Digital Lamang
Pagdalo sa Pangkalahatang Kumperensya—Isang Balsamo ng Galaad para sa Aking Nagdurusang Kaluluwa
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
Nang pumanaw ang aking ina, ang kabaitan, musika, at karunungang naranasan ko habang nakikinig sa pangkalahatang kumperensya ay naging pagpapala sa akin.
Isang linggo’t kalahati bago ang sesyon sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019, kinailangan naming ilibing ng aking pamilya at mga kaibigan ang mahal kong inang si Eudie (YOU-dee) Charnes. Nagdurusa, nagdadalamhati, at hungkag na hungkag noon ang puso ko. Ang ganda ni Eudie, ang maganda noon na si Eudie, na talagang nakalulungkot, ay naglaho na. Wala na siya para yakapin, hagkan, o pangalagaan ko—basbasan, kantahan, iyakan, o makasama ko sa pagdarasal. Ang buhay at ang liwanag na nagbigay sa akin ng buhay ay namatay na, ang kanyang pagiging pinagpala ay wala na ngayon at nasa kabilang-buhay na. At namatay ring kasabay niya ang isang bahagi ko, isang bahagi sa aking kalooban, na iniwan na ako magpakailanman. Maganda ang kanyang pagkamatay, yakap ng pananampalataya, na iniingatan sa mapagmahal na bisig ng kanyang pinakamamahal na pamilya: ang asawa kong si Sarah; ang anak naming babaeng si Yael; at ako, na kanyang bagong inulilang anak.
Magkakasama kaming lahat, subalit lubos na nag-iisa—bawat isa sa aming indibiduwal na kawalan, pero nabibigkis sa pinagsasaluhan naming kawalan. At ang marupok na pagsasama-sama naming iyon ay natulungan, at paminsan-minsan nga ay pinatibay pa, ng kabaitan at presensya ng dalawang buhay na yaman ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw: si Brother Mike Law at ang kanyang walang-hanggang selestiyal na asawa na si Sister Debbie Law, ng Colorado, USA. Ang kanilang abang puso ay umaapaw sa pagmamahal na mailalarawan lamang na binigyang-inspirasyon ng langit, at walang hanggan ang pasasalamat namin sa liwanag ng kanilang presensya sa pagharap namin sa kawalang-pag-asa at lungkot ng kamatayan.
Sa panahong ito, na dalawang araw lamang matapos ilibing ang aking ina, ang desperado kong pagsamo para sa pinagpala ay nasagot—nasagot sa simpleng tawag sa telepono at alok mula sa aking mahal na kaibigang si Brother Mike Law. Tinatanong niyang muli kung kailangan namin ng tulong, tulad ng dati, kinukumusta ako, na nahihirapan sa mahaba at malungkot na paglalakbay sa buhay na ito.
Habang nag-uusap kami, napansin ko na medyo nag-aalangan ang tono ng boses ni Mike nang itanong niya ito sa akin: “Joe, alam ko na malamang na hindi ang isasagot mo, pero gusto mo bang dumalo sa pangkalahatang kumperensya, kung makakuha ako ng mga tiket?” Ang sagot ko ay simple, agaran, tuwiran, at madalian: “Mike, talagang wala na akong ibang mas gustong puntahan.”
Iyon ang sinabi ko, mga kaibigan; iyon ang sinabi ko—mga salitang sinambit niya nang buong katapatan. Ang alam ko lang ay magiging sagradong sandali ang pangkalahatang kumperensya para sa inspiradong pasasalamat sa puso ko. Alam ko ang bukas-palad na mga bisig ng bawat Banal sa mga Huling Araw—ang inspiradong puso ay walang-pasubaling iuunat at nakaunat nang may pagmamahal—na laging nakaunat ang mga bisig ng kanilang pusong mapagmahal.
Sa pangkalahatang kumperensya, taos-puso ang ngiti ng mga tao. Nagsasabi sila ng hello mula sa puso, at nagniningning mula sa puso. May di-masambit na wika ng presensya ng puso. Ang sinasambit ng kanilang presensya ay hello. Ang pagdalo nila roon ay pagbati na ng hello. Sa pagpunta lang doon ay yakap ka na.
Iyon ang balsamong kailangan ng kaluluwa kong nasasaktan—ang nagpapanatag ng puso na balsamong iyon ng kabaitan sa pangkalahatang kumperensya. Iyon ang dahilan kaya talagang magiging nagpapagaling na balsamo ng Galaad ang pangkalahatang kumperensya para sa kaluluwa kong nangangailangan.
At ito ay pangkalahatang katotohanan ng inyong malaking pananampalataya. Ang matalino, mapagmahal, mapag-arugang kabaitan ang awit ng paglilingkod ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw; ito ang sagisag na tanda at pamana ng inyong pananampalataya. Kung totoo ang kasabihan na “ang pinakamataas na anyo ng karunungan ay kabaitan,” ang pangkalahatang kumperensya ay tunay na isang lugar ng pagtitipon para sa ilan sa pinakamatatalinong tao sa planeta.
Kayo ay “isang liwanag sa mga bansa,” at liwanag sa puso ko. Pagpalain ka, Mike, sa pagsunod sa mga pahiwatig ng puso mo. Ang katapatan mo sa pagtulong na manumbalik ang kapayapaan sa aking kalooban ang dahilan kaya kumakanta ang koro sa langit ng, “Magaling, mabuti at tapat na alipin” (Mateo 25:23).
Nagpatuloy ang kaluwalhatian ng pangkalahatang kumperensya sa karunungang nasa himnaryo. At binibigyang-diin ko ang karunungang nasa himnaryo, hindi lamang ang kagandahan ng himnaryo. Lahat ng sagradong himno ay gawa ng mga makata at maringal na himig na nagpapasaya sa ating kaluluwa, sa loob at sa pamamagitan ng awitin. Ngunit ang mga himno ay malalalim ding pagmumuni-muni, na dapat ay laging pagnilayan at taos-pusong ipagdasal. Ang mga titik doon ay nilayon upang gabayan ang ating buhay, upang para sa atin ay maging halimbawa ng karunungan, na sagrado at Banal. Mula sa kaluwalhatian ng karunungang nasa himnaryo, sumusulong tayo tungo sa kaluwalhatian ng karunungan mismo, dahil ang mga Banal at ang mga pantas ay humaharap na ngayon sa lahat upang bigyang liwanag ang ating buhay nang may tunay na taos na panawagan. Sa mailalarawan lamang bilang serye ng napakalaking handog na karunungan, ang kalalakihan at kababaihang may matalino at banal na puso ay nagkakaloob sa sangkatauhan ng napakagandang tanawin ng sagrado, nag-aalok at naglalantad sa sansinukob ng tunay na liwanag.
Sa mas mahabang artikulo na, “General Reflections: A Rabbi’s Meditation on General Conference,” naibahagi ko ang ilan sa mga mensaheng tumatak sa akin, na sinundan ng sarili kong mga komentaryo tungkol sa mga banal na highlight na iyon.
Iniiwan ko sa inyo ngayon, mga kaibigan, ang isang huling handog ng kaluwalhatian. Kasama rito ang isang banal na sister at estudyante ng Brigham Young sa University (BYU) na nagpala sa akin sa mga salita ng pasasalamat mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Madalas kong ulitin at pagnilayan ang kanyang sinabi.
Sa maluwalhating Lunes kasunod ng pangkalahatang kumperensya, nagkaroon ako ng pribilehiyong bisitahin ang klase ni Professor David Seely tungkol sa sinaunang Israel sa BYU–Provo. Pagkatapos ng pambungad na panalangin para mabuksan ang aming puso sa makalangit na paraan, kapwa sa itaas at sa loob, sinimulan namin ang klase sa pagbabahagi ng aming mga ideya tungkol sa pangkalahatang kumperensya at sa nangangalagang kaloob nito. Matapos ibahagi ang ilan sa mga personal kong pagbubulay-bulay sa naranasan na mga banal na sandali, sumagot ang aming sister na Banal sa mga Huling Araw ng, “Salamat sa pagpapaalala ninyo sa akin tungkol sa kagandahan ng aking pananampalataya.” Hanggang sa araw na ito, naaalala ko pa rin ang sinabi niya.
Sa iyo, mahal na sister, na hindi ko alam ang pangalan, at sa buong komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw, hayaan ninyong magpasalamat din ako sa inyo. Salamat sa kagandahan ng inyong pananampalataya. Salamat sa pagpapaalala sa akin ng kagandahan ng pananampalataya. Salamat sa pagpapaalala at pagbibigay-inspirasyon sa akin na ipamuhay at ipahayag nang mas maganda ang sarili kong pananampalataya. Salamat sa pagpapaalala sa akin ng magandang potensyal na maaaring marating at kahantungan ng pananampalataya. Ang inyong pananampalataya ay tunay na “liwanag sa mga bansa” at nagniningning na bituin sa puso ko.
Ang inyong landas ay landas ng himig, at landas ng kaaya-ayang biyaya. Ito ay isang himig na naghihikayat sa matatapat na alagad nito na mamuhay nang may paglilingkod, may pagmamahal sa paglilingkod, sa mapagmahal na paglilingkod sa lahat. Iyan ang inyong kaloob, iyan ang inyong pagpapala, at iyan ang inyong kaluwalhatian bilang mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang pangkalahatang kumperensya ay Pangkalahatang Kaluwalhatian. Binabasbasan ko kayo sa lahat ng inyong ginagawa, kapag kayo ay “Humayo nang may Pananampalataya.” “Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita.”
Shalom.