“Nobyembre 18–24. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Nobyembre 18–24. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Nobyembre 18–24.
Santiago
“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Huwag Tagapakinig Lamang”
Ang Sulat ni Santiago ay naglalaman ng maraming katotohanan na maaaring magpala sa mga batang tinuturuan mo. Sundin ang Espiritu para malaman kung aling mga katotohanan ang ibabahagi mo sa kanila. Maaari ding makatulong ang mga ideya sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa pamilya nila ng isang alituntunin ng ebanghelyo na naaalala nilang natutuhan nila sa nakalipas na linggo o mula sa klase nila sa Primary noong nakaraang Linggo. Matapos magbahagi ang bawat bata, anyayahan ang isa pang bata sa klase na ibuod ang mga ibinahagi.
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Maaari kong hilingin sa Ama sa Langit na tulungan akong malaman kung ano ang totoo.
Ipaunawa sa mga batang tinuturuan mo na makakahingi sila ng karunungan sa Ama sa Langit. Ang paggawa nito ay magpapala sa kanila nang malaki kapag mayroon silang mahihirap na tanong.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang pariralang “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios” (Santiago 1:5). Paano tayo nagtatanong sa Diyos? Paano Niya tayo sinasagot?
-
Magpakita ng isang larawan ng Unang Pangitain (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90), at ibahagi kung paano nahikayat ng pagbasa sa Santiago 1:5 si Joseph Smith na hilingin sa Ama sa Langit na tulungan siya sa isang tanong (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–15). Ibahagi ang iyong patotoo na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin, at patotohanan na maaaring manalangin sa Kanya ang mga bata kapag mayroon silang mga tanong. Hayaang idrowing ng mga bata ang larawan ni Joseph Smith na binabasa ang Santiago 1:5 at nagdarasal sa Ama sa Langit.
Maaari akong magsalita ng magagandang bagay.
Tulad ng pinatotohanan ni Santiago, ang matutong magsabi ng mabubuting bagay lamang sa iba ay makakatulong sa atin na maging katulad ni Jesucristo (tingnan sa Santiago 3:2).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng matamis at maasim na pagkain para ipatikim sa mga bata. Ipaunawa sa kanila na dapat nating gamitin ang ating dila para magsabi ng mga bagay na matamis (o mabuti) at hindi magsabi ng mga bagay na maasim (o masama) (tingnan sa Santiago 3:10). Tulungan silang mag-isip ng mga halimbawa ng magagandang bagay na masasabi natin sa iba.
-
Bigyan ang bawat bata ng simpleng drowing ng isang taong nagsasalita. Anyayahan ang mga bata na itaas ito kapag may sinabi kang magandang bagay na magagawa ng ating dila (tulad ng magsabi ng totoo, purihin ang iba, at alukin ng tulong ang isang tao) at ibaba ito kapag may sinabi kang isang bagay na hindi dapat gawin ng ating dila (tulad ng magsinungaling, insultuhin ang ibang tao, at tumangging sundin ang magulang).
-
Pagtibayin ang mensahe ng Santiago 3:1–13 sa sama-samang pagkanta ng isang awitin tungkol sa pagiging mabait, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83). Imungkahing gumawa ang mga bata ng “garapon ng kabaitan” na malalagyan nila ng maliliit na bato o ng iba pang maliliit na bagay tuwing may sinasabi silang magandang bagay sa isang tao.
Ang ilan sa mga pagpapala ng Diyos ay nangangailangan ng tiyaga.
Ang tiyaga ay hindi palaging likas na dumarating, lalo na sa mga bata. Isipin kung paano mo magagamit ang payo ni Santiago para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na matutong magtiyaga.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na kinailangan nilang maghintay para sa isang bagay na talagang gusto nila. Ipaliwanag na ang paghihintay para sa isang bagay na gusto natin nang walang reklamo ay tinatawag na pagiging matiyaga.
-
Ibuod ang Santiago 5:7 sa sarili mong mga salita, at magpakita ng larawan ng isang buto o binhi. Bakit natin kailangan ng tiyaga kapag nagpapalago tayo ng mga halaman? Ano ang mangyayari kung sinubukan nating bunutin ang binhi para lumago ito nang mas mabilis? Magpatotoo na maraming pagpapala ang Diyos para sa atin, ngunit ang ilan dito ay nangangailangan ng tiyaga.
-
Ibahagi ang kuwento ni Job, na binanggit sa Santiago 5:11 bilang isang halimbawa ng pagtitiyaga (tingnan sa “Kabanata 46: Job,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 165–69). Paano pinagpala si Job dahil sa kanyang pagtitiyaga?
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ipapaalam sa akin ng Ama sa Langit ang katotohanan kung hihingi ako ng tulong sa Kanya.
Bagama’t parang musmos pa ang mga tinuturuan mo, ilang taon lang ang kabataan nila kay Joseph Smith nang basahin niya ang Santiago 1:5 at mahikayat siyang lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin. Isipin kung paano mo mapapatatag ang pananampalataya ng mga batang tinuturuan mo na tutulungan sila ng Diyos kapag nagkukulang sila sa karunungan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ikuwento sa iyo ang Unang Pangitain ni Joseph Smith sa sarili nilang mga salita (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–19. Paano nakatulong ang Santiago 1:5 kay Joseph? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng ibang mga tao sa mga banal na kasulatan na nakatanggap ng sagot sa kanilang mga dalangin (tulad ni Nephi [1 Nephi 11:1–6] at ng kapatid ni Jared [Eter 2:18–3:9]). Ano ang ilang bagay na maaari nating hilingin sa Ama sa Langit sa panalangin?
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–14. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga bagay na ginawa ni Joseph para makatanggap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Paano natin masusundan ang halimbawa ni Joseph Smith kapag mayroon tayong mga tanong?
“Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”
Paano mo maipapakita sa mga bata ang koneksyon ng kanilang pinaniniwalaan sa kanilang ginagawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang isang flashlight na walang baterya, isang lapis na walang tasa, o isang bagay na walang silbi o “patay.” Ipabasa sa mga bata ang Santiago 2:14–17. Paano inilalarawan ng mga bagay na ito ang katotohanan sa mga talatang ito?
-
Anyayahan ang mga bata na tahimik na basahin ang Santiago 1:22–27; 2:14–26. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi kung ano ang magagawa nila para ipakita na sila ay mga tagatupad ng salita. Halimbawa, may kilala ba silang isang taong maysakit o nag-iisa na maaari nilang bisitahin, o maaari ba nilang ipasiya na higit pang pagsilbihan ang kanilang pamilya? Maaari mo ring ipaalala sa kanila ang mga salitang maaaring narinig nila sa sacrament meeting ngayon. Paano tayo magiging mga tagatupad ng mga salitang ito?
Maaari kong kontrolin ang mga bagay na sinasabi ko.
Ang mga salitang sinasabi natin sa isa’t isa ay maaaring parang hindi mahalaga, ngunit tulad ng pinatotohanan ni Santiago, maaari itong magkaroon ng malaking impluwensya, sa kabutihan o kasamaan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
May isang tao ba sa ward, marahil ay isa sa mga batang tinuturuan mo, na nakapag-alaga na ng mga kabayo o may alam sa mga bangka? Maaari mo siyang anyayahang magbigay ng mga ideya tungkol sa mga turo ni Santiago sa Santiago 3:3–4 tungkol sa paggamit ng mabubuting salita, o magbigay ng ilang sarili mong ideya. Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagkontrol sa ating dila mula sa mga halimbawang ito?
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Santiago 3:1–13 at idrowing ang isang bagay na makikita nila na nagtuturo tungkol sa pagkontrol sa ating dila. Bigyan sila ng oras na ibahagi ang kanilang larawan at ang natutuhan nila.
-
Matapos repasuhin nang sama-sama ang Santiago 3:1–13, repasuhin ang mga pamantayan sa pananalita na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan (20–21). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang gawin para mapaganda ang paraan ng pakikipag-usap nila sa iba, at hikayatin silang magtakda ng mga personal na mithiin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magtanong sa Ama sa Langit sa panalangin o sikaping maging mas matiyaga sa darating na linggo. Ipabahagi sa kanila ang kanilang karanasan sa susunod na klase.