“Ano ang Ibig Nating Sabihin Kapag Sinasabi Natin na ang Simbahan ay Totoo?,” Liahona, Hunyo 2024.
Ano ang Ibig Nating Sabihin Kapag Sinasabi Natin na ang Simbahan ay Totoo?
Pinamumunuan ng Tagapagligtas mismo, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay ng mga turo, awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at mga tipan na umaakay sa atin pabalik sa ating tahanan sa langit.
Madalas sumigla ang ating puso kapag naririnig natin ang isang tao na nagpapatotoo na, “Alam ko na ang Simbahan ay totoo.” Mahalaga ring saksihan ng Espiritu ang katotohanang iyan sa atin.
Subalit tila ang kasalukuyang mga kalakaran sa kultura ay naghatid ng laganap na kawalan ng tiwala sa mga institusyon sa pangkalahatan at lalo na sa mga organisasyong pangrelihiyon. Sa kabilang dako, nakikipagtipan ang mga Banal sa mga Huling Araw na suportahan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pangunahing misyon nito na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa at itatag ang Sion, lahat ng ito dahil sa masayang pag-asam sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa paggawa nito, naiintindihan natin na sa pamamagitan lamang ng pormal na institusyon ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon maaaring isakatuparan ang mahahalagang layuning iyon.
Malinaw sa Bagong Tipan na sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, hindi lamang binigyang-inspirasyon ng Panginoong Jesucristo ang isang komunidad ng mga mananampalataya kundi inorganisa rin ang Kanyang Simbahan na may mga pinunong tinawag, tinuruan, at inorden (tingnan sa Efeso 4:11–16). Mahalaga sa Kanya ang Simbahan. Ang Simbahan ngayon, tulad noon, ay “itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok” (Efeso 2:20; tingnan din sa Mateo 16:17–18). Sinabi sa Biblia na matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli, “idinaragdag [ng Panginoon sa simbahan] araw-araw ang mga [dapat maligtas]” (Mga Gawa 2:47).
Paano Kung Hindi Perpekto ang mga Pinuno ng Simbahan?
Marahil ay nag-aalangan ang ilan na magpatotoo tungkol sa katotohanan ng Simbahan dahil pakiramdam nila ay maaaring hindi perpekto ang Simbahan at ang mga lider nito. Tunay ngang hindi perpekto ang Simbahan at ang mga lider nito, at hindi rin naman nila sinabi na perpekto sila! Kapansin-pansin na hindi sinabi kahit saan sa mga banal na kasulatan o sa mga turo ng mga lider ng Simbahan na ang layunin ng Panginoon ay gawing perpekto ang Simbahan. Sa halip, isinulat ni Apostol Pablo:
“[At] pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol; ang iba’y propeta; ang iba’y ebanghelista; at ang iba’y pastor at mga guro;
“[Para sa ikasasakdal ng] mga banal, sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo;
“Hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong [perpekto], hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:11–13; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kaya ang layunin ng Panginoon ay ang gawing perpekto ang mga Banal, hindi ang gawing perpekto ang Simbahan. Makadarama tayo ng tunay na kapanatagan mula sa alituntuning iyan dahil ipinahihiwatig niyan na may puwang sa Simbahan ng Panginoon para sa ating lahat na mga taong hindi perpekto!
Sa katunayan, sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013, sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Sinasabi ko ito nang buong katapatan, may mga pagkakataon na ang mga miyembro o mga lider ng Simbahan ay nagkakamali rin. Maaaring may mga bagay na sinabi o ginawa na hindi ayon sa ating mga pinahahalagahan, alituntunin, o doktrina.
“Palagay ko magiging perpekto lang ang Simbahan kung pinangangasiwaan ito ng mga perpektong tao. Ang Diyos ay perpekto, at ang doktrina Niya ay dalisay. Ngunit kumikilos Siya sa pamamagitan natin—na Kanyang mga anak na hindi perpekto—at ang mga taong hindi perpekto ay nagkakamali. …
“Nakalulungkot na nanghihina ang iba dahil sa mga pagkakamali ng tao. Pero sa kabila nito, ang walang hanggang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nadudungisan, napahihina, o nasisira.
“Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo at bilang isang nakasaksi mismo sa mga kapulungan at gawain ng Simbahang ito, tapat kong pinatototohanan na walang mahalagang pagpapasiyang nakakaapekto sa Simbahan at sa mga miyembro nito ang ginawa nang hindi taimtim na inihingi ng inspirasyon, patnubay, at pagsang-ayon ng ating Walang Hanggang Ama sa Langit. Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Hindi hahayaan ng Diyos na malihis ang Kanyang Simbahan mula sa itinakdang landas nito ni mabigong isakatuparan ang banal na tadhana nito.”1
Kung minsa’y ipinagtatanggol natin ang isang konsepto tungkol sa paraan ng pakikitungo ng Panginoon sa mga lider at miyembro ng Kanyang Simbahan na hindi umaayon sa gusto natin. Maaaring inaasahan natin na dapat kontrolin ng Panginoon ang lahat ng ginagawa ng mga lider at tagapangasiwa sa Simbahan upang walang anumang magawang pagkakamali. Maaaring mas mabuting kilalanin natin na ang Panginoon ay nagbibigay ng patnubay sa mga lingkod na iyon kapag mapanalangin nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya sa kani-kanilang mga tungkulin na pamahalaan ang Kanyang gawain. Ganyan tinuturuan ng mapagmahal na mga magulang ang kanilang mga anak.
Binibigyan tayo ng Panginoon ng patnubay ngunit karaniwa’y hindi tayo kinokontrol, maliban sa mga bagay na direktang nakakaapekto sa ating kaligtasan. Muli, hindi Niya layuning gawing perpekto ang Simbahan kundi sa halip ay gawing perpekto ang Kanyang mga anak, pati na ang mga lider at tagapangasiwa ng Simbahan. Ang huwarang ito ng inspiradong pagpapatakbo sa headquarters ng Simbahan ay hindi talaga naiiba sa huwarang ginagamit sa mga stake at ward at tahanan.
Bagama’t nagbibigay nga ng tuwirang paghahayag ang Panginoon paminsan-minsan, lalo na sa mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, inaasahan din Niyang pag-aaralan natin ang mga bagay-bagay sa ating isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8–9) at “isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27) nang hindi “[inuutusan] sa lahat ng bagay” (talata 26).
Maaari tayong magtiwala na gagabayan tayo ng Panginoon sa landas ng ating kaligtasan kapag sinunod natin ang mga pinunong apostol ng Kanyang Simbahan. At maaari tayong mapanatag nang husto sa pangako ng Panginoon na pagtitibayin Niya sa bawat isa sa atin ang katotohanan ng lahat ng bagay kapag hinangad ito ng bawat isa sa atin (tingnan sa Moroni 10:5).
Mga Pagpapala sa Simbahan ni Jesucristo
Kaya ano ang ibig nating sabihin kapag sinasabi natin na ang Simbahan ay totoo kung hindi natin ibig sabihin na ito ay perpekto?
-
Una sa lahat, ang ibig nating sabihin ay na pinamumunuan ito ng Panginoong Jesucristo mismo sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol.
-
Ang ibig nating sabihin ay na taglay nito ang lahat ng banal na kasulatan na naihayag ng Diyos at bawat doktrina at katotohanan na mahalaga para sa ating kaligtasan.
-
Ang ibig nating sabihin ay hawak nito ang awtoridad ng priesthood para pamahalaan ang Simbahan at pangasiwaan ang mahahalagang ordenansa, at ang ibig nating sabihin ay na ang mga ordenansang iyon ay may bisa kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
-
Ang ibig nating sabihin ay na ang mga sumusunod sa mga tuntunin nito ay magkakaroon ng walang-hanggang kagalakan kapwa sa buhay na ito at magpakailanman.
-
Ang ibig nating sabihin ay na ang mga tumatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa at tumutupad sa kaugnay na mga tipan, taos-pusong nagsisisi kung kinakailangan, ay tiyak na dadakilain sa hinaharap sa kahariang selestiyal ng Diyos.
-
At ang ibig nating sabihin lalo na ay na patototohanan ng Espiritu Santo ang mga bagay na ito sa mga taong taos-pusong naghahanap ng katotohanan.
Ang pagsunod sa mga turo ng Simbahan ay may halaga—ginagawa tayo nitong mas mabubuting tao, nagdudulot ito sa atin ng kapayapaan at kagalakan, at naghahanda sa atin na makabalik sa ating Ama sa Langit.
“Ang Simbahan ay ang ipinropesiyang kaharian sa mga huling araw, hindi gawa ng tao kundi itinatag ng Diyos ng langit,” pagtuturo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol.2 Napakahalaga para sa mga taos-pusong nananampalataya sa mga katotohanang ipinanumbalik ni Jesucristo na tumayo at magpatotoo nang buong tapang na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30).
Ibinibigay natin ang ating lubos na pagmamahal at paggalang sa lahat ng naniniwala at sumusunod sa katotohanan saanman ito matatagpuan. Iginagalang at pinahahalagahan natin ang maningning na kabutihang namamasdan natin sa napakaraming iba pang simbahan, at hindi natin pinipintasan ang mga paniniwala ng anumang grupo o sinumang indibiduwal. Pero maling isipin na maaari tayong maniwala kay Jesucristo at sa mga tuntuning itinuro Niya at tumanggap ng buong kapakinabangan ng mga pagpapala at ordenansang matatamo lamang sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan nang hindi pinaniniwalaan, itinataguyod, at ipinagtatanggol ang Simbahang iyon.
Siyempre pa, dapat nating patotohanan na ang ebanghelyo ni Jesucristo, si Propetang Joseph Smith, ang Aklat ni Mormon, at ang iba pang mga pangunahing alituntunin ay totoo, pero malaki rin ang kahalagahan ng pagpapatotoo sa katotohanan ng Simbahan bilang isang institusyon. Nalaman natin sa templo na doon nakatuon ang ating paglalaan. Kapag nadarama natin ang katotohanan ng organisasyong pinamamahalaan ng Panginoon mismo, nakadarama tayo ng responsibilidad na maging tapat sa doktrina at mga gawaing itinuro ng Simbahan.
Pagiging Tapat sa Simbahan
Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay hindi nangangailangan ng pagtatanggol at katapatan ng mga Banal para mapanatili ang mga ito. Ang mga ito ay likas na totoo. Pero ang paniniwala sa pangkalahatan ay maaaring maging napakalabo para mawalan ito ng nakapanghihikayat at nakapagliligtas na kapangyarihan, at maaaring ipahayag ng mga nagdududa na sumusunod sila rito (tingnan sa Santiago 2:19–20). Sa kabilang banda, ang pananalig na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo at ginagabayan ng Panginoon ay umaakay sa isang tao na dumalo sa mga miting, magbayad ng ikapu at mga handog, maglingkod sa mga calling, tumanggap ng mga ordenansa, at tumupad sa kaugnay na mga tipan. Kaakibat ng malinaw na paniniwala at pananalig ang malinaw at nakahihikayat na mga pangako. Sa madaling salita, kapag alam natin na ito ay totoo, nagkakaroon tayo ng moral na obligasyon na ipakita sa ating kilos na ito ay totoo.
Pinatototohanan ko na alam ko sa pamamagitan ng personal na mga karanasan at ng tiyak na pagsaksi ng Espiritu Santo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay at buhay na Simbahan na pinamumunuan ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng ating kasalukuyang mga propeta at apostol. Nawa’y hindi lamang natin malaman na ang Simbahan ay totoo kundi, sa ating mga salita at gawa, nawa’y maging tapat din tayo sa Simbahan.