“Biyaya,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Biyaya
Ang kaloob ng Diyos na pagmamahal, awa, at tulong
Ang Diyos ay nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo at sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Siya ay maawaing nagkakaloob sa atin ng tulong at suporta, na tinutukoy sa mga banal na kasulatan na “biyaya.” Ang biyaya ng Diyos ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Lahat tayo ay nagkukulang sa ating mga pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos, kaya hindi tayo nagiging karapat-dapat o nagtatamo ng kaloob na biyaya. Sa halip, ang biyaya ay ibinibigay nang libre ng Ama sa Langit, kaya posibleng makatanggap tayo ng saganang pagpapala. Kapag nagsisikap kang palakasin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo, makikita mo ang napakaraming halimbawa ng Kanyang biyaya at kabutihang-loob sa iyong buhay.
Bahagi 1
Hanapin ang Biyaya ng Diyos sa Iyong Buhay at Madarama Mo ang Kanyang Saganang Pagmamahal
Kapag naniniwala ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, makikita mo kung gaano karami ang nagawa Nila para sa iyo, dahil lamang sa mahal ka Nila. Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala mula sa Diyos, kinikilala man natin o hindi ang banal na pinagmumulan nito. Ang iba pang mga pagpapala ay nakalaan para sa mga nagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Ama sa Langit, nagsisisi ng mga kasalanan, at mapagpakumbabang bumabaling sa Kanya sa taimtim na panalangin na humihingi ng kailangan nila. Subalit walang sinuman sa atin ang nararapat sa tulong at patnubay ng Diyos (tingnan sa Roma 3:23–24; Mosias 2:20–21). Lahat ng banal na pagpapala ay ibinibigay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
Ang pag-unawa sa banal na biyaya ay makapagbibigay sa iyo ng tiwala na hingin ang tulong ng Diyos araw-araw dahil Siya ay maawain at handang gumamit ng banal na kapangyarihan para sa iyo (tingnan sa Mga Hebreo 4:14–16; Moroni 8:3). Ang mortal na buhay ni Jesucristo ay isang halimbawa ng espirituwal na pag-unlad at pagtanggap ng kaganapan ng mga pagpapala sa pamamagitan ng biyaya ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:12–13). Inaanyayahan kayo ni Jesucristo na lumapit sa Kanya at sa Diyos Ama at tanggapin ang Kanilang biyaya upang kayo ay lubos na mapagpala at maluwalhati tulad Nila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:19–20).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ipinahayag ni Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa biyaya [ng Panginoon]” (2 Nephi 11:5). Ano ang kahulugan sa iyo ng biyaya ng Diyos? Sa iyong palagay, bakit ginamit ni Nephi ang salitang nalulugod upang ilarawan ang kanyang nadarama tungkol sa biyaya ng Diyos?
-
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Ang [isang] bahagi ng biyaya ng Diyos ay ang pagbubukas ng mga dungawan sa langit, na pinagbubuhusan ng Diyos ng mga pagpapala ng kapangyarihan at lakas, na nagbibigay-kakayahan sa atin na makamtan ang mga bagay na hindi natin kayang makamit.”1 Anong mga hakbang ang maaari mong gawin para matanggap ang mga pagpapala ng banal na kapangyarihan at lakas na handang ibahagi sa iyo ng Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Anyayahan ang mga miyembro ng iyong grupo na basahin ang Eter 12:27. Talakayin ang mga halimbawa ng kahinaan na karaniwang nararanasan ng mga anak ng Diyos. Pag-usapan ang pagbabago na maaaring dumating sa isang tao sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Anyayahan ang mga kagrupo na alalahanin ang mga pagkakataon na nadama nila ang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Anyayahan sila na magbahagi ng mga karanasan kung naaangkop.
Alamin ang iba pa
-
1 Corinto 2:9; 2 Corinto 12:9–10; Eter 12:41; Moroni 10:32–33
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107–10.
-
Brad Wilcox, “Ang Kanyang Biyaya ay Sapat,” Liahona, Set. 2013, 35–37.
-
“His Grace: Change Is Possible through Christ” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Bahagi 2
Naligtas Ka sa pamamagitan ng Biyaya ni Jesucristo
Ipinaliwanag ng propetang si Lehi na, “walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). Ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kabilang na ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil sa sakripisyong iyon, na inihandog sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, iniligtas Niya tayo mula sa permanenteng pagkakahawak ng kamatayan at nagbukas ng daan para makapagsisi ang bawat isa sa atin ng ating mga kasalanan at mapatawad.
Hindi pipilitin ng Diyos ang sinuman na tanggapin ang Kanyang biyaya at makabalik sa Kanyang piling. Samakatwid, iniuutos Niya sa atin na “makipagkasundo [tayo] sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman; … dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na [tayo] ay maliligtas” (2 Nephi 10:24). Bilang mga mapagpakumbabang tagasunod, lumalapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan. Sa paggawa nito, ipinapakita natin ang ating hangaring gawin ang lahat ng ating makakaya habang kinikilala na ang Kanyang biyaya ang nagliligtas sa atin (tingnan sa 2 Nephi 25:23).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang 2 Nephi 25:23 at pag-isipan ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Hindi tayo naliligtas ‘dahil’ sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? …
“Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala. Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid ‘na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos’ [2 Nephi 25:23].
“Kunsabagay, iyan ang ating magagawa! At iyan ang ating gawain sa mortalidad!”2
Bakit mahalagang maunawaan ang biyaya bilang isang kaloob sa halip na isang bagay na dapat pagsikapan?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang mensahe ni Pangulong Elder Dieter F. Uchtdorf tungkol sa biyaya sa video na “Saved by Grace” (1:41). Sama-samang pag-usapan ang kahalagahan ng personal na pananagutan sa plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. Bakit kailangan nating magsisi kung maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos?
Alamin ang iba pa
-
Dallin H. Oaks, “Have You Been Saved?,” Ensign, Mayo 1998, 55–57
Bahagi 3
Binibigyan Ka ng Biyaya ng Lakas na Mahalin at Paglingkuran ang Diyos at ang Iba
Nakasaad sa Bible Dictionary, “Ito ay … sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon na ang mga indibiduwal, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay tumatanggap ng lakas at tulong na gumawa ng mabuti na kung hindi ay hindi nila mapapanatili kung sa sariling paraan lang nila” (“Grace”).
Bilang tagasunod ni Jesucristo, makatatanggap ka ng banal na tulong na maglingkod sa Diyos at sa iba tulad ni Apostol Pablo, na nagsabing, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Kapag tinawag tayong maglingkod sa kaharian ng Diyos, ginagawa Niya tayong karapat-dapat sa pamamagitan ng pagbibigay ng biyaya upang maisakatuparan ang Kanyang gawain (tingnan sa Alma 26:11–13). Ang kaloob na biyaya ay nagbibigay rin sa mga tao ng karagdagang lakas na harapin ang mga hamon ng buhay (tingnan sa Mosias 24:14–15; Alma 31:30–35, 38).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin na kunwari ay binabali mo ang isang maliit na sanga mula sa isang puno o palumpong. Isipin kung ano ang mangyayari sa sanga matapos mahiwalay sa pinagmumulan nito. Basahin ang Juan 15:1–11. Ano ang nais ni Jesus na maunawaan ng Kanyang mga disipulo tungkol sa kapangyarihang ibinibigay Niya sa mga anak ng Diyos? Paano makatutulong sa iyo ang alituntuning ito na mas maunawaan kung paano ka mapapalakas ng biyaya sa pagsisikap mong maglingkod sa iba?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang video na “The Atonement Enables Us” (2:18). Sama-samang pag-usapan ang epekto ng biyaya ng Diyos sa ating mga pagsisikap na gumawa ng mabuti. Bakit mahalagang manalangin para sa biyaya ng Panginoon kapag nagsisikap tayong maglingkod at magminister sa iba?
Alamin ang iba pa
-
David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 40–47.