Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro: ‘[Ma]ngagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian’


“Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro: ‘[Ma]ngagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

ipinangangaral ni Cristo ang ebanghelyo si Cristo sa daigdig ng mga espiritu

Nangangaral si Cristo sa Daigdig ng mga Espiritu, ni Robert T. Barrett

Nobyembre 25–Disyembre 1

I at II Ni Pedro

“[Ma]ngagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian”

Habang binabasa mo ang mga Sulat ni Pedro, maaari kang makatanggap ng mga pahiwatig na kumilos. Itala ang mga pahiwatig na ito habang ikaw ay “napasa Espiritu pa” (DT 76: 80) para maunawaan mo nang tumpak ang itinuturo sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ilang sandali lamang matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, may propesiya ang Tagapagligtas na maaaring nakaligalig kay Pedro. Sabi niya, pagtanda ni Pedro, dadalhin siya “kung saan hindi [niya] ibig … , na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios” (Juan 21:18–19). Nang gawin ni Pedro ang kanyang mga sulat, alam niya na malapit nang mangyari ang iprinopesiyang pagkamatay bilang martir: “Dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo” (II Ni Pedro 1:14). Sa kasamaang-palad, ang gayong masidhing pag-uusig ay karaniwan sa mga Banal sa mga lalawigan ng Roma, na sinulatan ni Pedro (tingnan sa I Ni Pedro 1:1). Subalit ang kanyang mga salita ay walang takot o pangamba. Sa halip, itinuro niya sa mga Banal na “totoong [magalak],” kahit sila ay “pinalumbay … sa muli’t muling pagsubok.” Pinayuhan niya sila na alalahanin na “ang pagsubok sa [kanilang] pananampalataya” ay hahantong sa “ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo” at sa “pagkaligtas ng [kanilang] mga kaluluwa” (I Ni Pedro 1:6–7, 9). Malamang ay nakaaliw sa sinaunang mga Banal na iyon ang pananampalataya ni Pedro, dahil nakahihikayat ito sa mga Banal sa ngayon, na “mga karamay [rin] sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak [tayo] ng malabis na galak” (I Ni Pedro 4:13).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

I Ni Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19

Makasusumpong ako ng galak sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa.

Sa unang tingin, maaaring tila kakatwa na ginamit ni Pedro ang mga salitang gaya ng magalak, masaya, kaluwalhatian, at labis na galak na kasama ng mga salitang karaniwan nating iniuugnay sa paghihirap: lumbay, mga tukso, lungkot, mahigpit na pagsubok, at mga hirap (tingnan sa I Ni Pedro 1:6; 2:19; 4:12–13). Ang mensahe ni Pedro sa sinaunang mga Banal ay siya ring mensaheng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. … “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 82).

Habang binabasa mo ang I Ni Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19, ano ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa para makasumpong ka ng kagalakan kahit sa gitna ng mahihirap na sitwasyon?

I Ni Pedro 3:18–20; 4:1–6

Ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mga patay upang sila ay mahatulan nang makatarungan.

Balang-araw, bawat isa ay tatayo sa hukumang-luklukan at “magbibigay sulit sa kaniya na handang humukom sa mga buhay at sa mga patay” (I Ni Pedro 4:5). Maaaring iniisip ng ilan kung paano mahahatulan ng Diyos ang lahat ng tao nang pantay-pantay samantalang magkakaiba ang kanilang mga pagkakataong unawain at ipamuhay ang ebanghelyo. Pansinin ang doktrinang itinuro ni Pedro sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6 para maipaunawa sa mga Banal sa kanyang panahon na magiging makatarungan ang mga kahatulan ng Diyos. Paano pinalalakas ng mga talatang ito ang iyong pananampalataya sa pagiging makatarungan at makatwiran ng Diyos?

Para mapag-aralan pa ang doktrinang ito, siyasatin ang Doktrina at mga Tipan 138, isang paghahayag na natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith nang pagnilayan niya ang mga sulat na ito ni Pedro. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga nagsasagawa ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa mga miyembro ng kanilang pamilya na pumanaw na at naghihintay pa rin sa mga ordenansang ito?

II Ni Pedro 1:1–11

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo, mapapaunlad ko ang aking banal na katangian.

Nadama na ba ninyo na imposibleng maging katulad ni Jesucristo at magkaroon ng Kanyang mga katangian? Iminungkahi ni Elder Robert D. Hales ang nakahihikayat na kaisipang ito kung paano tayo magkakaroon ng mga katangian ni Cristo: “Ang mga katangian ng Tagapagligtas … ay mahahalagang katangian, na nadaragdag sa bawat isa, na magkakaugnay na nalilinang sa atin. Sa madaling salita, hindi natin matataglay ang isang katangian ni Cristo nang hindi rin napapasaatin at napapalakas ang iba pang mga katangian. Kapag lumakas ang isang katangian, lumalakas din ang iba pa” (“Pagiging Disipulo ng ating Panginoong Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 46).

isang detalyadong tapiserya

Tinutulungan tayo ng bawat katangiang tulad ng kay Cristo na maghabi ng espirituwal na tapiserya ng pagkadisipulo.

Isiping basahin ang II Ni Pedro 1:1–11 kaugnay ng mensahe ni Elder Hales. Ano ang natututuhan mo mula sa dalawang Apostol na ito na tumutulong sa mga pagsisikap mong maging higit na katulad ni Cristo?

Tingnan din sa I Ni Pedro 4:8; David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 90–93.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

I Ni Pedro 2:5–10

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga talatang ito, isiping gumamit ng mga bato para mailarawan sa mga miyembro ng pamilya ang mga turo ni Pedro na ang Tagapagligtas ang ating “pangulong bato sa panulok.” Paano ba tayo katulad ng “[mga] batong buhay” na ginagamit ng Diyos upang itayo ang Kanyang kaharian? Ano ang matututuhan natin kay Pedro tungkol sa Tagapagligtas at sa tungkuling ginagampanan natin sa Kanyang kaharian? Ano ang mensahe ni Pedro sa inyong pamilya?

I Ni Pedro 3:8–17

Paano tayo magiging “lagi[ng] handa [sa] pagsagot” sa mga nagtatanong sa atin tungkol sa ating pananampalataya? Maaaring matuwa ang inyong pamilya sa pagdudula-dulaan ng mga sitwasyon kung saan may magtatanong sa kanila tungkol sa ebanghelyo.

I Ni Pedro 3:18–20; 4:6

Ano ang magagawa ninyo bilang isang pamilya upang malaman ang tungkol sa mga namatay ninyong mga ninuno? Marahil sa kaarawan ng isang yumaong ninuno ay maaari kang magluto ng paborito niyang pagkain, magdispley ng mga larawan, o magkuwento tungkol sa kanyang buhay. Kung maaari, puwede rin kayong magplanong tumanggap ng mga ordenansa sa templo para sa ninunong ito.

II Ni Pedro 1:16–21

Sa mga talatang ito, ipinaalala ni Pedro sa mga Banal ang kanyang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:1–9). Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga turo ng mga propeta? (tingnan din sa DT 1:38). Ano ang nagbibigay sa atin ng tiwala sa sarili na sundin ang ating buhay na propeta ngayon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

“Lagi[ng maging] handa.” Ang di-pormal na mga sandali ng pagtuturo sa tahanan ay maaaring dumating at lumipas kaagad, kaya mahalagang samantalahin ang mga ito kapag dumating. Paano mo kaya mapagsisikapang “lagi[ng maging] handa” na ituro sa mga miyembro ng inyong pamilya ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ibahagi ang “pagasang nasa [iyo]” (I Ni Pedro 3:15) kapag dumarating ang mga sandali ng pagtuturo? (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.)

nangangaral si Pedro sa isang grupo ng mga tao

Kahit naharap si Pedro sa labis na pang-uusig at oposisyon, nanatili siyang matatag sa kanyang patotoo tungkol kay Cristo.