Liahona
Nagkaroon ba Ako ng Oras na Paglingkuran ang Kaklase Ko?
Hunyo 2024


“Nagkaroon ba Ako ng Oras na Paglingkuran ang Kaklase Ko?,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Nagkaroon ba Ako ng Oras na Paglingkuran ang Kaklase Ko?

Akala ko wala akong oras para tumulong, pero pinagpala ako ng Panginoon sa sakripisyong ginawa ko.

orasang may repleksyon ng isang lalaki na inirerekord ang kanyang sarili na nagbabasa ng aklat

Larawang-guhit ni Lee Montgomery / IllustrationX

Noong 1998, nagsimula akong mag-aral sa University of the Andes. Malaki ang hangarin kong matamo ang aking degree sa unibersidad nang may mataas na grade point average. Pero mahirap ang mga klase ko sa criminology, at nahirapan ako sa gawain sa unibersidad. Gayundin, naging abala akong maglingkod bilang counselor sa aming ward bishopric at magtrabaho sa gabi para mabuhay ko ang aking pamilya.

Ang pagdududa at pag-aalala ay nakahadlang sa mga inaasam ko noong unang taon na iyon nang makatanggap ako ng mas mababang marka kaysa sa average ng klase. Nang matapos ang school year, pinag-ibayo ko ang aking mga pagsamo sa Diyos sa panalangin na tulungan akong maunawaan ang bawat teorya, alituntunin, at pamamaraan.

Sa ikalawang taon ko, nakilala ko ang isang kaklaseng hindi ko napansin dati na nagngangalang Argenis. Natuklasan ko na hindi pa rin niya ako nakita—ni hindi niya ako makikita kahit kailan dahil bulag siya. Isang araw nilapitan niya ako gamit ang kanyang tungkod at braille tablet at humingi ng tulong. Sinabi niya na maganda ang boses ko at na kailangan niya ako para irekord ang nakasulat na mga gabay sa pag-aaral para mapakinggan niya ang mga iyon.

Nakiusap na siya sa iba, pero tumanggi sila. Atubili ang mga tumulong sa kanya noong nakaraang taon na tulungan siyang muli. Dahil sa aking abalang iskedyul at mabababang marka, atubili rin akong tumulong.

Gayunman, kahit hindi ako pormal na sumang-ayon kailanman sa kanyang kahilingan, hindi nagtagal ay natagpuan ko ang sarili ko na paulit-ulit na binabasa ang mga gabay upang mairekord ang nilalaman ng mga ito para kay Argenis. Hindi nagtagal, naging magkaibigan kami, at sinimulan kong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanya. Binigyan ko pa siya ng Aklat ni Mormon sa braille. Pinahalagahan niya ang tulong ko pero hindi siya naging interesadong malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan.

Gayunman, nang patuloy kong basahin at irekord ang mga gabay sa pag-aaral, nagsimulang tumaas ang grade point average ko. Maging ang mga kabarkada ko ay napansin na nagiging mas magaling akong estudyante at gumaganda ang pang-unawa ko.

Walong taon pagkatapos kong maka-graduate, naka-graduate din ang kaibigan kong si Argenis. Hindi siya naging interesado sa Simbahan, pero naipaunawa niya sa akin “na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Naipakita rin niya sa akin na kapag naglilingkod ako sa iba, pinagpapala ako ng Diyos at nadaragdagan ang aking kakayahan.