Digital Lamang: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan mula sa Social Media
Mga Paraan na Lahat Tayo ay Makagagawa ng Kaibhan sa Ating Komunidad
Tingnan kung ano ang naituro ng mga buhay na propeta at iba pang mga lider ng Simbahan kamakailan sa social media kung paano makagawa ng kaibhan bilang disipulo ni Jesucristo.
“Magkakaugnay tayong lahat, at mayroon tayong responsibilidad na bigay ng Diyos na tumulong na mapabuti ang buhay ng mga nasa paligid natin,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson. Pagpapatuloy niya: “Hindi tayo kailangang maging magkakatulad o magkakamukha para magkaroon ng pagmamahal sa isa’t isa. Ni hindi natin kailangang makasundo ang isa’t isa para mahalin ang isa’t isa. Kung umaasa pa tayo na muling magkakaroon ng mabuting kalooban at pagkamakatao na hinahangad natin, kailangan itong magsimula sa bawat isa sa atin, nang paisa-isa.”1
Nagsalita ang mga lider ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya kung paano tayo makagagawa ng kaibhan, bilang mga disipulo ni Jesucristo, sa ating kapwa, mga kaibigan, at mga komunidad sa pamamagitan ng pagkakaisa, paglilingkod, at pagmamahal. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe sa social media tungkol sa mga paksang ito, kabilang na ang mga sumusunod:
Anyayahan ang mga Bata na Gumawa ng Kaibhan sa Mundo
“Baka isipin ninyo na dahil bata pa kayo, hindi kayo makagagawa ng mga dakilang bagay. Iniisip ninyo siguro na ang gawain ng Ama sa Langit ay para lamang sa matatanda. Pero gusto kong malaman ninyo na iba ang tingin ng Ama sa Langit sa mga bagay-bagay kaysa sa atin. Ang Kanyang mga paraan ay ibang-iba kaysa sa atin. Sinabi niya, ‘Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.’ Magagamit kayo ng Panginoon—oo, bawat isa sa inyo—[para] gawin ang Kanyang [kamangha-mangha] at mahalagang gawain.
“Kung gayon, ano ang ilan sa ‘maliliit at mga karaniwang bagay’ na magagawa ninyo para makagawa ng malaking kaibhan sa mundo? Maaari ninyong tulungan ang isang taong nangangailangan. Maaari ninyong matutuhan ang mga turo ni Jesucristo at sundin ang mga ito. Maaari ninyong ibahagi ang nalalaman ninyo tungkol sa Tagapagligtas. Maaari ninyong sundin ang Kanyang mga utos at maghanda na ngayon na makapunta sa templo at magpabinyag para sa inyong mga ninuno. Kapag ginagawa ninyo ang alinman sa mga bagay na ito, tinutulungan ninyo ang Ama sa Langit na tipunin ang Kanyang mga anak pabalik sa Kanya.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Peb. 21, 2021 (video), facebook.com/russell.m.nelson.
Magpakita ng Paggalang sa Lahat ng mga Anak ng Diyos
“Noong bago pa lang akong heart surgeon, libu-libong beses akong tumayo ako sa isang operating room. Inalagaan ko pa nga ang mga sugatang sundalo sa mga MASH unit noong Korean War. Literal kong nahawakan ang puso ng kalalakihan at kababaihan ng maraming lahi at nasyonalidad sa buong mundo. Ang mga panalangin ko sa Diyos para humingi ng Kanyang patnubay, at ang kasunod na inspirasyong natanggap ko mula sa Kanya, ay napakahalaga sa bawat pagkakataon. Sa mga operating room na iyon—kung saan nanganganib ang buhay—nalaman ko na labis na nagmamalasakit ang ating Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Iyan ay dahil tayo ay Kanyang mga anak.
“Ang mga pagkakaiba sa nasyonalidad, kulay, at kultura ay hindi binabago ang katotohanan na tayo ay tunay na mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. At bilang isang alagad at saksi ni Jesucristo, naunawaan ko lamang nang mas malalim ang banal na katotohanang iyan. Sama-sama, ipinapahayag namin ang karingalan ng bawat mahal na anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Nabanggit ko na noon at inuulit ko ngayon na ang diskriminasyon sa lahi, kasarian, at marami pang ibang ‘mga diskriminasyon’ ay naglilimita sa lahat at nakapanlulumo sa paraan ng pagtingin at pagtrato natin sa isa’t isa. Anumang pang-aabuso o diskriminasyon sa iba dahil sa lahi, nasyonalidad, kasarian, seksuwal na oryentasyon, kultura, o anumang iba pang mga pagtukoy ay nakakasakit sa ating Lumikha at sumusuway sa una at pangalawang dakilang utos—na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso at ang ating kapwa tulad sa ating sarili.
“Matibay kaming naniniwala sa pagiging ama ng Diyos at sa kapatiran ng tao. Hindi tayo kailangang kumilos nang magkakatulad o maging magkakamukha para mahalin ang isa’t isa. Maaari tayong hindi magkasundo sa isang bagay nang hindi nakikipagtalo. Kung umaasa pa tayo na magkakaroon ng mabuting kalooban at pagkamakatao na hinahangad nating lahat, kailangan itong magsimula sa bawat isa sa atin, sa paisa-isang tao at paisa-isang pakikipag-ugnayan.
“Gawin nawa natin ang lahat bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, bilang walang-hanggang magkakapatid, sa abot ng ating makakaya na patatagin ang isa’t isa, matuto sa isa’t isa, at magpakita ng paggalang sa lahat ng mga anak ng Diyos. Magkapit-bisig nawa tayo sa pagmamahal at kapatiran.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Abr. 13, 2023 (video), facebook.com/russell.m.nelson.
Paningningin ang Liwanag ng Inyong Pag-asa sa Mundo
“Harapin ang mga kalagayan ng buong daigdig at ang inyong personal na mga hamon nang may pag-asa. Tumangging tanggapin ang mundo sa kung ano ang mukhang ipinakikita nito. Paningningin ang liwanag ng inyong pag-asa rito at gawin itong kamukha ng nararapat dito. Kayo ang maging liwanag na iyon na dahilan kaya kayo pinaparito sa lupa, na hindi kailanman maglalaho.”
Pangulong Jeffrey R. Holland, Facebook, Ene. 11, 2023, facebook.com/jeffreyr.holland.
Tanggapin na Laging May Isang Taong Nangangailangan ng Kaibigan
“Ang Simbahan ay dapat maging isang lugar ng pagsasama-sama. Kahit magkakaiba tayo, lahat tayo ay isang pamilya. Kasama tayong lahat dito. Ang maliliit na bagay—tulad ng maikling pag-uusap habang kumakain ng ice cream, pagkain nang magkasama, o paglalakad sa paligid ng lawa sa nayon—ay maaaring makagawa ng gayong kaibhan sa buhay ng isang taong hindi sana makadarama ng gayong uri ng pagkakaibigan at pagiging kabilang. Ganyan ang nangyari sa akin.
“Ang tungkulin natin bilang magkakapatid sa ebanghelyo ay ang kilalanin na laging may isang taong nangangailangan ng isang kaibigan. Ang mga pakikipagkaibigan at pagpapadama ng pagiging kabilang ay nakakatulong nang higit kaysa inaakala natin kung minsan. Hindi ninyo kailangang malungkot para pahalagahan ang pagkakaibigan. Ang pagtutuon sa ‘isa’ ay kinukumpleto tayo bilang isang komunidad ng mga Banal—at bilang mga anak sa pamilya ng ating Ama sa Langit.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Hulyo 30, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Pasiglahin ang mga Nasa Paligid Ninyo
“Bilang mga disipulo ni Jesucristo, mahalaga ang tungkulin nating ‘tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina’ (Doktrina at mga Tipan 81:5).
“Dahil dalawang beses akong naging refugee bago ako sumapit sa edad na 12, sa World Refugee Day na ito, ipinapaalala ko sa inyo na pasiglahin ang mga nasa paligid ninyo.
“Malugod na tanggapin ang iba. Sa lahat ng mga anak ng Diyos, maging mas makatao, mahabagin, at magpakita ng pag-ibig sa kapwa upang madama nila, sa wakas, na natagpuan na nila ang kanilang tahanan.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Hunyo 20, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Kailangan Namin ang Tulong Ninyo
“Marami sa inyo na nagbabasa nito ang bahagi ng Generation Z. Lumaki kayo na may likas na kaalaman tungkol sa internet, mga smart device, social media, at iba pang kaugnay na mga teknolohiya na kailangang pagsikapan naming nakatatandang mga henerasyon na matutuhan. Para sa inyo, ang ‘pag-like,’ ‘pag-share,’ at ‘direct messaging’ ay karaniwan na tulad ng pagtawag, pagkatok, at pagsulat ng liham para sa mga henerasyong nauna sa inyo. Pero kaakibat ng inyong malawak na kaalaman tungkol sa digital na mundo sa paligid ninyo, mayroon kayong isang bagay na mas dakila pa riyan—mayroon kayong pundasyon na maging henerasyon na may pinakamalaking kakayahang isulong ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak. At kailangan namin ang tulong ninyo.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Ene. 26, 2023, facebook.com/quentin.lcook
Tingnan at Pagpalain ang Iba
“Ang Mormon Battalion ay isang napakaangkop na halimbawa ng paggawa ng mahihirap na bagay at paggawa ng mga ito nang maayos. Nagkaroon sila ng mga hamon na halos hindi natin maunawaan—mga pisikal at ilang espirituwal na hamon, sigurado ako. Pero nakayanan nila ang mga iyon. Hindi sila nagreklamo. Nagtrabaho sila. Pagdating nila sa lugar na ngayon ay San Diego, [California, USA,] binago nila ang bayan sa pamamagitan ng pagsisikap na maghukay ng mga balon, magtayo ng paaralan, at patatagin ang komunidad.
“Ang mga aral na natutuhan nila noon ay kailangan ngayon tulad noon. Bawat isa sa atin ay may sariling mga hamon at oportunidad na haharapin. Pero magagawa natin iyon nang may pananampalataya kay Jesucristo na tatanggap tayo ng patnubay at tulong habang nararanasan natin ang mga iyon gayundin ng pananampalataya na tingnan at pagpalain ang iba. Para sa akin, nakakatuwa na kailangan ng pananampalataya para simulang gawin ang isang bagay. Pero kapag kumikilos nga kayo ayon sa pananampalataya, pinalalakas nito ang pananampalatayang sinimulan ninyo.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Peb. 2, 2022, facebook.com/dtodd.christofferson.
Tumulong na Palakasin din ang Pananampalataya ng mga Taong Iba ang Relihiyon
“Matagal ko nang iniisip ang World Faith Harmony Week at pinagbubulayan na ang mga taong relihiyoso, anuman ang relihiyon, ay mahilig gumawa ng napakapositibong kontribusyon sa kanilang lipunan, sa mundo. Nagboboluntaryo sila sa kanilang komunidad. Karaniwan ay matatag ang kanilang pamilya. Sinusuportahan nila ang edukasyon. Naglilingkod sila. Handa lang sila talagang gumawa ng kontribusyon para sa kabutihan batay sa kanilang pananampalataya at paniniwala. Gusto naming ibahagi at anyayahan ang lahat na pakinggan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Pero anuman ang mangyari, kahit paano, umaasa kami na magiging matatag ang lahat ng tao sa kanilang tapat na pangako—sa kanilang pagiging aktibo—anumang simbahan o relihiyon ang piliin nilang sundin.
“Ilang taon na ang nakalilipas kasama kong dumalo sa isang pananghalian si Elder L. Tom Perry, kung saan inanyayahan niya ang mga lider ng mga relihiyon sa paligid ng Salt Lake Valley na magsama-sama, kahit paano, para pasalamatan sila, para mas makilala pa sila nang kaunti. Pero laking gulat ko—nang patapos na ang aming pananghalian, muntik na niyang pukpukin ang mesa, pero sinabi niya, ‘Kailangan ninyong gawing mas aktibo ang inyong mga tao. Kailangan ninyong tiyaking mapaaktibo ang lahat ng mapapaaktibo at mapapalahok ninyo at palakasin ang kanilang pananampalataya at patatagin sila sa pananampalataya. Makakatulong lamang ito sa komunidad. Mas pinabubuti tayong lahat nito.’ At naniniwala ako na talagang tama siya. Lahat tayo ay pinagpapala ng katapatan ng mga tao sa lahat ng relihiyon.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Peb. 1, 2023 (video), facebook.com/dtodd.christofferson.
Maging Mabuti at Gumawa ng Mabuti
“Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang ating pakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa ay naghihikayat sa atin na maging mabuti at gumawa ng mabuti. Tulad ng alam ninyo, tumutulong ang ating Simbahan sa kahit anong lahi, kinaaanibang relihiyon, o nasyonalidad. Nakikipagtulungan tayo sa lahat ng relihiyon o sa walang relihiyon. Tumutugon tayo sa agaran at pangmatagalang mga pangangailangan. Nadarama natin ang mga pagpapala ng langit kapag ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa paggawa ng lahat ng posibleng gawin para sa ating mga kapatid, na Kanyang mga anak, saanman sa anumang paraang makakaya natin.
“Kung naghahanap kayo ng mga paraan para maging mas mabuting ‘kayo,’ isiping i-download ang JustServe.org app para makahanap ng mga oportunidad na malapit sa inyo.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Peb. 12, 2021, facebook.com/gerritw.gong.
Magtiwala na Pag-iibayuhin ng Panginoon ang Inyong mga Pagsisikap
“Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, ibinahagi ni Elder Ardern: … ‘Sa kabila ng bawat pagsisikap natin, hindi natin mapapagaling ang lahat, ngunit bawat isa sa atin ay maaaring makagawa ng kaibhan para sa kabutihan sa buhay ng isang tao. Isang binatilyo lamang, isang bata lamang, ang nagbigay ng limang tinapay at dalawang isda para mapakain ang limang libong tao. Maaaring magtanong tayo tungkol sa ating ibinigay, tulad ng ginawa ng disipulong si Andres sa mga tinapay at isda, ‘Gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?’ (Juan 6:9). Tinitiyak ko sa inyo; sapat na ang ibigay o gawin ang makakaya ninyo at pagkatapos ay hayaan si Cristo na palakihin ang inyong pagsisikap’ (pangkalahatang kumperensya, Okt. 2023).
“Pinatototohanan ko na ang inyong panahon, mga talento, habag, materyal, at pinansyal na kabuhayan ay bahagi ng kamalig ng Panginoon. Bagama’t mukhang kakarampot, ang inyong kontribusyon, na ibinibigay nang may pagmamahal, ay magpapala sa Kanyang mga anak sa lahat ng sulok ng mundo. Palalakihin Niya ang ating pagsisikap!”
Pangulong Camille N. Johnson, Facebook, Okt. 9, 2023, facebook.com/RSGeneralPresident
Maging Isang Taong Gumagawa ng Kaibhan
“Maging isang taong gumagawa ng kaibhan.
“Sa unang araw namin sa seminary noong junior year ko, hinamon kami ng guro na kaibiganin ang isang baguhan sa pagtatapos ng semestre.
“Gusto ko ng hamon, kaya pinili ko ang isang taong naiiba nang husto sa akin.
“Mahiyain ako, dati ko pa ring mga kaibigan sa elementarya ang mga kaibigan ko, at gustung-gusto ko ang seminary.
“Nilakasan ni Kevin nang todo ang pagkanta ng mga awitin at sinabi kay Brother Howell na darating siya araw-araw kung mangangako itong bibigyan siya ng F sa kanyang report card. (Sa tingin ng kanyang mga kaibigan ay hindi masaya ang seminary.)
“Nagpasiya akong sumamang maglakad kay Kevin papunta at pauwi mula sa seminary araw-araw. Sa tapat lang ng parking lot. Parang madali lang. Palagi siyang mag-isang naglalakad. Pagdating na pagdating namin sa gusali ng paaralan, naghihiwalay na kami.
“Hindi nagtagal ay nalaman ko na walang gaanong kaibigan si Kevin. Sa katunayan, nang sumunod na ilang buwan ay nalaman ko na dalawa lang ang kaibigan niya. Kasama niya silang mananghalian, at maglakad sa mga pasilyo. At magkakasama silang lumiliban sa klase. Pero hindi sa seminary.
“Isang araw, lumapit sa akin si Kevin at ang dalawa niyang kaibigan sa locker ko. Sinabi sa akin ni Kevin na kasali siya sa scavenger hunt at kailangan niya ang isa sa mga sapatos ko. Sandals ang suot ko noon. Labag sa mga tuntunin ang maglakad nang nakapaa sa paaralan. Pero hindi talaga masunurin si Kevin sa mga tuntunin. Pinagtalunan namin iyon sandali at pagkatapos ay yumuko ako para hubarin ang sandal ko. Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya na kailangan niyang ibalik sa akin iyon pagkatapos ng ikalawang period, anuman ang mangyari.
“Hinding-hindi ko malilimutan ang sumunod na nangyari. Mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas, at naaalala ko pa rin iyon na parang kahapon lang iyon nangyari.
“‘OK lang,’ sabi niya, ‘hindi ko talaga kailangan ang sapatos mo.’ Pagkatapos ay pumihit siya sa dalawang kaibigang iyon at sinabi ang mga salitang hinding-hindi ko malilimutan: ‘Sabi ko sa inyo, may isang tao sa paaralang ito na naniniwala sa akin, e.’
“Sino ang taong kailangang paniwalaan mo ngayon?
“Sino ang nangangailangan ng dagdag na kaibigan?
“Sino ang puwede ninyong samahang maglakad sa parking lot?
“Kung minsan, ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ni Cristo ay samahang mananghalian ang isang taong nangangailangan ng kaibigan, tumigil para kausapin ang isang baguhan, makipagkita sa isang tao kung saan siya naroon, at mahalin siya.
“Maging isang taong gumagawa ng kaibhan.
“Kailangan kayo ng Panginoon.
“At kung sakaling kailangan ninyo ang paalalang ito ngayon, naniniwala ako sa inyo.”
Pangulong Emily Belle Freeman, Facebook, Ago. 22, 2023, facebook.com/youngwomenworldwide.