Liahona
Pagtuturo sa mga Bata Tungkol sa Kapangyarihan ng mga Relasyon at Paglilingkod
Hunyo 2024


“Pagtuturo sa mga Bata tungkol sa Kapangyarihan ng mga Relasyon at Paglilingkod,” Liahona, Hunyo 2024.

Pagtuturo sa mga Bata Tungkol sa Kapangyarihan ng mga Relasyon at Paglilingkod

Ang pagtulong sa ating mga anak na maglingkod sa iba sa kanilang pamilya, sa Simbahan, at sa komunidad ay naglalatag ng pundasyon para sa kaligayahan sa hinaharap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makaranas ng tunay na kaligayahan ngayon.

batang naglilinis ng bintana

Madalas kong tawagin ang pitong-taong-gulang na anak naming babae na aking lihim na sandata. Noong naglilingkod ako bilang bishop, gusto kong isali ang mga anak ko sa aking paglilingkod. Ang pagsasama ko sa kanya para bisitahin ang mga miyembro ng ward ay hindi lamang nagtulot sa akin na gumugol ng mas maraming oras sa piling niya kundi madalas ding nagbigay ng mga oportunidad na dati-rati ay wala. Mahirap tanggihan ang bishop kapag nakangiti sa iyo ang kanyang kaibig-ibig na pitong-taong-gulang na anak na babae. At nakabuti man ito sa mga miyembro ng aming ward, naniniwala ako na nakabuti rin ito sa aking musmos na anak. Hindi lamang niya namasdan ang pagmamahal at paglilingkod ng kanyang ama sa iba, kundi natutuhan din niya sa murang edad na maaari niyang mahalin at paglingkuran ang iba—na nagpala rin sa kanya ng kagalakan.

Gusto nating lahat na umunlad ang ating mga anak. Gusto nating maging masaya ang buhay nila na puspos ng mapagmahal na mga relasyon. Pero kadalasa’y pinahihirap ito ng mundong ginagalawan natin. Maraming makabagong impluwensya ang naghihikayat sa ating mga anak na mas magtuon sa “ako.” Madalas silang tumanggap ng mga mensahe na ang kaligayahan ay matatagpuan sa pagtutuon sa kung ano ang mapapala nila roon.

Ipinapakita ng pinakamainam na siyensyang panlipunan na ang pag-uugaling positibo at nakakatulong sa iba ay mahalaga sa pag-unlad. “Positibo at nakakatulong sa iba” ang kaakit-akit na paraan ng paglalarawan sa turong ito ng Tagapagligtas: natatagpuan natin ang ating sarili (at ang tunay na kaligayahan) sa pamamagitan ng paglimot sa ating sarili sa mapagmahal na paglilingkod (tingnan sa Mateo 10:39).

Ngunit may epidemya ng kalungkutan sa ating lipunan, mula sa mga bata hanggang sa mga young adult hanggang sa matatanda. Marami ang mas konektado sa iba sa pamamagitan ng social media kaysa rati. Gayunman, ang nakalulungkot, mas hindi sila konektado sa mga relasyon sa tunay na buhay na di tulad ng dati.1

Kaya paano natin matutulungan ang ating mga anak na matutuhan na ang makabuluhang mga relasyon at paglilingkod nang may layunin ay maghahatid sa kanila ng mas malaking kagalakan?

Ikonekta ang Paglilingkod sa Kanilang Pangunahing Identidad

Ang isang kritikal na tungkulin ng mga magulang ay ang tulungan ang kanilang mga anak na malaman kung sino sila. Marami ngayon ang nakatuon sa identidad sa mga paraan na dahilan ng paghihiwalay at pagkakawatak-watak natin. Sa halip na magtuon sa ating identidad bilang bahagi ng pamilya ng Diyos, maraming pumipili ng mga label na pumipigil sa pakikiramay at pagmamalasakit sa mga nasa paligid natin.

Kaya pala binibigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson kung gaano kahalagang malaman at unahin ang ating pinakamahahalagang identidad:

Sino kayo?

“Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.

“Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.”2

Kung itinuturing muna natin ang ating sarili bilang mga anak ng Diyos, nalaman natin na bawat isa sa atin ay “may banal na katangian at tadhana.”3 Ibig sabihin, ang ating pangunahing katangian ay banal, at may potensyal tayong maging katulad ng Diyos. Sinasabi Niya sa atin, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para mahalin at pagpalain at dakilain tayo. “Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan” (2 Nephi 26:24).

Alam ninyo, mas alam ng Diyos kung paano maging maligaya kaysa sa atin. Nakapagtataka ba na kapag makasarili ang ating pamumuhay, sumasalungat tayo sa ating pagiging likas na walang hanggan? Nagsisimula tayong makadama ng kawalan ng layunin at kaligayahan. Ang mga “tumaliwas sa katangian ng Diyos … ay nasa kalagayang taliwas sa likas na kaligayahan” (Alma 41:11). Ang ating pagiging likas na walang hanggan ay ginagawang posible na makahanap ng kaligayahan sa makasarili at di-matwid na pamumuhay (tingnan sa Helaman 13:38).

Sa pagtutuon sa ating tunay na identidad bilang mga anak ng Diyos, natututuhan natin na tayo ay tunay na magkakapatid. Ang pagkaalam sa ating tunay na identidad ay tumutulong sa atin na higit na pahalagahan ang paglilingkod at mga relasyon. Natatanto natin na tayo ay “katuwang ng Makapangyarihang Diyos sa pagkakamit ng layunin ng walang-hanggang plano ng kaligtasan,” tulad ng itinuro ni Elder John A. Widtsoe.4 Tayo ay “[naki]kidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at [inaaliw natin] yaong mga nangangailangan ng aliw, at … [tumatayo tayo] bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” (Mosias 18:9).

batang lalaking nagpapakita ng drowing sa batang babae

Pagtulong sa Ating mga Anak na Pahalagahan ang mga Relasyon at Paglilingkod

Bilang mga magulang, maaari nating tulungan ang ating mga anak na mamuhay nang maligaya sa pagtulong sa kanila na pahalagahan ang mga relasyon. Walang sinumang maaaring umunlad nang walang mga positibong relasyon. Alam ito ng Diyos, kaya inilalagay tayo ng Kanyang perpektong plano sa mga pamilya, sa mga ward o branch, at sa mga komunidad. Alam Niya na kailangan natin ito para matuto tayong magmahal at maglingkod na katulad Niya. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hiniling sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na ‘magpakita ng higit na dakilang paggalang, pagkakaisa ng lahi at etnisidad at respeto sa kapwa.’ Ang ibig sabihin nito ay [mahalin] ang bawat isa at ang Diyos at [tanggapin] ang lahat ng tao bilang mga kapatid at tunay na [maging] mga tao ng Sion.”5

Isipin kung gaano kalaki ang magiging epekto sa ating mga anak kung matatanto nila na hindi lamang tayo inuutusan ng Diyos na magmalasakit sa isa’t isa kundi nag-aalok din Siyang samahan tayo sa ating mga pagsisikap. Hindi tayo iniiwan ng Diyos para maglingkod nang mag-isa. Nangangako Siya na aalalayan Niya tayo: “Ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko” (Moises 6:34). Ang resulta ng paglakad na kasama ng Diyos sa mapagmahal na paglilingkod ay nagpapabago ng buhay. Basahin na lang ninyo kung ano ang nakayang gawin ni Enoc sa tulong ng Diyos at ang kahalagahan ng mga relasyon sa paglikha ng Sion. Ito ay makapangyarihang halimbawa na maaari nating asamin. (Tingnan sa Moises 6–7.)

Ang pagtulong sa ating mga anak na maglingkod sa iba sa kanilang pamilya, sa Simbahan, at sa komunidad ay naglalatag ng pundasyon para sa kaligayahan sa hinaharap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makaranas ng tunay na kaligayahan ngayon. Tinutulungan natin silang maging higit na katulad ng Diyos at sa gayo’y maranasan ang kagalakang nililikha ng pamumuhay na tulad ng sa Diyos.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag nagkaroon tayo ng pagkatao o pag-uugali na tulad ng kay Cristo, likas tayong nagtutuon sa mapagmahal na paglilingkod sa iba.6 Alam ito ni Satanas at nais niyang bumaling tayo at magtuon sa ating sarili. Ngunit maipauunawa natin sa ating mga anak na ang mapagmahal na paglilingkod ay mas epektibo sa pagkakaroon ng kaligayahan kaysa sa pagtutuon sa ating sarili. Totoo pa rin ang lumang kasabihan na: “Tulungang makatawid ang bangka ng iyong kapatid, at masdan, nakarating din ang sarili mong bangka sa pampang.”7

Paano? Isali ang Diyos at “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo”

Ang pagtulong sa ating mga anak na matutong ituring na mga kapatid ang iba ay maaaring magsimula sa mga panalangin ng ating pamilya. Sa loob ng maraming taon, naging kabilang na ng mga panalangin ng aming pamilya ang pagsamo sa Diyos na pagpalain ang aming pamilya. Sa pagbanggit sa “pamilya,” ang ibig naming sabihin (at partikular na ipinagdarasal) ay ang pamilya namin mismo (mga magulang at anak), ang aming mga kamag-anak, ang aming ward family, at ang aming mga kapitbahay. Gusto naming ituring ng aming mga anak na bahagi ng aming pamilya ang mga taong ipinaligid sa amin ng Diyos.

Pagkatapos ay lumuluhod kami at nagsisikap na paglingkuran ang mga ipinagdarasal namin. Isinasali namin ang aming mga anak sa mapagmahal na mga relasyon sa kanilang mga tita, tito, pinsan, at lolo’t lola. Halimbawa, tinulungan kami ng aming mga anak nang alagaan namin ang aking napakabait na ina sa huling ilang taon ng kanyang buhay. Hindi talaga namin ito nagawa nang perpekto, pero nakagawa ng kaibhan ang aming mga pagsisikap.

Sa maraming paraan, ang paggawa nito ay “[pagbubuhat lamang] kung saan tayo nakatayo,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.8 Kadalasan, nakakamtan natin ang mahihirap na mithiin kapag nagsisimula tayo sa ating kinaroroonan at ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya. Ang sarili nating pamilya, simbahan, at komunidad ay nagbibigay ng sapat na mga oportunidad para tulungan ang ating mga anak na maranasan ang kagalakan na hatid ng makabuluhang paglilingkod.

mga kabataang naglalakad habang hawak ang mga name card na dadalhin sa templo

Ang Kagalakang Dulot ng Koneksyon sa Tipan

Maaaring napansin ninyo kung gaano kadalas tukuyin ng ating mga lider sa Simbahan ang kahalagahan ng pananatili sa landas ng tipan. Ang landas ng tipan ay higit pa sa isang set ng mga tuntunin. Ang mga ordenansang natatanggap natin at ang mga tipan na ginagawa natin ay paraan ng Diyos sa pagbibigkis sa atin sa Kanya at sa isa’t isa sa isang paraan na tutulong sa atin na maging katulad Niya. Kasama rito hindi lamang ang unang dakilang utos na mahalin ang Diyos kundi gayundin ang pangalawang dakilang utos na mahalin ang isa’t isa. Tunay ngang kapag nilimot natin ang ating sarili sa paglilingkod, matatagpuan natin at ng ating mga anak ang tunay nating pagkatao.