Liahona
Mga Saksi sa mga Gintong Lamina ng Aklat ni Mormon
Hunyo 2024


Mga Saksi sa mga Gintong Lamina ng Aklat ni Mormon

Bukod pa sa Tatlong Saksi at sa Walong Saksi, na ang mga patotoo ay lumitaw sa pambungad sa Aklat ni Mormon, nakita o nasalat ng ilan ang mga laminang ginto.

Noong 1823, nang unang magpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith, ipinaalam niya kay Joseph ang tungkol sa mga laminang ginto, na sinasabing “may nakalagak na isang aklat, na nakasulat sa mga laminang ginto. … At sinabi rin niya na nakapaloob doon ang kabuuan ng walang-hanggang Ebanghelyo, gaya ng ibinigay ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:34).

Pagkaraan ng apat na taon, noong Setyembre 22, 1827, ipinagkatiwala ni Moroni ang mga lamina sa kanya. Tulad ng ipinaliwanag ni Joseph kalaunan: “Sinabi Niya sa akin, na kapag nakuha ko na ang mga lamina na kanyang binanggit … hindi nararapat na ang mga yaon ay ipakita ko kahit kanino mang tao; … doon lamang sa kanila na ipag-uutos sa akin na pagpapakitaan ko ng mga yaon” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:42).

Burol ng Cumorah

Ang Burol ng Cumorah, kung saan natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula kay Moroni.

Ang mga lamina ay sagrado, at hindi ipinakita ni Joseph ang mga ito sa iba nang walang pahintulot; gayunman, nasalat ng maraming tao ang mga lamina habang nakatakip ito at narinig pa ang tunog ng metal ng mga lamina. Nang matapos ang pagsasalin, nakita ng Tatlo at ng Walong Saksi ang mga lamina nang walang takip, at hinawakan ng Walong Saksi ang mga ito nang walang takip. Ang mga lamina, samakatwid, ay nasaksihan gamit ang tatlong pandama: makakita, makahawak, at makarinig.

  • Nakita ng mga saksi ang buong salansan ng mga lamina, gayundin ang mga argolya na pinagkabit-kabit ang mga ito; ang mga bahaging mahigpit na nakasara at ang hindi nakasara, gayundin ang pangsara na nagbibigkis sa bahaging mahigpit na nakasara; bawat isa sa indibiduwal na mga lamina ng bahaging hindi nakasara; at ang mga nakaukit sa magkabilang panig ng bawat pahina.

  • Hinawakan ng mga saksi ang mga lamina nang buhatin nila ang buong salansan nito para alamin ang bigat nito, binuklat nang bahagya ang gilid ng salansan na parang nagbubuklat ng mga pahina ng isang aklat, at sinalat ang bawat isang lamina sa bahaging hindi nakasara habang isa-isa nilang binubuklat ang mga pahina.

  • Narinig ng mga saksi ang kaluskos, kalansing, at tunog ng mga laminang metal nang galawin nila iyon.

mapa

Mga lokasyon mula sa itaas: Manchester, New York; Fayette, New York; Harmony, Pennsylvania.

Sa paglipas ng panahon, nasaksihan ang mga lamina sa tatlong lugar: Manchester, New York; Harmony, Pennsylvania; at Fayette, New York.

Mga Saksi sa Manchester

tahanan nina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith

Tahanan nina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith, malapit sa Sagradong Kakahuyan. Doon nakatira sina Joseph at Emma noong 1827, nang unang matanggap ni Joseph ang mga laminang ginto.

Binigyan ng mga oportunidad ang pamilya Smith at ang iba pa sa kanilang lugar na mabuhat ang sinaunang talaan at masalat ang bawat lamina nito sa tahanan ng pamilya Smith sa Manchester Township, New York. Ang mas batang kapatid ni Joseph na si William, na edad 16 noong 1827, ay nagkaroon ng malinaw na alaala sa pagsaksi sa mga lamina, na ibinahagi niya kalaunan sa isang sermon: “Nang dalhin ang mga lamina, nakabalot ang mga ito sa isang sutana. Pagkatapos ay iniligay ito ng aking ama sa isang punda ng unan. Sabi ni Itay, ‘Ano, Joseph, hindi ba namin maaaring makita ang mga ito?’ [Sagot ni Joseph,] ‘Hindi po. … Pinagbawalan akong ipakita ang mga ito hanggang sa maisalin ang mga ito, pero puwede po ninyong masalat ang mga ito.’ Nahawakan namin ang mga ito at masasabi namin kung ano ang mga ito. … Masasabi namin kung bilog o kuwadrado ang mga ito. Mabubuklat ang mga pahina nang paganito (habang binubuklat ang ilang pahina ng Biblia sa kanyang harapan). Madaling masasabi ng isang tao na hindi bato ang mga ito, na tinabas para manlinlang, o kaya ay bloke ng kahoy.”1

Sa isa pang pagkakataon, nagbigay ng karagdagang impormasyon si William: “Masasabi ko na ang mga iyon ay isang uri ng mga lamina at na pinagkabit-kabit ang mga iyon ng mga argolya na buong likod.”2 Isinulat din niya na bukod pa sa pagsalat sa bawat lamina at argolya, nabuhat niya ang buong aklat: “Pinayagan akong buhatin ang mga iyon. … Mga 60 libra ang timbang ng mga iyon sa pakiramdam ko.”3 Nahawakan din ng nakababatang kapatid ni Joseph na si Katherine, edad 14, ang mga lamina noong araw na iuwi ni Joseph ang mga iyon. “Idinaan niya ang kanyang mga daliri sa gilid ng mga lamina at nasalat niya na hiwa-hiwalay na laminang metal ang mga iyon at narinig niya ang kalansing ng metal.”4

Lucy Mack Smith

Ina ni Joseph, Lucy Mack Smith

Kalaunan ay ikinuwento ni Nanay Lucy ang kanyang mga karanasan sa isang kapitbahay, si Sally Bradford Parker, na sumulat: “Tinanong ko siya kung nakita niya ang mga lamina. Hindi raw, dahil hindi siya itinakdang makita ang mga iyon, pero nabuhat at nahawakan niya ang mga iyon at naniwala ako sa lahat ng sinabi niya dahil walong buwan na kaming magkapitbahay at isa siya sa pinakamababait na babaeng nakilala ko.”5 Bagama’t hindi niya nakita nang walang takip ang mga lamina, natiyak ni Lucy na tunay at wasto ang pagkasalin sa mga ito. Naalala niya na binisita siya ng isang deacon mula sa isa sa mga lokal na simbahan na humiling na makita ang mga lamina. Nang tumanggi siyang ilabas ang talaan, sinabi nito kay Lucy na tumigil na sa pagkausap sa iba tungkol doon. Sagot ni Lucy, “Kung … itali man ninyo ako at sunugin, ipapahayag ko na hawak ni Joseph ang talaang iyon.”6

Ang iba pa sa lugar ng Palmyra at Manchester, kung saan nakatira noon ang pamilya Smith, ay pinayagang buhatin ang mga lamina habang nakatago ang mga iyon sa isang kahon o sa isang klase ng lalagyan. Iniulat ni Martin Harris na ang kanyang asawang si Lucy Harris at ang isa sa kanilang mga anak na babae—malamang ay si Lucy o si Duty—ay bumisita sa mga Smith at pinayagang buhatin ang mga lamina. Pareho nilang sinabi kay Martin na medyo mabigat ang mga iyon.7 Pagkatapos ay binisita mismo ni Martin Harris ang mga Smith at gayon din ang kanyang naranasan.8

Isinalaysay ni Martin Harris na si Alvah Beman, na nakatira din sa lugar, ay pinayagan ding buhatin ang mga laminang nasa isang kahon at “sinabi na narinig niyang tumunog ang mga iyon.”9 Marahil ay gumalaw ang mga lamina nang iabot ang kahon kay Alvah, kaya tumunog ang metal.

Mga Saksi sa Harmony

Pagsapit ng Disyembre 1827 may ilang pagtatangkang nakawin ang mga lamina, kaya nagpasiya si Joseph na lumipat sila ni Emma sa tahanan ng kanyang mga magulang sa Harmony Township, Pennsylvania.

Emma Smith

Emma Smith

Nang dumating sina Joseph at Emma, pinayagan ni Joseph si Isaac Hale, ang ama ni Emma, na buhatin ang mga laminang nasa isang kahon. Kalaunan ay sinabi ni Isaac, “Pinayagan akong maramdaman ang bigat ng kahon, at dahil doon ay naunawaan ko, na ang aklat ng mga lamina ay nasa loob ng kahon noon.” Subalit hindi siya nakumbinsi at hindi nasiyahan sa sitwasyon. Sinabi niya kay Joseph na ipakita sa kanya ang mga lamina o kaya’y alisin ang mga iyon sa bahay niya. Itinago ni Joseph ang mga lamina sa kalapit na kakahuyan hanggang sa makalipat sila ni Emma sa sarili nilang tahanan na nasa lupang pag-aari ng mga Hale.10

Ang katabing sakahan ay pag-aari nina Joseph at Sarah McKune. Kalaunan ay iniulat ng kanilang apong babae na pinayagan si Joseph McKune “na ipasok ang kanyang mga kamay sa isang punda kung saan nakabalot ang sinasabing banal na kayamanan, at salatin sa tela na mayroon iyong mga pahina.”11

Sa Harmony, sinimulang isalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang una niyang mga eskriba ay ang kanyang asawang si Emma at ang kaibigan niyang si Martin Harris.12 Tulad ng mga miyembro ng mga pamilya Harris at Smith, binuhat ni Emma ang mga lamina, dahil “inaangat at inililipat niya ang mga iyon” habang naglilinis.13 Nasalat din niya ang indibiduwal na mga pahina at narinig ang tunog nito kapag inuusog, na inilarawan niya sa ganitong paraan: “Minsan ko nang nasalat ang mga lamina, habang nakapatong ang mga iyon sa mesa, na kinakapa ang mga gilid at hugis ng mga ito. Tila nababaluktot ang mga iyon na parang makapal na papel, at kumakaluskos na may tunog ng metal kapag inuusog ng hinlalaki ang mga gilid, gaya ng pagbuklat ng isang tao kung minsan sa mga gilid ng aklat.”14

Mga Saksi sa Fayette

Sa pagtatapos ng Mayo 1829, nagsimulang mangyari sa Harmony ang gayon ding uri ng pag-uusig na naranasan ni Joseph sa Manchester, at natanto ni Joseph na kailangan niyang lumipat na muli para matapos ang pagsasalin. Kasama ang kanyang asawang si Emma at kanyang eskribang si Oliver Cowdery, dinala si Joseph sa sambahayan ng ilang kakilala: sina Peter at Mary Whitmer ng Fayette Township, New York.

Ipinakita ng isang sugo mula sa langit ang mga lamina kay Mary Whitmer. Sa pagkaalam namin, hindi siya naging tapat sa kanyang karanasan sa pagsulat. Pero ikinuwento ni Mary ang kanyang karanasan sa kanyang mga anak at apo, na kalaunan ay ikinuwento naman iyon sa iba. Ikinuwento ng kanyang apong si John C. Whitmer, “Narinig kong sinabi ng lola ko (si Mary M. Whitmer) sa ilang pagkakataon na ipinakita sa kanya ng isang banal na anghel ang mga lamina ng Aklat ni Mormon.”15

Si Mary Whitmer na pinapakitaan ng mga laminang ginto

Sinabi ng kanyang anak na si David na “nakipagkita sa kanya ang [isang] matandang lalaki sa labas malapit sa bakuran.” Sinabi ng kanyang apong si John na ang lalaking ito ay “may pasan sa kanyang likod na mukhang knapsack” at na “noong una ay medyo natakot siya sa lalaki.” Gayunman, “nang magsalita ang lalaki sa kanya sa mabait at magiliw na tono at nagsimulang ipaliwanag sa kanya ang katangian ng gawaing nangyayari sa loob ng kanyang bahay, napuspos siya ng di-maipahayag na kagalakan at kasiyahan.”

Nagbigay ng karagdagang detalye si John tungkol sa kahanga-hangang pagsaksi sa sagradong talaan na natanggap ni Mary sa panahong iyon: “Pagkatapos ay kinalag niya ang tali ng kanyang knapsack at ipinakita sa kanya ang isang bunton ng mga lamina. … Binuklat ng kakatwang taong ito ang mga pahina ng aklat ng mga lamina, nang paisa-isa, at ipinakita rin sa kanya ang mga nakaukit doon; pagkatapos ay biglang naglaho ang personahe na dala ang mga lamina, at kung saan ito nagtungo, ay hindi niya masabi.”

Sabi ni John: “Alam ko na ang lola ko ay isang mabuti, marangal at tapat na babae, at wala ako ni katiting na pagdududa na talagang totoo ang kanyang pahayag tungkol sa pagkakita sa mga lamina. Malaki ang pananalig niya sa Aklat ni Mormon hanggang sa araw na mamatay siya.”16

Ang anak ni Mary na si David ay magiging isa sa Tatlong Saksi, na pinakitaan ng mga lamina ng isang anghel nang matapos ang pagsasalin. Bukod pa riyan, makakasama ang iba pang mga anak na lalaki ni Mary sa Walong Saksi na pinakitaan ni Joseph Smith ng mga lamina, na nagawang buhatin at hawakan ang mga lamina nang walang takip at buklatin ang mga lamina at masdan ang mga sinaunang nakaukit dito.17

batang nagbabasa ng aklat

Ang Ating Sariling Patotoo

Sa mga bagay na nauukol sa pananampalataya at kasaysayan, maraming tao ang gusto ng mas maraming katibayan. Maaaring naisin ng ilan na makita ng lahat ang mga laminang ginto sa isang museong bantog sa mundo. Bagama’t ibinalik ni Joseph Smith ang mga laminang ginto sa anghel na si Moroni, at hindi natin personal na masisiyasat ang mga iyon, nasa atin ang mga patotoo ng mga taong nakakita roon.

Tinutupad ng kasaysayan ng mga lamina ang banal na batas tungkol sa mga saksi: “Ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na ipahayag ang mga salita ng aklat; at sa pamamagitan ng bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti ay pagtitibayin niya ang kanyang salita” (2 Nephi 27:14). Ang kalalakihan at kababaihang nakakita at nakahawak at nakarinig sa mga lamina ay nagpatotoo sa materyal na realidad ng mga lamina at sa mga nakaukit doon, sa sinaunang hitsura ng mga iyon, at sa pagsang-ayon ng langit sa banal na pagkakasalin sa mga iyon.

Tulad ng Tatlo at Walong Saksi, ang mga patotoo ng iba pang mga saksi ay hindi nilayong magpabalik-loob sa atin sa pamumuhay ng ebanghelyo. Sa halip, ang mga patotoo ng lahat ng iba’t ibang saksi ay nagbibigay sa atin ng dahilan na seryosohin ang Aklat ni Mormon, na basahin ito, at kumilos ayon sa pangako ni Moroni: “Kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).

Ang pangakong ito ay para sa bawat tao sa mga huling araw. Para ito sa inyo. Natupad na siguro ang pangakong ito sa inyong buhay. Nananawagan siguro sa inyo ngayon ang mga salita ng mga taong nakakita sa mga laminang ginto na basahin ang sagradong banal na kasulatan na isinalin mula sa mga nakaukit dito. Ang kalalakihan at kababaihang nakakita at nakahawak sa mga lamina ay nanatiling tapat sa kanilang patotoo at magagawa rin natin ito. Maaari nating ituring na sagrado ang ating patotoo, at maibabahagi natin ito sa iba.

Mga Tala

  1. William B. Smith, sermon, Hunyo 8, 1884, ayon sa ulat ni C. E. Butterworth, sa “The Old Soldier’s Testimony,” Saints’ Herald, Okt. 4, 1884, 643–44.

  2. William Smith, na ininterbyu ni E[dmund]. C. Briggs at nai-transcribe ni John W. Peterson, sa J[ohn]. W. Peterson, liham, Bradtville, WI, sa “[the] Editor [of Zion’s] Ensign,” Independence, MO, [Oktubre o Nobyembre 1893], ayon sa nakalathala sa “W[illia]m B. Smith’s Last Statement,” Zion’s Ensign, Ene. 13, 1894, 6.

  3. William Smith, William Smith on Mormonism (1883), 12.

  4. Tingnan sa H[erbert]. S. Salisbury, na ininterbyu ni I[saac]. Birkenhead Ball, Lafayette, CA, Ago. 31, 1954, “The Prophet’s Sister Testifies She Lifted the B. of M. Plates,” [1], Church History Library, Salt Lake City.

  5. Sally Bradford Parker, Sunbury, OH, kina John Kempton [at Hannah Bradford Kempton], Farmington, ME, Ago. 26, 1838, p. [2], Doris Whittier Pierce File, Delaware, Ohio; ginawang makabago ang pagbabaybay; naka-transcribe sa Janiece L. Johnson, “‘The Scriptures Is a Fulfilling’: Sally Parker’s Weave,” BYU Studies, tomo 44, blg. 2 (2005), 115–16.

  6. Lucy Mack Smith, History, 1845, 163, josephsmithpapers.org.

  7. Tingnan sa Martin Harris, na ininterbyu ni Joel Tiffany, sa “MORMONISM—No. 2,” Tiffany’s Monthly, Mayo–Hulyo 1859, 168.

  8. Tingnan sa Martin Harris, sa “MORMONISM—No. 2,” 169; tingnan din sa David B. Dille, statement, Set. 15, 1853, ayon sa nakalathala sa “Additional Testimony of Martin Harris (One of the Three Witnesses) to the Coming Forth of the Book of Mormon,” Millennial Star, Ago. 20, 1859, 545.

  9. Martin Harris, sa “MORMONISM—No. 2,” 167.

  10. Tingnan sa Isaac Hale, Statement, Mar. 20, 1834, ayon sa nakalathala sa “Mormonism,” Susquehanna Register, at Northern Pennsylvanian, Mayo 1, 1834, p. [1].

  11. “Early Days of Mormonism,” Chenango Union, Abr. 12, 1877, 3.

  12. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa Mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 47–48.

  13. Tingnan sa Joseph Smith III, liham, Lamoni, IA, kay Mrs. E. Horton, Chicago, IL, Mar. 7, 1900, p. [3], Miscellany, Community of Christ Library and Archives, Community of Christ International Headquarters, Independence, MO.

  14. Emma Hale Smith, na ininterbyu ni Joseph Smith III, sa “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290.

  15. Ang mga sipi at impormasyon tungkol kay Mary Whitmer ay hinugot sa mga salaysay tungkol sa mga interbyu kina David at John: Orson Pratt at Joseph F. Smith, liham, New York City, NY, kay Pres. John Taylor at sa Council of the Twelve, Set. 17, 1878, 7–10, sa Joseph F. Smith Papers, 1854–1918, Church History Library, Salt Lake City; Andrew Jenson, “The Eight Witnesses,” The Historical Record: Devoted Exclusively to Historical, Biographical, Chronological and Statistical Matters, Okt. 1888, 621; Edward Stevenson, “The Thirteenth Witness to the Plates of the Book of Mormon,” Juvenile Instructor, Ene. 1, 1889, 23.

  16. Tingnan ang naunang tala.

  17. Tulad ni Mary, ipinakita sa Tatlong Saksi ang mga lamina sa Fayette. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nakita at nahawakan ng Walong Saksi ang mga lamina sa Manchester. (Tingnan sa Mga Banal, 1:84–86.)