Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ‘ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan’’


“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ‘ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Nobyembre 4–10. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

nakatayo si Cristo kasama ang isang batang babae at isang lalaki

Balsamo sa Galaad, ni Annie Henrie

Nobyembre 4–10.

Mga Hebreo 1–6

Si Jesucristo, “ang Gumawa ng Walang Hanggang Kaligtasan”

Sa pagtatala ng mga espirituwal na impresyon, mauunawaan mo ang gustong ituro sa iyo ng Espiritu Santo. Ang pagkilos ayon sa iyong mga impresyon ay nagpapakita ng iyong pananampalataya na ang mga pahiwatig na iyon ay totoo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Tayong lahat ay may kailangang talikuran para matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo—ito ma’y mga masamang gawi, maling paniniwala, di-mabuting kaibigan, o iba pa. Para sa mga Gentil, ang pagbabalik-loob kadalasan ay nangahulugan ng pagtalikod sa mga diyus-diyusan. Gayunman, para sa mga Hebreo (mga Judio), ang pagbabalik-loob ay napatunayan, kung hindi man mas mahirap, na medyo mas kumplikado. Tutal, nakabatay ang kanilang itinatanging mga paniniwala at tradisyon sa pagsamba sa tunay na Diyos at mga turo ng Kanyang mga propeta, libu-libong taon na ang nakararaan. Subalit itinuro ng mga Apostol na ang batas ni Moises ay natupad kay Jesucristo at na mas mataas na batas na ngayon ang pamantayan para sa mga sumasampalataya. Ang pagtanggap ba sa Kristiyanismo ay nangangahulugan na kailangang talikuran ng mga Hebreo ang dati nilang mga paniniwala at kasaysayan? Hinangad ng Sulat sa mga Hebreo na tumulong na sagutin ang gayong mga tanong sa pamamagitan ng pagtuturo na ang batas ni Moises, ang mga propeta, at ang mga ordenansa ay pawang mahalaga, ngunit si Jesucristo ay mas mahalaga (tingnan sa Mga Hebreo 1:1–4; 3:1–6; 7:23–28). Katunayan, lahat ng bagay na ito ay nakaturo at nagpapatotoo kay Cristo bilang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas na matagal nang hinihintay ng mga Judio. Ang mensahe sa mga Hebreo, at sa ating lahat, ay na kung minsa’y kailangan nating talikuran ang mga tradisyon para si Jesucristo ang maging sentro ng ating pagsamba at ating buhay—sapagkat sa pamamagitan ni Cristo tayo maaaring “magsipagtamo ng awa” (Mga Hebreo 4:16).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Hebreo

Sino ang gumawa ng Sulat sa mga Hebreo?

Nag-alinlangan ang ilang iskolar kung si Pablo nga ang gumawa ng Sulat sa mga Hebreo. Ang husay ng estilo ng Mga Hebreo ay medyo naiiba sa ibang mga sulat ni Pablo, at ang mga naunang bersyon ng teksto ay walang pinangalanang awtor. Gayunman, dahil kapareho ng iba pang mga turo ni Pablo ang mga ideyang nakasaad sa Mga Hebreo, tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw, ayon sa tradisyon ng mga Kristiyano, na kasali si Pablo sa paggawa ng sulat na ito.

Mga Hebreo 1–5

Si Jesucristo ang “tunay na larawan” ng Ama sa Langit.

Maraming Judio ang nahirapang tanggapin si Jesucristo bilang Anak ng Diyos. Itinuturo ng Sulat sa mga Hebreo na lahat ng tungkol kay Jesus ay nagpapatotoo at halimbawa ng Kanyang Ama. Habang binabasa mo ang unang limang kabanata ng Mga Hebreo, maaari mong ilista ang mga titulo, tungkulin, katangian, at gawa ni Jesucristo na makikita mong binanggit. Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit?

Ano ang idinaragdag ng sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa pagkaunawa mo sa mga turo sa mga kabanatang ito? “Pumarito si Jesus … upang baguhin ang pananaw ng tao sa Diyos, at isamo sa kanila na mahalin ang kanilang Ama sa Langit tulad ng walang humpay na pag-ibig Niya sa kanila. … Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 72).

Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8

Dumanas ng tukso at mga sakit si Jesucristo para maunawaan at matulungan Niya ako.

Nadarama mo ba na kaya mong “[lumapit na] may pagtitiwala sa luklukan ng biyaya” at humingi ng awa? (Mga Hebreo 4:16). Ang isang mensahe ng Sulat sa mga Hebreo ay na sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, madaling lapitan ang Diyos at kayang kamtin ang Kanyang biyaya. Ano ang nakikita mo sa Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8 na nagpapalakas sa iyong tiwala na tutulungan ka ni Jesucristo sa mga hamon mo sa buhay? Isiping itala sa journal ang mga naiisip at nadarama mo kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo.

Tingnan din sa Mosias 3:7–11; Alma 7:11–1334.

Mga Hebreo 3:7–4:11

Para matanggap ang mga pagpapala ng Diyos, kailangan ay “huwag [kong] papagmatigasin” ang puso ko.

Kahit nagbalik-loob na sila na Kristiyanismo, nahirapan ang ilan sa mga Banal na Judio na lubos na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga pagpapala nito. Sa muling pagkukuwento tungkol sa mga sinaunang Israelita, inasam ni Pablo na mahikayat ang mga Judio na iwasan ang pagkakamaling ginawa ng kanilang mga ninuno—hindi nila tinanggap ang mga pagpapala ng Diyos dahil ayaw nilang maniwala. (Maaari mong basahin ang kuwento ni Pablo sa Mga Bilang 14:1–12, 26–35.)

Isipin kung paano maaaring umangkop sa iyo ang Mga Hebreo 3:7–4:11. Para magawa ito, maaari mong pagnilayan ang mga tanong na kagaya nito:

  • Paano ginalit ng mga Israelita ang Panginoon? (tingnan sa Mga Hebreo 3:8–11). Ano ang mga ibubunga ng pagkakaroon ng matigas na puso?

  • Kailan ko hinayaang maging matigas ang puso ko? May mga pagpapala bang gustong ibigay sa akin ang Diyos na hindi ko natatanggap dahil sa kawalan ng pananampalataya?

  • Ano ang magagawa ko para magkaroon ng malambot at nagsisising puso? (tingnan sa Eter 4:15; Mga Kawikaan 3:5–6; Alma 5:14–15).

Tingnan din sa 1 Nephi 2:16; 15:6–11; Jacob 1:7–8; Alma 12:33–36.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Hebreo 1:8–9

Sa anong mga paraan naipakita ni Jesus na mahal Niya ang katuwiran at kinamumuhian ang kasamaan? Kung hindi matwid ang ating mga hangarin, ano ang magagawa natin para baguhin ang mga ito?

Mga Hebreo 2:1–4

May maiisip ka bang object lesson para maipaunawa sa inyong pamilya ang kahulugan ng kumapit nang mahigpit sa mga katotohanan ng ebanghelyo “na narinig [natin]”? Maaari mong ilarawan ito sa isang bagay na mahirap hawakan. Paano natutulad sa paghuli at paghawak sa bagay na ito ang ating mga pagsisikap na panatilihin ang ating patotoo? Paano natin matitiyak na “ang mga bagay na narinig [natin]” ay hindi “maka[hulagpos]” sa atin? (talata 1).

Mga Hebreo 2:9–10

Para masiyasat ang pariralang “[kapitan] ng kaligtasan nila,” maaari kang magsimula sa pagtalakay kung ano ang isang kapitan. Ano ang ginagawa ng isang kapitan? Paano natutulad si Jesucristo sa isang kapitan para sa atin at sa ating kaligtasan?

Mga Hebreo 5:1–5

Ang mga talatang ito ay makakatulong sa iyo na talakayin ang kahulugan ng matawag ng Diyos na magtaglay ng priesthood o gampanan ang iba pang mga calling sa Simbahan sa pamamagitan ng isang taong may awtoridad. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesucristo tungkol sa pagtanggap at pagganap sa mga tungkulin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Subukan ang iba’t ibang pamamaraan. Sa halip na palaging pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa iisang paraan, isiping gumamit ng iba’t ibang ideya sa pag-aaral. Para sa ilang ideya, tingnan sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa simula ng resource na ito.

nagpakita si Cristo sa mga Nephita

Dumalaw si Cristo sa Amerika, ni Walter Rane