“Pinagaan ni Jesucristo ang Aking mga Pasanin,” Liahona, Hunyo 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinagaan ni Jesucristo ang Aking mga Pasanin
Sa lahat ng kaguluhan sa buhay ko, pakiramdam ko ay nalulunod ako hanggang sa makasumpong ako ng kapayapaan sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Isang araw habang nagmi-minister ako sa isang sister sa aming ward, sinabi niya sa akin na binabasa niya ang Aklat ni Mormon taun-taon. Pinatotohanan din niya ang malalaking pagpapalang naidulot sa kanya ng pagsasagawa nito. Nagpapasalamat ako sa halimbawa ng sister na iyon.
Bago ang pagbisitang iyon, minsan ko pa lang nabasa ang buong Aklat ni Mormon, bagama’t lagi ko itong pinag-aaralan kapag naghahanda akong magturo. Pagkatapos kong bumisita, nagpasiya akong sundan ang halimbawa ng sister na ito. Nagsimula akong muli sa 1 Nephi at nagbasa hanggang katapusan. Tama siya! Pinagpala ako sa maraming paraang napansin ko at, natitiyak ko, sa iba pang mga paraang hindi ko napansin.
Hindi nagtagal nang matapos kong basahin ang Aklat ni Mormon sa ikalawang pagkakataon, iniwan ng asawa ko ang pamilya namin. Ang tila mga imposibleng gawain sa bago kong trabaho ay naging napakahirap, at sa paulit-ulit na karamdaman ng anak ko, pakiramdam ko ay parang nalulunod ako.
Pero naalala ko na nabasa ko sa Aklat ni Mormon kung paano binigyan ni Amulon ng mabibigat na pasanin si Alma at ang kanyang mga tao. Nang humingi ng tulong ang mga tao sa panalangin, sinabi sa kanila ng Panginoon na inaalala Niya ang kanilang sitwasyon at ililigtas sila. Kapag nangyari iyon, sinabi Niya, “Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod” (Mosias 24:14).
Maraming beses ko nang napag-aralan ang kabanatang iyon sa Mosias, at maraming beses ko na itong naituro sa iba sa mga klase tungkol sa ebanghelyo. Pinaniwalaan ko ang katotohanan ng mga talatang iyon. Dahil naging pamilyar ako sa mga turo sa Aklat ni Mormon, nalaman ko na ang personal na katotohanan ay lumilitaw kapag inihahalintulad ko ang mga banal na kasulatan sa aking mga personal na sitwasyon.
Kaya sinimulan kong basahin ang kabanatang iyon araw-araw para sa lakas at para ipaalala sa sarili ko na may malasakit din sa akin ang Panginoon. Kinailangan ko pa ring dumanas ng mga pagsubok, pero pinagaan nga Niya ang aking mga pasanin.
Ang mga talatang iyon sa Aklat ni Mormon ay umalalay sa akin sa isang panahon ng matinding personal na paghihirap, na nagbigay sa akin ng kapayapaan at ng nakapapanatag na kaalaman na naaalala ng Panginoon ang lahat ng Kanyang anak.