“Disyembre 16–22. Pasko: ‘Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Disyembre 16–22. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Disyembre 16–22
Pasko
“Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan”
Para sa ilan, ang Pasko ay maaaring isang nakakapagod na panahon. Isipin kung paano makapaghahatid ng kapayapaan at kasagraduhan sa buhay ang pag-aaral mo ng Bagong Tipan. Pagnilayan ang impluwensya ng pagsilang at misyon ng Tagapagligtas sa buhay mo, at itala ang anumang mga espirituwal na impresyong dumarating.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Bakit nagdudulot ng napakalaking kagalakan ang pagsilang ng isang sanggol? Marahil ay dahil ang bagong silang na sanggol ay maaaring maging simbolo ng pag-asa. May isang bagay tungkol sa bagong buhay na puno ng mga posibilidad na nag-aanyaya sa atin na pagnilayan ang kinabukasan ng batang iyon at ang magagandang bagay na isasakatuparan niya. Talagang nagkatotoo lamang ito noong isilang ang Anak ng Diyos na si Jesucristo. Hindi pa nagkaroon ng higit na pag-asa sa isang bata, at wala pang ipinanganak na may ganito kalaking potensyal.
Nang anyayahan ng isang anghel ang mga pastol na hanapin ang isang bagong silang na sanggol sa isang sabsaban, binigyan din niya sila ng mensahe tungkol sa batang iyon. Ito ay isang mensahe ng pag-asa—na ang sanggol na ito ay pumarito sa lupa upang tuparin ang isang sagradong misyon. Ipinaalam ng mga pastol ang kanilang mensahe “sa [iba] … at lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor. Datapuwa’t iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso” (Lucas 2:17–19). Marahil ay makabubuting sundan ang halimbawa ni Maria ngayong Pasko: na pagnilayan sa puso mo ang mga bagay na natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas ngayong taon. Paano Niya tinupad ang Kanyang misyon ng pagtubos sa mga salaysay na nabasa mo? At ang mas mahalaga, paano nabago ng Kanyang misyon ang buhay mo?
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20
Nagpakababa si Cristo upang maisilang sa atin sa lupa.
Kahit ilang beses ka nang nakabasa o nakarinig ng kuwento tungkol sa pagsilang ni Jesucristo, pag-aralan ito ngayon na nasasaisip ito: “Ang Pasko ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kung paano pumarito si Jesus sa mundo kundi pag-alam din kung sino Siya—ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo—at kung bakit Siya naparito” (Craig C. Christensen, “Ang Buong Kuwento ng Pasko” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 4, 2016], broadcasts.lds.org).
Alam mo ba kung sino si Jesucristo bago Siya isinilang? (tingnan, halimbawa, sa Juan 17:5; Mosias 3:5; DT 76:13–14, 20–24; Moises 4:2). Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang nadarama mo nang mabasa mo ang tungkol sa Kanyang pagsilang?
Ano ang nalalaman mo kung bakit bumaba si Jesucristo sa lupa? (tingnan, halimbawa, sa Lucas 4:16–21; Juan 3:16–17; 3 Nephi 27:13–16; DT 20:20–28). Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas? Paano nito naaapektuhan ang iyong pamumuhay?
Tingnan din sa II Mga Taga Corinto 8:9; Mga Hebreo 2:7–18; 1 Nephi 11:13–33; Alma 7:10–13.
I Mga Taga Corinto 15:21–26; Mga Taga Colosas 1:12–22; I Ni Pedro 2:21–25
Tinupad ni Jesucristo ang Kanyang misyon at ginawang posible para sa akin ang magmana ng buhay na walang-hanggan.
Bagama’t ang kuwento ng pagsilang ni Cristo ay napapalibutan ng mga himala, naging isa lamang sana itong pagsilang kung hindi sa dakilang gawaing isinagawa Niya kalaunan sa Kanyang buhay. Tulad ng pagkasabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli” (“Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” Liahona, Dis. 2000, 5).
Ang katibayan ng banal na misyon ng Tagapagligtas at ang Kanyang malaking pagmamahal sa iba ay matatagpuan sa buong Bagong Tipan. Aling mga talata o salaysay ang pumapasok sa iyong isipan? Maaari mong balikan ang resource na ito o ang iyong study journal at repasuhin ang ilan sa mga impresyong itinala mo. Maaari mo ring basahin ang I Mga Taga Corinto 15:21–26; Mga Taga Colosas 1:12–22; I Ni Pedro 2:21–25 at pagnilayan kung paano napagpala ng Tagapagligtas at ng Kanyang gawain ang buhay mo. Ano ang nadarama mo na kailangan mong baguhin sa buhay mo? Paano ka huhugot sa kapangyarihan ng Tagapagligtas?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Paano mo maipagdiriwang ang pagsilang ni Jesucristo sa inyong pamilya? Narito ang ilang ideya, o makapag-iisip ka ng sarili mong ideya:
-
Sama-samang basahin o isadula ang mga bahagi ng kuwento ng pagsilang ni Jesus.
-
Panoorin ang isang Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan (broadcasts.lds.org;).
-
Sama-samang kumanta ng mga Pamaskong himno, o pumili ng mga kapitbahay o kaibigang bibisitahin at kantahan sila (tingnan sa Mga Himno, blg. 121–31).
-
Magsagawa ng isang paglilingkod.
-
Ipahanap sa mga miyembro ng pamilya ang mga detalye sa kuwento ng pagsilang ni Jesus na nagbibigay sa kanila ng mga ideya para sa mga palamuti o dekorasyong magagawa nila upang maalala nila si Jesucristo.
I Mga Taga Corinto 15:21–26; Mga Taga Colosas 1:12–22; I Ni Pedro 2:21–25
Bakit tayo nagpapasalamat na isinilang si Jesucristo? Anong mga regalo ang ibinigay Niya sa atin? Paano natin maipapakita sa Kanya ang ating pasasalamat?
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”
Kung nais mong tulungan ang inyong pamilya na magtuon sa Tagapagligtas sa Kapaskuhan, marahil ay maaari kang gumugol ng kaunting panahon sa sama-samang pagbabasa at pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, loob ng pabalat sa harap). Siguro’y maaari kang magsaulo ng mga talata mula sa “Ang Buhay na Cristo” o maghanap ng mga paglalarawan ng buhay ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan na sumusuporta sa mga pahayag na naroon. Maaari mo ring anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na isulat ang sarili niyang patotoo tungkol kay Jesucristo, at kung ipadarama sa iyo, basahin ito sa pamilya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.