Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas: ‘Ang Dios ay Pagibig’


“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas: ‘Ang Dios ay Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan: 2019

nakangiti si Jesucristo habang kasamang nakaupo ang isang batang nakangiti

Sakdal na Pag-ibig, ni Del Parson

Disyembre 2–8

I–III Ni Juan; Judas

“Ang Dios ay Pagibig”

Habang binabasa mo ang mga Sulat ni Juan at ni Judas, maghangad ng inspirasyon kung paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Diyos. Itala ang mga impresyong ito at kumilos ayon dito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang isulat nina Juan at Judas ang kanilang mga sulat, nangyayari na ang hinulaang Apostasiya, bunga kapwa ng matinding pag-uusig at tiwaling doktrina. Pinagdudahan pa ng ilang bulaang guro kung si Jesucristo ay naparito ngang “nasa laman” (tingnan, halimbawa, sa I Ni Juan 4:1–3; II Ni Juan 1:7). Kaya sinimulan ni Apostol Juan ang kanyang unang sulat sa pagbibigay ng sarili niyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas: “Ito ang patotoo na aming ibinibigay tungkol sa yaong buhat pa sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay.”   Ngunit ang pinakamatinding mensahe marahil ng mga sulat ni Juan ay pag-ibig: pag-ibig ng Diyos para sa atin at pagmamahal na dapat nating madama para sa Kanya at sa lahat ng Kanyang anak. Tutal, naranasan mismo ni Juan ang pag-ibig ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 13:23; 20:2), at ginusto niyang madama rin ng mga Banal ang pag-ibig na iyon sa harap ng paghihirap at oposisyon, sapagkat “walang takot sa pagibig; kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot” (I Ni Juan 4:18).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

I Ni Juan

Ang Diyos ay ilaw, at ang Diyos ay pag-ibig.

Kung pipili ka ng isa o dalawang salita para ilarawan ang Diyos, ano kaya ang mga ito? Sa kanyang mga sulat, ginamit ni Juan ang mga salitang “ilaw” at “pag-ibig” (I Ni Juan 1:5; 4:8, 16). Habang binabasa mo ang I Ni Juan, pagnilayan ang mga karanasan ni Juan na nakatala sa Evangelio ni Juan, at isipin kung paano maaaring natuto si Juan sa mga karanasang ito tungkol sa ilaw at pag-ibig ng Diyos. Anong mga personal na karanasan ang nagturo sa iyo na ang Diyos ay ilaw at pag-ibig?

Tingnan din sa Juan 3:16–21; 15:9–17; 2 Nephi 26:24; Doktrina at mga Tipan 50:24; 88:6, 12–13; 93:36–37.

I Ni Juan 2:24–3:3

Maaari akong maging katulad ni Jesucristo.

Tila napakatayog ba sa iyo ng mithiing maging katulad ni Cristo? Isipin ang nakahihikayat na payo ni Juan: “Mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya’y mahayag, ay magkaroon [tayo] ng pagkakatiwala … [at] tayo’y magiging katulad niya” (I Ni Juan 2:28; 3:2). Ano ang nakikita mo sa I Ni Juan 2:24–3:3 na nagbibigay sa iyo ng tiwala sa sarili at kapanatagan bilang disipulo ni Jesucristo? Habang pinag-aaralan mo ang mga sulat ni Juan, hanapin ang iba pang mga alituntunin o payo na makakatulong sa pagsisikap mong maging higit na katulad ni Cristo.

Tingnan din sa Moroni 7:48; Doktrina at mga Tipan 88:67–68.

Pagsasalin ni Joseph Smith, I Juan 4:12

“[Wala pa bang] sinumang tao … [na] nakakita sa Diyos kailanman”?

Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, I Juan 4:12 na “walang sinumang tao ang nakakita sa Diyos kailanman, maliban sa kanila na naniniwala” ( tingnan din sa Juan 6:46; III Ni Juan 1:11). Nakatala sa mga banal na kasulatan ang ilang pagkakataon na nagpakita ang Diyos Ama mismo sa matatapat na tao, pati na kay Juan mismo (tingnan sa Apocalipsis 4; tingnan din sa Mga Gawa 7:55–56; 1 Nephi 1:8; Doktrina at mga Tipan 76:23; Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

I Ni Juan 5

Kapag sumasampalataya ako kay Jesucristo at isinilang na muli, madaraig ko ang mundo.

Ang ideya ng pagdaig sa mundo ay lumitaw nang maraming beses sa mga sulat ni Juan. Itinala ni Juan na sinabi ni Jesus, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). At sa Apocalipsis 2–3, itinala ni Juan ang mga pangako ng Panginoon sa mga taong nakadaraig sa mundo. Ano ang sinabi ni Juan tungkol sa pagdaig sa mundo sa I Ni Juan 5:3–5? Habang binabasa mo ang I Ni Juan 5, alamin kung ano ang kailangan nating gawin upang madaig ang mundo at magtamo ng buhay na walang-hanggan. Ano kaya ang hitsura ng pagdaig sa mundo sa buhay mo? Maaari ka ring makakita ng mga sagot at ideya sa mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Pagdaig sa Sanlibutan” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, 58–62).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

I Ni Juan 2:8–11

Para matulungan ang inyong pamilya na pagnilayan ang mga turo ni Juan, magtipun-tipon sa isang madilim na silid at hayaang maranasan ng mga miyembro ng pamilya ang kaibhan ng paglakad “sa kadiliman” sa paglakad “sa liwanag.” Paano tayo lumalakad sa kadiliman at natitisod dahil sa pagkapoot? Paano naghahatid ng liwanag sa ating buhay ang pagmamahal sa isa’t isa?

I Ni Juan 3:21–22

Alin sa mga talatang ito ang nagpapaibayo ng “tiwala” natin sa Diyos at sa ating kakayahang tumanggap ng mga sagot sa ating mga dalangin? Maaari mo ring saliksikin ang “Panalangin” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.lds.org).

I Ni Juan 5:2–3

Mayroon bang anumang mga kautusan na itinuturing nating “mabigat” o mahirap sundin? Paano binabago ng ating pagmamahal sa Diyos ang nadarama natin tungkol sa Kanyang mga utos?

isang pamilyang sama-samang nakaluhod sa panalangin

Tinutulungan tayo ng pagsunod sa mga utos ng Diyos na madaig ang sanlibutan.

Judas 1:3–4

Mayroon bang anumang espirituwal na mga panganib na “nagsipasok” sa ating buhay at pamilya? (Judas 1:4). Paano natin masusunod ang payo ni Judas na “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya” at malalabanan ang mga panganib na ito? Judas 1:3. Ano ang magagawa natin upang matiyak na “kapayapaan at pagibig ang … [pararamihin]” sa ating pamilya? (Judas 1:2).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang pag-ibig ng Diyos. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard, “[Ang] ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng pagmamahal—pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 59). Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan, Isiping isulat o markahan ang mga salita at pariralang nagpapakita ng katibayan ng pag-ibig ng Diyos.

naglalakad si Jesucristo sa tabi ng isang lawa

Lumakad na Kasama Ko, ni Greg K. Olsen