“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22: ‘Ang Magtagumpay ay Magmamana ng [Lahat ng] Bagay’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 23–29. Apocalipsis 12–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Disyembre 23–29.
Apocalipsis 12–22
“Ang Magtagumpay ay Magmamana ng [Lahat ng] Bagay”
Habang binabasa mo ang Apocalipsis 12–22, hanapin ang mga pagkakatulad ng nakita ni Juan sa nakikita mo sa mundo ngayon. Humingi ng espirituwal na patnubay sa paghahanap ng mga personal na aral habang nagtutuon ka sa masimbolong pananalita ni Juan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kunwari’y may isang babaeng “nagdadalang tao; at … [nahihirapang] manganak.” Ngayon kunwari’y may “isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay” na umaaligid sa babae, na handang “lamunin ang kaniyang anak pagkapanganak niya” (Apocalipsis 12:2–4). Para maunawaan ang mga talatang ito sa Apocalipsis ni Juan, tandaan na ang mga larawang ito ay kumakatawan sa Simbahan at sa kaharian ng Diyos at sa panganib na kakaharapin nila. Para sa mga Banal na dumanas ng matinding pang-uusig noong panahon ni Juan, mukhang hindi posibleng magtagumpay laban sa kasamaan. Ang tagumpay na ito ay maaaring mahirap ding makinita sa panahong katulad ng sa atin, kung kailan ang kaaway ay “[nakikibaka] sa mga banal” at may “kapamahalaan sa bawat angkan at bayan at wika at bansa” (Apocalipsis 13:7). Ngunit ang katapusan ng Apocalipsis ni Juan ay maluwalhating nagpapakita na mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan. Babagsak ang Babilonia. Si Jesucristo ay mamumuno bilang Hari ng mga Hari. “Papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha,” at ang matatapat ay mamumuno na kasama Niya at “magmamana ng [lahat ng] bagay” (Apocalipsis 21:4, 7).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Patuloy ang Digmaan sa Langit dito sa lupa.
Marami tayong hindi alam tungkol sa Digmaan sa Langit, ngunit may malinaw bagama’t maikling paglalarawan tungkol dito sa Apocalipsis 12:7–11. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, kunwari’y bahagi ka ng premortal na labanang iyon. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano mo nadaig at ng iba pang matatapat na anak ng Diyos si Satanas? Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano mo siya madaraig sa ating panahon habang patuloy siyang “[bumabaka sa mga taong] may patotoo ni Jesus”? (talata 17).
Tingnan din sa 1 Nephi 14:12–14; ; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Miguel,” “Digmaan sa Langit.”
Sino ang anghel na nakita ni Juan na nangangaral ng ebanghelyo?
Nangyari ang isang katuparan ng propesiya sa mga talatang ito nang magpakita si Moroni kay Joseph Smith at dalhin siya nito sa mga talaang isinalin at inilathala niya bilang Aklat ni Mormon. Ang aklat na ito ay naglalaman ng “walang hanggan[g ebanghelyo]” na inuutusan tayong ipangaral ito sa “bawa’t bansa at angkan at wika at bayan” (Apocalipsis 14:6).
Inaanyayahan ako ng Panginoon na takasan ang Babilonia at ang mga kasalanan nito.
Ang Apocalipsis 17–18 ay naglalaman ng magugulong imahe na naglalarawan sa kasalanan, materyalismo, at mga pita ng Babilonia—ang simbolo ng kamunduhan at kasamaan. Isipin ang mga halimbawa ng mga kundisyong katulad sa Babilonia na umiiral ngayon sa mundo, at pagnilayan kung ano ang magagawa mo para masunod ang payo na “mangagsilabas” ng Babilonia at “huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan” (Apocalipsis 18:4).
Lahat ng anak ng Diyos ay hahatulan mula sa aklat ng buhay.
Ipagpalagay nang nag-alok ang isang awtor na sumulat ng isang aklat tungkol sa buhay mo. Anong mga detalye o karanasan ang gugustuhin mong isama? Kung alam mo na itatala rin ang mga gagawin mo sa hinaharap, paano mo babaguhin ang takbo ng buhay mo? Pag-isipan ito habang nagbabasa ka tungkol sa Araw ng Paghuhukom sa Apocalipsis 20:12–15. Ano ang inaasam mong maisulat tungkol sa iyo sa aklat ng buhay?
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng buhay.”
Kung ako ay tapat, tatanggap ako ng kaluwalhatiang selestiyal.
Kaiba sa mga paglalarawan sa Babilonia, inilalarawan sa Apocalipsis 21–22 ang kaluwalhatiang selestiyal na naghihintay sa matatapat na alagad ni Cristo. Anong mga imahe, parirala, o pangako sa mga kabanatang ito ang naghihikayat sa iyo na manatiling tapat kahit mahirap?
Ang ibig sabihin ba ng mga talatang ito ay hindi maaaring magkaroon ng anumang karagdagang banal na kasulatan maliban sa Biblia?
Binanggit ng ilang tao ang Apocalipsis 22:18–19 bilang dahilan para tanggihan ang Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw. Gayunman, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“May matinding pagkakasundo ngayon ang mga iskolar sa Biblia na ang talatang ito ay ukol lamang sa aklat ng Apocalipsis, at hindi sa buong Biblia. Kinikilala ng mga iskolar sa ating panahon ang ilang ‘aklat’ sa Bagong Tipan na halos tiyak na isinulat matapos matanggap ni Juan ang paghahayag sa Pulo ng Patmos. …
“Ngunit may mas simple pang sagot. … Ang buong Bibliang alam natin—na isang koleksyon ng mga tekstong pinagsama-sama sa iisang aklat—ay wala pa nang isinulat ang talatang iyon” (“Ang Aking mga Salita … ay Hindi Kailanman Magwawakas,” Ensign o Liahona, May 2008, 90–91).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Maaaring matuwa at makinabang ang ilang miyembro ng pamilya sa pagdodrowing ng mga larawan ng mga pangitaing nakalarawan sa Apocalipsis. Halimbawa, ang pagdodrowing ng mga larawan batay sa Apocalipsis 12 ay maaaring humantong sa mga talakayan tungkol sa Digmaan sa Langit (tingnan sa mga talata 7–11). Ang mga larawang batay sa Apocalipsis 21 ay maaaring makahikayat ng mga pag-uusap tungkol sa kahariang selestiyal. Maaari mo ring ipakita ang larawang kasama sa outline na ito at magpahanap sa mga miyembro ng pamilya ng mga talata sa Apocalipsis 19 na ipinapakita sa larawan.
Ano kaya ang kahulugan ng pariralang “salita ng kanilang patotoo”? Paano makakatulong sa atin at sa iba ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo para madaig si Satanas?
Ano ang mga naiisip ng miyembro ng inyong pamilya tungkol sa mandarayang hayop? Paano natin makikilala at maiiwasan ang mga panlilinlang na nakikita natin sa mundo ngayon?
Paano ipinauunawa sa atin ng 1 Nephi 22:26; Doktrina at mga Tipan 43:30–31 ang kahulugan ng “igagapos” si Satanas?
Ano kaya ang simbolikong kahulugan ng pagkakaroon ng pangalan ng Tagapagligtas “sa [ating] mga noo”? (Apocalipsis 22:4; tingnan din sa Apocalipsis 13:16–17).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.