Liahona
Inaabala Ka ba ng Social Media mula sa Kung Ano ang Pinakamahalaga?
Hunyo 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Inaabala Ka ba ng Social Media mula sa Kung Ano ang Pinakamahalaga?

Ang pagkatutong gumamit ng social media nang mas matalino ay nakatulong sa akin na mas magtuon kay Jesucristo.

mga young adult na abala sa kanilang mga cell phone

Kung minsan palagay ko medyo naaabala ako.

Dito sa Peru, may mga bahagi ng aming kultura na maaaring makaabala sa amin sa pagsunod sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Halimbawa, maraming Peruvian ang madalas na abala sa pagsasalu-salo at inuman—mas mahirap makisalamuha kung hindi ka makikisama.

Gayon man, ang pinakamalaking abala para sa akin ay ang social media.

Ang Pakikibaka sa Social Media

Ang teknolohiya ay isang napakagandang kasangkapan para sa komunikasyon at pagkatuto. Pero para sa ilan sa atin, maaaring makahumaling ito. Maaari tayong gumugol ng ilang oras sa pag-aayos ng ating mga social media profile, panonood ng mga video, at pagkomento sa mga post.

Kahit madaling magbabad online sa panahong ito, itinuro ni Sister Rebecca L. Craven, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Kailangang magsikap para manatiling nakatuon sa kung ano ang tunay na kailangan para sa walang-hanggang kagalakan. … Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na mapanalanging pag-isipan ang mga bagay na gumagambala sa atin sa paggawa ng bagay na pinakamahalaga.”1

At totoo iyon! Kung minsa’y bumabaling ako sa social media para mawala sa isip ko ang isang bagay na mahirap o para maghanap ng katibayan mula sa mga video at komentaryo.

Kapag nangyari ito, kailangan kong umatras sandali at itanong sa sarili ko, “Nakatuon ba ako sa mga espirituwal na bagay na tulad ng pagtutuon ko sa social media?”

Binalaan tayo ni Bishop W. Christopher Waddell, Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric, tungkol sa pagkakaroon ng mga diyus-diyusan, tulad ng social media, na naglalayo sa atin sa Panginoon. Ipinaalala niya sa atin na ang ating bayani “ay si Jesucristo, at anumang bagay o sinuman na naglalayo sa atin mula sa Kanyang mga turo … ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating pag-unlad sa landas ng tipan.”2

Ano ang maaari nating gawin para matiyak na nakatuon tayo sa bagay na pinakamahalaga?

Pag-una sa Kung Ano ang Pinakamahalaga

Hindi naman masama ang social media. Oo, maaari itong pagmulan ng pagiging negatibo at pagtatalo. Pero nagkaroon ako ng ilang kahanga-hangang kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng aking mga social media platform. Magandang kasangkapan din ito sa pagbabahagi at pagtanggap ng mga mensahe ng ebanghelyo, paghahanap ng mga bagong resipi, o pagkakaroon ng mga malikhaing ideya sa paggawa ng craft.

Pero mahalagang isaisip kung ano ang dapat nating unahin. Sa pagtukoy sa social media at iba pang mga paggamit ng ating oras, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Pero hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”3

Tulad lamang ng dapat nating pakainin ang ating sarili ng balanseng pagkain bago kumain ng panghimagas, dapat din nating pakainin ang ating sarili sa espirituwal bago gumugol ng oras sa social media.

Tulad ng ipinayo sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Alalahanin kung ano ang pinakamahalaga”: ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, sa ating pamilya, sa ating kapwa, at ang kahandaan nating sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu at magbalik-loob sa Panginoon.4

Ang Bisa ng Panalangin

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na maaari tayong makipag-usap sa Ama sa Langit tungkol sa anumang bagay at na lagi Niya tayong gagabayan sa tamang direksyon: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan” (Alma 37:37).

Kapag may mga pagsubok akong titiisin o desisyong gagawin, bumabaling ako sa Kanya. At dahil ang isa sa mga pinakamalaking pakikibaka ko ay kung gaano kalaking bahagi ng buhay ko ang inilalaan ko sa social media, Siya rin ang perpektong mahihingan ng tulong para diyan.

Gusto man natin o hindi, malaking bahagi ng ating buhay ang social media, kaya maaaring hindi makatotohanan ang lubusang pagtigil dito. Pero makokontrol natin kung paano natin ito ginagamit—ang ating tinatanggap at ibinabahagi sa mundo.

Itanong sa Ama sa Langit kung anong mga patnubay ang dapat mong sundin para matulungan kang mas magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga. Nang gawin ko ito, tinulungan Niya akong malaman kung anong klaseng mga bagay ang dapat kong itanong sa sarili ko bago ako mag-post para matiyak na ginagawa kong isang espirituwal na lugar ang social media para sa akin.

Palalakasin din Niya kayo sa pagsisimula ninyong bumuo ng mas mabubuting gawi. Humingi ng tulong sa panalangin, at ibibigay Niya iyon sa inyo. Dahil kapag inuutusan tayo ng Panginoon na gawin ang isang bagay, tutulungan Niya tayong magawa iyon (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Tutulungan Niya tayong madaig ang mga paghihirap at patuloy na sumulong.

Pagkakaroon ng Mas Mabubuting Gawi

Paunti-unti, gumagawa ako ng mga pagbabago sa buhay ko. Karaniwa’y ako iyong tao na gumigising sa umaga at agad na kinukuha ang cell phone ko. Pero nitong huli ay sinisikap ko nang unahin ang Panginoon. Tinitiyak kong magdasal, magbasa ng aking mga banal na kasulatan, at mag-ukol ng oras sa piling ng aking pamilya bago ko gamitin ang cell phone ko.

Kung nahihirapan ka sa pang-aabala ng social media, isiping magtakda ng mga mithiin para makontrol ang iyong oras. Lagyan ng limitasyon ang paggamit mo ng social media at sundin ang mga limitasyong iyon. Gumawa ng mga mithiin na kumpletuhin muna ang iba pang mga gawain. Halimbawa, magpasiya na kailangan kang magbasa ng isang kabanata ng Aklat ni Mormon o maglinis ng kuwarto mo o tumakbo bago mo hawakan ang cell phone mo. Laging isulat ang iyong partikular na mga mithiin at subaybayan ang iyong progreso.

Kapag totoong pinipili nating gumamit ng social media, dapat nating sikaping ibahagi at tingnan lamang ang mga bagay na maaaring magpasigla. Iminumungkahi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na maging totoo tayo at gumamit ng social media para maging mga halimbawa ni Cristo.5

Sa pamamagitan ng social media, mapagliliwanag ninyo ang liwanag ni Cristo sa buhay ng iba sa nakalilitong mundong ito. Maging matulungin at maingat, at gamitin ito sa kabutihan, hindi sa kasamaan.

At sa tuwina, laging piliin kung ano ang pinakamahalaga—ang inyong kaugnayan sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa inyong pamilya—muna.