Library
Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo


“Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

Si Cristo na Inoordena ang Labindalawang Apostol

Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo

Ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon

Pagkatapos ng Kanyang binyag, sinimulan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo sa pagtuturo sa mga tao kung paano mamuhay ayon sa plano ng Ama sa Langit. Itinuro ni Jesus na may dalawang dakilang utos: una, ibigin natin ang Diyos nang ating buong puso, pag-iisip, lakas; at, pangalawa, ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 22:36-40). Ang Kanyang mensahe ay anyayahan ang kalalakihan at kababaihan na lumapit sa Kanya, maniwala at ipamuhay ang mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo, at maligtas.

Si Jesus ay tumawag ng mga Apostol at binigyan sila ng awtoridad na kumatawan sa Kanya at tumulong sa Kanyang gawain. Inorganisa Niya ang Kanyang Simbahan at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa Mateo 9:13; 16:15–19; 17:19–20; Juan 3:5).

Sa paglipas ng panahon matapos ang pagkamatay ng mga Apostol ng Panginoon, maraming mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ang binago o nawala, pati na rin ang orihinal na organisasyon at awtoridad ng Simbahan ni Cristo (tingnan sa Mga Gawa 20:29–30). Ngunit bilang pagtupad sa propesiya, ipinanumbalik, o muling itinatag, ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang Simbahan at ang kabuuan ng ebanghelyo. Ang Pagpapanumbalik na ito ay nagsimula noong 1820 sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nagpapatuloy ito sa panahong ito sa pamamagitan ng banal na paghahayag na ibinigay sa mga makabagong propeta.

Ano ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo?

Ang “Pagpapanumbalik ng ebanghelyo” ay tumutukoy sa pagpapanumbalik ni Jesucristo ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo, awtoridad ng priesthood, at organisasyon ng Kanyang Simbahan sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at kalaunan ng mga propeta. Ang Pagpapanumbalik ay mailalarawan sa pamamagitan ng pagkakasunud-sunod ng mga banal na paghahayag, simula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith at nagpapatuloy sa pamamagitan ng mga makabagong propeta hanggang sa panahong ito.

Overview ng paksa: Pagpapanumbalik ng Simbahan

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Joseph Smith, Mga Propeta, Unang Pangitain, Pagpapanumbalik ng Priesthood, Aklat ni Mormon, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Bahagi 1

Ang Mundo ay Inihanda para sa Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo

Unang Pangitain

Matapos mamatay ang mga Apostol ni Cristo, maraming mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ang hindi naunawaan ng tama, nawala, o binago. Kung wala ang mga buhay na propeta at ang orihinal na awtoridad na ibinigay ni Jesucristo, hindi na magkakaroon ng totoong Simbahan ni Jesucristo. Sa panahong ito, na kung minsan ay tinatawag na Malawakang Apostasiya, maraming tao ang naghangad ng totoong pag-unawa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Maraming pangyayari ang nakatulong na maihanda ang mundo para sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan. Halimbawa, maraming isinakripisyo ang pangunahing mga indibiduwal, pati na ang kanilang buhay, upang isalin ang Biblia sa Ingles at simulan ang pamamahagi nito sa iba. Dahil sa pagkakaroon ng mga banal na kasulatan, naging mas madali sa mga tao na malaman pa ang tungkol kay Jesucristo. Ang mga repormador ay nagsalita laban sa mga pagkakaibang nakita nila sa simbahan sa itinuro ng mga banal na kasulatan. Maraming tao mula sa Europa ang naghangad ng kalayaang panrelihiyon sa pamamagitan ng pandarayuhan sa Hilagang Amerika. Maraming tao ang naghanap ng mas malinaw na pagkaunawa tungkol kay Jesucristo at kung paano magkaroon ng kapayapaan sa buhay na ito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Maraming mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ang nawala matapos mamatay ang Kanyang mga Apostol. Ang panahong ito ng pagtalikod sa totoong ebanghelyo ay tinatawag kung minsan na Malawakang Apostasiya. Basahin ang Isaias 24:4–5; Mateo 24:9–12; Juan 16:1–3; 2 Tesalonica 2:1–4; at 1 Nephi 13:26–29. Ano ang sinasabi ng mga talatang ito na mangyayari matapos mawala si Cristo at ang Kanyang mga Apostol? Paano nakaimpluwensya sa iyong buhay ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Basahin ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa kanyang Unang Pangitain na matatagpuan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20. Ano ang nalaman ni Joseph Smith tungkol sa kalagayan ng relihiyon sa kanyang lugar? Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Anyayahan ang mga kagrupo na ilarawan kung ano ang pakiramdam ng nagugutom. Paano nakakaapekto ang gutom sa ating ginagawa? sa ating mga prayoridad? sa ating mga hangarin? Pagkatapos ng talakayang ito, magkakasamang basahin ang Amos 8:11–12. Sa inyong palagay, bakit pinili ng propetang si Amos ang matalinghagang paglalarawang ito upang ilarawan ang mundo sa panahon ng Malawakang Apostasiya? Paano natutulad ang pagkawala ng katotohanan ng ebanghelyo sa “taggutom sa lupain”? Paano maaapektuhan ang ating buhay kung nagugutom tayo sa mga espirituwal na katotohanan sa paraang tulad ng nagugutom tayo sa pagkain?

  • Sa kanyang mensaheng “Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: ‘Ang aking Kamay ang Gagabay sa Iyo’,”1 inilahad ni Elder Robert D. Hales ang ilang partikular na pangyayari sa kasaysayan ng mundo na tumulong na maihanda ang mundo para sa Pagpapanumbalik. Pakinggan o magkakasamang basahin ang mensaheng ito, at pagkatapos ay anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang natutuhan nila. Paano nakita ang kapangyarihan ng Panginoon sa mga pangyayaring humantong sa Pagpapanumbalik?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ang Nagbukas sa Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon

Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay naghatid ng bagong liwanag sa mundo. Nagsimula ito noong tagsibol ng 1820, nang manalangin ang batang si Joseph Smith sa isang kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York. Nag-alala siya tungkol sa kanyang espirituwal na katayuan sa Diyos at nais niyang malaman kung aling simbahan ang tama. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo.

Sa paglipas ng panahon, nagsimulang ipanumbalik ng Diyos ang katotohanan ng ebanghelyo kay Joseph Smith. Ang pagbuhos na ito ng katotohanan ay naghatid ng mga banal na kasulatan, awtoridad ng priesthood, organisasyon ng Simbahan, doktrina, at mahahalagang ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Ang prosesong ito ng muling pagkakaloob ng ebanghelyo sa mundo ay naghatid sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na “dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (Efeso 1:10; Doktrina at mga Tipan 112:30). Ang dispensasyon ay isang panahon na narito sa lupa ang propeta at ebanghelyo ng Panginoon. Sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo, ang mundo ay inihahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nabubuhay tayo sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon—isang panahong hindi katulad ng iba pa. Alam natin na hindi magwawakas ang dispensasyong ito sa apostasiya, ngunit hindi ibig sabihin niyan na hindi tayo makararanas ng malalaking hamon. Pag-aralan ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ito, ang Pinakadakila sa Lahat ng Dispensasyon.”2 Anong mga hamon ang tinukoy ni Elder Holland sa mensaheng ito? Ano ang natutuhan mo sa kanyang mensahe tungkol sa pipiliin mong gawin kapag nararanasan mo ang mga hamong ito?

  • Ang kapana-panabik na bahagi ng pamumuhay sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay ang pagiging bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Basahin ang Mga Gawa 3:19–21; Efeso 1:3, 10; Doktrina at mga Tipan 27:13; 112:30; 128:18. Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari sa dispensasyong ito? Paano ka makapag-aambag sa dakilang gawaing ito?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang paghahangad at paniniwala sa patuloy na paghahayag ay maaaring magkaroon ng mahalagang epekto sa inyong buhay. Sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol: “Dalawang daang taon na ngayon ang nakalipas mula nitong Pagpapanumbalik na pinasimulan ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo. … Malugod naming ipinapahayag na ang ipinangakong Pagpapanumbalik ay sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag.”3 Hilingin sa mga kagrupo na magbahagi ng mga makabagong paghahayag o inspiradong turo na nakaimpluwensya nang malaki sa kanila. Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga karanasan ng inyong mga kagrupo tungkol sa makabagong paghahayag?

  • Ang konsepto ng mga dispensasyon ay maaaring mahirap maunawaan. Panoorin nang magkakasama ang video na “Mga Dispensasyon: Ang Pattern ng Apostasiya at Pagpapanumbalik” (6:52), tumigil kung kinakailangan para magtanong sa isa’t isa at maghanap ng mga sagot. Paano pinalalakas ng pagkaunawa ninyo tungkol sa huwaran ng mga dispensasyon ang inyong patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik sa ating panahon? Ano ang nadarama ninyo tungkol sa pamumuhay sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Pagpapanumbalik ay Nagpapatuloy sa Pamamagitan ng mga Makabagong Propeta at Apostol

Ngayon, mahigit 200 taon matapos magpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith, nagpapatuloy ang Pagpapanumbalik. Ang mga buhay na propeta at apostol ay humihingi at tumatanggap ng paghahayag na gagabay sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inihahanda ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at Kanyang mga tao para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na Pagpapanumbalik at sa inspiradong pamumuno ng mga tagapaglingkod ng Panginoon (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Noong 2018, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Saksi tayo sa isang proseso ng panunumbalik. Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari. … Maghintay kayo hanggang sa isang taon. At pagkatapos ay sa susunod na taon. Uminom kayo ng mga bitamina. Matulog kayo nang sapat. Magiging kapana-panabik ang hinaharap ng Simbahan.”4

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa kanyang mensahe noong 2014 na “Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?5 si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, ay nagmungkahi ng tatlong tukso na makahahadlang sa atin na aktibong makibahagi sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Pag-aralan ang mensaheng ito, na binibigyang-pansin ang mga batong kinatitisuran na sinabi niya na makahahadlang sa atin na maabot ang ating potensyal. Alin sa mga ito ang mapagsisikapan mong madaig? Gumawa ng plano para gawin ito.

  • Ang ilang tao na nakasaksi sa marami sa mga pangyayari sa Pagpapanumbalik ay nabigyang-inspirasyon na isulat ang tungkol sa mga ito. Pumili ng isang himno mula sa pahina ng mga paksa tungkol sa “Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo” sa Mga Himno, at basahin ang mga titik nito. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga titik ng himno tungkol sa kahalagahan ng Pagpapanumbalik? Ano ang nadama mo sa pagbabasa ng mga titik na ito? Ano ang nahihikayat kang gawin?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa isang mensahe noong 2020 na pinamagatang “Katuparan ng Propesiya,”6 itinala ni Elder Ronald A. Rasband ang ilang sinauna at makabagong propesiya na natupad na bilang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Magkakasamang pag-aralan ang mensaheng ito, at pagkatapos ay anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi kung alin sa mga propesiyang natupad ang pinakamakabuluhan sa kanila. Paano nabago ng aktibidad na ito ang inyong pananaw tungkol sa Pagpapanumbalik? Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo ang kahalagahan ng pamumuhay sa matagal nang inaasam na panahong ito?

  • Sa artikulong “Ang Patuloy na Panunumbalik,”7 itinala ni Elder LeGrand R. Curtis Jr., Church Historian and Recorder, ang tatlong paraan na makababahagi tayo sa patuloy na Pagpapanumbalik:

    • Gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan

    • Gampanan ang mga calling at assignment na tinanggap natin

    • Tumulong sa pagtitipon ng Israel

    Bilang grupo, basahin ang itinuro ni Elder Curtis tungkol sa bawat isa sa mga kontribusyong ito sa gawain. Alin sa mga ito ang nais ninyong gawin sa pagkakataong ito? Paano ninyo ito gagawin? Ibahagi ang inyong mga ideya sa grupo, at tukuyin ang mga paraan na matutulungan ninyo ang isa’t isa na maabot ang inyong mga mithiin.

Alamin ang iba pa

Iba pang mga Sanggunian tungkol sa Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo