“Mga Tanong at mga Sagot tungkol sa ‘Dalisay na Patotoo,’” Liahona, Hunyo 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Tanong at mga Sagot tungkol sa “Dalisay na Patotoo”
“[Unahin] sa lahat ang inyong patotoo.”1 —Pangulong Russell M. Nelson
Bilang punong hukom, nakita ni Alma “na ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang maging palalo” (Alma 4:6) at “inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, kung kaya’t sila ay nagsimulang maging mapanlibak sa isa’t isa (Alma 4:8). Sa halip na magpatupad ng mga batas, pumili ng iba si Alma para humalili sa kanya bilang punong hukom, at inilaan ang kanyang sarili sa pangangaral ng salita ng Diyos sa mga tao, “nakikitang walang paraan upang kanyang mabawi sila maliban sa paghimok sa pamamagitan ng dalisay na patotoo” (Alma 4:19).
Ano ang mahahalagang bahagi ng patotoo?
Maaari tayong magtamo ng patotoo tungkol sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo, pero ito ang mga pangunahing katotohanan:
-
Ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at mahal Niya tayo.
-
Si Jesucristo ay buhay. Siya ang Anak ng Diyos at ang ating Tagapagligtas.
-
Si Joseph Smith ang propetang tinawag upang ipanumbalik ang ebanghelyo.
-
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan ng Tagapagligtas at pinamumunuan ito ng isang buhay na propeta.2
Mga salita lang ba ang isang patotoo?
“Nagpapatotoo kayo kapag nagbabahagi kayo sa iba ng mga espirituwal na [damdamin] ninyo. …
“Isa pang paraan na maibabahagi ninyo ang inyong patotoo ay sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali. Ang inyong patotoo kay Jesucristo ay hindi lang ang kung ano ang sinasabi ninyo—ito ay kung sino kayo” (Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 112).
Ano ang kapangyarihan ng dalisay na patotoo?
Ginunita ni Pangulong Brigham Young ang epekto ng taos at simpleng patotoo ng “isang lalaking walang kahusayan sa pagsasalita, o mga talento sa pagsasalita sa publiko, na ang tanging masasabi ay, ‘Alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay isang propeta ng Panginoon.’ Nililiwanagan ng Espiritu Santo na nagmumula sa taong iyon ang aking pang-unawa … ; Napapaligiran ako nito, napupuspos ako nito, at alam ko mismo na ang patotoo ng lalaking ito ay totoo” (“Discourse,” Deseret News, Peb. 9, 1854, 4).
Paano kung hindi tanggapin ng mga tao ang aking patotoo?
Ibinabahagi ng isang young adult ang kanyang patotoo sa mga bisita sa Temple Square sa Salt Lake City nang hamunin siya ng isang lalaki sa pagalit na pagtatanong.
“Hindi ko alam,” sabi niya. “Ang masasabi ko lang sa iyo ay ang nalalaman ko.”
Sumabat ito: “Huwag kang magpatotoo sa akin.”
“Iyan lang ang mayroon ako,” sabi niya.
“Maliit na bagay lang ‘yan, ‘di ba?,” pabalang na sagot nito.
Natapos ang pag-uusap, pero nabagabag siya roon. Gayunman, nang magnilay-nilay siya, natanto niya na ang kanyang patotoo ay hindi lang “maliit na bagay.” Ito ang lahat-lahat sa kanya. Inimpluwensyahan nito ang bawat desisyon sa kanyang buhay.
Sa anong mga paraan ko maaaring ibahagi ang aking patotoo?
Madalas nating isipin ang pagpapatotoo sa sacrament meeting tuwing Linggo ng ayuno, pero marami pang paraan para maibahagi ang ating mga espirituwal na damdamin:
-
Sulatan ang iyong mga anak o apo na ibinabahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
-
Pangalagaan ang iyong patotoo sa “Mga Alaala” sa FamilySearch para mapalakas ang iyong mga inapo.
-
I-post sa social media kung ano ang halaga ni Jesucristo sa iyo.
-
Sa mga miting tuwing Linggo, ibahagi kung paano napagpala ng isang alituntunin ng ebanghelyo ang buhay mo.