Library
Pagpapanumbalik ng Priesthood


“Pagpapanumbalik ng Priesthood,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

pagbabasbas ng sakramento

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pagpapanumbalik ng Priesthood

Ang Diyos ay nagbigay ng awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan

Isipin kung paano maiiba ang buhay mo kung hindi ipinanumbalik ng Diyos ang awtoridad ng priesthood para gumawa ng mga tipan, ordenansa, at marami pang ibang banal na kaloob na matatamo mo at ng mga mahal mo sa buhay. Ang isang mahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang mensahe na dahil mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak, ipinagkaloob Niya ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood sa Kanyang mga tagapaglingkod sa Simbahan. Kabilang sa priesthood ang awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo at isakatuparan ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Milyun-milyon ngayon ang napagpapala sa pamamagitan ng mga sagradong tipan, ordenansa, at iba pang mga pagpapalang ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood ng Diyos.

Pinagpala ng priesthood ng Diyos ang Kanyang mga anak sa buong kasaysayan ng mundo. Kasunod ng pagkamatay ng mga Apostol ni Cristo sa panahon ng Bagong Tipan, nawala ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos. Kalaunan, noong dekada ng 1800, dumating ang mga sugo ng langit at ipinagkaloob ang awtoridad ng priesthood at mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ang pagpapanumbalik na ito ng kapangyarihan ng Diyos ay mahalagang bahagi ng kabuuang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan. Ang awtoridad at mga susi ng priesthood ay mananatili sa Simbahan ngayon.

Ano ang Pagpapanumbalik ng Priesthood?

Ang priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos. Ang banal na awtoridad na ito ay nagtutulot sa mga anak ng Diyos na tumanggap ng mga ordenansa at tipan na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Ang priesthood na iyon ay nawala matapos ang pagkamatay ng mga Apostol ng Panginoon noong panahon ng Bagong Tipan. Noong mga unang taon ng 1800, ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang Priesthood sa mundo sa pamamagitan ng pagkakaloob nito kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Buod ng Paksa: Pagpapanumbalik ng Priesthood

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo, Joseph Smith, Aaronic Priesthood, Melchizedek Priesthood, Mga Susi ng Priesthood, Basbas ng Priesthood, Mga Tipan at mga Ordenansa

Bahagi 1

Ibinabahagi ng Diyos ang Kanyang Kapangyarihan ng Priesthood para Pagpalain ang Kanyang mga Anak

mga taong naglalakad papunta sa templo

Binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ng priesthood ang Kanyang mga tagapaglingkod mula pa sa simula (tingnan sa Moises 6:7). Ang mga sinaunang patriyarka na sina Adan, Noe, Abraham, Moises, at di-mabilang na iba pa ay mayhawak ng priesthood para pagpalain ang mga anak ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, pinahintulutan ng Diyos ang Kanyang mga tao na ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo at magsagawa ng mga sagradong ordenansa bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Sa tuwing tumatawag ang Diyos ng mga propeta, pinapatnubayan Niya sila sa pamamagitan ng banal na paghahayag at binibigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood.

Ngayon, bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may pribilehiyong tumanggap ng mga pagpapalang nauugnay sa priesthood ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, makatatanggap tayo ng binyag, kumpirmasyon at ng kaloob na Espiritu Santo, mga ordenansa sa templo, at marami pang iba. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:20), inihahanda tayo na maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan na nauugnay sa mga ordenansa ng priesthood ay lumilikha ng mahalagang espirituwal na kaugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang pagtupad sa mga tipan na ginagawa sa mga bautismuhan at templo ay nagbibigay … sa atin ng kapangyarihang tiisin ang mga pagsubok at pighati sa mortalidad. Ang doktrinang nauugnay sa mga tipang ito ay nagpapadali sa ating daan at nagbibigay ng pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.”1 Ano ang gagawin mo para magawa at matupad mo ang mga tipan na matatamo mo sa pamamagitan ng priesthood? Paano mo masusuportahan ang iba at matutulungan sila na makipagtipan sa Diyos?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ipabasa sa mga kagrupo mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

    “Dahil naipanumbalik na ang Melchizedek Priesthood, ang kababaihan at kalalakihan na tumutupad ng tipan ay maaaring mapagkalooban ng ‘lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan’ [Doktrina at mga Tipan 107:18] o, masasabi nating, ng lahat ng mga espirituwal na kayamanan na inilalaan ng Panginoon sa Kanyang mga anak.

    “Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon.”2

    Ano ang ilan sa “mga espirituwal na kayamanan” o mga pagpapalang natanggap ninyo sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa at paggawa at pagtupad ng mga tipan?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ipinanumbalik ng Nabuhay na Mag-uling si Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Ipinagkakaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Ang Panginoon ay naghanda ng maayos na paraan ng pamamahagi ng awtoridad ng Kanyang priesthood. Hindi maaaring kunin ng mga tao ang awtoridad na ito para sa kanilang sarili (tingnan sa Mga Hebreo 5:4). Tanging ang mga maytaglay ng priesthood lamang ang maaaring mag-orden sa iba, at magagawa lang nila ito kapag binigyan sila ng awtoridad ng mga mayhawak ng susi para sa ordenasyong iyon (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, nakabasa sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng mga talata tungkol sa binyag. May mga tanong sina Joseph at Oliver tungkol dito (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68) at nagpasiyang magtanong sa Panginoon. Nagtungo sila sa kakahuyan upang manalangin, at bilang sagot sa kanilang panalangin, nagpakita sa kanila si Juan Bautista at ipinagkaloob sa kanila ang awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13). Iniutos niya sa kanila na binyagan ang isa’t isa at iorden ang isa’t isa sa priesthood (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–72).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang batang si Joseph Smith ay may mga tanong tungkol sa mga turo ng relihiyon noong kanyang panahon. Upang makahingi ng patnubay, nanalangin siya sa Diyos at dinalaw siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–20. Paano makatutulong sa iyo ang scripture passage na ito na mas maunawaan kung bakit kailangan ang pagpapanumbalik ng priesthood?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Kasama ang iyong mga kagrupo, panoorin ang video na “Restoration of the Priesthood (2:00), at pakinggan ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay dahil sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood. Paano natin mas lubos na matatamo ang mga pagpapala ng Aaronic Priesthood sa ating buhay?

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Melchizedek Priesthood ay Ipinanumbalik kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng mga Sugo ng Langit na sina Pedro, Santiago, at Juan

Ipinagkakaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek priesthood kay Joseph Smith

Sa loob ng isang buwan ng pagbisita ni Juan Bautista, mas maraming sugo mula sa langit ang dumating kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Sa pagkakataong ito, ipinagkaloob ng mga Apostol ng Bagong Tipan na sina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph at Oliver ang Melchizedek Priesthood at ang mga susi ng kaharian ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13; 128:20). Bagama’t ang Aaronic Priesthood ay nagbigay kina Joseph at Oliver ng awtoridad na magbinyag, ang Melchizedek Priesthood ay nagbigay sa kanila ng awtoridad na mamuno sa Simbahan at mangasiwa sa lahat ng ordenansang kailangan upang matanggap ang kaligtasan at kadakilaan.

Kalaunan, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay binigyan ng karagdagang mga susi ng priesthood, o awtoridad na pangasiwaan at pamahalaan ang ilang bahagi ng Simbahan at ang misyon nito. Sa Kirtland Temple, ipinagkaloob ng iba pang mga sugo ng langit—sina Moises, Elias, at Elijah—ang mga susi ng pagtitipon ng Israel, ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham (na kinapapalooban ng pagpapanumbalik ng tipang Abraham), at ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Matutunton ng bawat mayhawak ng priesthood ang kanyang awtoridad pabalik sa sagradong kaganapan ng pagpapanumbalik ng priesthood. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland: “Tayo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ay matutunton ang linya ng awtoridad ng priesthood na gamit ng pinakabagong deacon sa ward, ng bishop na nangungulo sa kanya, at ng propeta na nangungulo sa ating lahat. Ang linya ay matutunton pabalik sa tuluy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos mismo, dala ang di matatawarang kaloob na ito mula sa langit.”3 Ang priesthood line of authority ng isang lalaki ay maaaring hilingin mula sa headquarters ng Simbahan.

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Paano ninyo nadama na nagbago ang inyong buhay matapos matanggap ang ordenansa ng priesthood? Habang pinag-iisipan ninyo ng mga kagrupo mo ang tanong na ito, basahin ang pahayag na ito mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:74: “Ngayong naliwanagan na ang aming mga isipan, nagsimulang mabuksan sa aming mga pang-unawa ang mga banal na kasulatan, at ang tunay na kahulugan at layunin ng higit na mahiwaga nilang mga sipi ay inihayag sa amin sa isang pamamaraan na hindi namin kailanman naabot noong una, ni hindi namin naisip ito noon.”

Alamin ang iba pa

Iba pang Resources tungkol sa Pagpapanumbalik ng Priesthood