Liahona
Iniisip Mo bang Mag-asawang Muli Pagtanda Mo?
Hunyo 2024


“Iniisip Mo bang Mag-asawang Muli Pagtanda Mo?,” Liahona, Hunyo 2024.

Pagtanda nang May Katapatan

Iniisip Mo bang Mag-asawang Muli Pagtanda Mo?

Ang pag-aasawang muli ay maaaring maghatid kapwa ng mga hamon at kagalakan.

dalawang bulaklak

Nang pumanaw ang kanyang asawa pagkaraan ng 25 taon ng kanilang pagsasama, naisip ng kaibigan kong si Susan na napakatanda na niya para mag-asawang muli. “Kontento na akong maging balo sa natitira ko pang buhay,” sabi niya.

Pero—ang nakakagulat—pagkaraan ng dalawang taon, nag-asawa siyang muli. Balo rin ang napangasawa niyang si George. Ngayon ay masaya silang nagsasama, pareho ang kanilang mga interes tulad ng pagsasaliksik sa kasaysayan at paglilingkod sa Simbahan at komunidad.

Mga Kagalakan at Hamon

Maaaring parang fairy tale ang kuwentong ito. Pero mabilis na sumang-ayon sina Susan at George na ang pag-aasawang muli sa anumang edad ay maaaring lumikha kapwa ng mga kagalakan at hamon. Maaaring totoo ito lalo na sa mga taong ibinuklod sa templo sa una nilang asawa. Ganitung-ganito ang kaso ko.

Mahal ko ang asawa kong si Raelene at pinahahalagahan ko ang kasal namin sa templo. Nang pumanaw siya nang di-inaasahan pagkaraan ng 42 taon ng aming pagsasama, nalungkot ako. Halos isang taon akong naawa sa sarili ko. Kalaunan ay nakakita ako ng bagong trabaho sa ibang lungsod. Nadama ko na handa na akong magsimulang muli. Naisip kong makipagdeyt. Pero ibig sabihin kaya niyan ay taksil ako?

Humingi ako ng payo sa isang kaibigang nag-asawang muli. “Personal na desisyon iyan,” sabi niya. “Kilala mo ang yumao mong asawa. Ano ang iisipin niya? Kilala mo ang pamilya mo at kung ano ang magiging reaksyon nila. Katulad ito ng anumang iba pang desisyon—dapat itong harapin nang may pagpapakumbaba at panalangin.”

Sabi ng isa pang kaibigan na nag-asawang muli, “Hindi ito tungkol sa pagpapatuloy sa buhay. Tungkol ito sa pagsulong nang may pananampalataya mag-asawa ka mang muli o manatili kang single.”

Kaya sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan, na binabasa kadalasan ang kuwento ni Ruth, isang balo, at ang biyenan niyang babae na si Naomi, na nadama na “pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat” (Ruth 1:20) dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa at dalawang anak na lalaki. Kalaunan ay pinakasalan ni Boaz si Ruth matapos maantig sa “lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula [nang mamatay ang] iyong asawa” (Ruth 2:11). Ang “kuwento ng pag-ibig” na ito sa banal na kasulatan sa pagitan nina Ruth at Boaz ay nagpaalala sa akin na laging malapit ang Diyos, maging sa ating pinakamahihirap na sandali, at magagabayan tayo sa ating mga desisyon sa buhay.

Nagsimula nga akong makipagdeyt ulit, at kalauna’y nakilala ko ang asawa kong si Stephanie. Nang magpakasal kami, ipinasiya namin na ang pag-iisip na lahat ay magiging katulad ng pagsasama namin ng mga dati naming asawa o ang pagkukumpara namin sa isa’t isa sa dati naming asawa o sitwasyon ay malamang na mauwi sa malungkot na sitwasyon. Kailangan naming lumikha ng sarili naming “bonus na pamilya” sa pagsasali sa lahat ng anak namin sa mahahalagang desisyon at lahat ng apo namin sa mga bagong tradisyon.

Manatiling Single o Mag-asawang Muli: Isang Personal na Pagpapasiya

Maraming halimbawa ng mga taong matwid sa mga banal na kasulatan na nanatiling single matapos pumanaw ang asawa. Kilala ang balo ng Zarefta sa kanyang katapatan at pagiging bukas-palad (tingnan sa 1 Mga Hari 17:8–16). Pinuri ng Tagapagligtas ang balo na naghulog ng dalawang kusing sa kabang-yaman dahil sa pagbibigay ng “lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan” (Marcos 12:44). Isinulat ng mang-aawit na ang Panginoon ay “inaalalayan ang babaing balo at ang ulila” (Mga Awit 146:9). Ang mga halimbawang ito ay nagpapaalala sa atin na lubos na nalalaman ng Panginoon ang kalagayan ng mga nawalan ng asawa. Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang ating katayuan sa harap ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan ay walang kinalaman sa ating marital status kundi sa ating pagiging matatapat at magigiting na disipulo ni Jesucristo.”1

Si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay pitong taong gulang lamang nang pumanaw ang kanyang ama dahil sa tuberkulosis. Nanatiling walang asawa ang kanyang ina sa natitirang buhay nito samantalang nagsasagawa siya ng maraming paglilingkod sa Simbahan at komunidad, kabilang na ang paglilingkod bilang alkalde ng lungsod ng Provo.

“Biniyayaan ako ng isang pambihirang ina,” paggunita ni Pangulong Oaks. “Talagang isa siya sa maraming mararangal na babaeng nabuhay sa mga huling araw.”2

Patuloy na Mamuhay Ayon sa Ebanghelyo

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, isinulat ni Elder Randy D. Funk na “ang ilang dahilan ng kalungkutan: … ang pighati at kalumbayan ay nagmumula sa pagkamatay ng mahal sa buhay, at ang takot ay nagmumula sa kawalang-katiyakan kung ano ang mangyayari kapag namatay tayo.” Bilang lunas, iminungkahi niya na “ang kapayapaan ng kalooban na nagmumula [sa pagiging ligtas sa loob ng] kawan ng Diyos” ang papawi sa gayong kalungkutan at kawalang-katiyakan.3

Isinulat ni Elder Gong na ang pananampalataya at pagtupad sa mga tipan at saganang mga pagpapala ay makukuha talaga ng mga tao na pinipiling huwag nang mag-asawang muli matapos pumanaw ng kanilang asawa. Ikinuwento niya ang isa sa mga ninuno ng kanyang pamilya na “naiwang kasama ang limang maliliit na anak nang biglaang namatay ang kanyang asawa at ang panganay na anak na lalaki na ilang araw lang ang pagitan. Isang balo sa loob ng 47 taon, itinaguyod ni Lola ang kanyang pamilya sa tulong ng mapagmahal na mga lokal na lider at miyembro. Sa maraming taon na iyon, nangako si Lola sa Panginoon na kung tutulungan siya ng Panginoon, hindi siya magrereklamo. Tinulungan siya ng Panginoon. Hindi siya kailanman nagreklamo.”4

nakaayos na pumpon ng ilang bulaklak

Pag-iisa ng Dalawang Magkaibang Pamilya

Ang pagsasama ng mga pamilya ay isang konsiderasyon sa maraming pagsasama ng mag-asawa, at maaaring maging mahirap ito lalo na kapag may mga anak na sangkot, anuman ang kanilang edad. Maaaring ang isa sa pinakamalalaking hamon, sa totoo lang, ay ang pagtulong sa mga anak na tanggapin ang mga bagong relasyon.

Ang mga anak ang madalas na hindi napapansin na nagdadalamhati pa rin kapag pumanaw ang isang magulang. Maaaring madama nila na nababalewala sila—o kahit paano ay may hangarin silang makipagsanggunian tungkol sa mga desisyon na nakakaapekto sa pamilya. Maaaring mayroon silang mga alaala na sa pakiramdam nila ay hindi na nila maibabahagi pa. Ang linyang “Naaalala ba ninyo noong …” ay maaaring parang bitin at marahil ay hindi na nga kanais-nais. Maaaring mahirapan silang makibagay sa bagong relasyon ng kanilang buhay na magulang, at nahihirapan pang ibigay ang kanilang pagmamahal at katapatan sa isang madrasta o amain.

Sa pinakamainam na sitwasyon, maaaring madama ng bagong asawa na hindi siya tanggap sa pamilya. “Kahit sikapin nang husto ng mga miyembro ng pamilya na tanggapin ka, madalas mo pa ring madarama na hindi ka kabilang sa pamilya,” sabi ng isang babae na nag-asawang muli. Ang payo niya? “Tandaan na hindi mo pinapalitan ang sinuman; dumaragdag ka lang sa pamilya. Maging mapagpasensya at mapagmahal.”

Kung minsa’y hindi ang planado o sadyang mga aktibidad ang mahalaga kundi ang simple at di-planadong mga karanasan ang nagtataguyod sa bagong relasyong ito. Tila nakakatulong ang tatlong bagay na ito:

  • Pagdalo sa mga isports, musika, at iba pang mga personal na interes na mahalaga sa bawat anak.

  • Pagsisikap na makinig nang husto nang hindi nagbibigay ng napakaraming payo.

  • Pagbabahagi ng mga personal na karanasan at kahinaan.

Mga Anak at Apo

Sa halip na umatras sa pakikipag-ugnayan sa pamilya ng bagong asawa at pananatili sa isang tabi, ang “bonus” na mga magulang at lolo’t lola ay maaaring maghanap ng mga interes na magkakapareho sa indibiduwal na mga miyembro ng pamilya at tumuklas ng mga bagong ideya at pamamaraan nang sama-sama. Sa aming bonus na pamilya, nagbabahagi kami ng mga text message tungkol sa mga paksa mula sa pagiging magulang hanggang sa pulitika, mga pakikipagsapalaran sa negosyo hanggang sa mga tip sa pag-eehersisyo, pagluluto hanggang sa makasaysayang katha. Nagsimula kaming mag-usap-usap online na magkakahiwalay ang bawat isa sa dalawang pamilya namin noong panahon ng pandemya para sama-samang mag-aral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at patuloy na namin itong ginagawa simula noon.

Pagbabalanse

Ang pagbabalanse ng oras ng paglilibang, mga gawaing-bahay, at lalo na ng pananalapi ng pamilya sa isang bagong pag-aasawa kapag matanda na ay maaaring maging mahirap at kumplikado. Nangangailangan ito ng pagdamay, lambing, at “isang mahinhin at maamong espiritu” (1 Pedro 3:4) para maharap ang bago at kung minsa’y magkakasalungat na mga pangangailangan.

Matatagpuan ng bawat mag-asawa ang sarili nilang mga sagot sa paggawa ng mga gawaing-bahay, oras ng paglilibang, at pananalapi. Kung sama-samang pinag-uusapan nang tapatan ang mga kagustuhan, malulutas ang karamihan sa mga pagkakaiba sa paglipas ng panahon. Bilang isang makakatulong na patnubay para sa gayong mga talakayan, isipin ang payong ito tungkol sa pagtatakda ng mithiin na ibinigay ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Magtakda ng mga panandaliang mithiin na kaya ninyong abutin. Magtakda ng mga mithiin na talagang balanse—hindi napakarami ni napakakaunti, at hindi napakataas ni napakababa. Isulat ang mga mithiing kaya ninyong abutin at pagsikapan ang mga iyon ayon sa kanilang kahalagahan. Hingin ang patnubay ng langit sa panalangin sa pagtatakda ng inyong mga mithiin.”5

Ang pangalawang pag-aasawa, tulad lang ng unang pag-aasawa, ay maaaring maging kasiya-siya at masaya o puno ng problema at mahirap. Nakasalalay ito nang malaki sa kakayahan ng mag-asawa na magkasamang lutasin ang mga karaniwang isyu. Natutuklasan ng maraming taong nag-aasawang muli pagtanda nila na maaaring maging mas masaya ang buhay kapag may isang tao silang nakakausap, nakakasamang tumawa, at nakakasamang umiyak kapag kailangan. Tulad ng anumang pagpapakita ng pananampalataya, ang pag-aasawang muli ay nangangailangan ng mga katangiang tulad ng kay Cristo tulad ng pagpapasensya, pagtitiyaga, pagpapatawad, kabaitan, at pagmamahal.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.