Liahona
4 na Paraan para Makalikha ng Espirituwal na Puwang
Hunyo 2024


“4 na Paraan para Makalikha ng Espirituwal na Puwang,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Young Adult

4 na Paraan para Makalikha ng Espirituwal na Puwang

Binago ng isang patakaran na bawal mangaral ng ebanghelyo sa Jerusalem ang aking pananaw sa paglikha ng espirituwal na puwang sa buhay ko.

binatilyong nakatingin sa isang bukas na aklat, kung saan nagmumula ang liwanag

Mga larawang-guhit ni Ingrid Nancy Ochoa Villarreal

May ilang lugar na binanggit sa Biblia na maaaring lakarin mula sa Hebrew University sa Jerusalem kung saan ako kasalukuyang nakatira bilang estudyante. Maaari kong bisitahin ang hagdan paakyat ng templo kung saan maaaring nagturo si Jesus o ang Libingan sa Halamanan kung saan pakiramdam ng ilan ay inihimlay ang Kanyang katawan bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mamuhay sa Holy Land [Banal na Lupain] ay isang pagpapala, at nagpapasalamat ako sa araw-araw na ginugugol ko sa kamangha-manghang lugar na ito. Pero ang pagtira dito bilang miyembro ng Kanyang Simbahan ay hindi madali.

Dahil sa patakaran sa Israel na bawal mangaral ng ebanghelyo, hindi ako pinapayagang ibahagi ang aking pananampalataya. Hindi ko natanto kung gaano kahirap ito hanggang sa hingan ako ng isa sa mga kaibigan ko ng kopya ng Aklat ni Mormon at hindi ko siya mabigyan. Nakalulungkot at parang hiwalay ka sa iba kung minsan kapag isa kang disipulo ni Cristo.

Pero natututo rin ako ng ilang matitinding aral dito; maaari ko pa ring ibahagi ang liwanag at pagmamahal ni Jesucristo kahit kanino, at maaari akong makipag-ugnayan sa Espiritu.

Sa Pamamagitan ng mga Espirituwal na Pag-uusap

Bagama’t ang aking programa sa pag-aaral ay napaka-sekular, halos lahat ng iba pang mga estudyante sa mga klase ko ay mga mananampalatayang Kristiyano. Madalas kaming umupo pagkatapos ng klase at magbahaginan ng mga opinyon at kabatiran tungkol sa mga lesson. Ang mga pag-uusap na ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataong magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Kapag nag-uusap kami, madalas kong maalala ang Mateo 18:20: “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”

Bagama’t hindi ko aktibong maibahagi ang ebanghelyo sa mga pag-uusap na ito, naituro sa akin ng karanasang ito kung paano maaanyayahan ang Espiritu sa pakikipag-usap sa mga kapwa disipulo tungkol kay Cristo sa ating mga relasyon at mapapanatili Siya sa sentro ng lahat ng ating ginagawa.

Sa Pamamagitan ng Pagtupad sa mga Tipan

Natanto ko na ang tanging paraan na maibabahagi ko talaga ang ebanghelyo ni Jesucristo rito ay sa pamamagitan ng aking pagkatao. Hindi ko mabibigyan ang mga tao ng Aklat ni Mormon dito, pero maaari akong manalangin na kasama sila, maaari ko silang tulungang madama ang pagmamahal ng Diyos, at maaari kong patototohanan na mahal talaga sila ng Diyos. Sa pagsisikap ko lang na tuparin ang aking mga tipan at sundin ang mga utos ng Panginoon, pinatototohanan ko ang aking pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Anuman ang inyong sitwasyon, isipin ang mga paraan na maaaring maging liwanag ang inyong halimbawa na gumagabay sa iba patungo sa katotohanan at nagbabahagi ng kabutihan ng Espiritu.

binatilyong may hawak na aklat, habang isang bolang umiilaw ang lumilipad-lipad sa kanyang harapan

Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kamakailan, “Tayo ay nagiging mga disipulo [ni Jesucristo] at kinakatawan natin Siya nang maayos kapag kusa at unti-unti nating tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan.”1

Sa Pamamagitan ng Pagtutuon sa Ating Relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Nadarama ko lamang ang Espiritu sa pakikipag-ugnayan muna sa Ama sa Langit at kay Jesucristo araw-araw—para lagi Silang makasama upang “luwalhatiin [ko] ang [aking] Ama na nasa langit” (Mateo 5:16). Kung minsa’y itinuturing nating isang pormula [sa math] ang ebanghelyo kung saan nagsisingit tayo ng mga bagay-bagay para makuha natin ang ating inaasahang mga resulta. Pero nalaman ko na ang pinakamahalagang aspeto ng ebanghelyo ay ang ating relasyon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Hindi naiiba rito sa Holy Land ang aking proseso ng pakikipag-ugnayan sa Kanila. Kahit maaari kong bisitahin ang mga lugar na nilakaran ni Jesus, higit kong nadarama ang Espiritu kapag nagdarasal ako at nag-aaral ng aking mga banal na kasulatan at nag-uukol ng oras sa maghapon para lang sa Kanila—ganyan ang nangyayari sa buong buhay ko.

Itinuro ni Sister Bonnie H. Cordon, dating Young Women General President: “Napakabisang gawin ang [mga banal na gawing] ito bilang pagsaksi kaysa bilang listahan ng mga gagawin. Unti-unti lang ang proseso pero ito ay susulong din sa araw-araw at masigasig na pakikibahagi at makabuluhang mga karanasan kay Cristo”2

Ang taos-pusong pagsisikap na makipag-ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tutulong sa inyo na magbigay ng puwang para sa mga sagradong sandali sa inyong buhay.

Ipinapangako ko na madarama ninyo ang kaibhan.

Sa Pamamagitan ng Pagtutuon sa mga Simpleng Katotohanan

Dahil kakaiba ang sitwasyon ko kung saan hindi ko maaaring talakayin ang mga detalye ng aking pananampalataya, natuto ako sa pananatili sa Jerusalem na huwag tumingin “nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14). Natuto akong magtuon sa mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo: Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, si Jesucristo ang aking Tagapagligtas, at si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos sa lupa ngayon.

Nakatulong sa akin ang pananaw na ito na tuparin ang aking mga tipan at manatiling nakaugnay sa Espiritu habang hinaharap ko ang mga hamon ng pagiging young adult sa Simbahan, lalo na sa isang lugar na kakaunti ang mga miyembro.

Pero nalaman ko na saanman ako naroroon, basta’t sinisikap kong lumikha ng espirituwal na puwang sa buhay ko araw-araw, palaging nalulutas ang aking mga tanong, problema, at alalahanin sa pamamagitan ng pag-asa sa Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo.