Liahona
Isang Pagbabago ng Puso: “Nadarama ba Ninyo ang Gayon Ngayon?”*
Hunyo 2024


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Alma 5

Isang Pagbabago ng Puso: “Nadarama ba Ninyo ang Gayon Ngayon?”

Ang nagtatagal na pagbabalik-loob ay maaaring mapasaatin kapag inaalala natin ang Panginoon at ang Kanyang kabutihan sa atin.

Ibinigay ni Nakababatang Alma ang nakapupukaw na mga tanong na ito sa mga tao sa lungsod ng Zarahemla:

“Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso? …

At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:14, 26).

Lumaki akong dumadalo sa Ogden First Ward sa Ogden, Utah, USA. Noong mga siyam-na-taong-gulang ako, sinimulan ng aming bishop (na aking ama) ang bahaging pagpapatotoo ng isang fast and testimony meeting sa pamamagitan ng paghiling sa lahat ng nasa kongregasyon na magpatotoo. Nagpatuloy ang miting tulad ng hiniling ni Itay. Halos lahat ng nagsimba ay tumayo at nagbigay ng kanilang patotoo.

gusali ng simbahan sa Ogden, Utah

Ang gusali ng simbahan kung saan dumalo si Elder Hales sa Ogden First Ward noong bata pa siya.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng awtor

Kapansin-pansin ang pangyayaring ito para sa akin. Bawat patotoo ay simple, deretsahan, at nakatuon sa alam ng bawat tao na totoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Ang napansin ko lang, nadarama ng lahat ang natatanging pagbuhos ng Espiritu. Walang alinlangan, nadama ko ang Espiritu noon, pero naroon ang Espiritu sa pambihirang paraan noong araw na iyon. Nakadama ako ng malakas na patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Pagkaraan ng maraming taon, hindi ko nalimutan kailanman ang karanasang ito nang madama ko ang pagkakaisa ng ward at ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Anuman ang mga una nating karanasan sa pagtanggap ng nagpapatibay na patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikinabang tayo nang husto sa pagtatanong sa ating sarili ng, “Nadarama [ba natin] ang gayon ngayon?” at pagkatapos ay gawin natin ang anumang kinakailangang mga pagwawasto.

Naaalala ba natin ang naranasan at nadama natin nang tanggapin natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at nangako tayong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos? Nadarama pa rin ba natin “ang Espiritu ng Diyos [na] nag-aalab”1 sa ating mga buto? Masigasig pa rin ba tayo sa ating pagkadisipulo?

Tandaan at Magsisi

Madalas tayong payuhan sa Aklat ni Mormon na tandaan. Bakit? Dahil kapag inalala natin ang mga espirituwal na karanasan at damdamin, mas malamang na magkaroon tayo ng higit na lakas na iwasan ang kasalanan at magpatuloy sa ating pangako na manatili sa landas ng tipan.

Matindi rin ang paghihikayat ng Aklat ni Mormon na magsisi. Matapos obserbahan ang pangangailangan ng mga tao na magsisi, ipinaliwanag ni Alma ang mga pagpapala ng kapatawarang matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ibinigay ang mensaheng ito ng pag-asa, na angkop sa atin ngayon:

“Dinggin, [ang Tagapagligtas] ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.

“Oo, kanyang sinabi: Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; oo, kayo ay malayang makakakain at makaiinom ng tinapay at ng mga tubig ng buhay;

“Oo, lumapit sa akin at gumawa ng mga gawa ng katwiran at hindi kayo puputulin at ihahagis sa apoy. …

“Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na tinatawag kayo ng mabuting pastol; oo, at sa kanyang sariling pangalan niya kayo tinatawag, na ang pangalan ay Cristo” (Alma 5:33–35, 38).

Mahalin ang Diyos at ang Kapwa-tao

Ipinagpatuloy ni Alma ang kanyang mga turo sa pagtatanong sa mga tao kung nahubad na ang kanilang kapalaluan at inggit (tingnan sa Alma 5:28–29). Itinanong din niya:

“Mayroon bang isa man sa inyo na gumagawa ng pangungutya sa kanyang kapatid, o ibinubunton sa kanya ang mga pag-uusig?

“Sa aba sa gayon, sapagkat hindi siya nakahanda, at ang panahon ay nalalapit na, na kailangan niyang magsisi o hindi siya maliligtas!” (Alma 5:30–31).

Itinuro sa atin Pangulong Russell M. Nelson ang obligasyon nating pakitunguhan ang iba nang may pagmamahal at paggalang at iwasan ang paghusga at kalupitan. Sabi niya:

“Gaya ng nakatala sa Aklat ni Mormon, … inaanyayahan ng Tagapagligtas ang ‘lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae … pantay-pantay ang lahat sa Diyos’ (2 Nephi 26:33). …

“… Nang hamunin … ng isang nanunuyang Fariseo [ang Tagapagligtas] na tukuyin ang pinakadakilang utos sa batas, ang tugon ng Tagapagligtas ay lubos na hindi malilimutan at maikli. Ito ay puno ng katotohanan na umaakay tungo sa masayang buhay. Ang Kanyang tagubilin ay mahalin muna ang Diyos nang buong puso, at pagkatapos, ay mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:35–39).”2

Bukod pa rito, ang mga salita ni Alma ay nagbibigay ng makapangyarihan at tuwirang mensahe na huwag nating talikuran ang mga maralita at nangangailangan (tingnan sa Alma 5:55). Sa halip, tulungan natin ang mga nangangailangan. Mahalaga ito para mapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 4:16–26) at patuloy na madama ang pagbabagong hatid ng Tagapagligtas sa ating puso.

Maging Masigasig sa mga Personal na Gawi sa Relihiyon

Ang ating mortal na karanasan ay nangangailangan na mabuhay tayo nang may pananampalataya. Kung minsa’y maaari tayong mainis. Maaari tayong biguin ng mga kapamilya at nakakasama natin. Kung minsa’y maaari tayong mapagod, manghina, mainip, at matukso sa lahat ng dako. Ang mga kundisyon sa mundong ito ay maaaring maging dahilan para isipin natin kung totoo ngang “humahalakhak ang diyablo, at ang kanyang mga anghel ay nagsasaya” sa ating kalagayan (3 Nephi 9:2). Sa mga sitwasyon at pagsubok na ito, lalo na sa mga huling araw na ito, maaaring humina ang ating kasigasigang ipamuhay ang ebanghelyo kung hindi tayo masigasig.

Pero maaari nating masunod ang mahahalagang gawi sa relihiyon para protektahan ang ating sarili, kahit mahirap ang buhay. Ang mga personal na gawing ito sa relihiyon ay mahalaga sa pagpapatatag ng ating pananampalataya, pagpapanatili ng ating kakayahang labanan ang tukso, at pag-alala sa ating mga espirituwal na karanasan. Tinutulungan tayo ng mga ito na espirituwal na lumago at daigin ang mga taktika ni Satanas.

Ang mga patotoo ng dalawang propeta sa mga huling araw tungkol sa mga pagpapala ng dalawa sa mga personal na gawing ito sa relihiyon ay kapansin-pansin:

Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

“Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ninyo … ay ituon ang inyong sarili sa mga banal na kasulatan. Masigasig na saliksikin ang mga ito. Magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Pag-aralan ang doktrina. Maging bihasa sa mga alituntuning matatagpuan dito. May ilang iba pang pagsisikap na maghahatid ng higit na kapakinabangan. … May ilang iba pang paraan para magtamo ng higit na inspirasyon. …

“… Kapag itinuon ng bawat miyembro at pamilya ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan nang regular at palagian, … lalago ang mga patotoo. Magiging mas tapat tayo sa pangako. Mapapatatag ang mga pamilya. Dadaloy ang personal na paghahayag.”3

Sa seminar sa pangkalahatang kumperensya sa pamumuno noong Oktubre 2019, sinabi ni Pangulong Nelson: “Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre ng nakaraang taon, hinimok ko ang mga Banal na dumalo sa templo nang regular. Bakit? Dahil lumulubha ang mga pagsalakay ng kalaban, sa tindi at sa iba’t ibang uri. Ang pangangailangan sa regular na pagdalo sa templo ay lalo pang naging mahalaga sa ngayon. Ipinangako ko noon, at inuulit ko ngayon, na ang mga taong regular na gumagawa ng appointment sa Panginoon—na pumunta sa Kanyang banal na bahay—at tumutupad sa appointment na iyon, ay tatanggap ng mga himala.”4

Ang mga Pagpapala ng Isang Pusong Nagbago

Hinikayat ni Alma ang mga tao ng Zarahemla na alalahanin ang pagkabihag ng mga nauna sa kanila. Hinikayat niya silang alalahanin ang “awa at mahabaging pagtitiis” ng Panginoon sa kanilang mga ama at alalahanin na Kanyang “iniligtas ang kanilang mga kaluluwa mula sa impiyerno” (Alma 5:6). Ang puso ng kanilang mga ama ay nagbago sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo (tingnan sa Alma 5:7; tingnan din sa 2 Nephi 2:8). Ang mga pagpapalang iyon ay maaari din nating makamtan kapag naaalala natin ang Panginoon at ang Kanyang kabutihan sa atin.

Habang naaalala ko ang kakaibang fast and testimony meeting noong bata pa ako, ang damdamin ko noon at ang mga binhi ng patotoo na itinanim ng Espiritu Santo sa puso ko ay tumutulong sa akin na naising maging mas mabuting tao ngayon. Kapag sinunod natin ang payo ni Alma sa pamamagitan ng pag-alala sa sarili nating mga espirituwal na karanasan, tapat na pagsunod sa ating mga personal na gawi sa relihiyon, at mapagpakumbabang pagninilay sa lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa atin, pinalalakas natin ang ating kakayahang tuparin ang ating mga tipan at mas mapalapit sa Kanya.

nagtipon ang mga young adult sa isang chapel para sa isang aktibidad

Nagtipon ang mga young adult para sa isang aktibidad sa chapel ng Ogden First Ward. Dumalo sa aktibidad ang ina (kanan, pangatlong hanay, dulong kaliwa) at ama (kanan, pangalawang hanay, dulong kanan) ni Elder Hales bago sila ikinasal noong Oktubre 1949.

Mga Tala

  1. “Espiritu ng Diyos,” Mga Himno, blg. 2

  2. Russell M. Nelson, “NAACP Convention Remarks” (ibinigay sa Detroit, Michigan, Hulyo 21, 2019), newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  3. Ezra Taft Benson, “The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 81.

  4. Russell M. Nelson, seminar sa pangkalahatang kumperensya sa pamumuno, Okt. 2, 2019; ginamit nang may pahintulot.