“Nobyembre 18–24. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 18–24. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Nobyembre 18–24.
Santiago
“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang”
Habang binabasa mo ang Sulat ni Santiago, pansinin ang mga pariralang nangingibabaw sa iyo, at itala ang mga ito. Paano ka nahihikayat na ipamuhay ang mga katotohanang ito?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kung minsan ang isang talata lang ng banal na kasulatan ay kayang baguhin ang mundo. Ang Santiago 1:5 ay parang simpleng payo—kung kailangan mo ng karunungan, humingi sa Diyos. Ngunit nang mabasa ng 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith ang talatang iyon, “tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng [kanyang] puso” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Dahil nabigyang-inspirasyon, sinunod ni Joseph ang payo ni Santiago at naghangad ng karunungan mula sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. At nagbigay nga ang Diyos nang sagana, at ibinigay kay Joseph ang isa sa pinaka-pambihirang pagdalaw ng langit sa kasaysayan ng sangkatauhan—ang Unang Pangitain. Ang pangitaing ito ay nagpabago sa takbo ng buhay ni Joseph at humantong sa Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Lahat tayo ay pinagpapala ngayon dahil binasa at sinunod ni Joseph Smith ang payo sa Santiago 1:5.
Ano ang makikita mo kapag pinag-aralan mo ang Sulat ni Santiago? Marahil ay babaguhin ka o ang isang mahal mo sa buhay ng isa o dalawang talata. Maaari kang makakita ng patnubay sa hangarin mong isakatuparan ang iyong misyon sa buhay. Maaari kang mahikayat na magsalita nang mahinahon o maging mas matiyaga. Anuman ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo, hayaan ang mga salitang ito na “pumasok … sa bawat himaymay ng [iyong] puso.” Alalahaning “tanggapin … na may kaamuan ang salita,” tulad ng isinulat ni Santiago, “na makapagliligtas sa inyong mga kaluluwa” (Santiago 1:21).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Sino si Santiago?
Karaniwang pinaniniwalaan na ang gumawa ng Sulat ni Santiago ay anak ni Maria, na ina ni Jesucristo, at kung gayo’y kapatid sa ina ng Tagapagligtas. Binanggit si Santiago sa Mateo 13:55; Marcos 6:3; Mga Gawa 12:17; 15:13; 21:18; at Mga Taga Galacia 1:19; 2:9. Lumalabas sa mga talatang ito na si Santiago ay isang pinuno ng Simbahan sa Jerusalem at natawag na Apostol (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:19).
Ang matiising pagtitiyaga ay humahantong sa kasakdalan.
“Maaaring mahirap maghintay,” pagtuturo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf. “Gusto natin ang gusto natin, at gusto natin ito ngayon din. Samakatwid, ang ideya mismo ng pagtitiyaga ay tila hindi kasiya-siya” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 56). Matapos basahin ang Santiago 1:2–4; 5:7–11, ano sa palagay mo ang pangunahing mensahe ni Santiago tungkol sa pagtitiyaga? Ano ang mga karagdagang kaisipan mo matapos basahin ang iba pang bahagi ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf? Paano mo maipapakita sa Panginoon na handa kang magtiyaga?
Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26; 4:17
Ang pananampalataya ay nangangailangan ng pagkilos.
Paano mo malalaman kung may pananampalataya ka kay Jesucristo? Paano naipapamalas ng iyong mga gawa ang pananampalataya mo sa Diyos? Pag-isipan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya. Maaaring nakatutuwa ring magbasa tungkol kina Abraham at Rahab, dalawang halimbawang binanggit ni Santiago (tingnan sa Genesis 22:1–12; Josue 2). Paano nila ipinakita na may pananampalataya sila sa Diyos?
Ang pagbasa sa Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26; 4:17 ay maaaring makatulong sa iyo na mag-isip ng mga paraan na maging mas mahusay kang tagatupad ng salita. Itala ang anumang mga impresyong matanggap mo, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.
Tingnan din sa Alma 34:27–29; 3 Nephi 27:21.
Ang mga salitang sinasambit ko ay may kapangyarihang saktan o pagpalain ang iba.
Sa detalyadong paglalarawang ginamit ni Santiago sa buong sulat niya, matatagpuan ang ilan sa kanyang pinakamalilinaw na pananalita sa kanyang payo tungkol sa pananalita. Isiping ilista ang lahat ng paraan ng paglalarawan ni Santiago sa dila o bibig. Ano ang ipinahihiwatig ng bawat pagkukumpara o paglalarawan tungkol sa mga salitang sinasambit natin? Mag-isip ng isang bagay na magagawa mo upang mapagpala ang isang tao sa iyong mga salita (tingnan sa DT 108:7).
Bilang disipulo ni Jesucristo, dapat kong mahalin ang lahat ng tao, anuman ang kanilang sitwasyon.
Binalaan ni Santiago ang mga Banal lalo na laban sa pagkiling sa mayayaman at paghamak sa mga maralita, ngunit maiaangkop ang kanyang babala sa anumang mga pagkiling o maling pagtatangi natin sa iba. Maaaring mahirap mapansin ang mga paraan na negatibo ang paghusga natin sa iba, ngunit nangako ang Panginoon na tutulungan Niya tayong makita kung saan tayo kailangang magbago (tingnan sa Eter 12:27). Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Santiago 2:1–9, siyasatin ang sarili mong puso at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. May nakikita ka bang anuman na kailangan mong baguhin sa paraan ng pagtrato o pag-iisip mo sa iba?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin batay sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Isiping basahin ang Santiago 1:5 at anyayahan ang isang miyembro ng pamilya na ibuod ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–13. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at ng mga karanasan na sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin.
Pagkatapos ay basahin ang pakahulugan ni Santiago sa dalisay na relihiyon at talakayin ang mga paraan na mas mapapadalisay ng inyong pamilya ang pamumuhay ayon sa inyong relihiyon.
Maraming imahe sa Santiago 3 na maaaring maghikayat ng di-malilimutang mga object lesson na makakatulong sa inyong pamilya na maalalang magsalita nang mahinahon. Halimbawa, maaari ninyong talakayin kung paano maaaring magpasimula ng malaking apoy ang maliit na ningas o posporo, at maaaring mag-isip ang mga miyembro ng pamilya ng mga pagkakataon na nagpasimula ng problema ang isang masakit na salita (tingnan sa mga talata 5–6). O maaari kayong maghalo ng isang bagay na maasim o mapait sa isang bagay na karaniwang ginagamit sa matamis na pagkain—tulad ng katas ng lemon sa isang garapon ng pulot. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa pagtiyak na matamis at nagpapasigla ang ating mga salita (tingnan sa mga talata 9–14).
Bakit tayo dapat “magsilapit … sa Dios” kapag nahaharap tayo sa tukso?
Marahil ang pagbabahagi ng personal na karanasan tungkol sa pagtanggap ng basbas ng priesthood ay maaaring makahikayat sa mga miyembro ng pamilya na “humiling ng basbas ng priesthood kapag kailangan [nila] ng espirituwal na lakas” (Dallin H. Oaks, “Ang Kahalagahan ng mga Basbas ng Priesthood,” Liahona, Hulyo 2012, 48).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.