Institute
Kabanata 19: Doktrina at mga Tipan 50


Kabanata 19

Doktrina at mga Tipan 50

Pambungad at Timeline

Pagdating ni Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong mga unang araw ng Pebrero 1831, napansin niya na “may mga kakatwang paniwala at mga mapanlilnlang na espiritu ang unti-unting nakakaimpluwensya” sa mga Banal. Nagsimula siyang magturo “nang may kaunting pag-iingat at katalinuhan” upang wakasan ang mga huwad na mga espirituwal na pagpapakitang ito (sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 93, josephsmithpapers.org). Makalipas ang ilang buwan, bumalik mula sa misyon si Elder Parley P. Pratt at nakita ang ganoon ding kilos at asal sa mga branch ng Simbahan sa labas ng Kirtland, kaya humingi siya at ang iba pang mga lider ng payo kay Joseph Smith (tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, pahina 114, josephsmithpapers.org). Noong Mayo 1831, itinanong ng Propeta ang bagay na ito sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 50. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ituro at tanggapin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan.

Tagsibol 1831Ang ilang miyembro ng Simbahan sa Kirtland ay naimpluwensyahan ng huwad at mapanlinlang na espirituwal na pagpapakita.

Mga huling araw ng Marso 1831Si Parley P. Pratt ay bumalik sa Kirtland mula sa isang misyon sa Indian Territory at Missouri.

Abril 30, 1831Nagsilang si Emma Smith ng kambal, isang lalaki at isang babae, na parehong namatay matapos ang ilang oras.

Mayo 9, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 50.

Mayo 9, 1831Inampon nina Joseph at Emma Smith ang kambal na sanggol nina John at Julia Murdock, matapos mamatay si Julia sa pagsilang sa kambal noong Abril 30.

Doktrina at mga Tipan 50: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Parley P. Pratt

Dahil nababahala sa mga pagpapakita ng mga mapanlinlang na espiritu sa mga Banal, kinausap nina Parley P. Pratt at iba pa si Propetang Joseph Smith noong 1831 para matagubilinan.

Si Elder Parley P. Pratt ang isa sa apat na missionary na tumulong sa pagpapabalik-loob sa mahigit 100 tao sa Kirtland, Ohio, noong taglagas ng 1830. Matapos ipagpatuloy ang kanyang misyon na ipangaral ang ebanghelyo sa mga American Indian sa kanlurang bahagi ng Missouri, bumalik si Elder Pratt sa Ohio noong mga huling araw ng Marso 1831. Nasaksihan niya noong panahong iyon ang nakakagulat na ikinikilos ng mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland. Isinalaysay niya: “Sa pagbisita ko sa iba’t ibang branch, nakita ko ang kakatwang pagpapamalas ng mga espiritu, na karima-rimarim, sa halip na makapagpalakas ng espirituwalidad. Ilan sa mga tao ang parang halos mahimatay na at kumikilos ng kakatwa, at pinapapangit ang itsura ng mukha. Ang iba naman ay parang labis-labis ang tuwa, at ang mga katawan ay bigla na lang parang mababali, maninigas, mamumulikat, at kung anu-ano pa. Ang iba ay tila nakakakita ng mga pangitain at nakatatanggap ng mga paghahayag, na hindi nagpapalakas ng espirituwalidad, at hindi naaayon sa doktrina at diwa ng ebanghelyo. Sa madaling salita, tila isang huwad at mapanlinlang na espiritu ang unt-unting lumalaganap sa Simbahan” (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 61).

Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang mga mapanlinlang na espirituwal na pagpapakita nang panahong iyon: “Di-nagtagal matapos maitatag ang Ebanghlelyo sa Kirtland, at habang wala ang mga awtoridad ng Simbahan, maraming mapanlinlang na Espiritu ang lumaganap, maraming nagpatangay sa pagkahumaling at kahibangan; ang mga kalalakihan ay [nagtakbuhan] palabas ng pintuan na may sapi ng espiritung ito, at ang ilan sa kanila ay nagsiakyat sa mga puno at nagsisigaw, at lahat ng uri ng kilos na hindi na normal na gawin ng tao ay ginawa na nila; isang lalaki ang hinabol ang isang bola na nakita raw niya na lumilipad sa ere hangang sa makarating siya sa bangin kung saan tumalon siya papunta sa ituktok ng isang puno na nagligtas sa buhay niya, at marami pang katawa-tawang bagay ang nangyari, na tila sinadyang ipahiya ang simbahan ng Diyos; na naging dahilan ng pag-alis ng Esiritu ng Diyos; at lubusang tanggalin at wasakin ang maluwalhating mga alituntuning iyon na nilinang para sa kaligtasan ng sangkatauhan” (sa Manuscript History of the Church, vol. C-1, pahina 1311, josephsmithpapers.org).

Itinala ni Parley P. Pratt na ang nakagagambalang pagkilos at asal na ito ang nagbunsod sa ilan na humingi ng paglilinaw sa Propeta: “Dahil dama namin ang aming kahinaan at kawalan ng karanasan, at baka magkamali kami sa paghusga hinggil sa mga espirituwal na kababalaghang ito, ako, kasama si John Murdock at ang iba pang mga Elder, ay nagpunta kay Joseph Smith, at hiniling sa kanya na magtanong sa Panginoon hinggil sa mga espiritung ito o mga pagpapakita” (Autobiography of Parley P. Pratt, 61–62).

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 50:1–9

Nagbabala ang Panginoon sa mga elder ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu

Doktrina at mga Tipan 50:2–3. “Si Satanas din ay nagnais na malinlang kayo”

Nagbabala ang Panginoon sa mga Banal na mayroong mga mapanlinlang na espiritu sa mundo na, kasama si Satanas, ay naghahangad na linlangin at wasakin ang mga anak ng Diyos. Nagbabala si Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng Simbahan na huwag magpalinlang sa mga huwad na ipinahihiwatig ng mga mapanlinlang na espiritu:

“Laging mag-ingat at baka malinlang kayo ng inspirasyon mula sa isang hindi karapat-dapat na pinagmulan. Maaari kayong mabigyan ng maling espirituwal na mensahe. May mapanlinlang na mga espiritu tulad din na may mapanlinlang na mga anghel. (Tingnan sa Moro. 7:17.) …

“Ang espirituwal na bahagi natin at ang emosyonal na bahagi natin ay napakalapit ng pagkakaugnay kaya posible na akalain nating espirituwal sa halip na emosyonal ang isang bagay. Paminsan-minsan may mga tao tayong nakikita na inaakalang mga espirituwal na pahiwatig mula sa Diyos ang natatanggap nila gayong ang totoo ay galing lamang iyon sa kanilang emosyon o kaya’y sa kaaway” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 55–56).

Sa ibang pagkakataon, sinabi ni Pangulong Packer na mahalagang matukoy ang kaibhan ng tukso ng diyablo sa tunay na paghahayag mula sa Panginoon:

“Maaaring magkaroon ng mga mapanlinlang na paghahayag, mga pahiwatig mula sa diablo, mga tukso! Hangga’t nabubuhay kayo, sa alinmang paraan ang kaaway ay laging magtatangkang iligaw kayo. …

“Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ‘walang higit na makapapahamak sa mga anak ng tao kundi ang akalain na nasa kanila ang Espiritu ng Diyos ngunit ang totoo ay naiimpluwensyahan sila ng mapanlinlang na espiritu [Teachings of the Prophet Joseph Smith, p. 205]. …

“Kung makatanggap man kayo ng pahiwatig na gawin ang isang bagay na hindi komportable sa pakiramdam ninyo, isang bagay na alam ninyo sa inyong isipan na mali at salungat sa mga alituntunin ng kabutihan, huwag pansinin ito!” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 61).

Doktrina at mga Tipan 50:4–9. “Mga Mapanlinlang at mapagkunwari”

Binalaan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland tungkol sa “mga mapanlinlang at mapagkunwari” na mga miyembro ng Simbahan (D at T 50:6). Ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat tayong mag-ingat sa mga bulaang propeta at mga bulaang guro:

“Bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, tungkulin namin na maging mga tagapagbantay sa tore, pinag-iingat ang mga miyembro ng Simbahan sa mga bulaang propeta at mga bulaang guro na nakaabang upang manlinlang at mangwasak ng pananampalataya at patotoo. Ngayon ay nagbababala kami sa inyo na may lumilitaw na mga huwad na propeta at mga bulaang guro; at kung hindi tayo maingat, maging ang mga kabilang sa matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mabibiktima ng kanilang panlilinlang. …

“Kapag iniisip natin ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro, naiisip din natin ang mga taong tinatanggap ang mga doktrina na maliwanag namang mali o ang mga taong inaakala na may awtoridad silang ituro ang totoong ebanghelyo ni Cristo ayon sa sarili nilang interpretasyon. Madalas na iniisip natin na ang gayong mga tao ay may kaugnayan sa maliliit na grupo ng mga radikal na hindi gaanong tanggap sa lipunan. Gayunman, uulitin ko: may mga bulaang propeta at mga bulaang guro na mga miyembro o nagsasabing mga miyembro sila ng Simbahan. Sila ang mga nagsasabi, nang walang pahintulot, na ineendorso ng Simbahan ang kanilang mga produkto at gawain. Mag-ingat sa kanila” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 62).

Ang ilang miyembro sa Kirtland ay umaasal na para bang mayroon silang espirituwal na kapangyarihan at awtoridad na hindi naman nila talagang taglay. Kaya nga, tinukoy sila ng Panginoon bilang “mapanlinlang at mapagkunwari” (D at T 50:6). Inilarawan ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahulugan ng pagpapaimbabaw at hinikayat tayo na alisin ito sa ating buhay:

“Ang pagkukunwari … ay ang pagpapanggap na mabuti o mabait at nagpapakita ng pagkataong hindi naman natin talaga taglay. Kung alam natin ang tama at nagsasabing namumuhay tayo nang ayon sa kaalamang iyan, subalit, ang totoo, ay hindi, tayo ay mapagkunwari. Kinundena ng Tagapagligtas ang mga mapagkunwari sa malinaw na pananalita [tingnan sa Mateo 23:27–28; D at T 50:6, 8]. …

“Ano ang dapat gawin ng mga Banal sa mga Huling Araw? Simple lang ang sagot. Ang mga Banal ay hindi dapat mapanlinlang sa bawat aspeto ng kanilang buhay: sa kanilang tahanan at pamilya, mga tungkulin sa Simbahan, lahat ng pakikipag-ugnayan sa negosyo, at, lalo na, sa pribado at personal na bahagi ng kanilang buhay kung saan sila lamang ng Panginoon ang nakakakita.

“Ipinapayo ko na suriin natin ang ating mga puso at alamin kung ang mga hangarin at gawain ba natin ay dalisay at katanggap-tanggap at alamin kung tayo ba ay walang anumang ginagawang pandaraya at panlilinlang” (“Without Guile,” Ensign, Mayo 1988, 82).

Doktrina at mga Tipan 50:10–36

Itinuro ng Panginoon sa mga elder kung paano makikilala ang mga mapanlinlang na espiritu at ang Espiritu ng Katotohanan

Doktrina at mga Tipan 50:13–18. Pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan

Ang mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay tinulutan ang kanilang sarili na maimpluwensyahan ng mga mapanlinlang na espiritu, na nagdulot ng pagkalito. Inakala nila na ang mga kakatwang kilos na may kinalaman sa relihiyon ay mga pagpapahiwatig ng Espiritu Santo. Tinukoy ng Panginoon na ang gawain ng Espiritu Santo ay ang pagiging “Mang-aaliw” at nagpahayag na ang Espiritu Santo ay “sinugo upang magturo ng katotohanan” (D at T 50:14), hindi upang magpalaganap ng kalituhan. Ipinaliwanag din ng Panginoon na iniutos sa mga elder ng Simbahan na ipangaral ang ebanghelyo nang may Espiritu at kung tatangkain nilang gawin ito sa iba pang pamamaraan, ang kanilang mga turo ay hindi sa Diyos (tingnan sa D at T 50:17–18). Si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng halimbawa ng pagtuturo sa mga paraang hindi naaayon sa Espiritu:

“Kung tayo ay nagtuturo sa paraang itinakda ng Panginoon, maipapadala niya ang kanyang Espiritu upang mapasigla at maliwanagan ang mga taong tinuturuan natin. Kung hindi tayo nagtuturo ayon sa kanyang pamamaraan—kung nagtuturo tayo nang ayon sa sarili nating kaalaman, at ayon sa sarili nating mga talino, at kung aasa lamang sa sarili nating paghahanda o gagaya sa karunungan o sinasabi ng iba—ang ating pagtuturo ‘ay hindi sa Diyos’ [D at T 50:18]. …

“Kung aasa tayo sa mga pamamaraan na para tayong nakikipagdebate, nagbebenta ng kalakal o gumagamit ng sikolohiya, itinuturo natin ang ebanghelyo sa ibang paraan, at hindi ito sa Diyos. …

“Ang mga bagay na batay sa intelektuwal—pangangatwiran at lohika—ay makapaghahanda ng paraan, at makatutulong sa ating paghahanda. Ngunit kung aasa tayo sa mga ito sa halip na sa Espiritu ng Panginoon, hindi natin itinuturo ang ebanghelyo ayon sa paraan ng Panginoon” (“Teaching and Learning by the Spirit,” Ensign, Mar. 1997, 8–9).

titser at mga estudyante sa isang klase sa institute

Ang mga tinawag na magturo ng ebanghelyo ay dapat magturo sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan (tingnan sa D at T 50:14, 17).

Inilarawan ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo bilang “salita ng katotohanan” (D at T 50:17); kaya nga, yaong nangangaral ng ebanghelyo ay dapat hangarin na gawin ito “sa pamamagitan ng Mang-aaliw, sa Espiritu ng katotohanan” (D at T 50:17). Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa katotohanan ayon sa kung paano ito dapat ituro. Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano magiging karapat-dapat ang nangangaral ng ebanghelyo sa mahalagang tulong na ito ng Espiritu:

“Pribilehiyo natin na mapasaatin sa tuwina ang Espiritu Santo, na isang miyembro ng Panguluhang Diyos, upang pasiglahin at bigyang-inspirasyon tayo sa ating paghahanda bilang titser. Dapat nating ihanda ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, upang ang ating pagtitiwala ay lumakas kapag nanawagan tayo sa Panginoon, upang ang kanyang Espiritu ay paghusayin tayo sa ating pagtuturo. Kapag sumasaatin ang Espiritu na gagabay sa atin, may kakayahan tayong magturo nang may malaking kakayahan. …

“Magiging epektibo ang ating pagtuturo kung gagawin natin ito nang may pagpapakumbaba sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral. Sa gayon ay tutulungan tayo ng Espiritu sa pagbabahagi ng salita, palagi at nang naaayon sa kung ano ang nais ng Panginoon na ituro natin” (“Teach Them the Word of God with All Diligence,” Ensign, Mayo 1999, 8).

Kapag itinuro ang ebanghelyo nang may Espiritu, yaong mga handang tumanggap ng salita ng Panginoon ay mapagtitibay at mapalalakas. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit dapat hangarin ng bawat titser sa Simbahan na magabayan ng Espiritu Santo:

“Walang payo na mas binigyang-diin ng Panginoon ang hihigit sa payo sa atin na dapat ituro ang ebanghelyo ‘sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan’ [D at T 50:14]. …

“Hindi matututuhan ang mga bagay na walang-hanggan kung wala ang pagpapaunawang iyon ng Espiritu na mula sa langit. …

“Iyan ang talagang gusto ng ating mga miyembro kapag sila ay nagtitipon sa isang pulong o pumapasok sa isang silid-aralan. Karamihan sa mga tao ay hindi pumupunta sa simbahan para lamang alamin ang ilang bagong impormasyon sa ebanghelyo o makita ang mga dati nang kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Sa madaling salita, gusto nilang mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit. Tayo na mga tinawag na magsalita o magturo o mamuno ay may obligasyong tumulong na mailaan iyan, sa abot ng ating makakaya” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).

Doktrina at mga Tipan 50:19–22. Pagtanggap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan

Ang mga tao na narinig ang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinangaral sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan ay may pagkakataong madama ang Mang-aaliw, mapatibay, at matanggap ang katotohanan. Kapag nagtuturo ang isang tao ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu at handang tanggapin ito ng tinuturuan sa pamamagitan ng Espiritu, “sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (D at T 50:22).

Upang matanggap ng isang tao ang mensahe ng ebanghelyo kapag ito ay itinuro sa pamamagitan ng Espiritu Santo, dapat ay nakahanda siyang maimpluwensyahan ng Espiritu ng Katotohanan. Itinuro ni Brother A. Roger Merrill, dating General Sunday School President, kung paano natin matatanggap o matututuhan nang lubos ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu:

“Madalas tayong magtuon ng pansin, na nararapat lamang, sa kahalagahan ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Ngunit kailangan nating tandaan na pantay, kung hindi man higit, ang kahalagahang ibinigay ng Panginoon sa pagtanggap sa pamamagitan ng Espiritu. (Tingnan sa D at T 50:17–22.) …

“Sa ating personal at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan, at … habang nakikinig tayo sa mga propeta at apostol ng Panginoon, ilan sa atin ang tatanggap nang higit kaysa iba. Bakit? Natututuhan ko na ang mga tunay na tumatanggap ay gumagawa ng kahit tatlong bagay lang na maaaring hindi gawin ng iba.

“Una, sila ay nagsasaliksik. Nabubuhay tayo sa mundong nakatuon sa paglilibang, isang mundo ng mga manonood. Hindi natin alam na pumupunta pala tayo sa Conference o sa Simbahan na may ugaling, ‘Narito ako; ngayon pasiglahin ninyo ako.’ Hindi aktibo ang ating espiritu.

“Kapag sa halip ay nakatuon ang ating pansin sa paghahanap at pagtanggap ng Espiritu, hindi natin masyadong iniisip kung makukuha ba ng teacher o tagapagsalita ang ating pansin at mas iniisip natin ang pagtutuon ng ating pansin sa Espiritu. Tandaan, ang tanggapin ay isang pandiwa. Ito’y isang alituntunin ng pagkilos. Mahalagang pahiwatig ito ng pananampalataya.

“Ikalawa, ang mga tumatanggap, ay nakadarama. Bagama’t ang paghahayag ay dumarating sa puso at isipan, madalas itong nadarama. Hangga’t hindi tayo natututong makinig sa mga espirituwal na pakiramdam na ito, karaniwa’y hindi natin nakikilala ang Espiritu. …

“Ikatlo, ang mga tumatanggap sa pamamagitan ng Espiritu ay gustong kumilos. Tulad ng tagubilin ng propetang si Moroni, upang matanggap ang patotoo ng Aklat ni Mormon, kailangan tayong magtanong ‘na may tunay na layunin’ (Moroni 10:4). Nagtuturo ang Espiritu kapag tapat ang balak nating kumilos tungkol sa natututuhan natin” (“Pagtanggap sa Pamamagitan ng Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 93–94).

mga estudyante sa isang klase ng seminary

Ang mga mag-aaral ng ebanghelyo ay may responsibilidad na matuto sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan (tingnan sa D at T 50:19–21).

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na analohiya para tulungan ang mga titser at mga estudyante na maunawaan ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo: “Ang tunay, totoo, at tapat na pagsamba na nadarama ang Espiritu, sa isang sacrament meeting halimbawa, ay nangyayari kapag ang tagapagsalita ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at kapag ang kongregasyon ay nakikinig sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Nagpatuloy si Elder McConkie sa pagsasabi na ang kadalasang nangyayari sa ating mga sacrament meeting ay dumarating ang mga miyembro na espirituwal na handa na matutuhan ang ebanghelyo, “na may hangaring mapakain. Nagdadala sila ng isang malaking lalagyan. Magbibigay ang tagapagsalita ng mensahe na batay sa karunungan ng mundo at may dala siyang maliit na bote at ibubuhos niya ang laman nito at aalog-alog ito sa malaking lalagyan. O kaya naman, tulad ng nangyayari kung minsan, ibabatay ng mangangaral ang sasabihin ayon sa iniutos ng Panginoon at nasa kanya ang Espiritu at may dala siyang malaking lalagyan para maipabatid ang isang mensahe, at wala ni isa sa kongregasyon ang nagdala ng lalagyan nang mas malaki kaysa tasa. At ibubuhos niya ang galon ng walang hanggang katotohanan at kukuha lamang ang mga tao ng katiting, na sapat lang na matighaw ang walang katapusang pagkauhaw, sa halip na kunin ang tunay na mensaheng nakapaloob. Kailangang magkaisa sa pananampalataya ang mangangaral at ang kongregasyon upang makapangaral o makapagturo nang tama” (“The Foolishness of Teaching” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Set. 18, 1981], 9–10).

Doktrina at mga Tipan 50:23–24. “Yaong hindi nakapagpapatibay … ay kadiliman. Yaong sa Diyos ay liwanag”

Ang kadiliman ay kumakatawan sa masasamang impluwensya ng kaaway at sumisimbolo sa lahat ng hindi nakapagpapatibay (tingnan sa D at T 50:23–24). Ang Aklat ni Mormon ay nagpapaalala sa mga mambabasa na ang mga “nagpadaig … sa diyablo at pinili ang mga gawain ng kadiliman kaysa liwanag” ay paparusahang “bababa … sa impiyerno” (2 Nephi 26:10). Kapag sinuway ng mga tao ang mga kautusan ng Diyos, natatakpan ng kadiliman ang liwanag na nagmumula sa Espiritu ng Panginoon at nakikita nila ang kanilang sarili na “lumalakad sa kadiliman sa katanghaliang-tapat” (D at T 95:6). Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na: “Wala ng higit pang pagpapayahag tungkol sa katotohanan kaysa ‘yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos.’ At yaong hindi sa Diyos ay kadiliman, hindi mahalaga kung nakapaloob man ito sa relihiyon, etika, pilosopiya o paghahayag. Walang paghahayag mula sa Diyos ang hindi nagpapatibay” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:201–2).

larawan ng pagsikat ng araw

Ang mga tumatanggap ng liwanag ng Diyos ay tatanggap ng marami pang liwanag hanggang sa ganap na araw. (tingnan sa D at T 50:23–25).

Noong Kanyang mortal na ministeryo, sinabi ng Tagapagligtas, “Ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12; tingnan din sa D at T 45:7). Yaong mga sumusunod sa Panginoon “ay tumatanggap ng marami pang liwanag” na nagtutulot sa kanila na “malaman ang katotohanan” at “maitaboy ang kadiliman” (D at T 50:24–25). Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“[I]winawaksi ng liwanag ang dilim. Kapag mayroong liwanag, nadadaig ang dilim at nawawala. Higit na mahalaga, hindi madadaig ng dilim ang liwanag hangga’t di nababawasan o naaalis ang liwanag. Kapag nariyan ang espirituwal na liwanag ng Banal na Espiritu, ang kadiliman ni Satanas ay umaalis. …

“… Kung hahayaan nating umandap-andap o humina ang liwanag ng Espiritu dahil sa di pagsunod sa mga kautusan o di pagtanggap ng sakramento o pananalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan, ang kadiliman ng kalaban ay tiyak na papasok” (“Mula sa Kadiliman Tungo sa Kanyang Kagila-gilalas na Kaliwanagan,” Ensign, Mayo 2002, 70–71).

Doktrina at mga Tipan 50:23–24. “Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag”

Inihahanda ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga anak ng Diyos na maging perpekto sa pamamagitan ng espirituwal na pag-unlad. Yaong mga nagsisikap na sundin ang Panginoon at magkaroon ng Kanyang ganap na liwanag ay magiging perpekto na tulad Niya (tingnan sa Moroni 10:32; D at T 67:13). Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–1844) kung bakit ang pagtanggap ng espirituwal na liwanag ay naghahanda sa atin na maging katulad ng Diyos: “Tinatanggap natin na nilikha ng Diyos ang tao na may isipang maaaring turuan, katalinuhang maaaring paunlarin ayon sa pagtalima at kasigasigang ibinigay sa kaliwanagang ipinararating ng langit sa isipan; at habang papalapit sa pagiging sakdal ang isang tao, higit na lumilinaw ang kanyang mga pananaw, at higit siyang nasisiyahan, hanggang sa madaig niya ang mga kasamaan sa kanyang buhay at mawala ang lahat ng hangaring magkasala; at tulad ng mga tao noong unang panahon, ay sumasapit ang kanyang pananampalataya sa puntong siya ay nababalot sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng kanyang Lumikha, at umaakyat sa langit upang makapiling Siya. Ngunit tinatanggap natin na ito ay isang kalagayang hindi nararating ng sinumang tao sa isang iglap” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

Ang pagtanggap ng espirituwal na liwanag ay ang pagkakaroon ng espirituwal na kaalaman at pagiging mas mabuti. Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano nagpapalakas at nagpapalinaw sa patotoo ng isang tao sa katotohanan ang kanyang pagsisikap na magtamo ng liwanag:

“Kapag mas itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, mas maraming liwanag mula sa langit ang magpapadalisay sa ating kaluluwa. At tuwing kusa at masigasig nating hinahangad ang liwanag na iyon, ipinapakita natin sa Diyos ang ating kahandaang tumanggap ng mas marami pang liwanag. Unti-unti, ang mga bagay na dating malabo, madilim, at malayo ay nagiging malinaw, maliwanag, at pamilyar sa atin.

“Gayon din, kung ilalayo natin ang ating sarili sa liwanag ng ebanghelyo, ang ating sariling liwanag ay nagsisimulang dumilim—hindi sa loob ng isang araw o isang linggo kundi paunti-unti sa paglipas ng panahon—hanggang sa gunitain natin at hindi natin maunawaan kung bakit pa tayo naniwala na totoo ang ebanghelyo. Ang dati nating kaalaman ay magmumukha pang kamangmangan sa atin dahil ang minsa’y napakalinaw ay muling nagiging madilim, malabo, at malayo. …

“Pinatototohanan ko na ang espirituwal na liwanag na ito ay makakamtan ng bawat anak ng Diyos. Liliwanagin nito ang inyong isipan, paghihilumin ang inyong puso, at magpapagalak sa inyong mga araw. Mahal kong mga kaibigan, huwag sana ninyong ipagpaliban ang paghahanap at pagpapalakas ng inyong sariling patotoo sa banal na gawain ng Diyos, maging sa gawain ng liwanag at katotohanan.

“Ang inyong personal na patotoo sa liwanag at katotohanan ay hindi lamang magpapala sa inyo at sa inyong mga inapo sa buhay na ito, kundi sa buong kawalang-hanggan, sa mga daigdig na walang katapusan” (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 22–23).

Doktrina at mga Tipan 50:26–30. “Ibibigay sa iyo kung ano ang iyong hihilingin”

Maaaring matamo ng mga inordenan na tagapaglingkod ng Panginoon ang kapangyarihan ng langit na tutulong sa kanila na magawa ang lahat ng Kanyang mga iniuutos. Ang banal na tulong na ito ay maibibigay lamang sa mga taong “dalisay at nalinis mula sa lahat ng kasalanan” (D at T 50:28). Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ang pagsisikap nating malinis mula sa kasalanan ay inihahanda tayo sa pagtanggap ng mga sagot sa ating mga panalangin:

“Walang sinuman ang makakaasa na makatatanggap siya ng resulta mula sa temporal na batas nang hindi ito sinusunod. Gayon din ang espirituwal na batas. Kung gusto natin ng tulong, dapat lang na sundin natin ang espirituwal na batas na nagbibigay sa tulong na iyon. Ang espirituwal na batas ay hindi mahiwaga. Ito ay isang bagay na mauunawaan natin. …

“May kapangyarihan ang Panginoon na pagpalain tayo sa anumang oras. Gayunma’y alam natin na upang makaasa tayo sa Kanyang tulong, kailangan nating palaging sundin ang Kanyang mga kautusan. …

“‘At kung ikaw ay dalisay at nalinis mula sa lahat ng kasalanan, mahihingi mo anuman ang iyong naisin sa pangalan ni Jesus at ito ay mangyayari. Subalit alamin ito, ibibigay sa iyo kung ano ang iyong hihilingin.’ (D at T 50:29–30; idinagdag ang italics.) …

“Ang ating mga taimtim na dalangin ay sinasagot kapag nakaayon sa kalooban ng Panginoon. Dahil hindi natin lubos na mauunawaan ang Kanyang kalooban, kailangan nating lumakad nang may pananampalataya. Nalalaman Niya ang lahat ng bagay, at perpekto ang lahat ng Kanyang mga desisyon. Kahit sa katunayan ay limitado ang kakayahan nating maunawaan ang Kanyang mga pakikitungo sa mga tao hindi nito nalilimitahan ang pagbibigay Niya ng mga pagpapala sa atin. Ang Kanyang kalooban ang pinakamainam na mapipili natin sa buhay, lubusan man nating maunawaan ito o hindi. Kapag ginagamit natin ang ating moral na kalayaan sa pagpili nang may katalinuhan, ang Panginoon ay kikilos ayon sa Kanyang kalooban.

“Bahagya lamang ang nakikita natin sa walang-hanggang planong ginawa Niya para sa bawat isa sa atin. Magtiwala sa Kanya, kahit na sa walang-hanggang pananaw ay pansamantalang makasasakit ito sa atin nang labis. Maging matiyaga kapag iniutos sa inyong maghintay kapag gusto na ninyo ang agarang sagot. Maaaring pagawin Niya kayo ng mga bagay na sadyang labag sa inyong kalooban. Manampalataya at sabihing, Mangyari nawa ang Inyong kalooban. Ang gayong mga karanasan, kapag marangal na hinarap, ay ihahanda kayo sa darating pa na mas dakilang mga pagpapala. Bilang inyong Ama, layunin Niya ang inyong walang hanggang kaligayahan, ang inyong patuloy na pag-unlad, ang inyong dagdag na kakayahan. Ang Kanyang hangarin ay ibahagi sa inyo ang lahat ng mayroon Siya” (“Obtaining Help from the Lord,” Ensign, Nob. 1991, 84, 86).

Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan kung paano mapagbubuti ang ating mga panalangin hanggang sa magpapahayag na ito ng kalooban ng Diyos: “Darating ang panahon kung kailan malalaman natin ang kalooban ng Diyos bago pa man tayo humiling. Dahil dito lahat ng ating ipapanalangin ay magiging ‘kapaki-pakinabang’ [D at T 88:64]. Lahat ng ating hihilingin ay magiging ‘tama’ [3 Nephi 18:20]. Iyan ay mangyayari kapag namuhay tayo nang matwid, matatamasa rin natin ang patnubay ng espiritu na magdidikta sa atin ng dapat nating hilingin” (sa Conference Report, Okt. 1944, 56).

Doktrina at mga Tipan 50:31–35. “Kapangyarihang madaig ang lahat ng bagay na hindi niya inorden”

Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50:31–35, ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod ang kapangyarihan na malaman ang kaibhan ng mga mapanlinlang na espiritu at ng totoong mga espirituwal na kaloob at mga paghahayag mula sa Diyos. Sa kapangyarihang ito, tutukuyin o ihahayag ng mga priesthood leader kapag may nahiwatigan sila na mapanlinlang o masamang espiritu, ngunit hindi nila dapat ipagyabang ang kakayahang ito at baka sila mismo ay malinlang din.

Doktrina at mga Tipan 50:37–46

Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod upang palakasin ang Simbahan at nangako na sila ay palalakasin

Ang Mabuting Pastol, ni Del Parson

Ang Mabuting Pastol, ni Del Parson. “Ako ang mabuting pastol” (D at T 50:44).

Doktrina at mga Tipan 50:40–46. “Hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki”

Sinabi ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na sila ay parang “maliliit na bata” sa kanilang kaalaman tungkol sa ebanghelyo, ngunit ipinangako Niya na kung Siya ay tatanggapin nila, sila ay “[lalaki] sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan” (D at T 50:40) at balang araw ay magiging kaisa ng Ama at ng Anak (tingnan sa D at T 50:43). Ipinaalala ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga Banal na huwag mawalan ng pag-asa kapag mabagal ang kanilang espirituwal na pag-unlad:

“Ang unti-unti at patuloy na pag-unlad ay hindi lamang katanggap-tanggap sa Panginoon kundi ito ay ipinapayo rin Niya. Sabi sa mga banal na pahayag: ‘Kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon’ (D at T 50:40); ‘Akin kayong aakayin’ (D at T 78:18). Tulad din ng banal na paghahayag na dumarating nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito, at kaunti roon, gayon din naman na makakamit natin ang ating espirituwal na pag-unlad nang unti-unti (tingnan sa D at T 128:21; 98:12).

“Sa halip na tingnan ang ating sarili na bigo dahil hindi tayo agad nagiging perpekto, tulad sa pagkakaroon ng katangian na pagiging maawain, dapat nating hangarin na maging mas maawain ‘sa paglipas ng panahon.’ Kahit pa nagsisikap nang mabuti, hindi dapat asahan ang mga bagay na hindi makatotohanan. Bagama’t hindi perpekto, malalaman ng isang taong nagpapakabuti na ang takbo ng kanyang buhay ay karaniwang katanggap-tanggap sa Panginoon sa kabila ng marami pang pagkakamali ang dapat niyang itama” (Men and Women of Christ [1991], 23).