Liahona
Ang Itinuro sa Akin ng Isang Tinapay Tungkol sa Ministering
Hunyo 2024


“Ang Itinuro sa Akin ng Isang Tinapay tungkol sa Ministering,” Liahona, Hunyo 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Itinuro sa Akin ng Isang Tinapay Tungkol sa Ministering

Ano ang maaari kong ipakain sa anak ko ngayong gabi na puwede sa diet niya?

larawang isasama sa artikulo tungkol sa ministering

Magaling magluto ang kaibigan kong si Wendy. Mula nang lumipat siya sa kalyeng kinaroroonan ng aming pamilya, palagi na niya kaming dinadalhan ng pagkain. Palagi siyang may dahilan: “Hindi na ito kasya sa ref ko,” o “Napakarami ng naluto ko!” Anuman ang sabihin niya kapag naghahatid siya ng pagkain, ang lagi kong naririnig ay, “Mahal kita.”

Nadama ko ang pagmamahal niya sa aming pamilya lalo na pagkaraan ng isang napakahirap na araw. Nasuri ang isa sa mga anak ko kamakailan na mayroon siyang eating disorder, at lahat ng tungkol sa pagkain ay naging kumplikado at nakakabahala sa bahay namin.

Isang gabi, kinausap namin ng anak ko ang kanyang therapy team. Sa pag-uusap na ito, binigyan siya ng isang meal plan, at naging tungkulin kong gumawa at magplano ng tatlong putahe at tatlong meryenda para sa kanya araw-araw. Ang mga putahe at meryendang ito ay kinailangang tumugon sa ilang tuntunin sa diet na tutulong na maibalik ang kanyang timbang.

Para sa akin, napakahirap ng gawaing ito. Hindi ako gaanong magaling magluto, kaya ang pagtanggap ng gayong partikular na mga tuntunin at pag-iisip na subukang ipakain sa aking nag-aatubiling anak ang napakaraming pagkain ay halos magpaluha sa akin. Habang pauwi kami, malungkot na nakapirmi ang isip ko sa iisang ideya: “Wala akong anumang pagkain na tama para sa meryenda niya ngayong gabi.”

Pagdating namin sa bahay, naglakad ako papunta sa pintuan at may naamoy ako kaagad na masarap. Doon, sa mesa sa kusina, nakapatong ang isang banana bread loaf na inihatid ni Wendy habang wala kami. Mayroon iyong grain, prutas, at taba—tamang-tama para sa meryenda sa gabi na kinailangan namin! Ang mas maganda, kusa itong kinain ng anak ko.

Nang tawagan ko si Wendy kalaunan para pasalamatan siya sa tinapay, hindi ko ikinuwento ang nangyari. Malamang na nagtaka siya kung bakit medyo naging emosyonal ako sa bigay niya. Hindi alam ni Wendy na nahihirapan kami. “Sumobra” lang ang nagawa niyang banana bread at ayaw niyang masira iyon.

Makalipas ang ilang buwan, habang nakikinig ako sa isang podcast tungkol sa pagiging mga taong tumutupad sa tipan, inisip ko kung ano talaga ang kahulugan ng pagiging isang taong tumutupad sa tipan. Pagkatapos ay pumasok sa isip ko ang regalong banana bread ni Wendy.

Nang sundin ni Wendy ang bulong ng puso niya at dalhan kami ng tinapay noong araw na iyon, nakidalamhati siya sa mga nagdadalamhati at inaliw niya ang mga nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:9), kahit hindi niya alam ang buong kuwento. At nakagawa iyon ng malaking kaibhan.