doktrina at mga Tipan 59:10. Bakit iniutos ng Panginoon sa atin na magpahinga tayo mula sa ating mga gawain?
Itinalaga ng Panginoon ang Sabbath bilang araw para magpahinga mula sa mahirap na gawain sa araw-araw. Ito ang araw para sa espirituwal at pisikal na pagpapanibago. Binigyang-diin ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan ang ilan sa mga pagpapalang dulot ng pagpapahinga sa mga gawain sa araw ng Sabbath: “Sa matagal ko nang naoobserbahan sa buhay, malinaw sa akin na ang magsasakang gumagalang sa araw ng Sabbath ay tila mas maraming natatapos na gawain sa bukid kaysa kung magtatrabaho siya sa bukid nang pitong araw. Ang mekaniko ay nakagagawa ng mas marami at mas mahusay na produkto sa loob ng anim na araw kaysa pitong araw. Ang doktor, abugado, dentista, ang mga siyentipiko ay mas maraming nagagawa kapag nagpapahinga tuwing Sabbath kaysa kapag ginagamit niya ang lahat ng araw sa buong linggo sa pagtatrabaho. Ipinapayo ko sa lahat ng estudyante, na hangga’t maaari, ay isaayos nila ang kanilang iskedyul upang hindi nila kailangang mag-aral ng leksyon sa araw ng Sabbath. Kung gagawin ito ng mga estudyante at ng iba pang mga naghahanap ng katotohanan, maliliwanagan ang kanilang isip at aakayin sila ng walang hanggang Espiritu sa mga katotohanang nais nilang malaman. Ito ay dahil pinabanal ng Diyos ang kanyang araw at binasbasan ito bilang isang tipan ng katapatan sa habang buhay. (Tingnan sa Ex. 31:16.)” (“The Lord’s Day,” Ensign, Nob. 1991, 34).
Mahalagang tandaan na ang utos ng Panginoon na magpahinga mula sa mga temporal na gawain sa araw ng Sabbath ay hindi panghihikayat na maging tamad. Sa Doktrina at mga Tipan 59:9–13, iniutos ng Panginoon sa mga Banal ang dapat nilang gawin sa araw ng Sabbath. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang Sabbath ay banal na araw para gumawa ng banal at makabuluhang mga bagay. Ang hindi pagtatrabaho at paglilibang ay mahalaga, ngunit hindi sapat. Kailangan sa araw ng Sabbath ang kapaki-pakinabang na pag-iisip at pagkilos, at kung ang isang tao ay magpapahinga lamang at walang gagawin sa araw ng Sabbath, nilalabag niya ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 203).
Doktrina at mga Tipan 59:10. “Iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan”
Ang iukol sa Kataas-taasang Diyos ang ating mga pananalangin ay ang alalahanin, sambahin, at paglingkuran ang Diyos nang buong puso natin. Ang mga pananalanging iniuukol sa Panginoon sa Kanyang banal na araw ay pagpapakita ng ating pagmamahal at paggalang, at pananampalataya sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Paano natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat gawin at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath. …
“Paano ninyo matitiyak na ang asal at kilos ninyo sa araw ng Sabbath ay maghahatid ng saya at galak? Bukod sa inyong pagpunta sa simbahan, sa pakikibahagi sa sakramento, at sa pagiging masipag sa kani-kanyang tungkuling maglingkod, ano pa ang ibang gawain na makakatulong para magawang kaluguran ang Sabbath para sa inyo? Ano ang tanda na ibibigay ninyo sa Panginoon para maipakita ang pagmamahal ninyo sa Kanya?” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 130–31).
Doktrina at mga Tipan 59:12. “Ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan … sa harapan ng Panginoon”
Ang Sabbath ay araw upang maging mapag-isip at mapanuri at aminin ang ating mga kasalanan sa harapan ng Panginoon. Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Inaamin natin na lahat tayo ay nagkakamali. Bawat isa sa atin ay kailangang ipagtapat at talikuran ang ating mga kasalanan at pagkakamali sa ating Ama sa Langit at sa ibang maaaring nasaktan natin. Ang Sabbath ay nagbibigay sa atin ng mahalagang pagkakataong ihandog ito—na ating mga sakramento—sa Panginoon. …
“Mungkahi ni Elder Melvin J. Ballard, ‘Ibig naming makita ang bawat Banal sa mga Huling Araw na dumalo sa sakramento dahil ito ang lugar para suriin ang ating sarili, lugar kung saan matututuhan nating itama ang ating landas at ayusin ang ating mga buhay, itinutugma ang ating mga sarili sa mga turo ng Simbahan at sa ating mga kapatid’ [sa Bryant S. Hinckley, Sermons and Missionary Services of Melvin Joseph Ballard (1949), 150]” (“Ang Sabbath at ang Sakramento,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 8).
Doktrina at mga Tipan 59:13–14. “Upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap”
Sa araw ng Sabbath dapat nating ilaan ang ating puso nang lubusan sa Panginoon. Iniutos ng Panginoon na ihanda ang ating pagkain “nang may katapatan ng puso” (D at T 59:13), na ang ating mga hangarin at isipan ay nakatuon sa mga bagay ng Diyos. Kapag itinuon natin ang ating sarili nang lubos sa Panginoon, ang ating pag-aayuno ay nagiging perpekto.
Ang Sabbath mismo ay pag-aayuno—pag-aayuno mula sa temporal na gawain at mga problema sa mundo. Tulad ng hindi natin pagkain at pag-inom kapag nag-aayuno, iniiwasan natin ang kalayawan sa araw ng Sabbath upang sambahin at paglingkuran ang Panginoon nang mas lubusan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang hindi paghahangad na gawin ang ‘iyong kalayawan’ [Isaias 58:13] sa Sabbath ay nangangailangan ng disiplina sa sarili. Maaaring pagkaitan ninyo ang inyong sarili ng anumang gusto ninyo. Kung pipiliin ninyong malugod ang inyong sarili sa Panginoon, hindi ninyo ituturing ang Sabbath na pangkaraniwang araw” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 132).
Doktrina at mga Tipan 59:16–21. “Yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay”
Ipinangako ng Panginoon ang mga pagpapala ng lupa sa mga taong pinapanatiling banal ang araw ng Kanyang Sabbath, “at ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao” (D at T 59:20). Gayunman, sinasaktan, o hindi natin binibigyang-kaluguran ang Diyos kapag hindi natin kinikilala ang Kanyang impluwensya sa lahat ng ibinigay Niya sa atin at hindi nagpasalamat sa Kanya. Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng pagkilala sa impluwensya o pagtulong ng Panginoon sa lahat ng bagay:
“Wala ba tayong dahilan upang mapuspos ng pasasalamat, anuman ang kalagayan natin? …
“Mapalad tayo kung kinikilala natin ang impluwensya ng Diyos sa ating napakagandang buhay. Ang pasasalamat sa ating Ama sa Langit ay nagpapalawak ng ating pananaw at pag-unawa. Humihikayat ito ng pagpapakumbaba at pagdamay sa ating kapwa at sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang pasasalamat ay mahalagang bahagi ng lahat ng katangiang taglay ni Cristo! Ang mapagpasalamat na puso ay bahagi ng lahat ng mabubuting katangian” (“Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 77).
Doktrina at mga Tipan 59:23. “Kapayapaan sa daigdig na ito”
Ipinangako ng Panginoon ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” sa mga gumagawa ng mabuti (D at T 59:23). Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang uri ng kapayapaan na nagmumula sa mabuting pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon:
“Taimtim tayong umaasam at nagdarasal para sa kapayapaan sa mundo, ngunit nakakamtan natin bilang mga indibiduwal at pamilya ang uri ng kapayapaan na siyang gantimpalang ipinangako sa mabubuti. Ang kapayapaang ito ang ipinangakong kaloob ng misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. …
“Ang kapayapaang tinutukoy ko ay hindi lamang pansamantalang katiwasayan. Ito ay matinding kaligayahan at espirituwal na kapanatagan na walang hanggan.
“Ipinaliwanag ni Pangulong Heber J. Grant ang kapayapaan ng Tagapagligtas nang ganito: ‘Pagagaanin ng Kanyang kapayapaan ang ating pagdurusa, gagamutin ang mga bagbag na puso, papawiin ang ating galit, lilikha sa atin ng pagmamahal sa kapwa na pupuspos sa ating kaluluwa ng kahinahunan at kaligayahan’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant (2002), 255]” (“Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 33).
Doktrina at mga Tipan 60: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Sa unang linggo ng Agosto 1831, ang mga elder na nagpunta sa Missouri ay dumalo sa isang kumperensya ng Simbahan at nakibahagi sa paglalaan ng lupain ng Sion at ang lugar kung saan itatayo ang templo. Nang matapos na ang kanilang gawain, maraming elder ang gustong bumalik sa Kirtland, Ohio (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 35). Itinanong ng mga elder kay Propetang Joseph Smith ang dapat nilang gawin, at natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 60.
Doktrina at mga Tipan 60
Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo habang naglalakbay sila pabalik sa Ohio
Doktrina at mga Tipan 60:2. “Kanilang itinatago ang talino na aking ibinigay sa kanila”
Pinagsabihan ng Panginoon ang mga elder na hindi tumupad sa responsibilidad nila na ipangaral ang ebanghelyo. Tinutukoy ang Kanyang talinghaga tungkol sa mga talento (tingnan sa Mateo 25:14–30), sinabi ng Panginoon, “Kanilang itinatago ang talino na aking ibinigay sa kanila, dahil sa takot [nila] sa tao” (D at T 60:2). Sa paghahayag na ito, “ang talino” ay tumutukoy sa kaalaman at patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Kaakibat ng mga espirituwal na kaloob na ito ang obligasyong ibahagi ang kaalaman at patotoo sa iba.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) na ang ating “pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ipangaral ang Ebanghelyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 386). Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang mga paraan na maaari nating gampanan ang responsibilidad na ito:
“Mga kaibigan kong kabataan, marahil ang paghihikayat ng Panginoon na ‘[buksan ang inyong] mga bibig’ [D at T 60:2] ay maaaring samahan ngayon ng ‘paggamit ng inyong mga kamay’ para i-blog at i-text ang ebanghelyo sa buong mundo! Ngunit tandaan sana ninyo, gawin itong lahat sa tamang lugar at panahon.
“… Sa tulong ng makabagong teknolohiya, maipapahayag natin ang pasasalamat at kagalakan sa dakilang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa paraang maririnig hindi lamang sa ating lugar kundi sa buong mundo. Kung minsan mapapakilos ng iisang parirala ng patotoo ang mga kaganapang umaapekto sa buhay ng isang tao sa kawalang-hanggan.
“Ang pinakaepektibong paraan para maipangaral ang ebanghelyo ay sa pamamagitan ng halimbawa. Kung mamumuhay tayo ayon sa ating mga paniniwala, mapapansin ito ng mga tao. Kung mababanaag ang larawan ni Jesucristo sa ating buhay, kung tayo ay masaya at payapa sa mundo, nanaising malaman ng mga tao ang dahilan. Ang isa sa pinakamagagandang sermon na ipinahayag tungkol sa gawaing misyonero ay ang simpleng ideyang ito ni St. Francis of Assisi: ‘Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras at kung kailangan, magsalita kayo’ [sa William Fay and Linda Evans Shepherd, Share Jesus without Fear (1999), 22]” (“Paghihintay sa Daan patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 76–77).
Doktrina at mga Tipan 60:8. “Mga kongregasyon ng masasama”
Ang pariralang “mga kongregasyon ng masasama” ayon sa pagkagamit nito sa Doktrina at mga Tipan 60:8 at iba pang mga paghahayag (tingnan din sa D at T 61:33; 62:5) ay hindi nangangahulugan na ang lahat ng tao sa mga lugar na ito ay nakagawa ng matinding kasamaan. Sa halip, malamang tumutukoy ang parirala sa mga taong hindi nagkaroon ng kaalaman o pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kung walang kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at nakapagliligtas na mga ordenansa, sila ay namumuhay nang di ayon sa tipan ng Diyos. Dahil dito tumawag ang Panginoon ng mga missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga kongregasyon o komunidad ng mga tao at hikayatin sila na magsisi at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan.
Doktrina at mga Tipan 60:13–14. “Huwag ninyong sayangin ang inyong panahon”
Iniutos ng Panginoon sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ohio at binalaan sila na huwag “sayangin ang [kanilang] panahon” (D at T 60:13). Inilarawan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga paraan na nagsasayang tayo ng ating panahon at ang mga panganib sa paggawa nito:
“Isa sa mga ginagawa ni Satanas para pahinain ang inyong espirituwal na lakas ay hikayatin kayong gumugol ng maraming oras sa mga bagay na di-gaanong mahalaga. Kasama na rito ang maraming oras na panonood ng telebisyon o video, paglalaro ng mga video game gabi-gabi, pagbababad sa Internet, o paggugol ng maraming oras sa isport, laro, o iba pang mga libangan.
“Hindi ko sinasabing masama ang mga ito. … Ang mga laro, isport, libangan at kahit panonood sa telebisyon ay nakapagpaparelaks at nakapagpapasigla, lalo na sa mga panahong may mga problema kayo o maraming nakaiskedyul na gagawin. Kailangan ninyo ng mga aktibidad na makakatulong na makapaglibang at mapahinga ang inyong isipan. …
“Ang tinutukoy ko ay balansehin ninyo ang mga bagay-bagay. …
“Isang nakapangwawasak na epekto ng pagsasayang ng panahon ay ang paglihis nito ng ating atensyon mula sa mga bagay na pinakamahalaga. Napakaraming tao ang gusto na lang maglibang at hinahayaan na lang ang anumang mangyari sa buhay nila. Kailangan ng panahon para taglayin ang mga katangian na tutulong sa inyo na magkaroon ng balanseng buhay. …
“… Kaya ituon ang pansin sa abot ng inyong makakaya sa mga bagay sa buhay na aakay sa inyo pabalik sa kinaroroonan ng Diyos—ang tamang pagbabalanse sa lahat ng bagay” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 13–14).
Doktrina at mga Tipan 61: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan
Noong Agosto 9, 1831, nilisan ni Propetang Joseph Smith at ng 10 elder ang Independence, Missouri, sakay ng bangka sa Ilog Missouri patungo sa St. Louis. Mahirap tawirin ang ilog dahil maraming puno ang nagbagsakan dito. Sa unang ilang araw ng paglalakbay, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at di-pagkakasunduan ang grupo. Sa pangatlong araw ng paglalakbay, isang lumubog na puno ang muntik nang magpataob sa bangkang sinasakyan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Sa panghihikayat ng Propeta, nagkampo ang grupo sa pampang ng Ilog Missouri sa lugar na tinatawag na McIlwaine’s Bend. Matapos lisanin ang ilog para magkampo, kitang-kita ni William W. Phelps sa pangitain “ang Mangwawasak, sa kanyang kasindak-sindak na kapangyarihan, na nakasakay sa ibabaw ng tubig” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 142, josephsmithpapers.org). Noong gabing iyon pinag-usapan ng grupo ang kanilang paghihirap, nilutas ang kanilang di-pagkakaunawaan, at pinatawad ang isa’t isa. Kinaumagahan natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 61.
Doktrina at mga Tipan 61
Nagbigay ang Panginoon ng babala at tagubilin kay Joseph Smith at sa mga elder na naglalakbay patungo sa Ohio
Doktrina at mga Tipan 61:3. “Mabilis na maglakbay sa mga tubig, samantalang ang mga naninirahan sa bawat panig ay nasasawi sa kawalan ng paniniwala”
Nang ang mga elder ay naglakbay nang “mabilis … sa mga tubig” ng Ilog Missouri, hindi nila naipangaral ang ebanghelyo sa mga taong nakatira sa magkabilang panig ng ilog na “nasasawi sa kawalan ng paniniwala” (D at T 61:3). Gayundin, kung minsan ay nakaliligtaan natin ang mga pangangailangan ng mga nakapaligid sa atin dahil tayo ay abalang-abala sa “mabilis na paglalakbay” sa ating buhay. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Ilang beses na bang naantig ang inyong puso nang makita ninyo ang pangangailangan ng iba? Gaano kadalas ninyo binalak tulungan ang isang tao? Gayunman, gaano kadalas humahadlang ang pang-araw-araw na buhay at ipinauubaya ninyo sa iba ang pagtulong, iniisip na ‘ah, tiyak na may mag-aasikaso sa pangangailangang iyan.’
“Masyado tayong nagiging abala sa ating buhay. Gayunman, kung titigil tayo sandali, at mamasdan ang ating ginagawa, makikita nating masyado tayong abala sa ‘mga bagay na di gaanong mahalaga.’ Sa madaling salita, kadalasan ay ginugugol natin ang ating oras sa mga bagay na hindi gaanong makabuluhan sa kabuuang plano ng buhay, at napapabayaan ang mas mahahalagang dahilan” (“Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 85).
Doktrina at mga Tipan 61:4–19. “Sa mga huling araw … isinumpa ko ang mga tubig”
Ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 61:4–19 ay hindi nagbabawal sa mga Banal sa mga Huling Araw na maglakbay o lumangoy sa tubig. Sa paglalarawan sa pagsumpa sa mga tubig sa mga huling araw, maaaring tinutukoy ng Panginoon ang mga talata sa aklat ng Apocalipsis kung saan inilarawan ni Apostol Juan ang pagkawasak na magaganap sa mga tubig bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa Apocalipsis 8:8–11; 16:2–6). Sa Doktrina at mga Tipan 61, partikular na binanggit ng Panginoon ang panganib sa “mga tubig na ito,” ibig sabihin ang Ilog Missouri (tingnan sa D at T 61:5, 18). Sa panahon ng paghahayag na ito, kasama sa mga panganib ng Ilog Missouri ang mga aksidenteng dulot ng mahirap na paglalayag sa katubigan at ang pagkakasakit ng kolera, sakit na karaniwang lumalaganap dahil sa kontaminadong tubig (tingnan sa “The Way of Journeying for the Saints of Christ,” Evening and Morning Star, Dis. 1832, 105).
Doktrina at mga Tipan 62: Karagdagang Pinagmulang kasaysayan
Noong Agosto 13, 1831, si Propetang Joseph Smith at ang mga elder na kasama niyang naglalakbay papuntang Kirtland, Ohio, ay nakipagkita kina Hyrum Smith, John Murdock, Harvey Whitlock, at David Whitmer sa Chariton, Missouri. Hindi pa narating ng mga elder na ito ang Independence, Missouri, dahil ipinangangaral nila ang ebanghelyo habang naglalakbay at dahil na rin sa pagkakasakit ni John Murdock na nagpaantala sa paglalakbay. Kalaunan ay isinalaysay ni Joseph Smith na “matapos ang masayang pagkikita ng mga kapatid na ito” natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 62 (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 145, josephsmithpapers.org).
Doktrina at mga Tipan 62
Pinuri ng Panginoon ang katapatan ng isang grupo ng mga elder na naglalakbay patungo sa Independence, Missouri
Doktrina at mga Tipan 62:3. “Kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit”
Pinuri ng Panginoon ang mga elder na hindi pa nakarating sa Sion dahil sa kanilang matapat na patotoo na ibinahagi nila habang sila ay naglalakbay. Hindi tulad ng ilang elder na kasama ni Propetang Joseph Smith sa paglalakbay na pinagsabihan ng Panginoon dahil sa hindi pangangaral ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 60:2–3), ang grupong ito ng mga missionary ay masigasig at matagumpay na ipinahayag ang ebanghelyo at itinatag ang Simbahan sa kanilang paglalakbay patungong Sion. Kabilang sa matatapat na missionary na ito sina Levi Hancock, Zebedee Coltrin, Simeon Carter, at Solomon Hancock. Nakapagbinyag sila nang mahigit isang daan habang naglalakbay sila (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 46). Pinagpala ng Panginoon ang katapatan ng mga missionary na ito, at sinabi na ang kanilang patotoo ay “nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel” (D at T 62:3). Bukod pa rito, ipinahayag ng Panginoon na pinatawad na ang mga kasalanan ng mga missionary na ito.
Bagama’t dumarating ang kapatawaran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag tayo ay nagsisi at namuhay ayon sa Kanyang mga kautusan, ang pangangaral ng ebanghelyo at pagtulong sa Tagapagligtas ay makatutulong sa atin na tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Sinabi sa atin ng Panginoon na higit na mapapatawad ang ating mga kasalanan sa pagdadala natin ng mga kaluluwa kay Cristo at pananatiling matatag sa pagpapatotoo sa sanlibutan, at tunay na bawat isa sa atin ay naghahanap ng karagdagang tulong upang mapatawad sa ating mga kasalanan” (“It Becometh Every Man,” Ensign, Okt. 1977, 5).
Doktrina at mga Tipan 62:5–8. “Pasiya at … mga paggabay ng Espiritu”
Sa ilang pagkakataon iba’t ibang grupo ng mga elder ang nagtanong kung paano sila nararapat maglakbay, anong ruta ang daraanan, anong paraan ng paglalakbay ang gagamitin, o kung maglalakbay ba nang sama-sama o dala-dalawa. Sa bawat pagkakataong ito ipinahayag ng Tagapagligtas, “Hindi mahalaga sa akin” (D at T 60:5; 61:22; 62:5).
Hinggil sa tugon na ito, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pahayag ng Panginoon na ang gayong mga bagay ay ‘hindi mahalaga sa akin’ ay maaaring nakagugulat sa una. Malinaw na hindi sinasabi ng Tagapagligtas sa mga missionary na ito na wala Siyang malasakit sa ginagawa nila. Sa halip, binibigyang-diin Niya ang kahalagahan ng pag-una sa mga bagay na dapat unahin at pagtutuon sa mga bagay na tama. … Kailangan nilang manampalataya, magpasiyang mabuti, kumilos ayon sa patnubay ng Espiritu, at alamin ang pinakamainam na paraan para makarating sila sa lugar na itinalaga sa kanila. Ang mahalaga ay ang gawaing iniatas sa kanila na isagawa; ang paraan kung paano sila nakarating roon ay mahalaga ngunit hindi lubhang kailangan. …
“Ang pinakamatinding pagpapasiyang ginagawa natin ay hindi palaging kung ano ang mabuti o masama o ang maganda at di-magagandang alternatibo. Karaniwan, ang ating mahihirap na pagpili ay sa pagitan ng dalawang mabuting bagay. Sa talatang ito sa banal na kasulatan [patungkol sa D at T 62:7–9], ang mga kabayo, buriko, at karwahe ay maaaring pare-parehong mabisang opsyon para sa paglalakbay noon ng mga missionary. Sa gayunding paraan, maaaring may matukoy kayo o ako sa iba’t ibang panahon ng ating buhay ng higit sa isang oportunidad o opsyon na maaari nating piliing gawin. Dapat nating alalahanin ang huwarang ito mula sa mga banal na kasulatan kapag nahaharap tayo sa gayong mahahalagang desisyon. Kung uunahin natin ang mahahalagang bagay sa ating buhay—mga bagay na tulad ng tapat na pagkadisipulo, paggalang sa mga tipan, at pagsunod sa mga kautusan —tayo ay bibiyayaan ng inspirasyon at matibay na pagpapasiya kapag tinahak natin ang landas na umaakay sa atin pabalik sa ating tahanan sa langit” (“A Reservoir of Living Water,” [Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007], 5–6, speeches.byu.edu).
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks kung bakit hinahayaan tayo ng ating Ama sa Langit sa maraming desisyon na pipiliin natin:
“Ang naising maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, ngunit kailangang maunawaan na hinahayaan tayo ng ating Ama sa Langit sa maraming desisyon na tayo mismo ang pipili. Ang paggawa ng sariling desisyon ay isa sa mga pinagkukunan ng pag-unlad na dapat nating maranasan sa mortalidad. …
“Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhanng ibinigay ng Maylikha sa atin. Pagkatapos manalangin tayo na magabayan at kumilos ayon sa natanggap natin. Kung hindi tayo nakatanggap ng gabay, dapat tayong kumilos ayon sa matalino nating pasiya” (“Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14).