Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 11–17. Mga Hebreo 7–13: ‘Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating’


“Nobyembre 11–17. Mga Hebreo 7–13: ‘Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Nobyembre 11–17. Mga Hebreo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

binabasbasan ni Melquisedec si Abram

Binasbasan ni Melquisedec si Abram, ni Walter Rane

Nobyembre 11–17

Mga Hebreo 7–13

“Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating”

Habang binabasa mo ang Mga Hebreo 7–13, makatatanggap ka ng mga impresyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Mag-isip ng mga paraan na maitatala mo ang mga ito; halimbawa, maaari mong itala ang mga ito sa outline na ito, sa mga margin ng iyong mga banal na kasulatan, o sa Gospel Library app.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Maging ang matatapat na Banal ay dumaranas kung minsan ng “mga pagkasiphayo at … mga kahirapan” na maaaring makasira sa kanilang tiwala sa sarili (tingnan sa Mga Hebreo 10:32–38). Alam ni Pablo na ang mga Judio na naging Kristiyano noon ay dumaranas ng matinding pang-uusig dahil sa bago nilang pananampalataya. Para mahikayat silang manatiling tapat sa kanilang patotoo, ipinaalala niya sa kanila ang matagal nang tradisyon ng matatapat na nananampalataya mula sa sarili nilang kasaysayan: Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Jose, Moises—“makapal na bilang ng mga saksi” na ang mga pangako ng Diyos ay totoo at nararapat hintayin (Mga Hebreo 12:1). Kabahagi sa pamanang ito ng pananampalataya ang lahat ng tao na itinuturing “si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya” (Mga Hebreo 12:2). Dahil sa Kanya, tuwing itinutulak tayo ng paghihirap na “umurong,” sa halip ay maaari tayong “magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya” (Mga Hebreo 10:22, 38). Para sa atin, tulad sa sinaunang mga Banal, si Jesucristo ang ating “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Hebreo 7:1–22

Ang Melchizedek Priesthood ang mas mataas na priesthood.

Sa maraming siglo, ginamit ng mga Judio ang Levitical Priesthood, na tinatawag ding Aaronic Priesthood. Ngunit kasabay ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang mas dakilang Melchizedek Priesthood, na nag-alok ng mas malalaking pagpapala. Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Melchizedek Priesthood sa Mga Hebreo 7? Narito ang ilang halimbawa ng mga katotohanang maaari mong matagpuan:

Joseph Smith Translation, Hebrews 7:3, 21:Ang mga inorden sa Melchizedek Priesthood “ay ginagawang katulad ng Anak ng Diyos” at nananatiling “saserdote magpakailanman.”

Mga Hebreo 7:11:Ang Levitical Priesthood ay hindi nag-aalok ng “kasakdalan” kaya pinalitan ng Melchizedek Priesthood (tingnan sa DT 84:18–22).

Mga Hebreo 7:20–21:Ang Melchizedek Priesthood ay natatanggap sa pamamagitan ng panunumpa (tingnan sa DT 84:19–44).

Anong mga pagpapala ang natanggap mo mula sa Melchizedek Priesthood at sa mga ordenansang kaugnay nito?

Tingnan din sa Alma 13:1–13; Doktrina at mga Tipan 121:36–46; ; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Melquisedec,” scriptures.lds.org; Henry B. Eyring, “Pananampalataya at ang Sumpa at Tipan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 61–64; Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49–52.

Mga Hebreo 9:1–10:22

Itinutuon tayo ng mga sinauna at makabagong ordenansa kay Jesucristo.

Ang mga Hebreo na orihinal na mga mambabasa ng sulat na ito ay pamilyar sa sinaunang tabernakulo at mga ordenansang inilarawan ni Pablo. Ngunit hindi lubos na kinilala ng ilan na ang layunin ng mga ordenansang ito ay upang ituon tayo sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

Noong panahon ng Biblia, sa kanilang taunang pista-opisyal na tinatawag na Araw ng Pagtubos, pumapasok ang isang high priest sa pinakabanal na lugar (o Kabanal-banalang Dako) sa templo ng Jerusalem at nag-aalay ng isang kambing o tupa para ipantubos sa mga kasalanan ng Israel. Ipinaliwanag ni Pablo na si Jesucristo ay isang high priest na nag-aalok ng iisang sakripisyo—ang Kanyang sariling buhay—upang ipantubos sa mga kasalanan ng sanlibutan (tingnan sa Mga Hebreo 9:24–10:14).

Isipin ang mga ordenansang nilalahukan mo ngayon. Paano ka itinutuon ng mga ordenansang ito kay Jesucristo?

Mga Hebreo 11

Ang pananampalataya ay nangangailangan ng tiwala sa mga pangako ng Diyos.

Kung may magtatanong sa iyo kung ano ang kahulugan ng pananampalataya, ano ang sasabihin mo? Ginamit ni Sister Anne C. Pingree, dating miyembro ng Relief Society General Presidency, ang mga salita sa Mga Hebreo 11 para ibigay ang kahulugang ito: “Ang pananampalataya, ang espirituwal na kakayahang mahikayat ng mga pangakong ‘natatanaw mula sa malayo’ ngunit maaaring hindi makamit sa buhay na ito, ay isang tiyak na sukatan ng mga yaong tunay na naniniwala” (“Mga Pangakong Natatanaw mula sa Malayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 14).

Isiping bumuo ng sarili mong kahulugan ng pananampalataya habang pinagninilayan mo ang mga ideya sa Mga Hebreo 11. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga halimbawa ng mga taong binanggit sa kabanatang ito tungkol sa pananampalataya? (Tingnan din sa Eter 12:6–22.)

Tingnan din sa Alma 32:21, 26–43; Jeffrey R. Holland, “Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating,” Liahona, Ene. 2000, 36–38.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Hebreo 10:32–36

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga espirituwal na karanasan kung kailan “naliwanagan” sila sa katotohanan. Paano tayo matutulungan ng mga karanasang ito na “huwag … itakuwil ang [ating] pagkakatiwala” sa mga oras ng pagsubok o pagdududa?

Mga Hebreo 11

Paano mo matutulungang matuto ang mga miyembro ng inyong pamilya mula sa matatapat na halimbawang nabanggit sa Mga Hebreo 11? Maaaring masayang isadula ang mga kuwento ng ilan sa mga halimbawang ito. O marahil ay maaaring talakayin ng inyong pamilya ang mga halimbawa ng iba pang matatapat na taong kilala ninyo—pati na ang mga ninuno, pinuno ng Simbahan, at miyembro ng inyong komunidad.

Mga Hebreo 12:2

Sang-ayon sa talatang ito, bakit handang tiisin ni Jesus ang hirap at dusa sa krus? Ano ang itinuturo nito kung paano natin makakayanan ang ating mga pagsubok? Nagbigay ng ilang makakatulong na ideya si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa talatang ito sa kanyang mensahe na “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (Ensign o Liahona, Nob. 2016, 81–84).

Mga Hebreo 12:5–11

Bakit tayo pinarurusahan at itinatama ng Panginoon? Ano ang napapansin ng mga miyembro ng pamilya tungkol sa pagtingin ng Panginoon sa pagkastigo habang sama-sama ninyong pinag-aaralan ang mga talatang ito? Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pagbibigay o pagtanggap mo ng pagkastigo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika upang anyayahan ang Espiritu at matutuhan ang doktrina. Sabi ng Unang Panguluhan, “Ang musika ay may walang hanggang kakayahan para himukin [tayo] tungo sa higit na espirituwalidad” (“Paunang Salita ng Unang Panguluhan,” Mga Himno, x). Marahil ay makakatulong ang isang kanta tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Tapat sa Pananampalataya” (Mga Himno, blg. 156), sa talakayan ng pamilya mula sa Mga Hebreo 11.

modelo ng sinaunang Jerusalem

Ang mga simbolo ng sinaunang templo at ang mga ordenansa nito ay nagturo tungkol sa tungkuling ginagampanan ni Jesucristo.