Institute
Kabanata 24: Doktrina at mga Tipan 64–65


Kabanata 24

Doktrina at mga Tipan 64–65

Pambungad at Timeline

Noong Agosto 27, 1831, si Propetang Joseph Smith at ang ilang elder ay nagbalik sa Ohio mula sa kanilang paglalakbay sa Sion, o sa Independence, Missouri. Habang naglalakbay papunta at pabalik mula sa Missouri, nagkaroon ng pagtatalo ang ilan sa mga elder, pero nagkasundo rin naman halos lahat sa bandang huli. Noong Setyembre 11, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64. Sa paghahayag na ito iniutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na patawarin ang isa’t isa at itinuro sa kanila ang tungkol sa mga sakripisyong hinihingi Niya sa mga Banal sa mga huling araw.

Noong Setyembre 1831, lumipat si Joseph Smith at ang kanyang pamilya mula sa Kirtland patungong Hiram, Ohio, mga 30 milya sa timog-silangan ng Kirtland. Noong Oktubre 30, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65. Sa paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon na ang ebanghelyo ay dadalhin sa lahat ng bansa bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito at dapat ipanalangin ng mga Banal ang pag-unlad ng kaharian ng Diyos.

Setyembre 1, 1831Bumalik sina Ezra Booth at Isaac Morley sa Ohio mula sa kanilang misyon sa Missouri.

Setyembre–Disyembre 1831Si Ezra Booth ay sumulat ng sunud-sunod na mga liham na bumabatikos kay Joseph Smith at sa Simbahan at inilathala ang mga ito sa pahayagan na Ohio Star.

Setyembrer 11, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 64.

Setyembre 12, 1831Lumipat sina Joseph at Emma Smith sa Hiram, Ohio.

Oktubre 30, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 65.

Doktrina at mga Tipan 64: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Si Ezra Booth ay isang mangangaral na Methodist bago siya sumapi sa Simbahan noong 1831. Nang iutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan at sa iba na magpunta sa Missouri noong tag-init ng 1831, si Ezra Booth at si Isaac Morley, na kompanyon niya sa misyon, ay kabilang sa mga elder na iyon na tinawag ng Panginoon na maglakad papuntang Missouri na “nangangaral … ng salita sa daan” (D at T 52:23). Itinuring ni Ezra na hindi makatarungan ito nang malaman niyang sumakay ng bangka at karwahe si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan papuntang Missouri. Pagdating sa Missouri, marami sa mga elder, pati na si Ezra Booth, ang nadismaya sa itsura ng lupain at sa kakauntian ng mga miyembro sa hangganan ng bayan ng Independence. Pakiramdam din ni Ezra ay hindi umaasal si Joseph Smith na isang propeta dahil sa “kababawan at kawalang-isip nito, sumpungin at madaling mayamot, at mahilig manukso at magbiro” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, inedit nina Matthew C. Godfrey at iba pa [2013], 60, note 332). Salungat sa paghahayag na ibinigay sa mga elder (tingnan sa D at T 60:8), mabilis na bumalik sina Ezra Booth at Isaac Morley sa Ohio sakay ng bangka at karwahe sa halip na ipangaral ang ebanghelyo sa daan.

Pagdating sa Ohio, hayagang kinalaban ni Ezra Booth si Propetang Joseph Smith at ang Simbahan. Gumawa ng aksyon ang mga lider ng Simbahan laban kay Ezra Booth noong Setyembre 6, 1831, at pinawalang-bisa ang kanyang awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagsimulang sumulat ng sunud-sunod na mga liham si Ezra na bumabatikos sa Propeta na nailathala sa pahayagan na Ohio Star. Sa panahon ding ito, bilang tugon sa utos ng Panginoon, maraming kapatid sa Ohio ang naghahandang lumipat sa Missouri. Noong Septyembre 11, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64. Kinabukasan lumipat ang Propeta at kanyang pamilya mula sa Kirtland patungong Hiram, Ohio.

Mapa 5: Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos

Doktrina at mga Tipan 64:1–19

Tiniyak ng Panginoon sa atin ang Kanyang kahandaang magpatawad at iniutos sa atin na patawarin ang isa’t isa

Doktrina at mga Tipan 64:1–7. “Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran”

Ilan sa mga kapatid na nagpunta sa Missouri at bumalik ay nakagawa ng kasalanan dahil sa pamimintas at pakikipagtalo. Nagpakita ng malaking pagkahabag at pagkaawa sa kanila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan. Si Propetang Joseph Smith ay dating nagkasala at napatawad. Gayunman, nilinaw ng Panginoon na ang mga taong bumabatikos sa Propeta ay ginagawa ito “nang walang kadahilanan” (D at T 64:6). Ipinahayag ng Panginoon na pinapatawad Niya ang mga kasalanan ng “mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa [Kanyang] harapan at humihingi ng kapatawaran” (D at T 64:7).

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan ang pagtatapat upang makakuha ng kapatawaran: “Kailangang lagi ninyong ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa Panginoon. Kung ang mga ito ay mabibigat na kasalanan, gaya ng imoralidad, kailangan itong ipagtapat sa bishop o stake president. Mangyaring unawain na ang pagtatapat ay hindi pagsisisi. Ito ay mahalagang hakbang, ngunit hindi ito sapat. Ang bahagyang pagtatapat na binabanggit lamang ang maliliit na kasalanan ay hindi makatutulong sa inyo na maresolba ang mas mabigat at hindi ipinagtapat na kasalanan. Kinakailangan sa kapatawaran ng kasalanan ang kusa at lubos na pagtatapat sa Panginoon at, kung kailangan, ang Kanyang priesthood ang hahatol sa lahat ng inyong ginawa. Tandaan, ‘Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni’t ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan’ [Mga Kawikaan 28:13 ]” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).

Doktrina at mga Tipan 64:7. Ano ang ibig sabihin ng nagkasala tungo sa kamatayan?

Nangako ang Panginoon na Siya ay “[m]agpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa [Kanyang] harapan at humihingi ng kapatawaran, na hindi nagkasala tungo sa kamatayan” (D at T 64:7; idinagdag ang italics). Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga taong lumalayo sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo; na ipinapasakop ang kanilang sarili kay Satanas; na nakikisangkot sa kanyang gawain, sinusuportahan at itinataguyod ito; at sa gayon ay nagiging kanyang mga anak—sa gayong landasin ay nagkakasala tungo sa kamatayan. Para sa kanila wala ng pagsisisi, kapatawaran, ni anumang pag-asa ng kaligtasan sa anupamang uri. Bilang mga anak ni Satanas, sila ay mga anak na lalaki ng kapahamakan” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 737; tingnan din sa Mateo 12:31–32; Sa Mga Hebreo 10:26–27; I Ni Juan 5:16–17; Alma 5:41–42).

Mahalagang unawain na ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay naiiba sa mga miyembro ng Simbahan na dating may masiglang patotoo sa katotohanan ngunit kalaunan ay lumayo sa simbahan at tumigil sa pagpapamuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay nakagawa ng kasalanan na pagtatwa sa Espiritu Santo na kasalanang walang kapatawaran. Dahil sila ay lubusang tumalikod sa Diyos at tumangging matubos sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, para sa kanila ito ay “para bang walang ginawang pagtubos” (Mosias 16:5). Dahil ang mga anak na lalaki ng kapahamakan ay hindi matutubos mula sa kamatayang espirituwal, o sa ikalawang kamatayan, ang kanilang kasalanan ay kasalanan “tungo sa kamatayan” (D at T 64:7).

paglalarawan kay Jesus at sa Kanyang mga disipulo sa gilid ng burol

Pinarusahan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo sa Jerusalem dahil “hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso” (D at T 64:8).

Doktrina at mga Tipan 64:8–11. “Nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa”

Ang mga lider at mga elder ng Simbahan na tumanggap ng kapatawaran sa Panginoon ay tinagubilinang patawarin ang iba. Ipinaliwanag ng Panginoon na sa Kanyang mortal na ministeryo, ang Kanyang mga disipulo ay “naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso” (D at T 64:8). Ang panlabas na pagpapakita ng kapatawaran ay hindi sapat; hinihingi ng Panginoon “ang mga puso ng mga anak ng tao” (D at T 64:22). Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung bakit napakahalaga ng pagpapatawad sa ating espirituwal na pag-unlad:

“Ang pagpapatawad ay kailangan munang gawin para makatanggap ng kapatawaran.

“Para sa ating sariling ikabubuti, kailangan natin ang lakas ng loob na magpatawad at humingi ng kapatawaran. Hindi kailanman nagiging higit na magiting at matapang ang kaluluwa kaysa kapag nagpapatawad tayo. Kasama na rito ang pagpapatawad sa ating sarili.

“Bawat isa sa atin ay may obligasyon na patawarin at kaawaan ang isa’t isa. Kailangan ang katangiang ito ni Cristo sa ating mga pamilya, sa pagsasama ng mga mag-asawa, sa ating mga ward at stake, sa ating mga komunidad, at sa ating mga bansa.

“Matatanggap natin ang kagalakan ng pagpapatawad sa ating sariling buhay kapag handa tayong ipadama ang kagalakang iyon sa iba. Hindi sapat ang salita. Kailangan nating alisin sa ating mga puso at isipan ang mapapait na damdamin at kaisipan at hayaang pumasok ang liwanag at pag-ibig ni Cristo. Bunga nito, pupuspusin ng Espiritu ng Panginoon ang ating mga kaluluwa ng kagalakan na may kasamang katahimikan ng budhi (tingnan sa Mosias 4:2–3)” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).

paglalarawan kay Propetang Joseph Smith na nakatayo kasama ang dalawang lalaki

Kusang-loob na pinatawad ni Propetang Joseph Smith ang mga taong nagkasala sa kanya.

Doktrina at mga Tipan 64:15–16. Ezra Booth at Isaac Morley

Sina Ezra Booth at Isaac Morley ay itinalaga ng Panginoon na maglakbay papunta’t pabalik sa Missouri bilang magkompanyon sa misyon. Kailangan nilang maglakad, “nangangaral ng salita sa daan” (D at T 52:23; tingnan din sa D at T 42:6–8). Ginawa nila ito nang masama ang loob habang naglalakbay patungong Missouri, ngunit iniwasan nilang gawin ito pagbalik sa Ohio. Mula sa Doktrina at mga Tipan 64:15–16 nalaman natin na ipinagkait kina Ezra Booth at Isaac Morley ang mga pagpapala ng Espiritu sapagkat “hindi nila sinunod ang batas, ni ang kautusan” at “sila ay naghangad ng kasamaan sa kanilang puso.”

Tila kaagad na nagsisi si Isaac Morley dahil sinabi ng Panginoon na siya ay pinatawad (tingnan sa D at T 64:16). Pagkatapos ay sinunod ni Isaac ang utos ng Panginoon na ipagbili ang kanyang sakahan (tingnan sa D at T 63:38–39; 64:20), at pagkatapos ay lumipat sila ng kanyang pamilya sa Missouri, kung saan naglingkod siya bilang tagapayo kay Bishop Edward Partridge. Si Ezra Booth, gayunpaman, ay hindi nagsisi kundi nagpatangay sa kanyang mga pagdududa at mga mapamintas na opinyon na naging dahilan ng kanyang lubusang pagtalikod sa Simbahan.

 kopya ng Ohio Star sa ibabaw ng mesa

Tinalikdan ni Ezra Booth ang kanyang mga paniniwala at naglathala ng mga serye ng mga liham sa pahayagang Ohio Star na bumabatikos kay Propetang Joseph Smith at sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 64:20–43

Ibinigay ng Panginoon ang mga kailangan para sa pagtatatag ng Sion

Doktrina at mga Tipan 64:21–22. “Magpapanatili ng matatag na muog sa lupain ng Kirtland, [nang] limang taon”

Bagama’t iniutos sa ilang Banal na lumipat sa Missouri, ang iba, tulad ni Frederick G. Williams, ay inatasang mamalagi sa Kirtland, Ohio. Nangako ang Panginoon na magiging “matatag na muog” ng Simbahan ang Kirtland nang hindi bababa sa limang taon (D at T 64:21). Ang pangakong ito ay natupad na, at sa panahong iyon itinayo at inilaan ang Kirtland Temple, ang mga susi ng priesthood ay ipinanumbalik ng mga sugo ng langit kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, at ang saganang pagbuhos ng espirituwal na mga pagpapala ay ibinigay sa mga Banal. Gayunman, noong 1837, nagkaroon ng problema sa mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, at marami ang nag-apostasiya. Si Joseph Smith ay umalis ng Kirtland noong Enero 1838 at nagpunta sa Missouri. Ang karamihan ng matatapat na Banal na nanatili sa Kirtland ay umalis noong Hulyo 1838.

Doktrina at mga Tipan 64:23–25. “Kayo ay gagawa habang ito ay tinatawag na ngayon”

Ginamit ng Panginoon ang salitang ngayon upang tukuyin ang panahon mula nang matanggap ang Doktrina at mga Tipan 64 hanggang sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 64:23). Mula sa pananaw ng Panginoon, ang ngayon ay tumutukoy sa “buhay na ito,” ang araw para ating “gampanan ang [ating] mga gawain” at “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32; tingnan din sa Alma 34:31, 33–35). Sa Doktrina at mga Tipan 64:24, ang salitang bukas ay tumutukoy sa panahon ng pagkalipol ng masasama at sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng paglilingkod sa Panginoon “sa araw na ito”:

“Nililinaw ng mga banal na kasulatan ang panganib ng pagpapaliban. Mapanganib ito dahil baka matuklasan nating wala na tayong oras. Ang Diyos na nagbibigay sa atin ng bawat araw bilang isang yaman ay pananagutin tayo. Iiyak tayo, at iiyak Siya, kung binalak nating magsisi at paglingkuran Siya sa mga bukas na hindi kailanman dumating o nangarap ng mga kahapong kung saan ay nakaraan na ang mga oportunidad na kumilos. Ang araw na ito ay mahalagang kaloob ng Diyos. Ang pag-iisip ng, ‘Balang araw gagawin ko,’ ay maaaring magkait sa atin ng mga oportunidad sa buhay na ito at mga pagpapala ng kawalang-hanggan. …

“Mahirap malaman kung sapat na ang nagawa natin para mabago ng Pagbabayad-sala ang ating likas na pagkatao at gawin tayong karapat-dapat para sa buhay na walang hanggan. At hindi natin alam kung ilang araw pa tayong maglilingkod para dumating ang pagbabagong iyon. Ngunit alam natin na sasapat ang panahon natin kung hindi natin ito sasayangin. …

“Para sa mga nawawalan ng pag-asa sa kanilang mga sitwasyon at sa gayo’y natutuksong isipin na hindi nila kayang maglingkod sa Panginoon ngayong araw na ito, may dalawang pangako ako sa inyo. Mahirap man ang mga bagay-bagay ngayon, bubuti ang lahat kinabukasan kung ipapasiya ninyong maglingkod nang buong puso sa Panginoon sa araw na ito. …

“Ipinapangako ko rin sa inyo na sa pagpapasiyang maglingkod sa Kanya sa araw na ito, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal at lalo ninyo Siyang mamahalin” (“Sa Araw na Ito,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 89–91).

Doktrina at mga Tipan 64:23–24. “Sapagkat siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito”

dayami sa bukid

Ang masasama ay masusunog gaya ng dayami sa huling araw kung hindi sila susunod sa mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa D at T 64:23–24).

Kasama sa mga tagubilin na ibinigay kina Newel K. Whitney, Sidney Gilbert, Isaac Morley, Frederick G. Williams, at iba pa sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 64 ang mga detalye hinggil sa kanilang personal na ari-arian at kanilang mga gawain upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ang salitang ikapu sa Doktrina at mga Tipan 64:23 ay tumutukoy sa lahat ng tulong ng mga Banal sa Simbahan, lalo na sa ilalim ng batas ng paglalaan, sa halip na sa porsyento ng kita. Ipinangako ng Panginoon sa mga sumusunod sa mga batas ng sakripisyo at paglalaan na maliligtas sila sa pagkasunog na lilipol sa mga hindi nagsisisi sa huling araw. Lalo pang nilinaw ang ating kasalukuyang pag-unawa sa batas ng ikapu noong 1838, nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 119.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ikapu, tingnan ang komentaryo para sa Doktrina at mga Tipan 119:1–4 sa manwal na ito.

Doktrina at mga Tipan 64:26–30. Sina Sidney Gilbert at Newel K. Whitney

Sina Sidney Gilbert at Newel K. Whitney ay magkasosyo sa negosyo na tinawag na “[maglingkod] sa Panginoon” bilang “mga kinatawan” sa negosyo (D at T 64:29). Ang kanilang mga tindahan sa Independence, Missouri, at sa Kirtland, Ohio, ay magsisilbing mga storehouse ng Panginoon kalaunan, na pamamahalaan sa ilalim ng mga alituntunin ng batas ng paglalaan (tingnan sa D at T 78:3). Binalaan ng Panginoon sina Sidney at Newel na huwag mangutang sa kanilang mga kaaway (tingnan sa D at T 64:27).

Ipinaalala ni Pangulong Thomas S. Monson sa lahat ng mga nasa paglilingkod ng Panginoon na maging karapat-dapat: “Gawain natin ang maging magandang halimbawa. Napapatatag tayo ng katotohanan na ang pinakamalakas na puwersa sa mundong ito ngayon ay ang kapangyarihan ng Diyos na ipinakikita sa pamamagitan ng tao. Kung tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, … nararapat tayo sa tulong ng Panginoon. Huwag na huwag kalimutan ang katotohanang iyon. Ang banal na tulong na iyon, siyempre, ay nababatay sa ating pagkamarapat. Bawat isa ay dapat magtanong: Wala ba akong pagkakasala? Dalisay ba ang puso ko? Ako ba ay karapat-dapat na lingkod ng Panginoon?” (“Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 65).

Doktrina at mga Tipan 64:31–33. “At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila”

Si Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay tila nahirapan sa mga hamon na nakaharap nila sa pagtugon sa mga pangangailangan ng lumalaking Simbahan sa Ohio at pagtatatag ng Sion sa Missouri. Nabalisa ang ilang mga miyembro, tulad ni Ezra Booth, dahil mabagal ang pagtatatag ng Sion na salungat sa inaasahan nila. Ngunit nangako ang Panginoon na lahat ng bagay na nauna na Niyang ipinahayag ay mangyayari kalaunan (tingnan sa D at T 64:31). Hinikayat ng Panginoon ang mga pagod at nanlulumong mga Banal sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makita na sila ay “naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain” (D at T 64:33). Ang pananaw na iyon ng Diyos ang malamang na nakatulong sa mga Banal na sumulong nang may ibayong tiwala at lakas.

Karaniwan na ang mawalan ng pag-asa sa sariling kakayahan o pagkakataon sa pagtulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ipinahayag ni Elder Bruce D. Porter (1952–2016) ng Pitumpu:

“Hindi na tayo kailangang lumayo sa ating tahanan para maglingkod, ni humawak pa ng mataas na puwesto sa Simbahan o sa mundo upang maitayo ang kaharian ng Panginoon. Itinatayo natin ito sa ating mga puso, habang nagsisikap tayong mapasaating buhay ang Espiritu ng Diyos. [Itinatayo natin ito] sa ating mga pamilya, sa paglilinang ng pananampalataya sa ating mga anak. At itinatayo natin ito sa pamamagitan ng organisasyon ng Simbahan, habang ginagampanan natin nang mahusay ang ating mga tungkulin at ibinabahagi ang ebanghelyo sa mga kapitbahay at kaibigan.

“Habang nagtatrabaho ang ating mga misyonero sa mga lugar na handa sa ebanghelyo, ang iba nama’y sa mga tahanan upang palakasin ang kaharian sa [ward] at komunidad na kanilang tinitirhan. Sa mga unang araw pa lang nito, itinayo na ang Simbahan ng Panginoon ng mga karaniwang taong ginampanan ang kanilang tungkulin nang may pagpapakumbaba at katapatan. Hindi mahalaga kung saang katungkulan tayo tinawag, kumilos lamang tayo “nang buong sigasig” (D at T 107:99). Sa mga salita ng makabagong paghahayag: ‘Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila’ (D at T 64:33)” (”Pagtatayo ng Kaharian,“ Liahona, Hulyo 2001, 80–81).

Doktrina at mga Tipan 64:34–36. “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan”

Hinihingi ng Panginoon sa Kanyang mga tao na taos-pusong sundin ang Kanyang kautusan upang makatanggap ng mana sa lupain ng Sion sa mundong ito o sa kabilang-buhay (tingnan sa D at T 38:17–20; 58:44; 63:20, 49; 64:34; 88:17–20). Yaong mga taong nagtipon sa ebanghelyo at binigyan ng mana sa lupain ng Sion sa buhay na ito ngunit sa dakong huli ay sumira sa tipan na ginawa nila sa Diyos at mga “mapaghimagsik” ay “itataboy” o “bubunutin” sa lupain ng kanilang mana (D at T 64:35–36; tingnan din sa Deuteronomio 28:63–64). Ipinaalala ng Panginoon sa mga Banal na ang mga taong naglilingkod sa Diyos nang may “puso at may pagkukusang isipan” ay matatamasa ang mga pagpapala ng Sion sa mga huling araw (D at T 64:34).

Ipinaliwanag ni Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu ang kahalagahan ng paglilingkod sa Diyos nang may “puso at may pagkukusang isipan”:

“Kung mahal natin ang Panginoon nang buong puso natin, handa tayong ibigay sa Kanya ang lahat ng pag-aari natin. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004): ‘Ang pagpapasakop ng kalooban ng isang tao ay ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos. … Ang iba pang maraming bagay na ibinibigay natin sa Diyos … ay mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin, at ipinahiram lamang Niya sa atin. Ngunit kapag sinimulan nating ipasakop ang ating sarili sa kalooban ng Diyos, doon pa lamang tayo talagang may naibibigay sa Kanya’ [‘Sharing Insights from My Life,’ sa Brigham Young University 1998–99 Speeches (1999), 4]. …

“Ang pagkakaroon ng ‘pagkukusang isipan’ [D at T 64:34] ay pagbibigay ng pinakamahusay na pag-iisip at paghahangad sa karunungan ng Diyos. Ito ay nagpapahiwatig na ang dapat na patuloy nating masigasig na pinag-aaralan ay ang mga bagay na pangwalang-hanggan. Ibig sabihin nito, kailangang may isang hindi mapaghihiwalay na kaugnayan sa pagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos at pagsunod dito.

“Sinabi ni Apostol Pablo, ‘Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang’ (Santiago 1:22).

“Ilan sa atin ay ‘nakikinig’ lang kapag gusto natin at ‘gumagawa’ lang kapag madali ito. Ngunit para sa mga nagbibigay ng kanilang puso’t isipan sa Panginoon, walang kaibahan magaan o mabigat man ang pasanin. Ipinapakita natin ang isang inilaan na puso’t isipan sa pamamagitan ng palaging pagsunod sa mga kautusan ng Diyos gaano man kahirap ang sitwasyon” (“The Heart and a Willing Mind,” Ensign, Hunyo 2011, 31–32).

Doktrina at mga Tipan 64:35–36. “Ang mga mapanghimagsik ay hindi nagmula sa dugo ni Ephraim”

Si Ephraim ay apo ng propeta sa Lumang Tipan na si Jacob , na ang pangalan ay pinalitan ng Israel. Si Ephraim ay binigyan ng basbas ng pagkapanganay (tingnan sa Genesis 48:20). Ang pariralang “dugo ni Ephraim” (D at T 64:36) ay tumutukoy sa (1) literal na mga inapo ni Ephraim, at gayundin sa (2) mga hindi na kabilang sa sambahayan ni Israel, na sa pamamagitan ng pagbibinyag sa ipinanumbalik na Simbahan, ay kinupkop sa lipi ni Ephraim. Tanging yaong mga sumasampalataya at masunuring miyembro ng Simbahan ay itinuturing na dugo ni Ephraim. Ang mga mapanghimagsik, kahit na sila ay literal na inapo ni Ephraim, ay hindi tatanggap ng mana sa Sion (tingnan sa D at T 64:35–36).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang kahalagahan ng karapatan sa pagkapanganay ni Ephraim at ang responsibilidad ng mga ninuno ni Ephraim na pagpalain ang iba sa mga huling araw: “Mahalaga sa dispensasyong ito na gampanan ni Ephraim ang pamumuno, at gamitin ang karapatan ng pagkapanganay sa Israel na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ng direktang paghahayag. Samakatwid, ang Ephraim ang unang dapat munang matipon upang maghanda ng daan, sa pamamagitan ng ebanghelyo at ng priesthood, sa mga nalalabing lipi ni Israel kapag dumating na ang panahong sila ay kailangang tipunin sa Sion” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1956], 3:252).

Doktrina at mga Tipan 65: Karagdagang Pinagmulang Kasaysayan

Sina Joseph at Emma Smith ay nakatira sa lupain ni Isaac Morley nang iutos ng Panginoon kay Isaac na ipagbili ang kanyang sakahan (tingnan sa D at T 63:65; 64:20). Noong Setyembre 12, 1831, lumipat si Propetang Joseph Smith kasama ang kanyang pamilya sa Hiram, Ohio, kung saan nakatira ang maraming bagong miyembro ng Simbahan, para makitira kina John at Alice (Elsa) Johnson at kanilang pamilya. Isang pulong ng simbahan ang ginanap sa tahanan ng mga Johnson sa araw ng Linggo, Oktubre 30, 1831. Sa araw ding iyon, natanggap ng propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65.

Natapos ni Propetang Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin ng unang mga kabanata ng Mateo mahigit anim na buwan na bago matanggap ang paghahayag na ito. Gayunman, isinulat ni William E. McLellin na tinukoy sa paghahayag na ito ang tema sa Mateo 6:10, kung saan nanalangin ang Panginoon ng, “Dumating nawa ang kaharian mo” (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 92).

Doktrina at mga Tipan 65

Inihayag ng Panginoon na mapupuno ng ebanghelyo ang buong mundo

Doktrina at mga Tipan 65:2. “Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo”

Noong Marso 15, 1832, inihayag ng Panginoon na si Propetang Joseph Smith ay “[binigyan ng] mga susi ng kaharian” (D at T 81:2). Ang mga susing ito ay kilala rin bilang “mga susi ng Simbahan” (D at T 42:69) at binubuo ng kapangyarihan at awtoridad na mamuno at mamahala sa mga gawain ng Simbahan ng Panginoon sa lupa. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang tungkol sa kahalagahan ng mga susi ng kaharian ng Diyos:

“Ngayon ako ay magsasalita nang kaunti sa inyo tungkol sa priesthood at mga susi na iginawad ng Panginoon sa atin sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo.

“Taglay natin ang banal na Melchizedek Priesthood, na kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinagkaloob sa tao sa lupa upang kumilos sa lahat ng bagay sa ikaliligtas ng sangkatauhan.

“Hawak din natin ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa, na kung aling kaharian ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Ang mga susing ito [ng Priesthood] ay karapatang mangulo; ito ang kapangyarihan at awtoridad na pamahalaan at pangasiwaan ang lahat ng gawain ng Panginoon sa lupa. Yaong mga mayhawak nito ay may kapangyarihang pamunuan at gabayan ang paraan ng paglilingkod ng lahat ng iba pa sa priesthood. Lahat tayo ay maaaring magtaglay ng priesthood, ngunit magagamit lamang natin ito kapag binigyan ng awtoridad at tinagubilinang gamitin ito ng mga taong mayhawak ng mga susi.

“Ang priesthood na ito at ang mga susing ito ay iginawad kina Joseph Smith at Oliver Cowdery nina Pedro, Santiago, at Juan, at sa pamamagitan nina Moises at Elijah at iba pang mga propeta noong araw. Ito ay ibinigay na sa bawat lalaking naitalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa. Ngunit dahil iyon ang karapatang mangulo, magagamit lamang iyon nang buung-buo ng senior na apostol ng Diyos sa lupa, na siyang pangulo ng Simbahan.

“Nais kong sabihin—nang napakasimple at napakalinaw—na nasa atin ang banal na priesthood at na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay narito na. Matatagpuan lamang ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Eternal Keys and the Right to Preside,” Ensign, Hulyo 1972, 87–88).

Doktrina at mga Tipan 65:2. “Hanggang sa mapuno nito ang buong mundo”

Nakatala sa Daniel 2, sa Lumang Tipan, ang salaysay ng panaginip ni Haring Nabucodonosor na ipinaliwanag ng propetang si Daniel. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 65 ay nagpapahiwatig na ang panaginip ni Haring Nabucodonosor ay isang propesiya tungkol sa pag-unlad at tadhana ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw.

Noong Abril 1834, nakibahagi si Wilford Woodruff sa isang miting ng priesthood sa Kirtland, Ohio, kung saan ipinropesiya ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa tadhana ng kaharian ng Diyos. Nagsalita kalaunan si Pangulong Woodruff tungkol sa nangyari sa pulong na iyon: “Pinagtipon ng Propeta ang lahat ng maytaglay ng Priesthood sa munting paaralang yari sa troso na naroon. Maliit ang bahay na iyon, marahil mga 4.25 metro ang haba ng bawat gilid nito. Gayunman nagkasya roon ang buong Priesthood ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na noon ay nasa bayan ng Kirtland. … Nang magkasama-sama kami nanawagan ang Propeta sa mga Elder ng Israel na patotohanan ang gawaing ito. … Nang matapos sila sinabi ng Propeta, ‘Mga kapatid, lubos akong nabigyan ng inspirasyon at natuto sa inyong mga patotoo ngayong gabi, ngunit gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan.’ Medyo nagulat ako. Sabi niya, ‘Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo’” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 159–60).

Church Office Building, Salt Lake City, Utah

Ang kaharian ng Diyos ay lumalaki sa paglaganap ng ebanghelyo “hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2).

Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paano patuloy na natutupad ang propesiya ni Daniel tungkol sa ebanghelyo:

“Ang Simbahan ay naging isang malaking pamilya na nakakalat sa buong mundo. … Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na ang Kanyang ebanghelyo ay magiging tulad ng batong tinibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng mga kamay na lalaganap at pupunuin ang buong mundo, tulad ng nakita ni Daniel sa pangitain (tingnan sa Daniel 2:31–45; D at T 65:2). Isang malaking himala ang nagaganap sa harapan natin mismo. …

“… Nang maorganisa ang Simbahan noong 1830 anim lamang ang miyembro, kakaunti lamang na mga mananampalataya, lahat ay nakatira sa isang hindi kilalang nayon. Ngayon, tayo ang pang-apat o panglimang pinakamalaking simbahan sa North America, na may mga kongregasyon sa bawat malalaking lungsod. Ang mga stake ng Sion ngayon ay lumalaganap sa bawat estado ng Estados Unidos, sa bawat lalawigan ng Canada, sa bawat estado ng Mexico, sa bawat bansa ng Central America at buong South America.

“Ang mga kongregasyon ay matatagpuan sa buong British Isles at Europa kung saan libu-libo ang sumapi sa Simbahan sa paglipas ng mga taon. Ang gawaing ito ay nakarating na sa mga bansang Baltic, at hanggang sa Bulgaria, Albania, at iba pang mga lugar sa panig na iyon ng mundo. Nakarating na ito sa malawak na lupain ng Russia. Nakarating ito hanggang Mongolia at hanggang sa mga bansa ng Asia patungo sa mga isla ng Pasipiko, Australia, at New Zealand, at tungo sa India at Indonesia. Lumalaganap ito sa maraming bansa ng Africa. …

“At simula pa lamang ito. Ang gawaing ito ay patuloy na uunlad at susulong at kikilos sa buong mundo” (“Ang Batong Tinibag Mula sa Bundok” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 83–84).

Doktrina at mga Tipan 65:3. “Ihanda ninyo ang hapunan ng Kordero, maghanda para sa lalaking kasintahan”

Ang pagtukoy ng Panginoon sa “hapunan ng Kordero” at “lalaking kasintahan” (D at T 65:3) ay may pagkakatulad sa mga matalinghagang paglalarawan na ginamit ng Panginoon at ng Kanyang mga Apostol sa Bagong Tipan (tingnan sa Mateo 22:2–14; 25:1–13; Apocalipsis 19:7–9). Si Jesucristo ang Kordero ng Diyos at ang Lalaking Kasintahan, at ang Simbahan ang Kanyang kasintahang babae (tingnan sa Apocalipsis 19:7–9). Sa panahon ng Kanyang Ikalawang Pagparito, ang mabubuting Banal ay magsasaya. Ang masayang pagkikitang muli ng Panginoon at ng Kanyang mga tao ay sumasagisag sa pagdiriwang ng piging ng kasalan. Bilang pagtugon sa paanyaya ng Panginoon na maghanda para sa pagparito ng Lalaking Kasintahan at sa hapunan sa kasal ng Kordero, kailangang saliksikin ng mga Banal sa apat na sulok ng mundo ang mabubuti at anyayahan silang magsisi at magpabinyag. Ang mga tumalima sa paanyaya at gumagawa at tumutupad sa kanilang mga tipan sa Panginoon ay “[madaramtan] ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka’t ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal” (Apocalipsis 19:8), at ang mga taong iyon ay malulugod na tanggapin ang Panginoon at magagalak na makasama Siya sa Kanyang pagparito.

Doktrina at mga Tipan 65:6. Ang kaharian ng Diyos at ang kaharian ng langit

Ang kahilingan, o panalangin, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 65:6 ay naglalarawan ng kahalagahan ng pagkakaugnay ng simbahan ng Diyos sa lupa at ng banal na organisasyon ng langit. Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang Kaharian ng Diyos ay ang Simbahan na itinatag sa mundo sa pamamagitan ng banal na awtoridad; hindi sinasabi ng institusyong ito na temporal na pamumunuan nito ang mga bansa; ang setro ng kapangyarihan nito ay ang kapangyarihan ng Banal na Priesthood, na gagamitin sa pangangaral ng ebanghelyo at sa pangangasiwa ng mga ordenansa nito para sa kaligtasan ng mga tao, buhay at patay. Ang Kaharian ng Langit ay banal na inordenang sistema ng pamahalaan at pamamahala sa lahat ng bagay, temporal at espirituwal; ito ay itatatag lamang sa mundo kapag ang nararapat na Pinuno nito, ang Hari ng mga hari, si Jesus na Cristo, ay darating para maghari. …

“Ang Kaharian ng Diyos ay itinataga sa mga tao upang ihanda sila sa Kaharian ng Langit na darating; at sa pinagpalang paghahari ni Cristo na Hari ang dalawang ito ay pag-iisahin” (Jesus the Christ, [1916], 788–89).