Library
Unang Pangitain


“Unang Pangitain,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

unang pangitain

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Unang Pangitain

Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo

Ang mga banal na kasulatan ay nagbabahagi ng maraming salaysay tungkol sa mga propeta na nakipag-ugnayan sa Diyos (tingnan sa Amos 3:7). Itinuturo ng Biblia na ang Diyos ay nakipag-usap kay Moises “nang [harapan]” (Exodo 33:11). Ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay nakipag-usap din o personal na dinalaw ni Jesucristo at tumanggap ng patnubay mula sa Kanya para sa kanilang panahon (tingnan, halimbawa, sa 3 Nephi 11).

Matapos ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus at ang pagkamatay ng Kanyang mga Apostol, ang Simbahan ni Cristo ay minali sa pamamagitan ng mga pagbabagong ginawa sa Kanyang doktrina at mga ordenansa. Sa loob ng maraming siglo ang mundo ay nasa espirituwal na kadiliman sa pagkawala ng Simbahan ni Cristo. Noong tagsibol ng 1820, ang batang si Joseph Smith ay nag-alala sa kapakanan ng kanyang kaluluwa at naghangad na malaman kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Nagpunta siya sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at nanalangin upang humingi ng patnubay sa Diyos. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita kay Joseph ang Diyos Ama at si Jesucristo. Tulad ni Moises, nakipag-usap si Joseph sa Diyos nang harapan. Ang pangyayaring ito, na kilala bilang Unang Pangitain, ang simula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:7–20).

Ano ang Unang Pangitain?

Noong tagsibol ng 1820, isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith ang nanalangin sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan sa estado ng New York, USA. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo. Kasunod ng paghahayag na ito, tinawag si Joseph Smith na maging propeta ng Panginoon, at nagsimula ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Buod ng Paksa: Unang Pangitain

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Propeta, Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo, Personal na Paghahayag

Bahagi 1

Matututuhan Mo para sa Iyong Sarili na Talagang Nangyari ang Unang Pangitain

si Joseph Smith sa kakahuyan

Ang katotohanan ng pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa batang si Joseph Smith ay mahalagang aspeto ng Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo. Pinagtibay ng Unang Pangitain ang katotohanan na bukas ang kalangitan at muling nangungusap ang Diyos sa tao.

Maaari nating pag-aralan ang Mga salaysay ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Maaari din nating itanong sa Diyos kung talagang nangyari ang Unang Pangitain (Moroni 10:4–6). Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, ituturo sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng Unang Pangitain (tingnan sa Alma 5:45–46).”

Mga bagay na pag-iisipan

  • Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang buong lakas natin ay nakabatay sa katotohanan ng pangitaing iyon. Maaaring naganap ito o hindi. Kung hindi ito naganap, ang gawaing ito ay huwad. Kung ito ay naganap, kung gayon ito ang pinakamahalaga at kahanga-hangang gawain sa ilalim ng kalangitan.”1 Paano nakaapekto sa iyong buhay ang katotohanan ng Unang Pangitain? Kung hindi ka pa nakatatanggap ng patotoo tungkol sa pagiging totoo nito, paano mo pagsisikapang magkaroon nito?

  • Habang pinag-aaralan mo ang tungkol sa Unang Pangitain, maaaring makatulong na basahin ang iba’t ibang salaysay ni Joseph Smith sa pangyayaring iyon. Matatagpuan ang mga ito sa “Accounts of Joseph Smith’s First Vision” sa Joseph Smith Papers website. Sa iyong palagay, bakit pinili ni Joseph Smith na bigyang-diin ang iba-ibang detalye sa ilang salaysay? Ano ang mga bagong nalaman mo tungkol sa Unang Pangitain sa pag-aaral ng iba’t ibang salaysay?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Panoorin nang magkakasama ang video na “Humingi sa Dios: Unang Pangitain ni Joseph Smith” (6:35). Sabihin sa mga kagrupo na ang video na ito ay ginawa gamit ang mga detalye mula sa bawat isa sa mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa pangitain. Ano ang nadama ninyo habang pinanonood ninyo ang paglalarawang ito? Ano ang natutuhan ninyo na hindi pa ninyo naisip noon? Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang kanilang mga impresyon at ideya.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Pag-unawa sa Unang Pangitain ay Magpapalakas sa Iyong Patotoo tungkol sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo

lalaking nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Bukod pa sa mahalagang papel na ginampanan ng Unang Pangitain sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, matututuhan din natin ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng pangitain ni Joseph Smith. Ang likas na katangian ng Diyos, ang pangangailangan sa pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo, ang layunin ng ebanghelyo, at iba pang mahahalagang katotohanan ay inihayag na lahat noong panahong iyon.

Ang pagpapakita ng Diyos Ama at ni Jesucristo ay naglilinaw sa mga katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos na nawala sa paglipas ng mga siglo. Ang isa sa pinakamahalaga sa mga ito ay na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay dalawang magkahiwalay na nilalang na may mga katawang kamukha ng sa atin (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 130:1, 22). Sinagot ni Jesucristo ang mga tanong ni Joseph Smith tungkol sa mga relihiyon noong panahong iyon at sinabi kay Joseph na ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay wala sa mundo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19–20). At sa dalawang simpleng salita, itinuro ng Diyos Ama kay Joseph ang isang mahalagang kasanayan para sa sinumang naghahanap ng katotohanan: Itinuro Niya si Jesucristo at iniutos, “Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang mensahe ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “Ang Mga Bunga ng Unang Pangitain,”2 na binibigyang-pansin ang “mga bunga” na tinalakay niya at kung paano nauugnay ang mga ito sa iyong buhay. Paano nakaimpluwensya sa iyo ang Unang Pangitain? Ano ang ibig sabihin nito sa iyo? Maaari mong isulat ang mga maiisip mo sa iyong study journal.

  • Basahin ang “Ginantimpalaang Matapat na Paghahanap,”3 ni Elder Patricio M. Giuffra. Sa mensaheng ito sa pangkalahatang kumperensya, inilista ni Elder Giuffra ang limang mahahalagang katotohanan na natutuhan niya sa lesson ng missionary kung saan una niyang narinig ang kuwento tungkol sa Unang Pangitain. Alin sa mga katotohanang ito ang may personal na kahalagahan sa iyo? Paano napalakas ng mga katotohanang ito ang iyong patotoo at paano napagpala ng mga ito ang iyong buhay?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Bagama’t ang Unang Pangitain ay isang mahimalang pangyayari, simula pa lamang ito ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Maraming espirituwal na pagbuhos ang sumunod. Isipin ang katotohanang ito habang magkakasama ninyong binabasa ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” Habang nagbabasa kayo, tumigil paminsan-minsan para talakayin ang mga pagdalaw ng anghel pagkatapos ng Unang Pangitain. Sa inyong palagay, bakit nagsimula ang Pagpapanumbalik sa isang pangitain tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano inilatag ng Unang Pangitain ang pundasyon para sa mga bagay na darating?

  • Kabilang sa mga katotohanang natutuhan natin mula sa Unang Pangitain ay tumutugon ang Diyos sa Kanyang mga anak kapag nababagabag sila. Panoorin ang trailer para sa The First Vision: A Joseph Smith Papers Podcast, kung saan tinalakay ng mananalaysay ng Simbahan na si Spencer W. McBride ang katotohanang ito. Pagkatapos ay anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang kanilang mga nadama at nalaman.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Matuturuan Ka ng Unang Pangitain kung Paano Matututuhan ang Katotohanan

kabataang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Maaari kang matuto mula sa halimbawa ni Joseph Smith kung paano maghanap ng katotohanan. Nakasaad sa kasaysayan ni Joseph Smith na nais niyang malaman kung aling simbahan ang sasapian. Nasa isip niya ang tanong na ito habang nagbabasa siya mula sa Biblia, kaya nang mabasa niya ang Santiago 1:5–6, ang mga talatang ito ay lalong naging makabuluhan sa kanya: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya. Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan.”

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung may anumang naituro ang kagila-gilalas na karanasan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, ito ay ang katotohanang bukas ang kalangitan at ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga anak.”4 Bagama’t maaaring hindi dumating ang mga sagot sa iyong mga tanong sa pamamagitan ng isang pangitain, makatitiyak ka pa rin na naririnig at sinasagot ng Diyos ang iyong mga panalangin. Kapag masigasig kang nagsikap at nanampalataya sa Diyos, makatitiyak ka—tulad ni Joseph Smith—na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Habang natututuhan natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, lahat tayo ay may mga tanong. Ang ilan ay madaling sinasagot, samantalang ang iba ay maaaring mangailangan ng malaking pagsisikap. Ano ang mga tanong mo tungkol sa ebanghelyo, sa mga banal na kasulatan, o sa mga salita ng mga buhay na propeta? Habang nasasaisip ang mga katanungang ito, basahin ang 1 Nephi 15:6–11. Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tumanggap ng paghahayag? Paano ka makapagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo habang hinihintay mo ang mga sagot na hinahanap mo?

  • Basahin ang artikulong “Unang Pangitain: Isang Huwaran para sa Personal na Paghahayag,”5 ni Pangulong Henry B. Eyring. Ano ang natutuhan mo mula sa artikulong ito tungkol sa paghahandang tumanggap ng personal na paghahayag? Anong maliliit na pagbabago ang magagawa mo sa iyong buhay para matulungan kang mas madaling madama ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin ang 1 Nephi 10:17–19 bilang isang grupo. Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa kahandaan ng Diyos na sagutin ang ating mga panalangin? Ano ang mga naging karanasan ninyo sa pagtanggap ng personal na paghahayag? Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang kanilang mga ideya at karanasan kung naaangkop.

  • Anyayahan ang mga kagrupo na basahin o pakinggan nang mag-isa ang mensahe ni Pangulong Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay.”6 Sabihin sa kanila na pagtuunan nang mabuti ang kanyang itinuro tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Pagkatapos ay magtipon bilang isang grupo, at anyayahan ang bawat tao na ibahagi ang natutuhan niya. May napansin ka bang anumang pattern sa natutuhan ng mga kagrupo mo? Ano ang matututuhan mo mula kay Pangulong Nelson at sa iyong grupo tungkol sa kung paano ka mas makatatanggap ng personal na paghahayag?

Alamin ang iba pa