Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11: ‘Sa Cordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari, Magpakailan Kailan Man’


“Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11: ‘Sa Cordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari, Magpakailan Kailan Man’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 9–15. Apocalipsis 1–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

si Cristo na nakabantay sa isang kawan ng mga tupa

Ang Mabuting Pastol, ni Del Parson

Disyembre 9–15

Apocalipsis 1–11

“Sa Cordero ay … Kaluwalhatian, at Paghahari, Magpakailan Kailan Man”

Isiping isulat ang mga tanong mo tungkol sa nabasa mo sa Apocalipsis. Pagkatapos ay maaari mong saliksikin ang mga sagot sa iyong mga tanong o talakayin ang mga ito sa isang miyembro ng pamilya o sa mga klase sa Simbahan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nahirapan ka na bang ipahayag sa iba ang nadama mo sa isang matinding espirituwal na karanasan? Maaaring hindi sapat ang pang-araw-araw na pananalita para ilarawan ang mga espirituwal na damdamin at impresyon. Ito marahil ang dahilan kaya gumamit si Juan ng detalyadong simbolismo at paglalarawan upang ilarawan ang kagila-gilalas na paghahayag sa kanya. Maaari sana niyang sabihin na lang na nakita niya si Jesucristo, ngunit para maipaunawa sa atin ang kanyang karanasan, inilarawan niya ang Tagapagligtas gamit ang mga salitang katulad nito: “Ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy,” “sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim,” at “ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Apocalipsis 1:14–16). Habang binabasa mo ang aklat ng Apocalipsis, sikaping tuklasin ang mga mensaheng gustong ipaalam at ipadama ni Juan sa iyo, kahit hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng bawat simbolo. Bakit kaya niya naikumpara ang mga kongregasyon ng Simbahan sa mga kandelero, si Satanas sa isang dragon, at si Jesucristo sa isang cordero? Sa huli, hindi mo kailangang unawain ang bawat simbolo sa Apocalipsis para maunawaan ang mahahalagang tema nito, kabilang na ang pinaka-kilalang tema: Magwawagi si Jesucristo at ang Kanyang mga alagad laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Apocalipsis

Paano magkakaroon ng katuturan sa akin ang aklat ng Apocalipsis?

Ang aklat ng Apocalipsis ay maaaring mahirap maunawaan, ngunit huwag panghinaan ng loob. Ang pangako ni Juan ay maaaring maghikayat sa iyo na patuloy na magsikap: “Mapalad sila na bumabasa, at sila na nakikinig at nakauunawa sa mga salita ng propesiyang ito, at tumutupad sa yaong mga bagay na nasusulat doon, sapagkat ang panahon ng pagparito ng Panginoon ay nalalapit na” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 1:3 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan], idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang sumusunod na mga tanong at resources ay makapagbibigay ng mga ideya habang pinag-aaralan mo ang Apocalipsis:

Maaari ding makatulong na maghanap ng mga ideya sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng iba’t ibang talata ng Apocalipsis.

Apocalipsis

Itinuturo ng pangitain ni Juan kung paano inililigtas ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak.

Kapag sinimulan mong pag-aralan ang aklat ng Apocalipsis, pag-isipan kung paano nauugnay ang mga binabasa mo sa nalalaman mo tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa pagtubos at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Maaari kang magsimula sa pagrepaso sa buod ng plano ng kaligtasan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (mga pahina 51–65). Pagkatapos, habang binabasa mo ang salaysay ni Juan tungkol sa kanyang pangitain, itanong sa sarili mo ang mga bagay na katulad nito: Anong mga katotohanan ang natututuhan ko sa Apocalipsis tungkol sa nagawa ng Ama sa Langit para tulungan akong makabalik sa Kanya? Paano nito maipapaunawa sa akin ang plano ng Diyos para sa akin?

Maaaring makatulong sa iyo na malaman na karaniwan:

  • Ang malaking bahagi ng kabanata 12 ay may kinalaman sa mga pangyayari sa premortal na buhay.

  • Ang mga kabanata 6–11, 13–14, 16–19 ay naglalarawan sa mortal na buhay at mga kaganapan sa kasaysayan ng daigdig.

  • Ang mga kabanata 2–3, 15, 20–22 ay naglalarawan sa Huling Paghuhukom at sa kaluwalhatiang naghihintay sa matatapat sa mga walang-hanggang kaharian.

Apocalipsis 2–3

Personal akong kilala ni Jesucristo at tutulungan Niya akong malampasan ang mga hamon ko sa buhay.

Inihahayag ng mga salita ng Tagapagligtas sa Apocalipsis 2–3 na naunawaan Niya ang mga tagumpay at pakikibakang natatangi sa bawat sangay ng Simbahan noong panahon ni Juan. Tiniyak Niyang muli sa mga Banal sa ilang kongregasyon na alam Niya, bukod pa sa ibang mga bagay, ang kanilang “mga gawa,” “kapighatian,” “kadukhaan,” at “pagibig” (Apocalipsis 2:2, 9, 19)—pati na ang ilang paraan na maaari pa nilang mapagbuti.

Ang mga kabanatang ito ay magpapaalala sa iyo na nauunawaan ng Tagapagligtas ang iyong mga kalakasan at kahinaan at nais kang tulungang daigin ang iyong mga hamon sa mundo. Ano ang pangako ng Panginoon sa mga nakadaraig? Anong mga bagay ang nahihikayat kang baguhin upang madaig ang iyong mga hamon?

Apocalipsis 5

Si Jesucristo lamang ang maaaring magsakatuparan ng plano ng Ama.

Kahit hindi mo naaalala, malamang na naroon ka sa mga kaganapang inilarawan ni Juan sa Apocalipsis 5. Habang binabasa mo ang mga kaganapang ito, isipin kung ano kaya ang pakiramdam nang matanto nating lahat na si Jesucristo (ang “Cordero”) ang magsasakatuparan ng plano ng Ama sa Langit (bubuklat sa aklat at magtatanggal sa pitong tatak). Bakit si Jesucristo lang ang maaaring gumawa nito? Paano mo maipapakita ang iyong pananampalataya sa Kanya bilang iyong Tagapagligtas?

Tingnan din sa Job 38:4–7.

Apocalipsis 6–11

Ang Panunumbalik ay mauuna sa pagkawasak na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Inilalarawan ng Apocalipsis 6–11 ang mga pangyayaring magaganap sa temporal na pag-iral ng daigdig (tingnan sa DT 77: 6), pati na ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan sa Apocalipsis 7). Habang binabasa mo ang mga kaganapang ipinropesiya ni Juan at inaabangang malahad ang ilan sa mga ito, ano ang nahihikayat kang gawin para mas maihanda ang sarili mo at ang inyong pamilya para sa Ikalawang Pagparito?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Apocalipsis 2–3

Kunwari’y hinilingan si Juan na magbigay ng mensahe sa inyong pamilya na kagaya ng mga ibinigay niya sa mga simbahan noong panahon niya. Ano ang sasabihin niya na nasa mabuting kalagayan? Paano mo mas mapaghuhusay ang sarili mo?

Apocalipsis 3:20

Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na kumakatok sa pintuan (tingnan ang larawang kasama sa outline na ito). Anyayahan ang inyong pamilya na basahin ang Apocalipsis 3:20 at talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Bakit kumakatok si Jesus sa halip na basta pumasok sa loob? Paano natin maaanyayahan ang Kanyang impluwensya sa ating tahanan?

Apocalipsis 7:9, 13–14

Ano ang maituturo sa atin ng mga talatang ito kung bakit tayo nagsusuot ng puti para sa mga ordenansa sa templo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng mga tanong. Ang mga tanong ay isang pahiwatig na ang mga miyembro ng pamilya ay handang matuto at magbigay ng pananaw kung paano sila tumutugon sa itinuturo sa kanila. Turuan ang inyong pamilya kung paano maghanap ng mga sagot sa mga banal na kasulatan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

si Cristo na kumakatok sa isang pintuan

Papasukin Siya, ni Greg K. Olsen