Liahona
Talaga bang May Kaibhan ang Pagtayo sa mga Banal na Lugar?
Hunyo 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Talaga bang May Kaibhan ang Pagtayo sa mga Banal na Lugar?

Ang pagtayo sa hindi banal na lugar ay hindi magiging problema kung wala akong ginawang anumang hindi banal … ‘di ba?

Larawan
isang dalagitang nakatayo at nakangiti

Noong tinedyer ako, ipinakilala kaming buong pamilya ng mga kapitbahay ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa huli ay nabinyagan ako, pagkatapos ay sumapi ang ilan sa mga kapatid ko, at kalauna’y sumapi rin ang mga magulang ko. Kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa aming lugar sa India, kaya magandang magkaroon ng gayon katibay na pundasyon ng suporta mula sa mga mahal sa buhay sa tahanan. Pinadali nila ang pananatiling malakas ng aking pananampalataya.

Pero pag-uwi ko mula sa misyon, nakakita ako ng trabaho at napalayo sa pamilya ko. Tumira ako sa isang apartment sa ibang estado, na may kasamang mga roommate na ibang-iba ang mga pamantayan kaysa sa akin.

Ibang-iba rin ang klase ng pamumuhay ng mga katrabaho ko kaysa sa akin. Nagsasama-sama sila tuwing Sabado para mag-inuman at magsalu-salo, at niyaya nila akong sumama. Dahil ayaw kong mapunta sa ganoong kapaligiran, lagi kong tinatanggihan ang mga pag-iimbita nila.

Pero, kada katapusan ng linggo, kapag nakaupo akong mag-isa sa tirahan ko at nagigising ako bawat Linggo para magsimbang mag-isa, nagsisimulang manghina ang loob ko.

Nalulungkot

Bagama’t tumanggi ako sa mga naunang imbitasyong sumama sa mga katrabaho ko, nainggit ako—parang ang saya-saya nila. Napansin ko na ang pagkakaibigang nabuo nila sa paglabas-labas nila ay tila nakatulong sa kanila na sumulong sa kanilang propesyon.

Naramdaman ko lang na parang ako ang tahimik at nakababagot na katrabaho na walang nakakakilala.

Isang araw ng Sabado nagsawa na akong malungkot. Kaya nagpasiya akong sumama sa kanila nang magyaya sila. Pinangatwiranan ko ang desisyon sa pagpapasiya muna na hindi ako titikim ng kahit anong alak.

Sinabi ko sa sarili ko, “Kahit hindi banal ang lugar na kinaroroonan ko, hindi makakasama ang magpunta roon kung wala naman akong ginagawang hindi banal, ‘di ba?”

Napapalayo sa Diyos

Nang magsimula akong sumama sa mga katrabaho kong ito, unti-unti akong nagsimulang magbago. Gabing-gabi na akong umuuwi tuwing Sabado ng gabi, kaya nakakatulog ako sa simbahan tuwing Linggo.

Kahit hindi ako umiinom ng alak, hindi ako nakatayo sa mga banal na lugar. Sa pisikal, wala ako sa simbahan. Sa espirituwal, hindi ako nag-isip tungkol sa ebanghelyo o naglaan ng oras para sa Ama sa Langit. Ipinagpalit ko ang aking meetinghouse para sa mga salu-salo. Hindi ako nag-iwan ng puwang para sa Espiritu sa buhay ko.

Isang araw, nagising ako at natanto ko kung gaano ko hinayaan na mapalayo ako sa Ama sa Langit. Pakiramdam ko sa wakas ay naunawaan ko ang katagang “kalungkutang naaayon sa Diyos” (2 Corinto 7:10). Puno ng dalamhati ang aking puso’t isipan.

“Ano ang ginagawa ko?” naisip ko. “Hindi ako ito.”

Sa kabila ng paglabas-labas tuwing Sabado, hindi ako masaya.

Nabatid ko na kailangan kong bumalik sa tamang landas sa aking pananampalataya. Kinailangan kong magsisi.

Pagpiling Tumayo sa mga Banal na Lugar

Dati-rati ay iniisip ko na ang pagsisisi ay isang masakit at mahirap na proseso, puno ng pagkabagabag ng budhi at kahihiyan. Pero dahil sa karanasang ito, natutuhan ko na ang pagsisisi ang proseso ng pagtutulot kay Jesucristo na baguhin ang ating likas na pagkatao at tulungan tayong maging “mga bagong nilikha” (Mosias 27:26).

Sa huli, ang ideya tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang nakatulong sa akin na maalala kung sino ako talaga, ang mga pasiyang gusto kong gawin, at ang mga kapaligirang nais kong puntahan.

Nagsimula akong manalangin sa unang pagkakataon sa loob ng ilang buwan. Tumigil ako sa pagsama sa mga katrabaho ko. Nagbalik ako sa simbahan. Binuklat ko nang mas madalas ang aking Aklat ni Mormon.

Nang bumalik ako sa palagian kong espirituwal na mga gawi, nakadama ako ng kapayapaan at panibagong kapanatagan. Nagkaroon ako ng patotoo na kapag humingi ng puwang ang Diyos sa buhay ko at ibinigay ko iyon sa Kanya, pagpapalain Niya ako. Maaari kong piliing tumayo sa mga banal na lugar, at kung matatagpuan ko ang sarili ko kung minsan sa isang kapaligiran na mahirap madama ang Espiritu, maaari akong kumapit nang mahigpit sa aking mga pamantayan at pananampalataya at umasa na poprotektahan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa 2 Mga Hari 6:15–16).

Si Jesucristo ang Sagot

Ipinakita sa akin ng karanasang ito na lubhang napakalakas at kaakit-akit ng hatak ng mundo, at madali tayong matatangay nito kung hindi tayo nagbibigay ng puwang para sa Espiritu sa ating buhay.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang tunay na hangarin natin sa buhay ay maghandang humarap sa ating Lumikha. Ginagawa natin ito sa araw-araw na pagsisikap na maging katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo [tingnan sa 3 Nephi 27:27]. At ginagawa natin iyan kapag nagsisisi tayo araw-araw at tumatanggap ng Kanyang kapangyarihang maglinis, magpagaling, at magpalakas. Sa gayo’y madarama natin ang walang-maliw na kapayapaan at galak, maging sa maligalig na mga panahon. Ito mismo ang dahilan kaya tayo hinihikayat ng Panginoon na tumayo sa mga banal na lugar at ‘huwag matinag’ [Doktrina at mga Tipan 87:8].”

Dati-rati, labis akong nag-aalala tungkol sa aking propesyon at kalungkutan. Pero matapos mapalayo sa ebanghelyo, natanto ko na kung susundin ko si Jesucristo, patuloy Siyang maghahanda ng paraan para sa akin sa pisikal, pakikisalamuha, espirituwal, at pinansyal. Habang bumubuti ang kaugnayan ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, nakahanap ako ng mga bagong paraan para makisalamuha sa iba nang hindi inilalagay ang sarili ko sa mga espirituwal na panganib.

Alam ko na nagbigay ng solusyon ang Ama sa Langit para sa akin kay Jesucristo at na ang buhay ko ay mapupuspos ng mga pagpapala kapag patuloy akong sumusunod sa Kanya. Lubos akong nagpapasalamat sa isang Tagapagligtas na handang magdusa para sa akin upang mapili kong sundin Siyang muli.

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard na “Ang ugnayan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ang pinakamahalaga. Ang ugnayang ito ang pinakamahalaga ngayon at sa kawalang-hanggan.” Alam ko na kung patitibayin ninyo ang inyong ugnayan sa Kanila at magbibigay-puwang para sa Kanila sa inyong buhay, madarama ninyo ang higit na kapayapaan at makakamtan ang mga pagpapala ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Print