Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ‘ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan’’


“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ‘ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

si Cristo na nakatayo kasama ang isang batang babae at isang lalaki

Balsamo sa Galaad, ni Anne Henrie

Nobyembre 4–10

Mga Hebreo 1–6

Si Jesucristo, “ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan”

Anong mga katotohanan ang nakikita mo sa Mga Hebreo 1–6 na inspirado kang ituro sa mga bata? Pagtuunan ng pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na dumarating habang ikaw ay naghahanda, at tiyaking itala ang mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Tinanggap ba ng mga bata ang paanyaya sa katapusan ng lesson noong nakaraang linggo na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na maibabahagi nila? Kung gayon, bigyan sila ng oras para ibahagi ito. Kung hindi, tulungan silang mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila kamakailan mula sa mga banal na kasulatan na maibabahagi nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Hebreo 1:2–10; 2:8–10, 17–18.

Ako ay naniniwala kay Jesucristo.

Ang mga talatang ito ay makakatulong sa mga bata na matuto pa tungkol kay Jesucristo at mapalakas ang kanilang kaugnayan sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang sarili mong mga salita, isulat sa mga piraso ng papel ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na nakikita mo sa Mga Hebreo 1:2–10; 2:8–10, 17–18, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga piraso ng papel. Tulungan silang basahin ang mga katotohanang nakasulat sa mga papel, at pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng mga katotohanang ito. Kung kailangan, ipaliwanag na si Jesus ay tinatawag na Anak ng Diyos dahil ang Ama sa Langit ang ama kapwa ng Kanyang Espiritu at ng Kanyang katawan.

  • Ipasa-pasa ang isang larawan ng Tagapagligtas, at hayaang ibahagi ng bawat bata kung bakit siya nagpapasalamat para kay Jesucristo habang hawak niya ang larawan.

Mga Hebreo 3:8

Nais ng Ama sa Langit na “huwag [nating] papagmatigasin ang [ating] mga puso.”

Ang Mga Hebreo 3 ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga Israelitang pinatigas ang kanilang puso at tinanggihan ang mga pagpapala ng Panginoon. Isa rin itong babala sa ating lahat na huwag nating patigasin ang ating puso.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng isang espongha (o bimpo) at isang bato sa klase. Anyayahan ang mga bata na hipuin ang mga bagay at ilarawan kung ano ang pakiramdam nila nang hipuin nila ang mga ito. Maglagay ng ilang patak ng tubig sa bawat bagay, at ipaliwanag na mas maraming tubig ang nasisipsip ng espongha kaysa sa bato. Ipaliwanag na kailangang malambot ang ating puso at hindi matigas para matanggap natin ang mga katotohanan ng ating Ama sa Langit sa ating puso.

  • Gumupit ng hugis-puso mula sa isang malambot na materyal, tulad ng tela, at mula sa isang mas matigas na materyal, tulad ng karton. Sabihin sa mga bata na kapag nakikinig at sumusunod tayo ay malambot ang ating puso at kapag hindi tayo nakikinig at sumusunod ay matigas ang ating puso. Sa sarili mong mga salita, magbahagi ng ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ng mga taong may malambot na puso o matigas na puso (tulad nina Nephi, Laman at Lemuel [1 Nephi 2:16–19], Pablo [Mga Gawa 9:1–22] o Joseph Smith [Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20]). Habang ibinabahagi mo ang bawat halimbawa, anyayahan ang mga bata na ituro ang malambot na puso o matigas na puso.

si Moises na inoorden ang kanyang kapatid na si Aaron

Tinawag ni Moises si Aaron sa Ministeryo, ni Harry Anderson

Mga Hebreo 5:4

Ang mga priesthood holder ay tinawag ng Diyos.

Ang Mga Hebreo 5:4 ay isang mahalagang talata dahil nililinaw nito na ang mga priesthood holder—at ang iba pang mga naglilingkod sa Simbahan—ay kailangang tawagin ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mga Hebreo 5:4 sa mga bata. Hilingin sa isang priesthood holder na ipaliwanag kung ano ang priesthood at ibahagi ang kanyang karanasan sa pagtanggap ng priesthood.

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang mga parirala mula sa ikalimang saligan ng pananampalataya. Magpatotoo na ang mga taong tinawag upang gawin ang gawain ng Diyos ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Hebreo 1:2–10; 2:8–10, 17–18

Ako ay naniniwala kay Jesucristo.

Ang Sulat sa mga Hebreo ay isinulat upang palakasin ang pananampalataya ng mga Banal na Hebreo kay Jesucristo. Ganito rin ang magagawa nito para sa mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Iatas sa bawat bata ang ilang talata sa Mga Hebreo 1:2–10; 2:8–10, 17–18, at anyayahan ang mga bata na hanapin sa mga talatang iyon ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo. Hayaang ibahagi o isulat nila sa pisara ang mga nakita nila. Ano pa ang alam natin tungkol kay Jesucristo? Maaaring makakita ang mga bata ng ilang ideya sa mga awiting tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78) o “Isinugo, Kanyang anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21).

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang sarili nila na kasama ang kanilang mga magulang. Ipabahagi sa kanila kung ano ang magkapareho sa kanila ng kanilang mga magulang. Ipaliwanag na nang sabihin sa Mga Hebreo 1:3 na si Jesucristo ang “tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios,” ang ibig sabihin nito ay na si Jesus at ang Ama sa Langit ay magkapareho ng mga katangian. Magpatotoo na natututo tayo tungkol sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol kay Jesucristo at pagsunod sa Kanya.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga taong maaari nilang bahaginan ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo. Isiping anyayahan sila na magsanay sa pagbabahagi kung ano ang sasabihin nila sa mga tao tungkol kay Jesus.

Mga Hebreo 3:7–19

Para matanggap ang patnubay at mga pagpapala ng Ama sa Langit, kailangang huwag nating “papagmatigasin ang [ating] mga puso.”

Sa Mga Hebreo 3, ginamit ang kuwento ng mga Israelita sa ilang upang ituro ang kahalagahan ng hindi pagpapatigas ng ating puso. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para maituro sa mga bata ang alituntuning ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na mag-isip ng matitigas at malalambot na bagay. (Maaari kang magdala ng ilang halimbawang maipapakita sa kanila.) Sama-samang basahin ang Mga Hebreo 3:8. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng matigas na puso? Bakit nais ng Diyos na magkaroon tayo ng malambot na puso?

  • Sa sarili mong mga salita, ibahagi ang kuwento ng mga Israelita na pinatigas ang kanilang puso laban sa Panginoon sa ilang (tingnan sa Mga Bilang 14:1–12; Mga Hebreo 3:7–19). Hayaang isadula ng mga bata ang kuwento. Ano ang mangyayari kung patitigasin natin ang ating puso laban sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo?

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mateo 13:15; Mga Hebreo 3:15; Mosias 11:29; at Moises 6:27. Ipadrowing sa kanila sa pisara ang mga bahagi ng katawan na binanggit sa mga talatang ito. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng espirituwal na mahihinang tainga, bulag na mga mata, at matitigas na puso? Paano tayo makasisiguro na ang ating mga tainga, mata, at puso ay handa nang tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos?

Mga Hebreo 5:1–4

Ang mga priesthood holder ay tinawag ng Diyos.

Ang Mga Hebreo 5 ay nagbibigay ng pagkakataong talakayin kung ano ang priesthood—ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa ngalan ng Diyos—at kung paano ito natatanggap. Maaaring makatulong ito lalo na sa mga kabataang lalaki na naghahandang maorden sa priesthood.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawang Binibigyan ng Priesthood ni Moises si Aaron (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 15) habang binabasa ng isang bata ang Mga Hebreo 5:4. Maaaring makatulong na ipaliwanag na dahil si Aaron ang unang taong nagtaglay ng Aaronic priesthood, ipinangalan ito sa kanya. Tulungan ang mga bata na isipin ang mga tungkulin ng mga Aaronic Priesthood holder (tulad ng pagbibinyag, pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento, at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo).

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba’t ibang paraan na tumatanggap ng awtoridad ang mga tao. Halimbawa, paano tumatanggap ng awtoridad ang isang guro, doktor, o lider sa pulitika? Paano ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang awtoridad? Anyayahan ang mga bata na pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa nila ang Mga Hebreo 5:4 at ang ikalimang saligan ng pananampalataya.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang isang talata sa banal na kasulatan, awitin, o aktibidad na natutuhan nila sa klase ngayon sa kanilang pamilya sa isang family home evening.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maaaring madama ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo. Ang mga damdaming ito ay maaaring magpalakas sa kanilang patotoo.