“Nobyembre 25–Disyembre 1. I at II Ni Pedro: ‘Nangagagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 25– Disyembre 1. I at II Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Nobyembre 25–Disyembre 1
I at II Ni Pedro
“Nangagagalak na Totoo na May Galak na Di Masayod at Puspos ng Kaluwalhatian”
Simulan ang pag-aaral mo ng I at II Ni Pedro sa panalangin. Tandaan na ang pinakamainam mong paghahandang magturo ay magmumula sa mga karanasan mo sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng inyong pamilya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Idispley ang larawang nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na ikuwento sa iyo ang isang bagay na alam nila tungkol kay Pedro. Ipaalala sa kanila na si Pedro ang pinuno ng Simbahan nang mabuhay na mag-uli si Jesus, at ipaliwanag na ang I Ni Pedro at II Ni Pedro ay mga sulat niya sa mga miyembro ng Simbahan sa kanyang panahon.
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Maaari akong maging masaya kahit sa gitna ng mga paghihirap.
Isipin kung paano mo maituturo ang mga talatang ito sa paraang makakatulong sa mga bata na bumaling sa Tagapagligtas kapag naharap sila sa mga paghihirap.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga paghihirap na tiniis ni Jesus, tulad ng maipako sa krus. Ipaliwanag na magkakaroon tayo ng mga panahon ng paghihirap sa ating buhay. Sama-samang basahin ang I Ni Pedro 1:6–7; 3:14, at magbahagi ng karanasan na naharap ka sa isang “pagsubok sa [iyong] pananampalataya.” O maaari mong ibahagi ang panalangin ni Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail at ang pag-aliw sa kanya ng Diyos (tingnan sa DT 121:1–8; 123:17). Paano tayo tinutulungan ng pagsampalataya kay Jesus na makasumpong ng kagalakan sa mga oras ng paghihirap?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na nagtuturo kung paano makasumpong ng kaligayahan, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87).
Nais ng Ama sa Langit na maging halimbawa ako sa iba.
Itinuro ni Pedro na tayo ang “bayan ng Dios” at na ang ating mabubuting gawa ay maaaring “[lumuwalhati sa] Dios.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ilarawan ang mga bagay na namumukod-tangi sa kanilang kapaligiran, o magpakita ng mga larawan ng gayong mga bagay. Halimbawa, isang templo na namumukod-tangi sa mga gusali sa paligid nito o isang bundok na nangingibabaw sa isang lambak. Ipaliwanag na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, namumukod-tangi tayo at nakikita ng ibang mga tao ang ating mga halimbawa. Ikuwento ang ilang “mabubuting gawa” na nakita mong ginagawa ng mga bata. Ipaliwanag na ang mabubuting gawang katulad nito ay “[lumuluwalhati sa] Dios”—nagpapadama ito sa iba ng higit na pagmamahal sa Diyos at ng hangaring maglingkod sa Kanya.
-
Kumpletuhin ninyo ng mga bata ang pahina ng aktibidad. Paano niluluwalhati ng mga taong nakita nila sa larawan ang Diyos?
Natututo ang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa ebanghelyo.
Nang mamatay si Jesus, nagtungo Siya sa daigdig ng mga espiritu at nagsugo ng mabubuting espiritu upang turuan ang iba pang mga espiritu na hindi pa nakatanggap ng ebanghelyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata ang isang taong kilala mo na namatay na. Ipaliwanag na kapag namatay ang mga tao, nililisan ng kanilang espiritu ang kanilang katawan at nagpupunta ito sa daigdig ng mga espiritu. Basahin ang I Ni Pedro 3:19 at ipaliwanag na nang mamatay si Jesus, binisita Niya ang daigdig ng mga espiritu. Doon, inutusan Niya ang mabubuting espiritu na magturo ng ebanghelyo sa iba pang mga espiritu na hindi pa nakatanggap ng ebanghelyo (tingnan sa DT 138:30).
-
Maghilera ng mga upuan sa gitna ng silid upang magsilbing harang. Patayuin ang ilan sa mga bata sa isang panig para kumatawan sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu na hindi nabinyagan noong nabubuhay pa sila. Bigyan ang isa sa iba pang mga bata ng malaking susing papel na may nakasulat na “binyag para sa mga patay,” at ipaalis sa kanya ang harang. Pagkatapos ay ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan na edad 12 pataas ay maaaring magpunta sa templo at magpabinyag para sa kanilang mga ninuno na hindi nabinyagan habang narito sa lupa. Pagkatapos ay maaari nang tanggapin ng mga ninunong ito ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu.
-
Tulungan ang mga bata na punan ang isang simpleng family tree.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
I Ni Pedro 3:12–17; 4:13–14, 16
Maaari akong makasumpong ng kaligayahan at kapayapaan kahit sa oras ng mga paghihirap.
Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring nakaranas na ng panunukso o pangungutya dahil sa kanilang pinaniniwalaan. Matutulungan sila ng mga talatang ito sa mga panahong iyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang ilang kuwento tungkol sa pag-uusig kay Jesus, o ipabasa ang mga ito sa mga bata—tingnan, halimbawa, sa Mateo 12:9–14 o Lucas 22:47–54. Itanong sa mga bata kung natudyo o nakutya na ba sila dahil sinusunod nila ang mga turo ng ebanghelyo. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang I Ni Pedro 3:12–14; 4:13–14, 16, at ipahanap sa mga bata kung ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa pagdurusa “dahil sa katuwiran.” Bakit maaari pa rin tayong maging masaya kapag kinukutya tayo ng ibang mga tao dahil sa paggawa ng tama?
-
Anyayahan ang isang miyembro ng ward na magbahagi ng karanasan na nakasumpong siya ng kagalakan o kapayapaan sa oras ng pagsubok, o ibahagi kung paano nakasumpong ng kapayapaan si Propetang Joseph Smith noong siya ay nasa Liberty Jail (tingnan sa DT 121:1–8; 123:17). Paano tayo makasusumpong ng kagalakan at kapayapaan sa oras ng ating mga pagsubok?
Dapat akong maging handa palagi na ibahagi ang ebanghelyo.
Ang mga batang tinuturuan mo ay magkakaroon ng maraming pagkakataon sa buong buhay nila na sagutin ang mga tanong ng ibang mga tao tungkol sa kanilang pananampalataya. Isipin kung ano ang magagawa mo para tulungan silang maging “[laging] handa [sa] pagsagot.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang isang pagkakataon na may nagtanong sa iyo tungkol sa Simbahan, at ilarawan kung nadama mo na handa kang sumagot. Ipakuwento sa mga bata ang anumang mga pagkakataon na tinanong sila ng mga tao tungkol sa Simbahan. Sama-samang basahin ang I Ni Pedro 3:15. Paano natin masusunod ang payo ni Pedro sa talatang ito?
-
Sa tulong ng mga bata, mag-isip ng ilang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa mga turo ng Simbahan. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpapaliwanag kung paano nila sasagutin ang mga tanong na ito upang sila ay maging “[laging] handa.”
Natututo ang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa ebanghelyo.
Ipaunawa sa mga bata na kapag namatay ang mabubuting tao, pumupunta sila sa daigdig ng mga espiritu para ituro ang ebanghelyo sa mga taong hindi nakatanggap nito habang narito sila sa lupa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Idrowing sa pisara ang isang bilog na may hati sa gitna. Isulat ang Paraiso ng mga Espiritu sa isang hati ng bilog at Bilangguan ng mga Espiritu sa kabilang hati. Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang I Ni Pedro 3:18–20; 4:6, (tingnan sa I Ni Pedro 4:6, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, para sa mga rebisyon mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith). Ipaliwanag na nang mamatay si Jesus, nagtungo Siya sa paraiso ng mga espiritu. Inutusan Niya ang mabubuting espiritu roon na ituro ang ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan ng mga espiritu.
-
Anyayahan ang isang magulang o nakatatandang kapatid ng isa sa mga bata na magsalita tungkol sa pagpunta sa templo at pagkumpleto ng gawain para sa isa sa kanilang mga ninuno.
-
Anyayahan ang mga bata na punan ang isang simpleng family tree.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang family tree sa mga miyembro ng kanilang pamilya at hingan sila ng tulong para maragdagan ang mga pangalan dito.