Liahona
Tayo ay Tinawag Upang Gumawa ng Kabutihan
Hunyo 2024


“Tayo ay Tinawag upang Gumawa ng Kabutihan,” Liahona, Hunyo 2024.

Tayo ay Tinawag Upang Gumawa ng Kabutihan

Itinatayo natin ang kaharian ng Diyos kapag naglilingkod tayo sa iba, itinataas natin ang ating liwanag, at naninindigan tayo para sa kalayaang pangrelihiyon.

Alam ni Gedeon ang maling doktrina nang marinig niya iyon. Narinig na niya iyon dati mula kay Haring Noe at sa kanyang mga saserdote—mga saserdoteng “iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso” at “tinutustusan sa kanilang katamaran, at sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan, at sa kanilang mga pagpapatutot, sa pamamagitan ng mga buwis na ipinataw ni haring Noe sa kanyang mga tao” (Mosias 11:5–6).

Ang mas malala pa, pinapatay ni Haring Noe ang propetang si Abinadi at hinangad na patayin si Alma at ang mga nabinyagan nito (tingnan sa Mosias 17; 18:33–34). Para wakasan ang gayong kasamaan, sumumpa si Gedeon na pipigilan ang hari sa paggawa nito. Hindi lamang niya napatay ang hari dahil sa paglusob ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 19:4–8).

Kalaunan, tama na sinisi ni Gedeon ang mga saserdote ni Noe sa pagtangay sa 24 na mga anak na babae ng mga Lamanita. Naobserbahan niya na natupad ang propesiya ni Abinadi laban sa mga tao dahil ayaw nilang magsisi. (Tingnan sa Mosias 20:17–22.) Tumulong siyang iligtas ang mga tao ni Limhi, na inaalipin ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 22:3–9).

Ngayong mas matanda na, muling naharap si Gedeon kapwa sa kapalaluan at kasamaan nang tumayo siya sa harapan ni Nehor, na nagpasimula ng huwad na pagkasaserdote sa mga tao. Si Nehor ay “[nagpatotoo] laban sa simbahan” at nagtangkang iligaw ang mga tao. (Tingnan sa Alma 1:3, 7, 12; tingnan din sa 2 Nephi 26:29.)

Gamit ang salita ng Diyos sa paglaban sa mga maling turo ni Nehor, binalaan ng matapang na si Gedeon si Nehor sa kasamaan nito. Sa galit, sinalakay at pinatay ni Nehor si Gedeon gamit ang kanyang espada. (Tingnan sa Alma 1:7–9.) Doon natapos ang mga araw ng “isang mabuting tao” na “nakagawa ng labis na kabutihan sa mga taong ito” (Alma 1:13).

Ang mga huling araw kung kailan tayo nabubuhay ay nag-aalok sa atin ng sapat na pagkakataong tularan si Gedeon bilang “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 1:8) sa pamamagitan ng pagiging “kapaki-pakinabang” (Mosias 22:4) sa iba, paninindigan sa kabutihan, at pagtitiis sa mga banta sa ating kalayaan na sumamba at maglingkod sa Diyos. Kapag tinularan natin ang tapat na halimbawa ni Gedeon, marami rin tayong magagawang kabutihan.

babaeng may hawak na trey ng pagkain na nakatayo sa tabi ng isang babaeng nakahiga sa kama

Magkaisa sa Paglilingkod

“Bilang mga alagad [ng Tagapagligtas], hangad nating mahalin ang Diyos at ang ating kapwa sa buong mundo,” sabi ng Unang Panguluhan. “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay sabik na pagpalain ang iba at tulungan ang mga nangangailangan. Mapalad tayong magkaroon ng kakayahan, resources, at mapagkakatiwalaang mga koneksyon sa buong mundo para maisakatuparan ang sagradong responsibilidad na ito.”1

Nagpapasalamat ako sa di-makasariling paglilingkod at ministering na ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa ating mga templo at sa kanilang mga ward, branch, at stake. Nagpapasalamat din ako na naglilingkod ang mga miyembro ng Simbahan sa di-mabilang na mga organisasyong pangkomunidad, pang-edukasyon, at pangkawanggawa at na nakikibahagi sila sa libu-libong humanitarian project taun-taon, na nagboboluntaryo ng milyun-milyong oras sa halos 200 mga bansa at teritoryo.2

Ang isang paraan na pinalalawak ng Simbahan ang mga oportunidad na maglingkod sa ilang bansa ay sa pamamagitan ng JustServe.org. Itinataguyod ng Simbahan pero magagamit ng sinumang gustong magpala sa iba, ang JustServe.org “ay iniuugnay sa mga boluntaryo ang mga pangangailangan ng komunidad sa mga boluntaryo” na “nagpapataas sa kalidad ng pamumuhay sa komunidad.”3

Nakikipagtulungan din ang Simbahan at ang mga miyembro nito sa mga organisasyong pangserbisyo sa buong mundo. Ang Simbahan, dahil sa mga miyembro nito, “ang nag-iisang pinakamalaking Red Cross blood drive contributor noong 2022.” Dagdag pa rito, ang Simbahan ay nagbigay kamakailan ng $8.7 milyong donasyon sa Red Cross.4

Nakikiisa rin ang Simbahan sa mga organisasyon sa pagpapadala ng malinis na tubig at mga proyektong pangsanitasyon sa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Noong 2022, nakilahok ang Simbahan sa 156 na mga proyektong tulad nito.5 Nakikipagtulungan din tayo at nagbibigay ng donasyon sa iba pang mga ahensyang naghahatid ng ginhawa sa nagdurusang mga anak ng Diyos.6

“Kapag nagtulungan tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “pinagkakaisa ng Panginoon ang ating puso.”7

mga kamay na nakasahod na may liwanag ng araw

Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan

Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, pinagpapala rin natin ang ating kapwa kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at namumuhay na katulad ni Cristo. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na “ang mga tao ng simbahan” ay hindi lamang dapat pumili ng kabutihan kundi dapat ding iparinig ang kanilang mga matwid na tinig kung nais nilang protektahan at paunlarin sila ng Panginoon (tingnan sa Alma 2:3–7; tingnan din sa Mosias 29:27). Inaasahan ng Panginoon na ibabahagi natin ang ating pananampalataya at mga paniniwala at itataas ang ating liwanag. “Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas” (3 Nephi 18:24).

“Hindi natin pinaglilingkuran nang husto ang Tagapagligtas kung mas takot tayo sa tao kaysa sa Diyos,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Dagdag pa niya, “Tayo ay tinawag upang itatag ang mga pamantayan ng Panginoon, hindi upang sundin ang mga pamantayan ng mundo.”8

Sa paaralan man, sa trabaho, o sa laro, sa bakasyon, sa pakikipagdeyt, o online, ang mga disipulo ng Panginoon ay hindi “[n]ahihiyang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo” (Alma 46:21). Sa pamamagitan ng ating mga salita at ating mga gawa, pinatototohanan natin na ang Diyos ay buhay at na sinusunod natin ang Kanyang Anak.

“Ang ating pananampalataya ay hindi pinaghihiwa-hiwalay ang iba’t ibang aspeto ng buhay, o talagang hindi ito dapat magkagayon. Ang pananampalataya ay hindi lamang para sa simbahan, hindi lamang ito para sa tahanan, hindi lamang ito para sa [paaralan],” pagpansin ni Paul Lambert, isang Banal sa mga Huling Araw na eksperto sa pagkakaiba-iba ng mga relihiyon. “Para ito sa lahat ng inyong ginagawa.”9

Hindi natin alam ang maaaring maging epekto ng ating patotoo, mabuting halimbawa, at mabubuting gawa sa iba. Pero kapag nanindigan tayo sa tama at itinaas natin ang liwanag ng Tagapagligtas, mapapansin tayo ng mga tao at susuportahan tayo ng langit.

babaeng nakatayo sa labas ng templo

Manindigan para sa Kalayaang Pangrelihiyon

Ang huwad na pagkasaserdote ngayon, sa dumaraming sekular na lipunan laban sa mga taong may pananampalataya, ay hindi naiiba sa panahon ng Aklat ni Mormon. Ang tinig ng mga sumasalungat sa mahalagang papel ng relihiyon sa mga pampubliko at pampulitikang tanghalan ay lalong lumalakas. Ang mga sekularista at gobyerno, pati na ang maraming paaralan at unibersidad, ay namimilit ng pagkilos at nagtuturo ng imoralidad, ateismo, at kani-kanyang ideya sa moralidad.

Magtatagumpay ang mga pag-atake sa kalayaang pangrelihiyon kung hindi tayo maninindigan para sa ating mga karapatang pangrelihiyon. “Bilang simbahan,” itinuro ko kamakailan na, “nakikiisa tayo sa iba pang mga relihiyon na nagpoprotekta sa mga tao sa lahat ng relihiyon at paniniwala at sa karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga pananalig.”10

Pinaglabanan sa digmaan sa langit ang kalayaang moral—ang ating kalayaang pumili. Para mapanatili ang ating kalayaan kailangan nating maging masigasig sa pagprotekta sa ating kalayaang pangrelihiyon.

Ang masiglang pananampalatayang pangrelihiyon ay nagpapalakas at nagpoprotekta sa mga pamilya, komunidad, at bansa. Naghihikayat ito ng pagsunod sa batas, nagkikintal ng paggalang sa buhay at ari-arian, at nagtuturo ng pag-ibig sa kapwa, katapatan, at moralidad—mga katangiang kailangan para maipagpatuloy ang isang lipunang makatarungan, malaya, at sibil. Hindi natin kailangang ihingi ng paumanhin kailanman ang ating pananampalataya.

Sa mga pagsisikap natin bilang mga missionary, sa gawain natin sa mga templo para sa mga patay, sa mga pagsisikap nating itayo ang kaharian ng Diyos, at sa mismong kaligayahan natin, kinakailangang manindigan tayo para sa pananampalataya at kalayaang pangrelihiyon. Hindi maaaring mawala sa atin ang kalayaang iyan nang hindi nawawala ang iba pang mga kalayaan.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong [sangkatauhan].”11 Magbibigay-inspirasyon din ang kalayaang pangrelihiyon sa ating kaluluwa kapag sinunod natin ang payo ng mga pinuno ng Simbahan:

  • “Manatiling maalam tungkol sa mga isyung mahalaga sa publiko, at pagkatapos ay magsalita nang may tapang at paggalang.”12

  • “Kilalanin na malaki ang magiging epekto ng pagkawala ng kalayaang pangrelihiyon sa ating mga oportunidad na lumakas at umunlad sa kaalaman tungkol sa ebanghelyo, mapagpala ng mga sagradong ordenansa, at umasa sa Panginoon na pamahalaan ang Kanyang Simbahan.”13

  • “Manindigan at magsalita upang pagtibayin na may Diyos at na may lubos na mga katotohanang itinatatag ang Kanyang mga kautusan.”14

  • “Hamunin ang mga batas na makapipinsala sa kalayaan nating isabuhay ang ating pananampalataya.”15

  • “Humayo sa daigdig para gumawa ng kabutihan, magkaroon ng pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at tumulong na dalhin ang iba sa mas masayang lugar.”16

  • Pag-aralan ang resources sa religiousfreedom.ChurchofJesusChrist.org at sa religiousfreedomlibrary.org/documents.

Itinatayo natin ang kaharian ng Diyos habang tayo ay naglilingkod, nagtataas ng ating liwanag, at naninindigan para sa kalayaang pangrelihiyon. Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon sa mga pagsisikap nating gumawa ng “maraming kabutihan” sa ating pamilya, komunidad, at bansa.

Mga Tala

  1. “A Message from the First Presidency,” sa Caring for Those in Need: 2022 Annual Report of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 3, ChurchofJesusChrist.org.

  2. Tingnan sa Caring for Those in Need: 2022 Annual Report, 4, ChurchofJesusChrist.org.

  3. Justserve.org/about. Ang JustServe ay aktibo sa 17 bansa. Libu-libong tao at organisasyon ang pinagpapala sa pamamagitan ng inisyatibong ito.

  4. Tingnan sa Kaitlyn Bancroft, “Church Donates $8.7 M as Part of Red Cross Collaboration,” Church News, Abr. 22, 2023, 23.

  5. Tingnan sa Mary Richards, “Church Joins with Groups around the World to Tap into the Gift of Water,” Church News, Mayo 27, 2023, 12.

  6. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Pagtulong sa mga Maralita at Naghihirap,” Liahona, Nob. 2022, 6–8.

  7. Henry B. Eyring, “Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti,” Liahona, Mayo 2011, 25.

  8. Dallin H. Oaks, “Hindi Makasariling Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2009, 94–95.

  9. Paul Lambert, sa Rachel Sterzer Gibson, “Why Is There a Need for Faith in the Workplace?” Church News, Abr. 22, 2023, 16.

  10. Ronald A. Rasband, “Upang Pagalingin ang Mundo,” Liahona, Mayo 2022, 92.

  11. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 404.

  12. D. Todd Christofferson, “Religious Freedom—A Cherished Heritage to Defend” (mensahe sa Freedom Festival Patriotic Service, Provo, Utah, Hunyo 26, 2016), 5–6, speeches.byu.edu.

  13. Ronald A. Rasband, “Free to Choose” (Brigham Young University devotional, Ene. 21, 2020), 3, speeches.byu.edu.

  14. Dallin H. Oaks, “Truth and Tolerance” (Debosyonal sa Brigham Young University, Set. 11, 2011), 2, speeches.byu.edu.

  15. Dallin H. Oaks, “Truth and Tolerance,” 4.

  16. Ronald A. Rasband, “Free to Choose,” 5, speeches.byu.edu.