Liahona
Taasan Mo pa ang Pag-abot
Hunyo 2024


“Taasan Mo pa ang Pag-abot,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Taasan Mo pa ang Pag-abot

Inisip ko kung bakit tumigil si Emily sa landas hanggang sa makita ko siyang inaabot ang dalagita sa likuran niya.

dalawang nakapiring na dalagitang naglalakad habang nakahawak sa isang lubid

Larawang kinunan ng awtor

Noong naglilingkod ang asawa ko bilang ward Young Women president namin, inanyayahan niya ako sa Young Women camp tuwing tag-init para tumulong sa mga outdoor activity. Sa isang camp kamakailan, tumulong ako sa ropes course na nilakaran ng mga kabataang babae habang nakapiring.

Kinailangang kumapit ng mga naglakad sa lubid na ito sa isang manipis na lubid na nakaunat mula sa isang puno papunta sa isa pang puno. Kapag nakarating sila sa bawat puno, kakapain nila sa paligid ng katawan ng puno ang bahagi ng lubid na papunta sa sumunod na puno. Tampok sa course na ito ang ilang mahihirap na lugar, kabilang na ang isang dead end. Tinutulungan ko ang mga kalahok kapag nadarapa sila o nahihirapan sa isang partikular na nakalilitong lugar sa kalagitnaan ng course.

Sa lugar na iyon, nakatali ang lubid sa isang puno tulad ng dati. Pero ang lubid na papunta sa kasunod na puno ay ilang talampakan ang taas mula sa lubid papunta sa puno. Sa puntong iyon ng course, nasanay na ang mga dalagita na kumapa lang sa mga paligid ng bawat puno para hanapin ang kasunod na lubid. Kapag nahirapan silang kapain ang mas mataas na lubid, sinasabihan ko sila ng, “Taasan mo pa ang pag-abot.”

Tulad ng iba pang nauna sa kanya, hindi nagtagal ay nayamot ang isang dalagitang nagngangalang Emily sa pagsisikap na hanapin ang mas mataas na lubid. Pagkaraan ng mga 20 segundo, binulungan ko siya ng, “Taasan mo pa ang pag-abot.” Hindi nagtagal ay nakapa ni Emily ang lubid, pero tumigil siya sandali.

Sa halip na magpatuloy, pumihit si Emily at inabot ang dalagita sa likuran niya na si Gwen. Pagkatapos ay marahang inangat ni Emily ang kamay ni Gwen sa mas mataas na lubid para ipaalam dito kung nasaan iyon. Pagkatapos ay nagpatuloy na si Emily, at sumunod si Gwen.

Maliit ang tulong na ginawa ni Emily, pero ipinaalala nito sa akin ang ating mabigat na responsibilidad bilang mga disipulo ni Jesucristo na tulungan ang iba na tumahak sa landas ng tipan, tulungan ang mga anak ng Diyos na taasan pa nila ang pag-abot, at “itaas ang mga kamay na nakababa” (Doktrina at mga Tipan 81:5).

“Kapag pinasisigla natin ang iba, sumisigla rin tayo,” pagtuturo ni Elder Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Sinabi rin niya: “Kapag tumutulong tayong mapagpala ang buhay ng iba, pinagpapala rin ang ating buhay. Ang paglilingkod at pagsasakripisyo ay nagbubukas sa mga dungawan ng langit, para maibuhos sa atin ang mga piling pagpapala” (“Kaligayahan, ang Inyong Pamana,” Liahona, Nob. 2008, 119).