“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22: ‘Ang Magtagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Disyembre 23–29.
Apocalipsis 12–22
“Ang Magtagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”
Habang naghahanda kang magturo, gamitin ang iyong karanasan sa personal na pag-aaral o pag-aaral ng inyong pamilya ng Apocalipsis 12–22. Ano ang namukod-tangi sa iyo? Anong mga impresyon ang natanggap mo? Alalahanin na ang iminungkahing mga aktibidad dito ay maiaangkop sa mga bata anuman ang kanilang edad.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung bakit nila gustong makapiling na muli ang Ama sa Langit. Sa buong lesson, tulungan silang hanapin ang mga bagay na magagawa nila para makapaghandang bumalik sa Kanya.
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Nanampalataya ako kay Jesucristo sa premortal na buhay.
Sa Digmaan sa Langit, nadaig ng matatapat na anak ng Diyos si Satanas sa pamamagitan ng “salita ng kanilang patotoo” at pagsampalataya kay Jesucristo (Apocalipsis 12:11).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maipaunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng sundan ang halimbawa ng isang tao, pumili ng isang bata para maging isang “pinuno,” at ipagaya sa iba ang anumang gawin niya. Pagkatapos ay hayaan ding maging pinuno ang ibang mga bata. Basahin ang Apocalipsis 12:7–11 sa mga bata at ipaliwanag na bago tayo isinilang, pinili nating sundan si Jesus at hindi si Satanas.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa premortal na buhay, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87). Magtanong na katulad ng, Ano ang nangyari sa langit bago tayo isinilang? Ano ang pinili nating gawin? (Tingnan din sa “Pambungad: Ang Plano ng Ating Ama sa Langit,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 1–5[NO TRANSLATION].)
Maaari akong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpili ng tama.
Paano mo maipapaunawa sa mga bata na ang Ikalawang Pagparito ay magiging isang masayang kaganapan para sa atin kung susundin natin ang mga utos ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Idispley ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at basahin ang Apocalipsis 19:7. Ipaliwanag na ang “pagkakasal ng Cordero” ay kumakatawan sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bakit “[n]angagalak” ang mga tao? Itanong sa mga bata kung nakadalo na sila sa isang kasal. Ano ang nangyari dooon? Bakit masaya ang mga tao?
-
Ibahagi sa mga bata kung bakit mo inaasam ang Ikalawang Pagparito ni Jesus. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang ginagawa nila para maghanda sa pagsisimba sa araw ng Linggo. Bakit natin ginagawa ang mga bagay na ito bago tayo pumunta sa Simbahan? Bakit tayo dapat maghanda para sa Ikalawang Pagparito? Sa pahina ng aktibidad ngayong linggo, hayaang idrowing ng mga bata ang magagawa nila upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito.
Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2
Maaari kong makapiling sa kahariang selestiyal ang Ama sa Langit at mga mahal ko sa buhay.
Sa huling dalawang kabanata ng Apocalipsis, ginamit ni Juan ang magagandang pananalita upang ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal na matatamasa ng mga tapat.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hayaang idrowing ng mga bata ang punong inilarawan sa Apocalipsis 22:2 sa pisara. Ipaliwanag na ang punong ito ang punungkahoy ng buhay, at ang bunga nito ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:21–22). Bigyan ang mga bata ng mga piraso ng papel na hugis-prutas, at anyayahan silang idrowing sa papel ang isang bagay na nagpapadama sa kanila ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na makakapiling ng mga tapat ang Ama sa Langit sa kahariang selestiyal.
-
Magbahagi sa mga bata ng ilang larawan o detalye na ginamit ni Juan upang ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal (tingnan sa Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2), at anyayahan ang mga bata na idrowing ang mga ito.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa plano ng Diyos, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87). Anyayahan ang mga bata na tukuyin kung ano ang magagawa nila upang muling makapiling ang Ama sa Langit.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Nanampalataya ako kay Jesucristo sa premortal na buhay.
Ang mga batang tinuturuan mo ay nasa mundo dahil sumampalataya sila kay Jesucristo sa premortal na buhay at pinili nilang sundan Siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 12:7–11, at isulat sa pisara ang mga salitang dragon, pagbabaka sa langit (o Digmaan sa Langit), inihagis (o itinapon), patotoo, at Cordero. Ipabuod sa mga bata ang mga talatang ito gamit ang mga salitang nasa pisara. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo (ang Cordero) mula sa mga talatang ito? Ano ang natututuhan natin tungkol sa mga pagpiling ginawa natin sa premortal na buhay?
-
Sa pisara, gumawa ng tatlong hanay at sulatan ang mga ito ng Bago ang buhay na ito, Sa buhay na ito, at Pareho. Maghanda ng mga piraso ng papel na nagsasaad ng mga katotohanan tungkol sa premortal na buhay at tungkol sa mortal na buhay, tulad ng Mayroon tayong katawan, Wala tayong katawan, Nasa presensya tayo ng Diyos, Nakikipaglaban tayo kay Satanas, Nananampalataya tayo kay Jesucristo, at Sumusunod tayo sa plano ng Diyos. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng isang papel at pagpapasiya kung saang hanay ito ilalagay. Ibahagi ang tiwala mo na makakapagpatuloy ang mga bata na magpakita ng pananampalataya kay Cristo.
Maaari akong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpili ng tama.
Paano mo maipapaunawa sa mga batang tinuturuan mo na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging isang masayang kaganapan para sa mabubuti?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 19:7–8, at ipaunawa sa mga bata ang simbolismo sa mga talatang ito—ang kasal ay ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ang Cordero ang Tagapagligtas, at ang Kanyang asawa ang Simbahan (o tayong lahat). Paano naghahanda ang mga tao para sa isang kasal? Anong mga bagay ang maaari nating gawin para mapaghandaan ang muling pagparito ng Tagapagligtas?
-
Repasuhin at isaulo ninyo ng mga bata ang Saligan ng Pananampalataya 1:10. Ipaliwanag na ang saligang ito ng pananampalataya ay naglalarawan ng kapana-panabik at maluwalhating mga kaganapan na mangyayari kapag muling pumarito si Jesus. Idispley ang larawan ng Ikalawang Pagparito ni Jesus sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na idrowing kung ano sa palagay nila ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ni Jesus.
Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2, 17
Maaari kong makapiling sa kahariang selestiyal ang Ama sa Langit at mga mahal ko sa buhay.
Habang naghahanda kang magturo tungkol sa kahariang selestiyal, pagbulayan kung ano ang kahulugan sa iyo ng kahariang selestiyal. Paano ka makakapagpatotoo sa mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na hanapin sa sumusunod na mga talata ang ilang imahe o detalyeng ginamit ni Juan upang ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal: Apocalipsis 21:1, 3–4, 22–27; 22:1–2. Hayaan silang pumili ng isang imahe o detalye na gusto nilang idrowing. Pagkatapos ay makakapagkuwento sila sa klase tungkol sa drowing nila. Hikayatin silang ipakita ang kanilang drowing sa kanilang pamilya sa bahay.
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 22:17, at ipaliwanag na ang kasintahang babae na nagsasabing “Halika” ay ang Simbahan. Ano ang gusto nating puntahan ng ibang mga taong sinasabihan natin ng “halika”? Ano ang ilang mabubuting paraan para masabihan natin ang mga tao ng “halika”?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na maghandang basahin ang Aklat ni Mormon sa susunod na taon sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na magpabahagi sa isang kapamilya o kaibigan ng isang paboritong talata o kuwento mula sa Aklat ni Mormon.