Liahona
Paano Natin Matatanggap ang Kapahingahan ng Panginoon?
Hunyo 2024


“Paano Natin Matatanggap ang Kapahingahan ng Panginoon?,” Liahona, Hunyo 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Alma 13

Paano Natin Matatanggap ang Kapahingahan ng Panginoon?

Itinuturo ni Alma kung paano tayo makapaghahandang pumasok sa kapahingahan ng Panginoon.

babaeng nagdarasal

Inanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat ng tao:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; … makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Sa kaugnay na mga turo sa Alma 13, binanggit ni Alma ang mga “ginawang dalisay at nakapasok sa kapahingahan ng Panginoon” (talata 12). Pagkatapos ay ibinigay niya ang paanyayang ito: “Nais kong kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos, at mamunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi, upang kayo rin ay makapasok sa kapahingahang yaon” (talata 13).

Kapag tinalikuran natin ang ating mga kasalanan at nagsisi tayo, mapupuspos tayo ng kapayapaan at papatnubayan tayo palagi ng Espiritu Santo. Sa mga talata 28 at 29, naglista si Alma ng mga paraan para maihanda natin ang ating sarili na makapasok sa kapahingahan ng Diyos:

  • Magpakumbaba tayo sa harapan ng Panginoon.

  • Tumawag sa Kanyang banal na pangalan.

  • Magmasid at manalangin tuwina para mapaglabanan ang tukso at magabayan ng Espiritu.

  • Manampalataya sa Panginoon.

  • Magkaroon ng pag-asa na matatanggap natin ang buhay na walang hanggan.

  • Laging mahalin ang Diyos nang taos-puso.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na sa pagsunod sa mas mataas na mga batas ni Jesucristo, makasusumpong tayo ng kapahingahan, kaginhawahan, at kapayapaan—hindi lamang sa kawalang-hanggan kundi sa ating buhay ngayon. Ipinaliwanag Niya:

“Ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos. …

“Habang nagsisikap tayong isabuhay ang [mas mataas na mga] batas ni Jesucristo, unti-unting nagbabago ang ating puso at mismong likas na pagkatao. Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.

“Ngayon, maaaring iniisip ninyo na tila ito ay mas mahirap na espirituwal na gawain sa halip na kapahingahan. Ngunit narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon! Ang talagang idinudulot nila ay walang iba kundi isang hungkag na pamalit sa ‘pinagpala at maligayang kalagayan ng mga [taong] sumusunod sa mga kautusan ng Diyos’ [Mosias 2:41].

“Ang katotohanan ay [na] mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman!”1