Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11: ‘Sa Kordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari Magpakailan Kailan Man’


“Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11: ‘Sa Kordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari Magpakailan Kailan Man’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

binabantayan ni Cristo ang isang kawan ng mga tupa

Ang Mabuting Pastol, ni Del Parson

Disyembre 9–15

Apocalipsis 1–11

“Sa Kordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari Magpakailan Kailan Man”

Maaaring mahirapan ang mga bata na unawain ang simbolismo sa Apocalipsis, ngunit may mahalagang doktrina rin sa Apocalipsis na maganda at simple.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang maaari nilang madama kung nakita nila si Jesucristo sa isang pangitain. Ipaliwanag na sa aklat ng Apocalipsis, inilarawan ni Juan ang isang pangitain kung saan nakita niya si Jesus at ang maraming mahahalagang bagay tungkol sa nakaraan at sa hinaharap.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Apocalipsis 3:20

Maaari kong anyayahan si Jesucristo sa aking buhay.

Ang metapora tungkol kay Jesus na nakatayo sa may pintuan at kumakatok ay magpapaunawa sa mga bata na nais Niyang mapalapit sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. at basahin ang Apocalipsis 3:20. Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari’y kumakatok si Jesus sa pinto papasok sa kanilang tahanan. Papapasukin ba nila Siya? Ano sa palagay nila ang sasabihin o gagawin Niya?

  • Anyayahan ang mga bata na magkuwento sa iyo ng mga pagkakataon na naghintay silang bumisita sa bahay nila ang isang tao na kinasasabikan nilang makita. Ano ang pakiramdam ng maghintay na kumatok sa pinto ang taong iyon? Paano kung hindi nila papasukin ang taong iyon kahit kailan? Basahin ang Apocalipsis 3:20, at hayaang maghalinhinan ang mga bata sa paghawak sa larawan ni Jesus at pagkukunwaring kumakatok sa isang pinto. Maaaring magkunwari ang iba pang mga miyembro ng klase na binubuksan ang pinto. Ano ang magagawa natin para mapalapit sa atin si Jesus, kahit hindi natin Siya nakikita? Isiping bigyan ang bawat bata ng larawan ni Jesus na maiuuwi nila sa bahay.

Apocalipsis 5:1–10

Si Jesucristo lamang ang nag-iisang karapat-dapat na maging aking Tagapagligtas.

Nalaman ni Juan sa kanyang pangitain na si Jesucristo lamang (na kinakatawan ng cordero) ang maaaring maging Tagapagligtas natin at tumupad sa plano ng Ama (na kinakatawan ng nakasarang aklat).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bago magklase, maghanap ng mga larawang kumakatawan sa mga pagpapalang maaaring matanggap dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tulad ng templo, binyag, at mga pamilya), ilagay ang mga ito sa isang aklat, at balutan ng papel o paikutan ng pisi ang aklat. Gamit ang ilang mahahalagang parirala mula sa Apocalipsis 5:1–10, ilarawan ang pangitaing nakita ni Juan. Ipakita sa mga bata ang aklat, at sabihin sa kanila na ang tanging paraan para mabuksan ang aklat ay hanapin ang larawan ni Jesus na naitago mo sa silid. Kapag nakita nila ang larawan, buksan ang aklat at ibahagi sa mga bata ang mga larawan sa aklat. Magpatotoo na ang Tagapagligtas lamang ang nag-iisang may kakayahang gawing posible ang mga bagay na ito.

  • Ibuod ang pangitaing inilarawan sa Apocalipsis 5:1–10, at anyayahan ang mga bata na isadula kung ano ang nadama ni Juan at ng iba pa sa iba’t ibang bahagi ng pangitain. Halimbawa, maaari silang magkunwaring umiiyak kapag walang makabukas ng aklat, o maaari silang magbunyi kapag binuksan ito ng Tagapagligtas.

Apocalipsis 7:9, 13–14

Tinutulungan ako ni Jesucristo na malinis mula sa kasalanan.

Nakita ni Juan ang maraming taong nakasuot ng mga damit na “pinaputi sa dugo ng Cordero” (talata 14). Isipin kung paano maipapaunawa ng pangitaing ito sa mga bata ang kahalagahan ng malinis mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng ilang damit-pambinyag o ibang mga puting damit at isang larawan ni Jesus. Basahin ang Apocalipsis 7:9, 13–14 sa mga bata, at anyayahan silang ituro ang larawan at mga damit tuwing maririnig nila ang salitang puti. Ipaliwanag na ang mga puting damit ay kumakatawan sa kalinisan at nagpapaalala sa atin na malilinis tayo ni Jesucristo mula sa ating mga pagkakamali.

  • Magpakita sa mga bata ng isang pirasong puting tela, at sabihin sa mga bata na dumihan ito ng mga sulat ng bolpen o putikan ito. Ipaliwanag na pinarurumi ng kasalanan ang ating espiritu. Magpakita ng larawan ni Jesus sa Getsemani (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56), itabi ang maruming tela, at magpakita ng malinis na puting tela. Magpatotoo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong maging malinis.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53), at talakayin kung paano tayo tinutulungan ni Jesus na maging malinis kapag bininyagan tayo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Apocalipsis 3:20

Maaari kong piliing gawing bahagi ng aking buhay si Jesucristo.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na buksan ang kanilang puso at buhay sa kapangyarihan at impluwensya ni Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na tingnan ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang binabasa mo ang Apocalipsis 3:20. Para maipakita sa kanila ang kahulugan ng larawan, anyayahan silang magpares-pares para sagutin ang mga tanong na katulad nito: Sa palagay ninyo, bakit kumakatok si Jesus sa pinto? Bakit walang hawakan sa labas ang pinto? Ano ang ibig sabihin ng papasukin si Jesus sa ating buhay?

  • Ipasulat sa mga bata sa pisara ang iba’t ibang paraan para “[pagbuksan] ng pinto” si Jesus. Maaaring isama sa ilang halimbawa ang maglingkod sa iba, magbasa ng mga banal na kasulatan, at makibahagi ng sakramento.

Apocalipsis 5:1–10

Si Jesucristo lamang ang nag-iisang karapat-dapat na maging aking Tagapagligtas.

Itinuro ng pangitaing inilarawan sa Apocalipsis 5 na si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kakayahang magsagawa ng Pagbabayad-sala at magligtas sa atin mula sa kasalanan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na kinailangan nila ang isang tao para gawin ang isang bagay na hindi nila magawa para sa kanilang sarili. Ipabasa sa kanila ang Apocalipsis 5:1–10 at ipahanap ang kailangang gawin na iisang tao lamang ang maaaring gumawa (ipaliwanag na ang Cordero ay si Jesucristo at ang aklat ay kumakatawan sa plano ng Diyos). Ano ang ginawa ni Jesus para sa atin na walang sinumang ibang maaaring gumawa?

  • Magpahanap sa mga bata ng isang himno o awiting pambata na nagpapatotoo kay Jesucristo. Ano ang itinuturo ng mga titik ng awitin tungkol kay Jesucristo? Paano nakatulad ang awiting ito ng himno ng papuri na inaawit tungkol kay Jesucristo sa Apocalipsis 5:9–10?

Apocalipsis 9:1–2

Matutulungan ako ng ebanghelyo na daigin ang tukso.

Ang usok na nagpadilim sa himpapawid sa Apocalipsis 9:2 ay maaaring ihalintulad sa mga tukso (tingnan sa 1 Nephi 12:17).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing ng isang araw at isang madilim na ulap, at gupitin ang mga ito. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Apocalipsis 9:2 at 1 Nephi 12:17 at isulat sa madilim na ulap kung ano ang kinakatawan ng usok o abu-abo sa mga talatang ito. Ilagay ang madilim na ulap sa pisara, at anyayahan ang mga bata na ilista ang mga tuksong kinakaharap ng mga batang kaedad nila. Pagkatapos ay ilagay ang araw sa pisara at ipalista sa kanila ang mga kasangkapang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit para madaig ang kadiliman sa mundo.

  • Paano matutulungan ng mga bata ang iba na nasa espirituwal na kadiliman? Anyayahan ang mga bata na ikuwento kung paano nila matutulungan ang iba na nasa espirituwal na kadiliman.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang mga paraan na maaanyayahan nila ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kanilang tahanan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng pagpipitagan. Ang isang mahalagang aspeto ng pagpipitagan ay ang isipin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari mong ipaalala sa mga bata na maging mapitagan sa pamamagitan ng pagkanta nang mahina o paghimig ng isang awitin o pagdispley ng larawan ni Jesus.