Liahona
Nagkakaisa sa Aming Walang-Hanggang Simbahan
Hunyo 2024


“Nagkaisa sa Aming Walang-Hanggang Simbahan,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Nagkakaisa sa Aming Walang-Hanggang Simbahan

Matapos lumipat sa Sweden mula sa Nigeria, nahirapan kaming maghanap ng simbahang tama sa pakiramdam namin. Pagkatapos isang araw ay may nakilala akong dalawang dalaga na nagsabi sa akin na gusto nila akong kausapin tungkol kay Jesucristo.

mag-asawang magkatabing nakaupo at magkahawak-kamay

Mga larawang kuha ni Ashlee Larsen

Ang relihiyon ay mahalagang bahagi ng aming buhay sa Nigeria. Nagkaroon kami ng asawa kong si Okoro ng malaking pananampalataya kay Jesucristo at minahal namin Siya. Nang lumipat kami sa Sweden, ginugol namin ang lahat ng oras namin sa pag-aalaga sa aming kambal na anak na napaaga nang tatlong buwan ang pagsilang. Apat na buwan kaming namalagi sa ospital at hindi kami dumalo sa kahit saang simbahan noong panahong iyon.

Kalaunan, ninais naming magsimbang muli, pero wala kaming nahanap na simbahan na tama sa pakiramdam namin. Gusto namin ng isang simbahan na maaaring daluhan ng aming buong pamilya habambuhay at magpakailanman. Nagpatuloy ang naising ito nang dalawang taon, pero nag-alala kami dahil hindi na kami sanay magsimba at magdasal nang sama-sama bilang pamilya.

Noong isang taong gulang na ang mga bata, nasa labas ako habang may isang napakalakas na bagyo ng niyebe para pumasok sa eskuwela at matuto ng Swedish. Narinig ko na may tumawag mula sa likuran ko. Nang lumingon ako, nakita ko ang dalawang magagandang dalaga. Hindi ko naunawaan ang sinasabi nila, pero naunawaan ko ang salitang “Jesucristo.”

Nang matanto nila na hindi ako marunong magsalita ng Swedish, itinanong nila, “Nagsasalita ka ba ng Ingles?” Nang sagutin ko sila ng oo, sinabi nila, “Gusto ka naming makausap tungkol kay Jesucristo.”

“Ano ang tungkol sa Kanya?” tanong ko. “Kilala ko Siya!”

Tumawa sila at tuwang-tuwa kaya lumapit sila sa akin. Humanga ako at nasabik na malaman ang sasabihin nila. Sabi nila mga missionary sila ni Jesucristo, at pumayag akong makipagkitang muli sa kanila at makipag-usap pa tungkol kay Jesus. Pag-alis ko, nakaramdam ako ng saya. Nang lingunin ko sila, nakatayo lang sila roon at nabanaagan ko ang saya na katulad ng nadarama ko.

babaeng nakaupo sa sopa

Nang matagpuan niya ang Simbahan, si Sister Okoro-Omaka ay “napaluha dahil masayang-masaya akong makabalik sa aking Tagapagligtas.”

Pagbalik kay Jesucristo

Pag-uwi ko galing sa paaralan, sinabi ko sa asawa ko, “Sweetheart, hulaan mo kung ano ang nangyari. Natagpuan ko na ang simbahang sasapian natin!” Nanginginig ako, tuwang-tuwa ako. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lahat ng damdaming ito, pero masaya ako sa kaibuturan ng puso ko dahil nakilala ko ang mga missionary.

Hindi nagtagal, sinimulan kaming turuan ng mga missionary tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Napaluha ako dahil masayang-masaya akong makabalik sa aking Tagapagligtas. Wala akong mga tanong tungkol sa itinuro nila sa amin hanggang sa makarating kami sa Aklat ni Mormon. Nahirapan akong paniwalaan ang anumang bagay tungkol doon. Gayunman, hiniling ng mga missionary na basahin ko ang Aklat ni Mormon at ipagdasal ito. Taimtim akong nagdasal araw-araw sa loob nang ilang linggo para malaman kung iyon talaga ang salita ng Diyos, pero hindi ko binasa iyon kahit kailan.

Pagkaraan ng ilang linggo na walang sagot mula sa Diyos, sumakay ako ng tren at nagbiyahe papuntang Stockholm. Habang nasa daan, inilabas ko ang Aklat ni Mormon at nagsimula akong magbasa.

Binasa ko ang pambungad at ang Patotoo ng Tatlong Saksi at Walong Saksi, at binasa ko ang tungkol kay Joseph Smith. Paulit-ulit ko itong binasa. Nang makarating ako sa Stockholm, umiiyak ako, nanginginig, at kinikilabutan. Napuspos ako ng Espiritu ng Diyos. Nalaman ko mula sa personal na paghahayag kung sino talaga si Joseph Smith—na siya ay propeta at lingkod ng Diyos. Nalaman ko na naipanumbalik na ng Panginoon ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa sa pamamagitan niya.

Pagkatapos ay pinaniwalaan ko ang lahat ng sinabi sa akin ng mga missionary. Nang mabasa ko mismo ang Aklat ni Mormon, nalaman ko na ito ay totoo. Sinabi ko sa mga missionary na gusto kong magpabinyag. Isinama ng asawa ko ang buong pamilya namin para ipakita ang suporta nila sa akin.

Pagkatapos ng aking binyag, nagsimula kaming manalanging muli nang sama-sama bilang pamilya, at sinimulan ko silang turuan tungkol sa natututuhan ko. Kalaunan, hiniling ni Okoro na makipagkitang muli sa mga missionary. Tinanggap niya ang kanilang mga turo, binasa ang Aklat ni Mormon, at ipinagdasal ito. Natanggap niya ang sagot na natanggap ko, at hiniling din na mabinyagan siya. Sa wakas, nagkaisa ang aming buong pamilya sa aming walang-hanggang Simbahan.

pamilyang sama-samang nakaupo

Para kina Brother at Sister Okoro-Omaka, pagbabasa ng Aklat ni Mormon ang naging susi sa kanilang pagbabalik-loob.