Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas: ‘Ang Dios ay Pagibig’


“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas: ‘Ang Dios ay Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 2–8. I–III Ni Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

nakangiti si Jesucristo habang nakaupo na kasama ang isang batang nakangiti

Sakdal na Pag-ibig, ni Del Parson

Disyembre 2–8

I–III Ni Juan; Judas

“Ang Dios ay Pagibig”

Ang mga Sulat ni Juan at ni Judas ay nagtuturo tungkol sa pagmamahal at liwanag ng Ama sa Langit. Sa pag-aaral mo sa linggong ito, pagnilayan kung bakit kailangan ng mga batang tinuturuan mo ang Kanyang liwanag at pagmamahal sa kanilang buhay. Alalahaning isaalang-alang ang lahat ng aktibidad na nasa outline na ito, hindi lang ang mga nakalista para sa edad ng mga tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit o kung bakit sa palagay nila ang Ama sa Langit ay tulad sa isang liwanag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

I Ni Juan 1:5–7; 2:8–11

Ang pagsunod kay Jesus ay naghahatid ng liwanag sa buhay ko.

Paano makakatulong ang pagkukumpara ng pisikal na liwanag sa kadiliman para maituro mo sa mga bata ang liwanag na hatid ng Ama sa Langit sa kanilang buhay?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpabanggit sa mga bata ng mga bagay na nagbibigay ng liwanag. Ipaunawa sa kanila ang mga pakinabang ng liwanag, tulad ng pagtulong na lumago ang mga halaman, pagtutulot na makakita tayo, at pagbibigay ng init. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagtutok ng liwanag ng flashlight sa isang larawan ni Jesucristo habang sinasabi nilang “Ang Dios ay ilaw” (I Ni Juan 1:5). Magpatotoo na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay makapaghahatid ng liwanag sa ating buhay kapag sinunod natin ang mga kautusan.

  • Padilimin ang silid-aralan, at anyayahan ang mga bata na magmungkahi ng mga paraan na maaaring magkaroon ng liwanag sa silid. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maihahatid natin ang liwanag ni Jesucristo sa ating buhay. Habang ibinabahagi nila ang kanilang sagot, pailawin ang mga flashlight o alisan ng takip ang bintana para unti-unting maragdagan ang liwanag sa silid.

I Ni Juan 4:10–11, 20–21

Naipapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag nagpapakita ako ng pagmamahal sa iba.

Tulungan ang mga bata na makita ang kaugnayan ng pagmamahal na nadarama nila para sa Ama sa Langit sa pagmamahal na ipinapakita nila sa Kanyang mga anak.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang I Ni Juan 4:11 sa mga bata, at kumanta ng isang awitin tungkol sa pag-ibig ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16). Ipabahagi sa ilang bata kung paano nila nalaman na mahal sila ng Ama sa Langit. Pagkatapos ng bawat sagot, anyayahan ang mga bata na yakapin ang kanilang sarili at sabihing, “Ang Diyos ay pag-ibig, at mahal ako ng Diyos.”

  • Basahin ang I Ni Juan 4:21 sa mga bata. Anyayahan silang ibahagi o isadula ang iba’t ibang mga paraan na maaari silang magpakita ng pagmamahal sa isang kaibigan, gaya ng pagyakap o paggawa ng kard. Ano ang ipinadarama ng mga bagay na ito sa ating mga kaibigan? Ano ang nadarama ng Ama sa Langit kapag gumagawa tayo ng mabubuting bagay sa iba?

I Ni Juan 2:3–5; 5:3

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod ko ang Kanyang mga utos.

Maaaring matutuhan ng mga bata sa murang edad na ang “mga utos [ng Diyos] ay hindi mabibigat” at na ang pagsunod sa mga ito ay isang paraan para magpahayag ng pagmamahal sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang I Ni Juan 5:3, at sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang sinasabi sa talatang ito kung paano natin maipapakita na mahal natin ang Diyos. Anyayahan ang mga bata na banggitin ang lahat ng kautusang alam nila. Ano ang nadarama ng Ama sa Langit kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos?

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan na nagpapakita ng isang paraan na maipapahayag nila ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit. Halimbawa, maaari nilang idrowing ang kanilang sarili na sumusunod sa isa sa mga kautusan. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Ano ang nadarama natin kapag sumusunod tayo?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

I Ni Juan 2:8–11; 4:7–8, 20–21

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag nagpapakita ako ng pagmamahal sa iba.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata na kung mahal natin ang Diyos ay kailangan nating mahalin ang mga nasa paligid natin—pati na ang mga taong maaaring naiiba sa atin o mahirap mahalin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na kunwari ay may bagong salta sa paaralan o ward nila at wala pang kakilala roon. Ano kaya ang nadarama ng taong ito? Anyayahan ang isang bata na basahin ang I Ni Juan 4:7–8. Ano ang iminumungkahi sa talatang ito kung paano natin dapat tratuhin ang taong ito? Magbahagi ng kahalintulad na mga sitwasyon, o magpaisip sa mga bata ng mga sitwasyon kung saan maaari silang magkaroon ng mga pagkakataong magpakita ng pagmamahal.

  • Ipabasa sa mga bata ang I Ni Juan 4:7–8, 20–21, at anyayahan ang bawat isa sa kanila na sumulat ng isang pangungusap na magbubuod sa iniisip nilang pinakamahalagang aral sa mga talatang ito. Matapos nilang ibahagi ang kanilang mga pangungusap, maaari mong ikuwento si Chy Johnson mula sa mensahe ni Brother David L. Beck na “Ang Inyong Sagradong Tungkuling Maglingkod” (Ensign o Liahona, Mayo 2013, 55). Paano masusunod ng mga bata ang mga halimbawa ng mga kabataang lalaki sa kuwento na nagpakita ng pagmamahal kay Chy? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng iba pang mga paraan na maipapakita nila ang kanilang pagmamahal sa mga nasa paligid nila.

I Ni Juan 2:3–6; 4:17–18; 5:2–5

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod ko ang Kanyang mga utos.

Ang pagsunod sa mga kautusan ay mas dadali kapag nauunawaan natin ang mga katotohanang itinuro sa I Ni Juan 5:3. Paano ninyo maipapakita sa mga bata na ang mga kautusan ay hindi mga pasanin kundi mga pagkakataon para ipahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ilista sa pisara ang mga paraan na maipapakita nila sa Diyos na Siya ay mahal nila. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang I Ni Juan 2:5–6; 5:2–5 para sa karagdagang mga ideya. Paano ipinapakita ng pagsunod sa mga kautusan na mahal natin ang Ama sa Langit?

    isang pamilya na sama-samang nakaluhod sa panalangin

    Kahit mahirap, mapipili nating sundin ang mga kautusan.

  • Basahin ang I Ni Juan 4:17, at ipaliwanag sa mga bata na ang ibig sabihin ng “magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom” ay magkaroon ng tiwala at kapayapaan kapag tumayo sila sa harapan ng Diyos para mahatulan. Ano ang itinuturo ng talatang ito na kailangan nating gawin para magkaroon ng ganitong tiwala? Ano ang ilang bagay na magagawa natin ngayon upang magkaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos?

Judas 1:18–22

Maaari akong maging tapat kahit pinagtatawanan ako ng iba.

Maaaring kutyain ang mga bata dahil sa kanilang mga paniniwala o sa paraan ng kanilang pamumuhay bilang mga disipulo ni Jesucristo. Nasa mga talatang ito ang payo ni Judas kung paano manatiling tapat sa gayong mga sitwasyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpabahagi sa mga bata ng mga pagkakataon na pinagtawanan sila dahil sa paggawa ng tama. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Judas 1:18–22 at hanapin kung paaano tayo mananatiling tapat kapag kinukutya o pinagtatawanan tayo. Isulat sa pisara ang matuklasan nila, at talakayin ang mga paraan na masusunod nila ang payong ito.

  • Ibuod ang panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:1–35), na ipinapabasa sa ilang bata ang mga talata mula sa 1 Nephi 8:26–28, 33. Talakayin kung paano naging katulad ng mga nanlalait na binanggit ni Judas ang mga tao sa malaki at maluwang na gusali. Ano ang magagawa natin upang hindi tayo maimpluwensyahan ng mga tao na pinagtatawanan tayo o hindi sang-ayon sa ating pinaniniwalaan? (tingnan sa 1 Nephi 8:30, 33).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na planuhing gumawa ng isang bagay para maibahagi ang kanilang liwanag sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang mga bata ay aktibo. Kung minsan ay madarama mo na ang sigla ng mga bata ay nakagagambala sa pag-aaral. Ngunit magagamit mo ang likas na pagkaaktibo nila sa pag-anyaya sa kanila na isadula, idrowing, o kantahin ang isang alituntunin ng ebanghelyo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)