Digital Lamang
Ang Bisa ng mga Awitin sa Primary
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Ang karanasan ng aking anak sa nursing home ay nakatulong sa akin na matanto ang malawak na epekto ng musika sa Primary para mapagpala ang buhay ng bawat tao.
Noong una akong tawagin bilang Primary music leader, natakot ako. Kahit nag-aral akong tumugtog ng piyano at kumanta sa malalaking grupo, hindi ako kailanman kumumpas sa buhay ko. Sa unang buwan ng aking calling, kinatakutan ko ang bahaging iyon ng Linggo dahil pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat.
Sa panahong iyon, ang 21-taong-gulang na anak kong si KennaDee, ay nagtatrabaho sa isang Veterans Affairs (VA) nursing home. Mahilig kumanta si KennaDee, at madalas niyang gawin iyon sa trabaho. Kumanta siya ng mga tugtugin sa musikal na pagtatanghal habang nanananghali ang mga residente. Kinanta rin niya ang mga opisyal na awitin ng mga military branch na napaglingkuran nila at tumanggap ng mga kahilingan sa oras ng tanghalian (kabilang na ang isang himnong Kristiyano na hindi niya alam kantahin noong una pero pinag-aralan niya para sa isang residente).
Puno ng pang-aabuso ang naging buhay ng isang babaeng residente. Palaban siya at ayaw niyang hayaang pakainin, paliguan, o bihisan siya ng mga caregiver. Nakikipag-away siya kapag pinaiinom siya ng gamot at kailangang pisikal na suriin. Isang araw, ayon sa inspirasyon, kinanta ng anak ko ang kanyang mga awitin sa Primary mula sa Aklat ng mga Awit Pambata. Kumalma kaagad ang babae. Parang bigla niyang natandaan ang mga awiting iyon. Natuklasan ng mga empleyado na sumusunod ang babaeng ito basta’t kumakanta si KennaDee ng mga awitin sa Primary. Puwede na nila siyang bihisan, paliguan, at pakainin at painumin ng kanyang mga gamot nang di-gaanong lumalaban. Itinuro pa ni KennaDee ang ilang awitin sa Primary sa iba pang mga kawani para matulungan nila ang babaeng ito kapag wala si KennaDee sa trabaho.
Matapos marinig ang mga kuwento ng aking anak, natanto ko ang isa pang dahilan kung bakit napakahalaga ng calling ng Primary music leader. Nagbago ang aking saloobin nang mas lubos kong maunawaan na maaaring ang musika, lalo na ang musikang pangrelihiyon, ang tanging bagay na nakakatulong sa mga bata sa pinakamatitinding pagsubok nila sa buhay. Ginawa kong mithiin na turuan ang mga bata ng maraming awitin tungkol kay Jesucristo hangga’t kaya ko. Maaaring hindi maalala ng mga bata ang kahit isang mensahe sa Primary o sacrament meeting, maaaring hindi nila maalala ang partikular na mga lesson, at maaaring lumihis ang ilan kalaunan mula sa landas ng tipan, pero malamang ay maalala nila ang mga awiting natutuhan nila at kung ano ang ipinadarama sa kanila ng mga awitin. Sa sitwasyon ng babaeng ito, naalala niya ang mga awiting iyon kahit hindi niya naalala ang sarili niyang pamilya! Malaman sana ninyo kung gaano kahalaga ang calling na ito!