Digital Lamang: Mga Young Adult
Pag-ugnay sa Espiritu sa Isang Lugar na Hindi Espirituwal
Habang naglilingkod ako sa militar sa South Korea, nahiwalay ako sa Simbahan, pero may ilang bagay na nagpanatiling malakas sa aking pananampalataya.
Habang lumalaki ako noon sa South Korea, kadalasa’y ako lang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na kasama ng mga kaibigan at kaklase ko. Kung minsa’y mahirap ipaliwanag kung bakit hindi ko ginawa ang mga bagay na ginawa ng mga kaibigan ko, pero ang paninindigan sa aking mga paniniwala ay tila palaging nagpapalakas sa aking pananampalataya.
Gayunman, nang maging young adult ako, naharap ako sa mas maraming tukso at lalo akong nalagay sa isang kapaligiran na mas mahirap madama ang espiritu kaysa rati.
Isang Lugar na Mahirap Madama ang Espiritu
Sa South Korea, kailangang maglingkod sa militar nang ilang taon ang mga lalaking young adult. Noong nasa kalagitnaan ako ng paglilingkod sa militar matapos akong magmisyon, mas nadama ko na nag-iisa ako sa aking pananampalataya nang higit kailanman—sa maraming kadahilanan.
Una, mahirap mawalay sa iba pang mga miyembro ng Simbahan at sa pamilya ko, pero ang isa pang mahirap ay ang mapaligiran ng mga bagay na labag sa ating mga pamantayan. Halimbawa, may alak sa lahat ng dako sa South Korea, lalo na sa militar. Pagkatapos ng mga drill ay karaniwan nang magkita-kita ang lahat para mag-inuman. Nang malaman nila na hindi ako umiinom ng alak, ginawa nila ang lahat para pilitin akong uminom. Sa kanilang mga mata, hindi lang ako nakakapit sa mga pinahahalagahan ko—kinakalaban ko pa ang kultura.
Sa kasamaang-palad, karaniwan din sa mga kapwa ko sundalo ang mag-usap-usap tungkol sa mga babae sa makamundo at seksuwal na paraan kaya hindi ako komportable. Isang hamon ang marinig silang magmura araw-araw. Bukod pa riyan, hindi ako makasimba, makatanggap ng sakramento, makadalo sa templo, o makagawa ng anumang may kaugnayan sa ebanghelyo sa panahong ito.
Sa maikling panahon, lubha kong nadama na nag-iisa ako at inisip ko kung ano ang magagawa ko para madama ang Espiritu at mapanatiling malakas ang aking pananampalataya. Paano ako makakatayo sa mga banal na lugar kapag wala akong mapagpilian?
Ang Maliliit na Bagay
Pagkaraan ng ilang sandali ng pakikibaka, nagpasiya ako na kailangang kumilos ako para madama ang Espiritu, kahit sa makamundong kapaligiran. Ang isang bagay na nakatulong sa akin ay ang pagdadala ng aking mga banal na kasulatan na ginamit ko sa aking misyon sa paglilingkod ko. Talagang ang maliliit na gawi natin sa araw-araw—pagbabasa ng ating mga banal na kasulatan, pagdarasal, at paghahanap ng mga oportunidad na maglingkod at maging higit na katulad ng Tagapagligtas—ang nag-uugnay sa atin sa Espiritu.
Isang araw nabasa ko ang 1 Corinto 10:13, na nagsasabing, “Tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito’y inyong makayang tiisin.”
Habang binabasa ko ang talatang iyon, natanto ko na kahit pakiramdam ko ay nag-iisa ako, kasama ko ang Ama sa Langit. Kung patuloy akong lalapit sa Kanya at sa aking Tagapagligtas, tutulungan Nila akong makahanap ng paraan para tapat na matiis ang paglilingkod ko sa militar at makauwi nang may mas malakas na patotoo kaysa rati.
Pag-alaala Kung Sino Ako
Ang mga banal na kasulatan ang naging pag-asa ko sa buhay sa panahong ito na malayo ako sa simbahan at sa iba pang mga miyembro. Sa pakikipag-usap sa Ama sa Langit araw-araw at pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan ay nanatili akong nakaugnay sa Kanya at nagpaalala ito sa akin tungkol sa aking banal na pagkatao, na isa pang susi sa espirituwal na pagkaligtas.
Ang pag-alaala na ako ay minamahal na anak ng mga magulang sa langit ang nagpanatiling matatag sa pundasyon ng aking pananampalataya, lalo na noong maharap ako sa tukso.
Itinuro ni Elder Alan T. Phillips ng Pitumpu kamakailan: “Nais ni Jesucristo na malaman ninyo at magkaroon kayo ng ugnayan sa inyong Ama sa Langit. …
“Kayo ay Kanyang anak. Kung nadarama ninyo na kayo ay nawawala, kung kayo ay mayroong mga tanong o kulang sa karunungan, kung kayo ay nakikibaka sa inyong mga pinagdadaanan o nahihirapan sa mga espirituwal na alituntuning tila taliwas sa inyong sariling kaisipan at pang-unawa, bumaling sa Kanya. Manalangin sa Kanya para sa kaginhawahan, pagmamahal, mga sagot, at direksyon. Anuman ang pangangailangan o nasaan man kayo, ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit.”1
Kahit hindi ka makadalo sa templo, simbahan, o makatanggap ng sakramento sa anumang kadahilanan, ang pag-alaala sa iyong banal na pagkatao ay laging makapagbibigay sa iyo ng paraan para muling makaugnayan ang Espiritu at mapalalim ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Lagi Tayong May Access sa Kabanalan
Nang matapos ko ang aking paglilingkod sa militar, inuna ko ang mga espirituwal na gawi nang higit kaysa rati. Ang makadalo sa templo, tumanggap ng sakramento, at lubos na magtuon sa ebanghelyo ay lubhang salungat sa kapaligirang pinanggalingan ko sa nagdaang dalawang taon. Ngayo’y nadarama ko ang kabuuan ng mga pagpapala, kapanatagan, at kagalakang ibinibigay sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo. At natutuwa ako na nanatili akong tapat hanggang sa maging posible ito.
Kung matatagpuan ninyo ang inyong sarili sa mga sitwasyon na kailangan ninyong tumayo sa mga lugar na di-gaanong banal, kumapit nang mahigpit sa inyong pananampalataya. Napakarami kong natutuhan tungkol sa pagtatanim ng ating mga binhi ng pananampalataya sa matatag na lupa at pagtutulot na magkaugat ang mga iyon upang mapaglabanan natin ang mga tukso at hamon ng mundo.
Gaano man kadilim ang inyong kapaligiran o mga hamon kung minsan, huwag kalimutan na palagi kayong may access sa langit sa pamamagitan ng panalangin, sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.
Tulad ng itinuro ni Elder Joaquin E. Costa ng Pitumpu kamakailan: “Ano ang nagbibigay sa [atin] ng lakas na pagdaanan ang mahihirap na bagay? Ano ang nagbibigay [sa atin] ng karagdagang lakas na magpatuloy kapag tila naglaho na ang lahat?
“Nalaman ko na ang pinagmumulan ng lakas na iyon ay pananampalataya kay Jesucristo habang sadya nating sinisikap na lumapit sa Kanya araw-araw.”2
Saanman kayo nakatayo, kung sinisikap ninyong sundin si Jesucristo at nanananganan kayo sa inyong pananampalataya, saan man ay maaaring maging banal na lugar kung saan matatanggap at maibabahagi ninyo ang Kanyang liwanag.