Liahona
Patotoo ng Isang Ina: Isang Kaloob mula sa Diyos
Hunyo 2024


“Patotoo ng Isang Ina: Isang Kaloob mula sa Diyos,” Liahona, Hunyo 2024.

Patotoo ng Isang Ina: Isang Kaloob mula sa Diyos

Sa pamilya ng asawa ko, nakatagpo ako ng tahanan, ng pagiging kabilang, at ang pinakamahalaga sa lahat, ng patotoo tungkol sa aking Ama sa Langit.

Lumaki ako na nag-iisang anak, at mag-isa lang ang inay ko na nagpalaki sa akin. Madalas kaming lumipat ng bahay. Naaalala ko na parang wala akong katatagan o lugar na matatawag na tahanan. Noong senior high school ako, lumipat ang nanay ko sa California at nanatili ako sa Utah, na umaasang makahanap ng kaunting katatagan sa aking buhay.

Nakitira ako sa ilang kamag-anak. Dumating at umalis ako kung kailan ko gusto, at hindi ko kinailangang magpaalam kahit kanino. Parang pangarap ng bawat tinedyer, ‘di ba? Pero hindi para sa akin, at hindi iyon ang katatagang inaasam ko noon. Pakiramdam ko ay hindi pa rin ako kabilang. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako.

Nagpakita ako ng matapang at masayang mukha sa buong maghapon, pero sa gabi ay madalas kong matagpuan ang sarili ko na nasa parking lot ng isang Simbahan at lumuluhang nakikinig sa musika ng Simbahan. Unti-unti akong naging desperadong malaman kung totoo bang may Diyos.

babaeng nakaupo sa isang kotse

“Ama sa Langit, nais ko pong malaman na totoong nariyan Kayo. Nalilito ako. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Gusto kong malaman mismo. Kailangang-kailangan ko pong malaman.”

Katahimikan. Ang tanging narinig ko ay katahimikan.

Hindi dumating ang kapayapaan at kapanatagang iyon. Pakiramdam ko ay palagi akong talo, na parang nasayang ang oras ko sa pagdarasal. Ang mga panalanging inialay ko noong mga gabing iyon na nasa kotse ako, lumuluha, ay tila palaging hindi nasasagot. Parang palaging may … katahimikan.

Nang sumunod na ilang taon, pakiramdam ko ay nag-iisa pa rin ako, pero sa kabila ng mga panalanging iyon na tila hindi nasasagot, nanampalataya pa rin ako na mayroong Diyos.

Pakiramdam na Ako’y Kabilang

Nang makilala ko ang lalaking napangasawa ko, nadama ko sa wakas ang pagiging kabilang at katatagan—isang pakiramdam ng pagkakaroon ng tahanan. Buong puso akong tinanggap ng kanyang pamilya. Malaking bagay iyon para sa akin dahil matagal ko nang inasam ang damdaming iyon. Nang ikasal kami sa templo, labis akong nagalak na makasama sa isang pamilyang nakasentro sa ebanghelyo.

Gustung-gusto kong makita ang mga priesthood blessing na ibinibigay sa tahanan, ang pagsisimba sa ward ng ina ng aking asawa na may kasunod na hapunan sa kanyang halamanan, at ang pakikinig sa magiliw na musikang pinatutugtog mula sa kanyang kusina habang lahat kami ay nakaupo, kumakain, at nag-uusap-usap. Nagustuhan ko ang mga karanasang ito at sinimulang punan ng mga ito ang kahungkagang nadarama ko. Ang pamilyang ito ang mismong kailangan ko, at alam iyon ng Diyos. Pero hindi pa Siya tapos sa pagsagot sa mga panalanging iyon sa kalaliman ng gabi.

Naupo ako kasama ang aking biyenang babae sa kanyang balkonahe isang umaga. May sinabi siya na lubhang makabuluhan sa akin. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, narinig ko ang Espiritu na nagpapatotoo sa akin na talagang may Ama sa Langit.

“Kapag alam mo na nariyan talaga ang Ama sa Langit,” sabi niya, “nagbabago ang lahat.”

Mula roon, nagbago nga ang lahat! Lumakas ang aking patotoo nang hangarin kong malaman pa ang iba. Ngayon ay alam ko na kapag nangungusap sa akin ang Espiritu. Alam ko ang magiliw na damdaming iyon kapag malapit Siya.

Isang Sagot mula sa Ama sa Langit

Isang araw, nabasa ko ang isang nagbibigay-inspirasyong tanong sa social media na, “Saan ka makikipagkita sa Panginoon ngayon?”

“Nakita” ko Siya sa pamamagitan ng espirituwal na impresyong dumating sa akin habang naglalakad ako sa isang daan malapit sa aming tahanan ilang taon matapos akong makasal. Tumigil ako sa paglakad at isinulat ko ang impresyon. Nakita ko ang sarili ko sa lahat ng taon na iyon na nagdaan, na mag-isang nakaupo sa parking lot ng Simbahan at naunawaan ko, noon, na nakita ng Diyos ang hindi ko nakita.

Hindi ko nakita noon na balang-araw ay ipapakita sa akin ng Diyos kung sino Siya sa pamamagitan ng aking magiging biyenan, na hindi ko pa nakikilala. Nakita Niya na magkakaroon ako ng kaugnayan sa kanya na magpapatatag at magpapalakas sa akin sa mga paraang hindi ko pa naranasan noon.

Sinasagot Niya ako noon, pero hindi ko iyon narinig. Naunawaan Niya ang buhay ko mula sa walang-hanggang pananaw, at hindi ko iyon nakita. Hindi ko nakita ang Kanyang mga plano para sa akin. Sa sandaling iyon habang naglalakad ko, magiliw Niyang ikinintal sa puso ko kung ano ang inilaan Niya para sa akin noon pa man.

Kapag naririnig ko ang biyenan kong babae na nagdarasal o bumabanggit tungkol sa kanyang tapat na pagmamahal para sa kanyang Tagapagligtas, ramdam ko ang kanyang patotoo. Ang mapagpala na maging isa sa kanyang mga anak na babae ay espesyal na kaloob mula sa Diyos. Ang kanyang patotoo ay isang kaloob din mula sa Diyos na nagpapala sa buhay naming lahat. Alam ko na ang aking Tagapagligtas ay buhay dahil nagugol niya ang kanyang buong buhay sa paglapit sa Kanya. Nababanaag sa kanya ang realidad ng Panginoon para makita ng lahat.